“Kabanata 6: Hangaring Magkaroon ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 6,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 6
Hangaring Magkaroon ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo
Pambungad
Sa simula ng Kanyang ministeryo sa lupa, lumakad si Cristo sa mga baybayin ng Dagat ng Galilea at tinawag ang dalawang mangingisda, sina Pedro at Andres. “Sumunod kayo sa akin,” sabi Niya, “at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19; tingnan din sa Marcos 1:17).
Tinawag ka rin ng Panginoon sa Kanyang gawain, at inaanyayahan ka rin Niya na sumunod sa Kanya. “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” tanong Niya. “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).
Ang ilang kabanata sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nakatuon sa mga kailangan mong gawin bilang misyonero, tulad ng paano mag-aral, paano magturo, at paano magtakda ng mga mithiin. Kasinghalaga rin ng iyong mga ginagawa ang kung sino ka at kung ano ang kahihitnantan mo. Iyan ang pagtutuunan ng kabanatang ito.
Inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na dapat mong taglayin bilang misyonero at sa buong buhay mo. Ang katangiang tulad ng kay Cristo ay ang mga katangian at pag-uugali na tinataglay ni Cristo. Ilalarawan sa kabanatang ito ang ilan sa mga katangiang ito. Pag-aralan ang mga ito at ang mga kaugnay na banal na kasulatan. Maghanap ng iba pang mga katangiang tulad ng kay Cristo habang inaaral mo ang iba pang mga talata.
“Hanapin Ang Jesus Na Ito”
Naghikayat si propetang Moroni, “ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol” (Eter 12:41). Ang isang mahalagang paraan para mahanap natin si Jesus ay ang pagsisikap na matuto tungkol sa Kanya at maging higit na katulad Niya. Ang iyong misyon ay isang magandang panahon para magtuon dito.
Habang sinisikap mong maging higit na tulad ni Cristo, mas mahusay mong maisasakatuparan ang iyong layunin bilang misyonero. Makakaranas ka ng kagalakan, kapayapaan, at espirituwal na paglago habang nagiging bahagi ng iyong pagkatao ang Kanyang mga katangian. Magtatayo ka rin ng isang pundasyon para sa patuloy na pagsunod sa Kanya sa buong buhay mo.
Mga Kaloob mula sa Diyos
Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Tulad ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga kaloob na ito ay dumarating sa pamamagitan ng “biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo” (Eter 12:41).
Magtuon kay Cristo habang sinisikap mong taglayin ang Kanyang mga katangian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36). Ang mga katangiang ito ay hindi mga bagay sa isang listahan ng gawain. Ang mga ito ay hindi mga pamamaraan na inaaral sa isang programa sa pagpapabuti ng sarili. Ang mga ito ay hindi natatamo sa pamamagitan lamang ng sariling determinasyon. Sa halip, matatanggap mo ang mga ito habang ikaw ay nagsisikap na maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo.
Manalangin sa Diyos na ipagkaloob Niya sa iyo ang mga katangiang ito. Mapagkumbabang tanggapin ang iyong mga kahinaan at na kailangan mo ang Kanyang kapangyarihan sa iyong buhay. Kapag ginawa mo ito, “gagawin [Niya] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa [iyo]” (Eter 12:27).
Isang Paunti-unting Proseso
Ang pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas ay isang paunti-unti at hambambuhay na proseso. Nang may pagnanais na malugod ang Diyos, paisa-isang pagbutihin ang bawat desisyon.
Maging mapagpasensya sa iyong sarili. Alam ng Diyos na ang pagbabago at paglago ay nangangailangan ng panahon. Siya ay nasisiyahan sa iyong taos-pusong mga hangarin at pagpapalain ka sa bawat pagsisikap na gagawin mo.
Habang sinisikap mong maging higit na katulad ni Cristo, magbabago ang iyong mga hangarin, iniisip, at kilos. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kapangyarihan ng Espiritu Santo, magiging dalisay ang iyong pagkatao (tingnan sa Mosias 3:19).
Ang Espiritu Santo ay magpapalawak at magpapahusay ng ating mga kakayahan. Siya ay “naghihikayat ng kabanalan, kabaitan, kabutihan, kagiliwan, kaamuan, at pag-ibig sa kapwa-tao. … Sa madaling salita, ito, tulad ng dati, ang utak sa buto, kagalakan sa puso, liwanag sa mga mata, musika sa tainga, at buhay ng buong pagkatao” (Parley P. Pratt, Key to the Science of Theology [1855], 98–99).
