Seminary
Doctrinal Mastery: 2 Tesalonica 2:1–3


Doctrinal Mastery: 2 Tesalonica 2:1–3

“Ang Pagdating [ni Cristo] … ay Hindi Darating Malibang Maunang Maganap ang Pagtalikod”

Image of man at a desk writing on parchment

Sa nakaraang lesson, nalaman mo na ipinropesiya noong unang panahon na bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magaganap ang isang Pagtalikod [Apostasiya] mula sa Kanyang Simbahan (tingnan sa “2 Tesalonica 2”). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Tesalonica 2:1–3 , maipaliwanag ang doktrina ng Apostasiya, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa tunay na buhay.

Pagtulong sa mga estudyante na talakayin ang mga tanong mula sa pananaw ng pananampalataya. “Marami sa ating mga estudyante ang napagkalooban ng pusong nananalig. Karamihan sa ating mga estudyante ay may mga tanong, hindi mga pag-aalinlangan. Ang paraan ng pagtalakay natin sa Doctrinal Mastery ay dapat magpatibay ng pananampalataya at makatulong sa mga estudyante na masagot nila mismo ang kanilang mga tanong at maihanda sila na tulungan ang iba. Ngunit hindi ito dapat gawin kailanman sa isang paraan na lilikha ng pag-aalinlangan o magpapahina ng pananampalataya” (Chad H Webb, “Doctrinal Mastery” [mensaheng ibinigay sa Seminaries and Institutes of Religion annual training broadcast, Hunyo 14, 2016]).

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang sumusunod na tanong at pumasok na handang ipaliwanag kung paano nila ito sasagutin: “Bakit kinailangang magpakita ang Diyos kay Joseph Smith upang ipanumbalik ang Kanyang Simbahan kung naitatag na ang Kristiyanismo at maraming tao ang naniniwala na sa Biblia?”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “2 Tesalonica 2,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 2 Tesalonica 2:1–3. Kung kailangang ilipat ang lesson na ito sa ibang linggo upang maiakma sa mga iskedyul ng paaralan, tiyaking ilipat din ang kontekstuwal na lesson sa linggo ring iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Ipakita lamang ang reperensyang banal na kasulatan na 2 Tesalonica 2:1–3, at anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong.

Isaulo ang reperensyang banal na kasulatan at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Tesalonica 2:1–3. Ang isang paraan upang magawa ito ay kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad (o isang aktibidad na katulad nito gamit ang Doctrinal Mastery mobile app):

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa, o maaari itong gawin sa pisara bilang isang klase.

Isulat ang 2 Tesalonica 2:1–3: “Ang pagdating [ni Cristo] … ay hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod” sa iyong study journal o sa iyong digital device.

Sabihin ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang malakas o sa iyong isipan nang ilang beses.

Magbura o mag-delete ng isang parirala, tulad ng “maunang maganap ang pagtalikod,” at subukang ulitin ang kumpletong reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan.

Patuloy na magbura o mag-delete ng mga karagdagang parirala hanggang sa maulit mo ang buong reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan nang walang kopya.

Maaaring natatandaan mo na nang pag-aralan mo ang 2 Tesalonica 2 , nalaman mo na ipinropesiya noong unang panahon na bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magkakaroon ng apostasiya mula sa Kanyang Simbahan.

Sa halip na ipasulat sa mga estudyante ang paliwanag tungkol sa Malawakang Apostasiya bilang bahagi ng sumusunod na aktibidad, maaari mo silang pagpartner-partnerin at sabihin sa kanila na magsalitan sa pagpapaliwanag ng Malawakang Apostasiya sa isa’t isa. Kung kailangan ng mga estudyante na mas maunawaan ang doktrina ng Apostasiya at Pagpapanumbalik bago kumpletuhin ang aktibidad na ito, maaari mong rebyuhin nang ilang minuto ang mga materyal mula sa nakaraang lesson.

Sumulat ng paliwanag tungkol sa kung ano ang Malawakang Apostasiya at kung bakit ito nangyari. Magsulat na parang ipinapaliwanag mo ang Apostasiya sa isang bata. Gamitin ang mga katotohanan mula sa 2 Tesalonica 2:1–3 bilang bahagi ng iyong paliwanag, at magsama ng mga ideya kung bakit kailangan ang kumpletong Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo.

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Kung kinakailangan, bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang isang paraan upang magawa ito ay ipakita ang sumusunod na quiz na pagtutugma upang gawin nila ito nang mag-isa o nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Bilang alternatibo, maaaring ibigay ang quiz sa electronic na paraan sa pamamagitan ng online game kung may access ang mga estudyante sa mga device na kayang i-access ito. Ang mga tamang sagot ay (1) c; (2) a; (3) b.

