“Kabanata 9: Maghanap ng mga Taong Tuturuan,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 9,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 9
Maghanap ng mga Taong Tuturuan
Sinabi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19; tingnan din sa Marcos 16:15). Muling binanggit ng Panginoon ang utos na ito sa ating panahon nang sabihin Niya, “Humayo kayo sa buong sanlibutan [at] ipangaral ang ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 68:8; tingnan din sa 50:14).
Ang gawaing misyonero ay ang paghahanap ng mga tao, pagtuturo sa kanila, at pagtulong sa kanila na maging handa para sa binyag. Tinutupad ninyo ang utos ng Panginoon na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo at magbinyag ng mga nagbabalik-loob o convert kapag “[hinahanap ninyo] sila na mga tatanggap sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 42:8). Walang mangyayari sa gawaing misyonero kung hindi kayo makahahanap ng matuturuan. Palaging maghanap ng mga pagkakataong maipakilala ang ebanghelyo. Gamitin ang mga paraan na mabisa sa inyong area.
Napakahalaga na makipagtulungan sa mga miyembro para makahanap ng mga matuturuan. Maging masigasig para makuha mo ang kanilang tiwala. Kapag ang mga miyembro ay mayroong tiwala sa mga misyonero, mas malamang na anyayahan nila ang kanilang mga kaibigan at kapamilya na makipagkita sa inyo. Ang mga taong ito ay mas malamang na magbalik-loob sa Panginoon, magpabinyag, at umunlad sa landas ng ebanghelyo.
Ang paghahanap ng matuturuan ay nangyayari ayon sa kahandaan ng tao na pakinggan ang ebanghelyo. Ang bawat tayo ay magiging handang pakinggan ang ebanghelyo sa kanilang sariling panahon. Ang paghahanap ng matuturuan ay maaaring magmula sa unang pagkakataong nakilala ninyo ang isang tao o mula sa mga pakikipag-ugnayan sa kanya sa loob ng mahabang panahon. Maraming tao ang nagkaroon ng maraming pagkakataong makipag-ugnayan sa mga misyonero o mga miyembro ng Simbahan bago nila sinimulan ang seryosong pag-aaral ng ebanghelyo. Huwag mag-atubiling kontakin silang muli.
Ang inyong mga pagsisikap sa paghahanap ay maaaring magbunga pagkatapos ninyong malipat ng area o pagkatapos ng inyong misyon. Anuman ang mangyari, pinasasalamatan ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap.
Isinasaad sa kabanatang ito ang mga alituntunin at ideya na tutulong sa inyo na makahanap ng mga matuturuan. Ang mga alituntuning ito ay angkop sa lahat. Gayunman, maaaring iangkop ng mga misyonero at mga mission leader ang mga ito sa kanilang sariling mga kalagayan.
Magkaroon ng Pananampalataya na Makakahanap Kayo ng mga Taong Matuturuan
Saan man kayo naglilingkod, tinawag kayo ng Panginoon na maglingkod “para sa kaligtasan ng mga kaluluwa” (Doktrina at mga Tipan 100:4). Para magawa ito, kailangan ninyo na magkaroon ng pananampalataya kay Cristo na makakahanap kayo ng mga taong matuturuan para magkaroon sila ng pagkakataong piliing sundin Siya at magpabinyag.
Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Magkaroon ng pananampalataya na inihahanda ng Panginoon ang mga tao na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Maging matiyaga at magtiwala na gagabayan Niya kayo na mahanap sila o gagabayan Niya sila na mahanap kayo. Ipakita ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga mithiin, paggawa ng mga plano, at pagkilos ayon sa inyong mga plano para makahanap ng mga taong matuturuan (tingnan sa kabanata 8).
Manalangin nang may pananampalataya habang hinihingi ninyo ang tulong ng Diyos para makahanap ng mga taong matuturuan. Noong nagmisyon si Alma sa mga Zoramita, siya ay nanalangin: “O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala sa kanila sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga … ; kaya nga, ipagkaloob ninyo sa amin, O Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan, upang madala naming muli sila … sa inyo.” (Alma 31:34–35).
Madalas na hindi alam ng mga taong nakikilala ninyo na hinahanap nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo hanggang sa matagpuan nila ito. Halimbawa, sabi ng isang convert, “Nang marinig ko ang ebanghelyo, pinunan nito ang kakulangan sa aking puso na hindi ko alam ay naroon.” Sabi ng isa pa, “Natapos ko na ang paghahanap na hindi ko alam na ginagawa ko pala.” Ang iba ay aktibong naghahanap ng katotohanan pero hindi nila alam kung saan ito matatagpuan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:12).