Pananampalataya kay Jesucristo
Upang humantong ang pananampalataya sa kaligtasan, dapat itong nakasentro sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 4:10–12; Mosias 3:17; Moroni 7:24–26). Kapag ikaw ay mayroong pananampalataya kay Cristo, ikaw ay nagtitiwala sa Kanya bilang ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ikaw ay mayroong kumpiyansa na kapag ikaw ay nagsisi, ikaw ay mapapatawad sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at ikaw ay pababanalin ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 27:16, 20).
Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman. Sa halip, ito ay kasiguruhang nagmumula sa Espiritu ukol sa mga bagay na hindi mo nakikita pero totoo. (Tingnan sa Alma 32:21.)
Ipinapakita mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng iyong pagkilos. Ang mga pagkilos na ito ay kinabibilangan ng pagsunod sa mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas. Kabilang sa mga ito ang paglilingkod sa iba at pagtulong sa kanila na piliing sundin si Cristo. Ipinapakita mo rin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging masigasig, pagsisisi, at pagmamahal.
Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan. Kapag nananampalataya ka kay Jesucristo, pagpapalain ka ng Kanyang kapangyarihan na angkop sa iyong kalagayan. Makakaranas ka ng mga himala ayon sa kalooban ng Panginoon. (Tingnan sa Jacob 4:4–7; Moroni 7:33; 10:7.)
Lalago ang iyong pananampalataya kay Jesucristo kapag lalo mo Siyang kinilala at inalam ang Kanyang mga turo. Titibay ito habang sinasaliksik mo ang mga banal na kasulatan, taos-puso kang nananalangin, at sinusunod mo ang mga kautusan. Ang pag-aalinlangan at kasalanan ay nagpapahina sa pananampalataya.
“Ang pananamapalataya ay hindi lamang nadarama, ito ay isang desisyon. Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, pagsunod, at mga tipan, pinatitibay at pinalalakas natin ang ating pananampalataya. Ang matibay na pananampalataya natin sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain sa mga huling araw ay tulad ng isang lente na tumutulong sa atin na makita nang mas malinaw ang lahat upang mahatulan ito nang wasto. At, kapag nakakaranas tayo ng mahihirap na pagsubok sa buhay, … may lakas tayo na tahakin ang tamang landas” (Neil L. Andersen, “Totoo ang Ebanghelyo, Di Ba? Kung Gayon, May Iba Pa Bang Mas Mahalaga?” Liahona, Mayo 2007, 74).
Pag-asa
Ang pag-asa ay hindi lang simpleng pangangarap. Sa halip, ito ay ang matibay na pagtitiwala, na nakasalig sa iyong pananampalataya kay Cristo, na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa iyo (tingnan sa Moroni 7:42). Ito ay ang pagkakaroon ng tiwala na may “mabubuting bagay na darating” sa pamamagitan ni Cristo (Mga Hebreo 9:11).
Ang iyong pinaka-mapagkukunan ng pag-asa ay si Jesucristo. Tinanong ni propetang Mormon, “At ano ito na inyong aasahan?” Pagkatapos ay sinagot niya ito: “Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41; tingnan sa talata 40–43).
Kapag nakasentro ang iyong pag-asa kay Cristo, magkakaroon ka ng kasiguruhan na ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa iyong ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:24). Ang kasiguruhang ito ay tutulong sa iyo na magpursigi nang may pananampalataya kapag naharap ka sa mga pagsubok. Matutulungan ka rin nito na lumago sa pamamagitan ng iyong mga pagsubok at magkaroon ng espirituwal na katatagan at lakas. Ang pag-asa kay Cristo ay naglalaan ng matibay na sandigan para sa iyong kaluluwa (tingnan sa Eter 12:4).
Ang pag-asa ay nagbibigay sa iyo ng kumpiyansa na palalakihin ng Diyos ang iyong mabubuting pagsisikap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:17).
Ang isang paraan para magkaroon ka ng higit na pag-asa ay sa pamamagitan ng pagsisisi. Ang malinis at mapatawad sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay naghahatid at nagpapasigla ng pag-asa (tingnan sa Alma 22:16).
Hinikayat tayo ni Nephi, “Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20). Habang ipinamumuhay mo ang ebanghelyo, lalago ang iyong kakayahang “sumagana sa pag-asa” (Romans 15:13).
“Sa panahon ng kagipitan, makahahawak tayo nang mahigpit sa pag-asa na ang lahat ng bagay ay ‘magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti’ sa pagsunod natin sa payo ng mga propeta ng Diyos. Ang ganitong uri ng pag-asa sa Diyos, sa Kanyang kabutihan, at Kanyang kapangyarihan ay muling nagbibigay sa atin ng lakas ng loob sa mahihirap na hamon at nagpapalakas sa mga nakadarama ng pangamba dahil sa takot, pag-aalinlangan, at kalungkutan” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 23).