Sa pagpapatuloy mo ng lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong tulungan ang isang tao na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Upang malaman kung gaano kahusay mong naaalala ang mga alituntuning ito, subukang itugma ang mga sumusunod na pahayag sa alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na inilalarawan ng bawat pahayag.

  1. “Ang matatapat na naghahanap ng katotohanan ay dapat mag-ingat sa di-mapagkakatiwalaang sources ng impormasyon.”

  2. “Magtiwala sa Diyos at lumapit muna sa Kanya sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng Kanyang mga turo, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.”

  3. “[Isipin ang mga tanong] sa konteksto ng plano ng kaligtasan at ng mga turo ng Tagapagligtas.”

a. Kumilos nang may pananampalataya.c. Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw. c. Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Kung kinakailangan mong rebyuhin pa ang mga alituntuning ito, basahin ang talata 5–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang paghahanda nila para sa klase habang ginagawa nila ang sumusunod na aktibidad sa pagsasanay para sa pagsasabuhay.

Isipin kunwari na nagte-text ka sa kaibigan mong si Keyshawn, na miyembro ng ibang simbahang Kristiyano. Siya ay lubos na tapat kay Jesucristo at madalas niyang pag-aralan ang Biblia. Sa isang text message niya sa iyo, sinabi ni Keyshawn, “Itinuro ng pastor ko ngayon na naniniwala ang mga miyembro ng simbahan ninyo na kayo lang ang tunay na simbahan at mali ang lahat ng iba pang simbahan. Totoo ba ito? Mas napapalapit ako sa Diyos dahil sa simbahan ko. Paanong hindi ito nagmula sa Diyos?”

  • Bakit maaaring karaniwan para sa mga miyembro ng ibang simbahan na magkaroon ng mga tanong na tulad nito?

  • Paano ka makatutugon kay Keyshawn sa paraang katulad ng kay Cristo?

Sumagot ka sa text ni Keyshawn, at nagpasalamat ka sa kanya para sa kanyang mahalagang tanong. Itinanong mo kung maaari mong ibahagi ang iyong sagot sa kanya kinabukasan, at sumang-ayon siya.

Gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang maghanda ng sagot para kay Keyshawn. Tiyaking gamitin ang lahat ng tatlong alituntunin. Gamitin ang mga sumusunod na tanong at aktibidad upang matulungan kang maihanda ang iyong sagot.

Maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong nang magkakapartner o sa maliliit na grupo bago isulat ang kanilang mga sagot nang mag-isa.

Maaaring makatulong sa mga estudyante na magpasa ng kopya ng kanilang mga sagot para marebyu. Tiyakin na sapat na nauunawaan ng mga estudyante ang doktrina ng Apostasiya at Pagpapanumbalik at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos

Paano mo magagamit ang mga katotohanang itinuro sa 2 Tesalonica 2:1–3 upang matulungan si Keyshawn?

Maghanap ng kahit tatlong karagdagang banal na kasulatan, mensahe, o artikulo na sa palagay mo ay makatutulong sa sitwasyong ito. Maaari mong gamitin ang sumusunod na resources:

  1. Basahin ang mga entry para sa “ Apostasiya ” at “ Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Matatagpuan ang mga entry na ito sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/restoration-of-the-gospel?lang=tgl.

  2. Bisitahin ang entry na “Apostasiya” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/apostasy?lang=tgl).

  3. Sumangguni sa mga banal na kasulatan at mga pahayag mula sa lesson na “2 Tesalonica 2” o mula sa “Lesson 1: Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2018), 33–50.

  • Anong mga scripture passage o iba pang sources ang nakita mo na makatutulong sa iyo na masagot si Keyshawn?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Anong mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang gusto mong ibahagi kay Keyshawn na makatutulong sa kanya na maunawaan na kailangan ang Pagpapanumbalik?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Anong mga partikular na bagay ang maaari mong hikayating gawin ni Keyshawn upang malaman niya para sa kanyang sarili kung bakit kailangan ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo?

  • Anong mga uri ng karanasan ang maaasahan ni Keyshawn kung gagawin niya ang mga ito?

  • Paano magiging pagkilos nang may pananampalataya para sa iyo ang pag-anyaya sa kanya na kumilos?

Ipabahagi sa mga handang estudyante ang kanilang mga sagot, kabilang ang anumang kapaki-pakinabang na scripture passage, mensahe, o artikulong nahanap nila. Kung may oras pa, maaari kang mag-anyaya ng mga boluntaryo na magbahagi kung paano nila natamo ang kanilang patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa simula o huling bahagi ng susunod na lesson, maglaan ng hindi hihigit sa tatlo hanggang limang minuto sa pagrerebyu ng reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa doctrinal mastery passage na ito. Gamitin muli ang aktibidad sa pagsasaulo na ginawa ng mga estudyante kanina sa lesson na ito.