Hangarin ang patnubay ng Espiritu habang naghahanap kayo ng mga taong matuturuan. Ang paghahanap sa pamamagitan ng Espiritu ay kasinghalaga ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Magkaroon ng pananampalataya na malalaman ninyo kung paano hahanapin ang mga taong tatanggap sa inyo.
Palawakin ang Inyong Pang-unawa kung Paano Magplano para Makahanap
Habang sinisikap ninyong maghanap ng mga taong matuturuan, tiyaking alam ninyo ang kaibhan ng pag-iiskedyul at pagpaplano. Ang pag-iiskedyul ay ang paglalagay ng mga gagawin ninyo sa inyong planner para sa isang partikular na araw. Ang pagpaplano ay ang mapanalanging pagsisikap nang may layunin na pagtuuan ang mga pangangailangan ng mga tao at paghahanap ng pinakamainam na paraan para matulungan sila.
Ang tamang aktibidad, sa tamang panahon, at sa tamang lugar, ay makatutulong sa inyo na makahanap ng mga taong matuturuan. Itanong sa inyong sarili ang mga sumusunod:
-
Saan kaya natin makikita ang mga taong inihanda ng Panginoon?
-
Anu-ano ang pinakamagandang mga lugar at mga uri ng aktibidad para makahanap ng mga taong matuturuan sa partikular na oras sa isang araw o linggo?
-
Paano tayo magpapakita ng pagmamahal at maglilingkod sa kanila, at magdadagdag ng kabuluhan sa kanilang buhay ngayon?
-
Paano natin magagamit ang ating mga kakayahan, kasanayan, at talento para pasiglahin sila?
-
Ano ang ating mga backup na plano kung sakaling may nangyaring hindi ayon sa plano?
Subukang kilalanin ang mga paraan na inihahanda ng Panginoon ang mga tao. Handa ba silang makipag-usap sa inyo? Naghahanap ba sila ng tulong o kapanatagan?
Isipin ang mga pagsisikap noon sa paghahanap na naging matagumpay. Saan ninyo unang nakausap ang tao? Kasali ba sa paghahanap ang mga lokal na miyembro? Gumamit ba ng teknolohiya?
Simulan ang inyong pagpaplano sa pagtutuon sa mga paraan kung paano ninyo mapagpapala ang mga tao, at pagkatapos ay magagawa na ninyo ang inyong iskedyul.
Pag-aaral ng Magkompanyon
Gamitin ninyong magkompanyon ang table sa ibaba para masuri ninyo ang inyong mga pagsisikap na makahanap ng mga taong matuturuan. Gumawa ng plano na subukan ang mga ideya na bago para sa inyo.
Mga Pagsisikap na Maghanap |
Minsan |
Madalas |
Halos Palagi |
---|---|---|---|
Kinikilala namin ang mga miyembro at sinusuportahan sila sa kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo, kabilang ang mga bagong miyembro, mga kabataan, mga naghahandang magmisyon, mga returned missionary, mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya, at mga prospective elder. | |||
Nagsisikap kami na makuha ang tiwala ng mga miyembro para maging komportable sila na anyayahan ang kanilang mga kapamilya at kaibigan na makipagkita sa amin. | |||
Nakikipagtulungan kami sa mga lider ng ward sa lingguhang mga coordination meeting para masuportahan ang aming mga pagsisikap na makahanap ng mga taong matuturuan at malaman kung may mga tao na maaari naming kontakin. | |||
Para makahanap ng mga taong matuturuan, kami ay nakikipagtulungan sa mga taong tinuturuan namin sa kasalukuyan, mga taong naturuan dati, at mga media referral. | |||
Kinakausap namin ang lahat ng taong kaya naming makausap bawat araw. | |||
Kami ay espirituwal na naghahanda at nananalangin para hingin ang tulong ng Diyos habang gumagawa kami ng plano sa paghahanap ng mga taong matuturuan. | |||
Naniniwala kami na inihahanda ng Panginoon ang mga tao para maturuan namin. | |||
Isinasaalang-alang namin kung paano namin matutulungan ang mga nakakasalamuha namin na madama ang Espiritu Santo. | |||
Nagtatakda kami ng partikular na mga lingguhan at pang-araw-araw na mithiin sa paghahanap ng mga taong matuturuan (tingnan sa kabanata 8). | |||
Patuloy kaming naghahanap ng mga taong matuturuan. | |||