Pag-ibig sa Kapwa-tao at Pagmamahal
Isang lalaki ang minsang nagtanong kay Jesus, “Alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” Sumagot si Jesus: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at unang utos. At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39).
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Kasama rito ang walang hanggang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Itinuro ni propetang Mormon, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48). Habang nananalangin ka para mapuspos ang iyong puso ng pag-ibig sa kapwa-tao, madarama mo ang pagmamahal ng Diyos. Madaragdagan ang pagmamahal mo sa ibang tao, at makadarama ka ng tapat na pagmamalasakit sa kanilang walang-hanggang kaligayahan. Makikita mo sila bilang mga anak ng Diyos na may potensyal na maging tulad Niya, at maglilingkod ka alang-alang sa kanila.
Kapag nanalangin ka na matanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-pansin ang mga negatibong damdamin na tulad ng galit o inggit. Mababawasan ang pagnanais mong husgahan o pintasan ang ibang tao. Magkakaroon ka ng higit na pagnanais na maunawaan sila at ang kanilang mga pananaw. Magiging mas matiyaga ka at sisikapin mong tulungan ang mga tao kapag sila ay nahihirapan o pinanghihinaan ng loob. (Tingnan sa Moroni 7:45.)
Ang pag-ibig sa kapwa-tao, tulad ng pananampalataya, ay humahantong sa pagkilos. Pinalalakas mo ito sa pamamagitan ng paglilingkod at pag-aalay ng iyong sarili sa ibang tao.
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagpapabago. Ipinagkakaloob ito ng Ama sa Langit “sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; … na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, … upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48).
Kadalisayan
Sabi sa mga Saligan ng Pananampalataya na “Naniniwala kami sa pagiging … marangal (1:13). Ang kadalisayan ay huwaran ng kaisipan at pag-uugali na nakabatay sa mataas na mga pamantayang moral. Ito ay pagiging lubos na matapat sa Diyos at sa ibang tao. Ang isang mahalagang bahagi ng kadalisayan ay ang pagsisikap na maging malinis at dalisay sa espirituwal at sa pisikal.
Ang kadalisayan ay nagmumula sa kaloob-looban ng iyong isipan at mga hangarin. “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay,” ang sabi ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 121:45). Magtuon sa matwid at nakasisiglang mga kaisipan. Alisin sa iyong isipan ang hindi malinis na mga kaisipan.
Ang iyong isipan ay parang entablado sa isang teatro. Kung hahayaan mong manatili sa entablado ng iyong isipan ang masasamang kaisipan, ikaw ay malamang na makagawa ng kasalanan. Kung sinasadya mong punuin ang iyong isipan ng mabubuting bagay, mas malamang na tatanggapin mo ang mga bagay na dalisay at iwawaksi mo ang masama. Maging matalino sa kung ano ang hahayaan mong pumasok at manatili sa entablado ng iyong isipan.
Kapag sinisikap mong mamuhay nang dalisay, ang iyong “pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at… ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina” (Doktrina at mga Tipan 121:45–46).
Integridad
Ang integridad ay nagmumula sa unang dakilang utos na mahalin ang Diyos (tingnan sa Mateo 22:37). Dahil mahal mo ang Diyos, ikaw ay magiging tapat sa Kanya sa lahat ng oras. Tulad ng mga anak ni Helaman, ikaw ay “[lalakad] nang matwid sa kanyang harapan” (Alma 53:21).
Kapag ikaw ay may integridad, nauunawaan mo na mayroong tama at mali at mayroong nag-iisang katotohanan—ang katotohanan ng Diyos. Gagamitin mo ang iyong kalayaang pumili para gumawa ng mga desisyon na naaayon sa katotohanan ng Diyos, at kaagad kang magsisisi kapag nakagawa ka ng pagkakamali. Ang pinipili mong isipin—at ang ginagawa mo kapag sa palagay mo ay walang ibang nakatingin sa iyo—ay isang matibay na sukatan ng iyong intergridad.
Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng integridad ay ang hindi mo pagbaba ng iyong mga pamantayan o pag-uugali upang mamangha ang ibang tao sa iyo o para tanggapin ka nila. Ginagawa mo ang tama kahit na kinukutya ka ng ibang tao sa iyong desisyon na maging tapat sa Diyos (tingnan sa 1 Nephi 8:24–28). Ikaw ay namumuhay nang may dangal sa lahat ng lugar, pati na sa kung paano mo ipinapakilala ang iyong sarili online.
Kapag mayroon kang integridad, tinutupad mo ang iyong mga tipan sa Diyos at ang iyong mabubuting pangako sa ibang tao.
