2 Tesalonica 2
Ang Malawakang Apostasiya
Ano kaya ang magiging buhay mo kung wala sa iyo ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo? Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Tesalonica na ang kasamaan ng mga tao ay magiging dahilan ng pagtalikod sa ebanghelyo kalaunan (tingnan sa 2 Tesalonica 2:1–7). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano nangyari ang Apostasiya ng Simbahan sa Bagong Tipan at kung bakit kailangang ipanumbalik ang Simbahan ng Tagapagligtas sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang Malawakang Apostasiya
Ipagpalagay na isa kang missionary at unang araw mo sa iyong misyon. Kailangan mong ituro sa isang tao ang tungkol sa Malawakang Apostasiya.
-
Paano mo ito ipapaliwanag sa kanya?
-
Bakit maaaring mahirap gawin ito?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang Malawakang Apostasiya?
Sa iyong study journal, isulat ang mga tanong mo tungkol sa Malawakang Apostasiya o ang mga tanong na maaaring itanong ng isang investigator. Habang nag-aaral ka, hingin ang tulong ng Ama sa Langit upang mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito.
Ipinropesiya ni Pablo ang pagtalikod sa Simbahan
Maraming alalahanin ang mga Banal sa Tesalonica tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at inakala nilang maaari itong mangyari sa lalong madaling panahon. Sinagot ni Pablo ang kanilang mga alalahanin sa kanyang liham at ipinaliwanag niya na may mangyayari pa bago pumaritong muli si Cristo.
Basahin ang 2 Tesalonica 2:1–3 at alamin ang itinuro ni Pablo na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo.
-
Ano ang itinuro ni Pablo na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo?
Ang “pagtalikod” na ito na inilarawan ni Pablo ay ang Malawakang Apostasiya, na nangyari pagkamatay ng mga Apostol ni Jesucristo. Ang Malawakang Apostasiyang ito ay naiiba sa personal na apostasiya, na nangyayari kapag naghimagsik o tumalikod sa katotohanan ang mga indibiduwal (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/apostasy?lang=tgl).
-
Paano ipinapakita ng mga salita ni Pablo ang pagmamalasakit at pag-aalala ng Diyos sa mga Banal sa Tesalonica?
Ang isa sa mga katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay ipinropesiya noong unang panahon na bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magkakaroon ng apostasiya mula sa Kanyang Simbahan.
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang katotohanang ito?
Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit naganap ang mga panahon ng apostasiya.
Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak, at gusto Niyang makamtan nilang lahat ang pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang mga buhay. Ang espirituwal na liwanag ay hindi naglaho dahil tinalikuran ng Diyos ang Kanyang mga anak. Bagkus, nangyayari ang espirituwal na kadiliman kapag sabay-sabay na tumalikod sa Kanya ang Kanyang mga anak. Ito ay likas na bunga ng mga maling pagpiling ginawa ng mga tao, komunidad, bansa, at ng buong sibilisasyon.
(M. Russell Ballard, “Matuto sa mga Aral ng Nakaraan,” Liahona, Mayo 2009, 32)
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa pahayag na ito? Bakit?
Dahil alam ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay (tingnan sa 2 Nephi 9:20), hindi niya ikinagulat ang Malawakang Apostasiya. Mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak (tingnan sa Juan 3:16), kaya naglaan Siya ng paraan upang madaig ang Malawakang Apostasiyang ito sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 3:19–21 ; Efeso 1:10).
Palalimin ang iyong pag-unawa sa Malawakang Apostasiya
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung paano nangyari ang Malawakang Apostasiya at kung bakit kailangang ipanumbalik ang Simbahan ng Tagapagligtas sa mga huling araw.
Pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage at ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at pagkatapos ay sagutin ang mga tanong sa ibaba.
-
1 Nephi 13:24–28 : Nakita ni Nephi sa pangitain kung ano ang mangyayari sa mahahalagang katotohanan sa Biblia.
-
Amos 8:11–12 : Nagpropesiya si Amos tungkol sa darating na espirituwal na taggutom.
-
Mga Gawa 20:29–30 : Nagbabala si Pablo na malilihis ng landas mula sa ebanghelyo ang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas.
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Dahil ang ating buhay na Diyos ay mapagmahal na Diyos! Nais Niyang makilala ng Kanyang mga anak kung sino Siya at si Jesucristo, na Kanyang sinugo! At gusto Niyang magtamo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang Kanyang mga anak!