Kami ay malikhain at gumagamit ng maraming paraan para makahanap ng mga taong matuturuan. Sinusubukan namin ang mga bagong paraan sa paghahanap at iniiwasan naming paulit-ulit na gawin ang isang bagay. | |||
Gumagawa kami ng partikular na plano para sa paghahanap. Gumagawa kami ng plano kung kailan, saan, at paano kami kikilos. | |||
Isinasaalang-alang namin ang pinakamainam na lokasyon at oras sa bawat araw para maghanap ng mga taong matuturuan. | |||
Isinasaalang-alang namin ang mga aktibidad sa paghahanap na naging epektibo noon. | |||
Binabago namin ang aming mga plano sa paghahanap kung kinakailangan at mayroon kaming mga backup na plano kapag hindi natuloy ang mga naka-iskedyul na appointment. | |||
Ginagamit namin ang Preach My Gospel app para maghanap, magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano, at rebyuhin at i-update ang aming mga record araw-araw. | |||
Ginagamit namin ang aming mga personal na talento at kakayahan sa paghahanap. | |||
Gumagawa kami ng plano kung kailan at paano namin gagamitin ang social media at iba pang teknolohiya para makahanap ng mga taong matuturuan. | |||
Ginagamit namin ang mga media campaign at mga pagsisikap ng Simbahan sa lokal na antas para matugunan ang mga interes at pangangailangan ng mga tao sa aming area. | |||
Mabilis naming sinasagot ang mga online na kahilingan at mensahe mula sa mga taong maaaring interesado. | |||
Maaga naming pinaplano ang aming mga post sa social media at nakikipagtulungan kami sa mga miyembro para makahanap ng mga matuturuan online. |
Maging Masigasig sa Paghahanap
Tiyakin na Patuloy at Palagi Kayong Naghahanap
Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, paulit-ulit na tinagubilinan ng Panginoon ang isang grupo ng kalalakihan na ituro ang Kanyang ebanghelyo “sa daan” habang sila ay naglalakbay. Nais Niya na gamitin nila ang bawat pagkakataon na maibahagi ang ebanghelyo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:9–10, 22–23, 25–27.)
Gamitin ang tagubilin na ito sa inyong paghahanap. Maging masigasig sa inyong paghahanap sa buong maghapon. Planuhin ang inyong gagawing paghahanap—at sikaping mapansin ang mga hindi planadong pagkakataon. Palaging kailangan ninyong maghanap ng mga bagong taong matuturuan.
Maghangad ng inspirasyon at maging handang gumamit ng maraming paraan sa paghahanap. Gamitin ang mga paraan na pinakamabisa sa inyong area.
Panatilihing Nakalubog sa Tubig ang Pamingwit
Ukol sa gawain ng mga misyonero, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Hindi tayo dapat matulad sa isang mangingisda na nag-aakalang nangingisda siya nang buong araw samantalang ang totoo ay nauubos ang kanyang panahon sa paulit-ulit na pagpunta sa tubig at at pagbalik sa pampang, sa pagkain ng tanghalian, at kaaayos ng kanyang kagamitan. Ang tagumpay sa pangingisda ay nakadepende sa tagal ng inyong pamimingwit sa tubig, hindi sa tagal ng wala kayo sa inyong apartment. Ang ilang mangingisda ay labindalawang oras na wala sa tahanan at sampung oras lamang namimingwit. May ilang mangingisda naman na labindalawang oras na wala sa tahanan at dalawang oras lamang namimingwit. Ang huling mangingisda ay nagtataka pa kung bakit hindi siya nagtatagumpay na gaya ng iba.
“Ang gayunding alituntunin ay magagamit sa mga misyonero, na tinawag ng Guro na ‘mga mamamalakaya ng mga tao’ [Matteo 4:19]. Ang bingwit ng misyonero ay dapat nakalubog sa tubig sa oras na lumabas siya ng apartment” (seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 20, 2000).
Nagdagdag pa si Elder Quentin L. Cook sa paghahambing na ito. Dagdag pa sa pagpapanatili ng inyong “pamingwit sa tubig” nang matagal, itinuro niya na ang mga misyonero na nakakahanap ng mga taong matuturuan ay “patuloy na naglalagay ng maraming pamingwit sa tubig. …
“Tinutukoy at kinokontak nila ang mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya.