Kabilang sa pagkakaroon ng integridad ang pagiging tapat sa Diyos, sa iyong sarili, sa iyong mga lider, at sa ibang tao. Hindi ka nagsisinungaling, nagnanakaw, nandaraya, o nanlilinlang. Kapag may nagawa kang mali, tinatanggap mo ang responsibilidad na kaakibat nito at ikaw ay nagsisisi sa halip na pangatwiranan ito.
Kapag namuhay ka nang may integridad, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at paggalang sa iyong sarili. Magtitiwala sa iyo ang Panginoon at ang ibang tao.
Kaalaman
Pinayuhan tayo ng Panginoon na “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Sa iyong misyon at sa buong buhay mo, maghangad ng kaalaman, lalo na ng espirituwal na kaalaman.
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, at pag-aralan din ang mga salita ng mga buhay na propeta. Humingi ng tulong para sa partikular na mga tanong, hamon, at oportunidad sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin. Maghanap ng mga talata sa banal na kasulatan na magagamit mo sa pagtuturo at pagsagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo.
Habang ikaw ay masigasig at mapanalanging nag-aaral, bibigyang-liwanag ng Espiritu Santo ang iyong isipan. Tuturuan ka Niya at tutulungan ka Niya na maunawaan ang mga bagay-bagay. Tutulungan ka Niya na maisabuhay ang mga turo sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa mga huling araw. Tulad ni Nephi, masasabi mo rin:
“Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon. … Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig.” (2 Nephi 4:15–16).
Tiyaga
Ang tiyaga ay ang kakayahang magtiwala sa Diyos habang ikaw ay nakakaranas ng pagkaantala, pagsalungat, o pagdurusa. Sa pamamagitan ng iyong pananampalataya, ikaw ay nagtitiwala sa tamang panahon ng Diyos kung kailan Niya tutuparin ang Kanyang mga pangakong pagpapala.
Kapag ikaw ay may tiyaga, tinitingnan mo ang buhay mula sa isang walang-hanggang pananaw. Hindi ka umaasa na makakatanggap ka kaagad ng mga pagpapala o kaagad na magkakaroon ng bunga ang iyong mga ginagawa. Ang iyong mabubuting hangarin ay karaniwang naisasakatuparan nang “taludtod sa taludtod, … kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Ang ilang mabubuting hangarin ay matutupad lamang pagkatapos ng buhay na ito.
Ang pagtitiyaga ay hindi pagiging tamad o basta-bastang pagtanggap na lang sa mga nangyayari. Ito ay ang “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng [iyong] makakaya” habang naglilingkod ka sa Diyos (Doktrina at mga Tipan 123:17). Itatanim, didiligan, at aalagaan mo ang binhi, at “di maglalaon” ay palalakihin ito ng Diyos (Alma 32:42; tingnan din sa 1 Corinto 3:6–8). Gumagawa ka bilang katuwang ng Diyos, nagtitiwala na kapag nagawa mo na ang iyong bahagi, isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang panahon at ayon sa kalayaang pumili ng tao.
Ibig sabihin din ng tiyaga ay na kapag may isang bagay na hindi maaaring baguhin, tatanggapin mo ito nang may tapang, mabuting kalooban, at pananampalataya.
Maging mapagpasensiya sa ibang tao, pati na sa iyong kompanyon at sa mga pinaglilingkuran mo. Maging mapagpasensiya rin sa iyong sarili. Magsumikap na maging pinakamahusay sa iyong sarili, habang tinatanggap ang katotohanan na ikaw ay lalago nang paunti-unti.
Tulad ng ibang mga katangiang tulad ng kay Cristo, ang pagkakaroon ng tiyaga ay isang panghabambuhay na proseso. Ang patitiyaga ay mayroong nakapagpapagaling na impluwensya sa iyong kaluluwa at sa mga taong nasa paligid mo.
“Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!” Dieter F. Uchtdorf, “Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 57.
Pagpapakumbaba
Ang pagpapakumbaba ay ang kahandaang magpasakop sa kalooban ng Panginoon. Ito ay ang kahandaang ibigay sa Kanya ang karangalan para sa iyong mga nakakamit. Ito ay ang pagiging madaling turuan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:32). Kasama rito ang pagpapasalamat sa mga pagpapala ng Diyos at ang pagkilala na palagi mong kailangan ang Kanyang tulong. Tinutulungan Niya ang mga mapagkumbaba.
Ang pagpapakumbaba ay tanda ng espirituwal na lakas, hindi ng kahinaan. Ang pagpapakumbaba ay nagbibigay-daan para sa espirituwal na paglago (tingnan sa Eter 12:27).