“Dahil sa maluwalhating layuning ito, itinuturo ng ating mga missionary ang Panunumbalik. Alam nila na mga 2,000 taon na ang nakalipas, itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Matapos ang Kanyang Pagkapako sa krus at ang kamatayan ng Kanyang mga Apostol, binago ng mga tao ang Simbahan at ang doktrina nito. At, sa paglipas ng maraming henerasyon ng espirituwal na kadiliman, tulad ng ipinropesiya ng mga naunang propeta, ipinanumbalik ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Simbahan, ang doktrina nito, at ang awtoridad ng priesthood. Dahil sa Panunumbalik na iyan, ang kaalaman at mahahalagang ordenansa para sa kaligtasan at kadakilaan ay muling matatanggap ng lahat ng tao. Sa huli, ang kadakilaang iyan ay magtutulot sa atin na manahan kasama ang ating pamilya sa kinaroroonan ng Diyos at ni Jesucristo magpakailanman!”
Russell M. Nelson, “Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain,” Liahona, Mayo 2013, 46
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Malawakang Apostasiya?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turong ito?
-
Batay sa natutuhan mo, bakit kinailangan ang Pagpapanumbalik?
Nagbahagi si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga tanong na maaaring mayroon silang mag-asawa kung nabuhay sila sa panahon ng Malawakang Apostasiya: “Ano ang kulang dito? Ano ang nais namin na sana ay mayroon kami? Ano ang aasahan naming ipagkakaloob ng Diyos bilang tugon sa inaasam ng aming espiritu?” (“Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Liahona, Mayo 2020, 81). Isipin ang mga katulad na saloobin at damdamin na maaaring mayroon ka kung nabuhay ka noong panahong iyon.
-
Ano kaya ang magiging buhay mo kung wala sa iyo ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Ano ang lubos mong ipinagpapasalamat tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas? Bakit?
-
Ano sa iyong palagay ang nais ng Ama sa Langit na malaman, madama, o gawin mo dahil sa lesson na ito?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Napansin ba ng mga Kristiyano, na nabuhay bago ang Pagpapanumbalik, ang Apostasiya?
Itinuro ng Repormador na si Martin Luther (1483–1546):
Wala akong hinangad maliban sa baguhin ang Simbahan ayon sa mga Banal na Kasulatan. … Sinasabi ko lang na ang Kristiyanismo ay tumigil na sa pag-iral sa mga taong dapat sana ay nagpanatili nito.
(Sa E. G. Schwiebert, Luther and His Times: The Reformation from a New Perspective [1950], 509)
Ipinaliwanag ng naunang pinunong Kristiyanong Amerikano na si Roger Williams (1603–83):
Ang apostasiya … ay lubhang pinasama ang lahat kung kaya’t hindi na makabangon mula sa apostasiyang iyon hanggang sa magpadala si Cristo ng mga bagong apostol na muling magtatatag ng mga simbahan.
(Sa Philip Schaff, The Creeds of Christendom, 3 vol. [1877], 1:851)
Itinuro ng pilosopong Dutch na si Erasmus (1466–1536):
Lahat ng bagay ay lubha nang naging masalimuot dahil sa mga katanungan [tungkol sa doktrina] at mga utos na ito kaya ni hindi na tayo nangangahas na umasa pang mahihikayat ang mundo na bumalik sa tunay na Kristiyanismo.
(The Praise of Folly, trans. Clarence H. Miller, 2nd ed. [2003], 155–56)
Iisa lang ba ang apostasiya?
Sa buong panahon, maraming dispensasyon ang nagwakas sa apostasiya. Pagkatapos ay ipinanumbalik ng Panginoon sa Kanyang awa ang Kanyang ebanghelyo sa lupa sa pamamagitan ng pagtawag ng mga propeta.
Paano natin dapat tingnan ang mabubuting tao na kabilang sa iba pang relihiyon?
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Naniniwala tayo na karamihan sa mga lider at tagasunod ng relihiyon ay tapat na naniniwala na nagmamahal sa Diyos at nakauunawa at naglilingkod sa Kanya sa abot ng kanilang makakaya. May utang-na-loob tayo sa kalalakihan at kababaihan na nagpanatiling buhay ang liwanag ng pananampalataya at kaalaman sa paglipas ng mga siglo hanggang sa panahong ito. Kailangan lamang nating ikumpara ang mas maliit na liwanag na naroon sa mga tao na hindi pamilyar sa mga pangalan ng Diyos at ni Jesucristo upang matanto ang malaking kontribusyong ginawa ng mga Kristiyanong guro sa nakalipas na mga panahon. Iginagalang natin sila bilang mga lingkod ng Diyos.
(Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration,” Ensign, Mayo 1995, 85)