“Naghahanap sila sa kanilang [Preach My Gospel app] ng mga tao na naturuan noon at kinokontak nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono at text.
“Nag-aalok sila na maglingkod sa mga miyembro, mga taong naturuan noon, mga taong tinuturuan nila sa kasalukuyan, at sa komunidad. …
“Tinutulungan nila ang mga miyembro na lumikha ng mga mensahe ukol sa ebanghelyo na maibabahagi nila sa kanilang sariling … mga social media platform.
“Humihingi sila ng mga referral mula sa mga taong binibisita at tinuturuan nila” (“Be Spiritual Pathfinders and Influencers,” missionary devotional, Set. 10, 2020; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Makipag-usap sa Lahat
Sikaping magkaroon ng hangaring magdala ng mga kaluluwa kay Cristo (tingnan sa Mosias 28:3). Kapag nakadama ka ng ganitong hangarin, makikita ang iyong pagmamahal at malasakit sa iyong mga pagsisikap na maghanap ng mga taong matuturuan. Makikita rin ang iyong pagmamahal sa paraan ng pakikipag-usap mo sa mga tao.
Kausapin ang lahat ng taong maaari mong kausapin sa bawat araw. Kausapin sila saan ka man naroon. Kung angkop, magbahay-bahay. Inutusan ng Panginoon ang ilan sa mga naunang elder ng Simbahan, “[Buksan ang] iyong bibig upang ipahayag ang aking ebanghelyo.” Pagkatapos ay nangako Siya na ang kanilang mga bibig ay “mapupuno” ng mga bagay na ituturo (Doktrina at mga Tipan 30:5; tingnan din sa 33:7–10).
Gayundin, sinabi ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon, “Itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso.” Pagkatapos ay nangako Siya, “Ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon … kung ano ang inyong sasabihin.” (Doktrina at mga Tipan 100:5–6).
Habang nakakausap mo ang mga tao, madalas ay madarama mo na tinutulungan ka ng Espiritu kung ano ang sasabihin. Gayunman, kung hindi ka nakadama ng pahiwatig, basta simulan lang na kausapin ang mga tao—marahil sa pamamagitan ng pagtatanong at pakikinig sa kanilang mga sagot (tingnan sa “Hanapin ang mga Tao Kung Saan Sila Naroon” sa kabanatang ito). O maaari mong ibahagi ang tungkol sa Panginoong Jesucristo o sa pagtawag kay Joseph Smith na maging propeta ng Diyos.
Ang sumusunod na mga ideya ay makatutulong sa iyo sa pakikipag-usap mo sa mga taong nakikilala ninyo:
-
Maging mabait, magiliw, at palakaibigan. Maghanap ng mga bagay na mapag-uusapan ninyo ng tao at simulang makipag-usap.
-
Taos-pusong pakinggan ang sinasabi ng mga tao. Sikaping maunawaan ang pangangailangan at interes ng bawat tao. Mag-alok ng tulong kung angkop.
-
Isipin kung paano matutugunan ng ebanghelyo ang kanilang mga pangangailangan. At pagkatapos ay magturo ng isang pangunahing katotohanan ng ebanghelyo at anyayahan sila na alamin ang iba pa. Ibahagi kung paano makatutulong ang ipinanumbalik na ebanghelyo para sila ay magkakaroon ng higit na pag-asa at layunin sa buhay.
-
Magtanong tungkol sa kanilang pamilya. Tulungan sila na makita kung paano pagpapalain ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang kanilang pamilya. Mag-alok na tulungan sila sa paghahanap ng mga pangalan ng kanilang mga yumaong ninuno.
-
Anyayahan sila na dumalo sa sacrament meeting.
-
Magbigay ng mga polyeto o iba pang materyal ng Simbahan, nakalimbag man o digital.
-
Ibahagi sa kanila ang iyong layunin bilang misyonero at kung bakit ka nagdesisyon na magmisyon.
Ang mga alituntuning ito ay maaari ding magamit sa pakikipag-usap mo sa mga miyembro.
Natural lamang na kabahan sa pakikipag-usap sa mga tao. Manalangin na magkaroon ka ng pananampalataya at tapang na ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang bawat taong nakikilala mo ay mga kapatid mo sa pamilya ng Diyos. Tandaan na Siya ay “[walang] tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).