Kapag mapagpakumbaba kang nagtiwala sa Panginoon, makatitiyak ka na ang Kanyang mga kautusan ay para sa iyong ikabubuti. Magkakaroon ka ng kumpiyansa na magagawa mo anuman ang hingin sa iyo ng Panginoon kung aasa ka sa Kanya. Handa ka ring magtiwala sa Kanyang mga lingkod at sundin ang kanilang payo. Tutulungan ka ng pagpapakumbaba na maging masunurin, maging masipag, at maglingkod.
Ang kabaligtaran ng pagpapakumbaba ay kapalaluan. Ang kapalaluan ay ang pagtitiwala sa sarili nang higit kaysa sa Diyos. Ang ibig sabihin din nito ay unahin ang mga bagay ng daigdig kaysa sa mga bagay ng Diyos. Ang kapalaluan ay mapagkumpitensya; ang mga palalo ay naghahangad na magkaroon ng higit kaysa sa iba at ipinapalagay nila na sila ay mas magaling. Ang kapalaluan ay isang malaking balakid sa atin.
Kasigasigan
Ang kasigasigan ay ang patuloy at taimtim na pagsisikap. Sa gawaing misyonero, ang kasigasigan ay isang paraan para maipakita mo ang iyong pagmamahal sa Panginoon. Kapag ikaw ay masigasig, ikaw ay nakadarama ng kagalakan at kaluguran sa gawain ng Panginoon (tingnan sa Alma 26:16).
Ang kasigasigan ay kinabibilangan ng kusang paggawa ng maraming mabubuting bagay sa halip na maghintay na sabihan ka ng iyong mga lider kung ano ang gagawin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:27–29).
Magpatuloy na gumawa ng mabuti kahit na ito ay mahirap o pagod ka na. Ngunit tandaan na kailangan ng balanse at pahinga para hindi ka “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [iyong] lakas.” (Mosias 4:27).
Isentro ang iyong puso at hangarin sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Iwasan ang mga bagay na maglilihis sa iyo sa iyong mga prayoridad. Ituon ang iyong oras at pagsisikap sa mga aktibidad na magiging pinaka-epektibo sa inyong area at pinakamakatutulong sa mga taong tinuturuan ninyo.
“Ito ang Simbahan ng Panginoon. Tinawag Niya tayo at pinagkatiwalaan kahit alam Niyang may mga kahinaan tayo. Alam Niya ang mga pagsubok na kakaharapin natin. Sa tapat na paglilingkod at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, matututuhan nating [tanggapin ang nais] Niya at maging katulad ng nararapat sa atin upang mapagpala ang mga pinaglilingkuran natin para sa Kanya. Kapag pinaglingkuran natin Siya nang matagal at masigasig, magbabago tayo. Lalo tayong magiging katulad Niya.” (Henry B. Eyring, “Kumilos nang Buong Sigasig,” Liahona, Mayo 2010, 62–63).
Pagsunod
Ang iyong paglilingkod bilang misyonero ay kaugnay ng mga tipan na ginawa mo sa Diyos sa binyag at sa templo. Noong tinanggap mo ang mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon at ng endowment, nakipagtipan ka na susundin mo ang Kanyang mga kautusan.
Itinuro ni Haring Benjamin, “ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).
Ang pagsunod sa mga kautusan ay paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo (tingnan sa Juan 14:15). Sinabi ni Jesus, “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.” (Juan 15:10).
Sundin ang mga tuntunin sa Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo. Sundin mo rin ang payo ng iyong mission president at kanyang asawa kapag pinapayuhan ka nila sa kabutihan.
“Ang pagsunod ay isang pagpili. Nilinaw ito ng Tagapagligtas. Tulad ng nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 14:28, sinabi ni Jesus, ‘Kaya nga, pagpasiyahan ninyo ito sa inyong mga puso, na gagawin ninyo ang lahat ng bagay na aking ituturo sa inyo, at iuutos sa inyo.’ Gayon lang ito kasimple. … Kapag ginawa natin ito, mas titibay ang ating espirituwalidad. Iiwasan natin ang pagsasayang ng mga kaloob ng Diyos at paggawa ng mga hindi makabuluhan at nakasisirang mga desisyon sa ating buhay” (Dale G. Renlund, “Constructing Spiritual Stability” [debosyonal sa Brigham Young University, Set. 16, 2014], 2, speeches.byu.edu).
Isang Huwaran ng Pagiging Higit na Tulad ni Cristo
Ang sumusunod na huwaran ay makatutulong sa iyo na magkaroon at matanggap ang mga katangiang inilarawan sa kabanatang ito at iba pang mga katangiang inilarawan sa mga banal na kasulatan:
-
Tukuyin ang katangiang gusto mong taglayin.
-
Magsulat ng isang paglalarawan ng katangiang ito.
-
llista at pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan na nagpapakita ng mga halimbawa ng katangian o nagtuturo tungkol dito.
-
Itala ang iyong mga nadarama at impresyon.
-
Magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano upang magkaroon ng katangiang ito.
-
Manalangin sa Diyos na tulungan kang magkaroon at matanggap ang katangiang ito.
-
Regular na suriin ang iyong pag-unlad.
“Pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nais umunlad at magpakabuti, na tinatanggap na kailangan ang mga kautusan at nagsisikap na sundin ito, na pinahahalagahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at nagsisikap nang buong puso na taglayin ang mga ito. Kung kayo ay nabibigo paminsan-minsan sa adhikaing iyan, gayon din naman ang ibang tao; nariyan ang Tagapagligtas upang tulungan kayong magpatuloy. … Kalaunan, mapapasainyo ang tagumpay na inyong hinahanap (Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 126).
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Regular na kumpletuhin ang “Aktibidad ukol sa mga Katangian” sa huling bahagi ng kabanatang ito.
-
Mamili ng isang katangian sa kabanatang ito. Itanong sa iyong sarili:
-
Paano ko matututuhan pa ang tungkol sa katangiang ito?
-
Paano makatutulong sa akin ang paghahangad ng katangiang ito na maging mas mabuting mangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo?
-
-
Humanap ng mga halimbawa ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa buhay ng kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan. Itala ang mga impresyon mo sa iyong study journal.
-
Maghanap ng mga halimbawa ng mga katangian na tulad ng kay Cristo sa mga sagradong musika ng Simbahan. Habang hinahangad mo ang isang katangian, isaulo ang mga titik ng mga himno o kanta para makahugot ng lakas at kapangyarihan. Ulitin o awitin ang mga titik sa iyong sarili para mabigyan ka ng inspirasyon at para anyayahan ang impluwensya ng Espiritu.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Pag-aralan ang mga reperensya ukol sa mga katangiang tulad ng kay Cristo sa Gospel Library o iba pang inaprubahang materyal. Talakayin kung paano ninyo isasabuhay ang natutuhan ninyo. Maaari din ninyong talakayin ang natutuhan ninyo sa inyong personal na pagsisikap na maging tulad ni Cristo.
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Ilang araw bago ang council o conference, tanungin ang bawat misyonero na maghanda ng limang minutong mensahe tungkol sa isang katangiang tulad ng kay Cristo. Bigyan ng panahon sa miting ang ilang misyonero upang maibahagi nila ang kanilang mga mensahe.
-
Hatiin sa apat na grupo ang mga misyonero at ibigay sa kanila ang sumusunod na mga assignment:
Group 1: Basahin ang 1 Nephi 17:7–16 at sagutin ang sumusunod na mga tanong:
-
Paano nanampalataya si Nephi?
-
Ano ang ginawa ni Nephi na tulad ng kay Cristo?
-
Ano ang mga pangako na ibinigay ng Panginoon kay Nephi?
-
Paano naaangkop ang salaysay na ito sa gawaing misyonero?
Group 2: Basahin ang Marcos 5:24–34 at sagutin ang sumusunod na mga tanong:
-
Paano nanampalataya kay Jesucristo ang babaing ito?
-
Bakit siya napagaling?
-
Paano natin matutularan ang kanyang halimbawa sa ating mga pagsisikap bilang misyonero?
Group 3: Basahin ang Jacob 7:1–15 at sagutin ang sumusunod na mga tanong:
-
Bakit sapat ang pananampalataya ni Jacob para mapaglabanan ang panunuligsa ni Serem?
-
Paano gumamit ng pananampalataya si Jacob nang kausapin niya si Serem?
-
Paano naging tulad ng kay Cristo ang mga ikinilos ni Jacob?
Group 4: Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–18 at sagutin ang sumusunod na mga tanong:
-
Sa paanong paraan sumampalataya si Joseph Smith kay Jesucristo?
-
Paano sinubok ang kanyang pananampalataya?
-
Ano ang ginawa niya na tulad ng kay Cristo?
-
Paano natin matutularan ang halimbawa ni Joseph Smith?
Matapos itong gawin ng mga grupo, pagsama-samahin ang mga misyonero at hilingin sa kanilang ibahagi ang pinag-usapan nila.
-
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Ipabasa sa mga misyonero ang isa sa apat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan o ang 3 Nephi 11–28. Paguhitan sa kanila ang ginawa ng Tagapagligtas na kaya rin nilang gawin.
-
Gamitin ang pagtatakda ng mithiin at pagpaplano para maituro sa mga misyonero ang tungkol sa kasigasigan. Ipakita kung paanong pagpapadama ng pagmamahal ang masigasig na pagtutuon ng pansin sa mga tao.
-
Sa mga interbyu o sa mga pakikipag-usap, hilingin sa mga misyonero na magbahagi tungkol sa katangiang tulad ng kay Cristo na pinagsisikapan nilang matamo.
Aktibidad Ukol sa mga Katangian
Ang layunin ng aktibidad na ito ay tulungan ka na matukoy ang mga oportunidad para sa espirituwal na paglago. Basahin ang bawat pangungusap sa ibaba. Isipin kung gaano katotoo ang pahayag na iyon sa iyo, at piliin ang pinakaangkop na sagot. Isulat ang iyong mga sagot sa iyong study journal.
Walang sinuman ang makasasagot ng “palagi” sa bawat pangungusap. Ang espirituwal na paglago ay isang panghabambuhay na proseso. Iyan ang dahilan kaya ito ay kapana-panabik at kapaki-pakinabang—dahil may napakaraming oportunidad na lumago at maranasan ang mga pagpapala ng paglago.
Maging komportable na magsimula sa kung nasaan ka ngayon. Mangako sa iyong sarili na gawin ang espirituwal na gawain na kinakailangan para lumago. Hingin ang tulong ng Diyos. Kapag nagkaroon ka ng mga problema, magtiwala na tutulungan ka Niya. Habang ikaw ay nananalangin, humingi ng patnubay para malaman kung anong mga katangian ang dapat mong pagtuunan sa iba’t ibang bahagi ng iyong misyon.
Mga Sagot
-
1 = hindi kailanman
-
2 = paminsan-minsan
-
3 = madalas
-
4 = halos palagi
-
5 = palagi
Pananampalataya
-
Naniniwala ako kay Cristo at tinatanggap ko Siya bilang aking Tagapagligtas. (2 Nephi 25:29)
-
Tiwala ako na mahal ako ng Diyos. (1 Nephi 11:17)
-
Sapat ang tiwala ko sa Tagapagligtas para tanggapin ang Kanyang kalooban at gawin ang ipinagagawa Niya. (1 Nephi 3:7)
-
Naniniwala ako na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ako ay mapapatawad sa aking mga kasalanan at pababanalin kapag ako ay nagsisi. (Enos 1:2–8)
-
May pananampalataya ako na dinidinig at sinasagot ng Diyos ang aking mga panalangin. (Mosias 27:14)
-
Iniisip ko ang Tagapagligtas sa maghapon at inaalala ko ang ginawa Niya para sa akin. (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79)
-
May pananampalataya ako na ang Diyos ay magkakaloob ng mabubuting bagay sa aking buhay at sa buhay ng ibang tao habang inilalaan namin ang aming sarili sa Kanya at sa Kanyang Anak. (Eter 12:12)
-
Alam ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. (Moroni 10:3–5)
-
May pananampalataya ako na maisasakatuparan ko ang nais ni Cristo na gawin ko. (Moroni 7:33)
Pag-asa
-
Isa sa mga pinakaninanais ko ay ang matanggap ang buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal. (Moroni 7:41)
-
Nagtitiwala ako na magkakaroon ako ng masaya at matagumpay na misyon. (Doktrina at mga Tipan 31:3–5)
-
Panatag ako at maganda ang pananaw ko ukol sa hinaharap. (Doktrina at mga Tipan 59:23)
-
Naniniwala ako na balang-araw ay mananahanan ako kasama ng Diyos at magiging katulad Niya. (Eter 12:4)
Pag-ibig sa Kapwa-tao at Pagmamahal
-
Taos-puso kong hinahangad ang walang hanggang kapakanan at kaligayahan ng ibang tao. (Mosias 28:3)
-
Kapag nananalangin ako, hinihiling ko na magkaroon ako ng pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. (Moroni 7:47–48)
-
Sinisikap kong unawain ang damdamin ng iba at ang kanilang pananaw. (Judas 1:22)
-
Pinatatawad ko ang ibang nakasakit o nagkasala sa akin. (Efeso 4:32)
-
Ako ay tumutulong nang may pagmamahal sa mga nalulungkot, nahihirapan, o pinanghihinaan ng loob. (Mosias 18:9)
-
Kung angkop, ipinahahayag ko ang aking pagmamahal at malasakit sa iba sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila sa salita at gawa. (Lucas 7:12–15)
-
Naghahanap ako ng mga pagkakataong maglingkod sa iba. (Mosias 2:17)
-
Magagandang bagay ang sinasabi ko tungkol sa iba. (Doktrina at mga Tipan 42:27)
-
Mabait at matiyaga ako sa iba, kahit mahirap silang pakisamahan. (Moroni 7:45)
-
Nakadarama ako ng kagalakan sa tagumpay ng iba. (Alma 17:2–4)
Kadalisayan
-
Malinis at dalisay ang aking puso. (Mga Awit 24:3–4)
-
Hangad kong gumawa ng mabuti. (Mosias 5:2.)
-
Nagtutuon ako sa mabubuti at nagbibigay-inspirasyong mga kaisipan at inaalis ko sa aking isipan ang masasamang kaisipan. (Doktrina at mga Tipan 121:45)
-
Nagsisisi ako sa aking mga kasalanan at sinisikap kong madaig ang aking mga kahinaan. (Doktrina at mga Tipan 49:26–28; Eter 12:27)
-
Nadarama ko ang impluwensya ng Espiritu Santo sa aking buhay. (Doktrina at mga Tipan 11:12–13)
Integridad
-
Tapat ako sa Diyos sa lahat ng panahon. (Mosias 18:9)
-
Hindi ko ibinababa ang aking pamantayan o pag-uugali upang mapahanga ang ibang tao o para tanggapin nila ako. (1 Nephi 8:24–28)
-
Tapat ako sa Diyos, sa aking sarili, sa aking mga lider, at sa ibang tao. (Doktrina at mga Tipan 51:9)
-
Ako ay maaasahan. (Alma 53:20)
Kaalaman
-
Tiwala ako na nauunawaan ko ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. (Alma 17:2–3)
-
Pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan araw-araw. (2 Timoteo 3:16–17)
-
Sinisikap kong maunawaan ang katotohanan at mahanap ang mga sagot sa aking mga tanong. (Doktrina at mga Tipan 6:7)
-
Naghahangad ako ng kaalaman at patnubay sa pamamagitan ng Espiritu. (1 Nephi 4:6)
-
Pinahahalagahan ko ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. (2 Nephi 4:15)
Tiyaga
-
Matiyaga kong hinihintay na matupad ang mga pagpapala at pangako ng Panginoon. (2 Nephi 10:17)
-
Kaya kong maghintay sa mga bagay nang hindi nagagalit o pinanghihinaan ng loob. (Roma 8:25)
-
Matiyaga ako sa mga hamon ng pagiging misyonero. (Alma 17:11)
-
Mapagpasensiya ako sa ibang tao. (Roma 15:1)
-
Mapagpasensiya ako sa aking sarili at umaasa ako sa Panginoon habang dinadaig ko ang aking mga kahinaan. (Eter 12:27)
-
Hinaharap ko ang mga paghihirap nang may tiyaga at pananampalataya. (Alma 34:40–41)
Pagpapakumbaba
-
Ako ay maamo at may mapagpakumbabang puso. (Mateo 11:29)
-
Umaasa ako sa tulong ng Panginoon. (Alma 26:12)
-
Nagpapasalamat ako sa mga pagpapala na natanggap ko mula sa Diyos. (Alma 7:23)
-
Taimtim at taos-puso ang aking mga panalangin. (Enos 1:4)
-
Pinahahalagahan ko ang tagubilin ng aking mga lider o guro. (2 Nephi 9:28–29)
-
Sinisikap kong magpasailalim sa kalooban ng Diyos. (Mosias 24:15)
Kasigasigan
-
Masipag akong nagtatrabaho, kahit na hindi ako palaging sinusubaybayan. (Doktrina at mga Tipan 58:26–27)
-
Itinutuon ko ang aking mga pagsisikap sa pinakamahahalagang bagay. (Mateo 23:23)
-
Nananalangin ako nang mag-isa nang hindi bababa sa dalawang beses isang araw. (Alma 34:17–27)
-
Itinutuon ko ang aking iniisip sa aking tungkulin bilang misyonero. (Doktrina at mga Tipan 4:2, 5)
-
Nagtatakda ako ng mga mithiin at regular akong gumagawa ng mga plano. (Doktrina at mga Tipan 88:119)
-
Masigasig akong gumagawa hanggang sa makumpleto ang gawain. (Doktrina at mga Tipan 10:4)
-
Nakadarama ako ng kagalakan at kaluguran sa aking gawain. (Alma 36:24–25)
Pagsunod
-
Kapag nananalangin ako, humihiling ako ng lakas na mapaglabanan ang tukso at gawin ang tama. (3 Nephi 18:15)
-
Karapat-dapat akong magkaroon ng temple recommend. (Doktrina at mga Tipan 97:8)
-
Handa akong sumunod sa mga patakaran ng mission at sa payo ng aking mga lider. (Mga Hebreo 13:17)
-
Sinisikap kong mamuhay ayon sa mga batas at alituntunin ng ebanghelyo. (Doktrina at mga Tipan 41:5)