Makiisa sa mga Miyembro
“Ang pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo ay bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan” (Pangkalahatang Hanbuk, 23.0). Makipagtulungan sa mga miyembro ng Simbahan sa paghahanap ng mga taong matuturuan. Kapag ang mga miyembro ay nagbigay sa inyo ng mga referral at nakibahagi sila sa mga lesson, ang mga taong ito ay mas malamang na mabibinyagan at mananatiling aktibo sa Simbahan.
Bumuo ng Matibay na Ugnayan sa mga Lokal na Lider
Bumuo ng matibay na ugnayan sa bishopric at sa iba pang mga lider ng ward. Ang ward mission leader (kung may tinawag) at ang elders quorum presidency at Relief Society presidency ang pangunahin ninyong contact. Hingin ang kanilang patnubay, at suportahan sila sa lingguhang mga coordination meeting (tingnan sa kabanata 13).
Sa lingguhang mga coordination meeting, makipagtulungan sa priests quorum assistant at sa president ng pinakamatandang Young Women class. Ang mga kabataang ito ay may mahalagang tungkulin sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Tulungan silang mahikayat ang mga miyembro ng kanilang korum at class na maibahagi ang ebanghelyo. Ang isang paraan para magawa ito ay ang pag-anyaya ng mga kabataan sa kanilang mga kaibigan na dumalo sa mga aktibidad.
Regular na itanong sa iyong sarili,“Ako ba ay isang pagpapala para sa mga lokal na lider?” Dapat palagi mong isipin kung paano ka makatutulong. Tulad ni Ammon sa Aklat ni Mormon, pakitunguhan ang mga lokal na lider nang may hangaring maglingkod (tingnan sa Alma 17:23–25).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga mission leader: “Nawa’y matutuhan ninyong mahalin ang mga lokal na lider at miyembro. Tulungan sila at hikayatin sila. Ang kakayahan ninyong i-konekta ang sigla ng mga misyonero sa katatagan at mapagmahal na pagsisikap ng mga miyembro ay talagang napakahalaga. Magkakaroon kayo ng napakaraming tagumpay” (“Hopes of My Heart,” seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 23, 2019).
Suportahan ang mga Miyembro sa Kanilang mga Pagsisikap na Ibahagi ang Ebanghelyo
Maraming paraan para masuportahan at mahikayat ang mga miyembro sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Tulungan silang isipin kung paano napagpala ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Hikayatin sila na “itaas [ang kanilang] ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan” (3 Nephi 18:24).
Tulungan ang mga miyembro na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya. Magbigay ng mga halimbawa ng normal at natural na mga paraan na maisasabuhay nila ang mga alituntuning ito.
Magmahal. Ang isang paraan para magpakita ng pagmamahal sa Diyos ay ang pagmamahal at paglilingkod sa Kanyang mga anak. Hikayatin ang mga miyembro na tumulong nang may pagmamahal sa kanilang pamilya, kaibigan, kapitbahay, at iba pa. Ang anumang pagsisikap na magpakita ng pagmamahal ay mahalagang bahagi ng pagtupad natin sa mga tipan na ginawa natin sa Diyos (tingnan sa Mosias 18:9–10).
Magbahagi. Dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak, natural na nanaisin ng mga miyembro na ibahagi ang mga pagpapalang ibinigay Niya sa kanila (tingnan sa Juan 13:34–35). Hikayatin ang mga miyembro na ibahagi sa iba kung paano napagpala ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Hikayatin silang ibahagi ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang impluwensya. Tulungan silang madama ang kagalakang nagmumula sa pagbabahagi nila ng kanilang pagmamahal, oras, at mahahalagang sandali sa kanilang buhay. Tulungan silang matutuhan kung paano magbahagi sa normal at natural na mga paraan—bilang bahagi ng mga ginagawa na nila sa kanilang buhay.
“Lahat tayo’y nagbabahagi ng kung anu-ano sa iba. Madalas nating ginagawa iyon. Ibinabahagi natin ang mga pelikula at pagkaing gusto natin, mga nakakatawang bagay na nakikita natin, mga lugar na binibisita natin, sining na nagugustuhan natin, mga siping nagbibigay-inspirasyon sa atin.
“Paano natin simpleng maidaragdag sa listahan ng mga bagay na ibinabahagi na natin kung ano ang gustung-gusto natin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo? … Sa pagbabahagi ng ating mga positibong karanasan sa ebanghelyo sa iba, nakikilahok tayo sa pagtupad sa dakilang atas ng Tagapagligtas” (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 86).
Mag-anyaya. Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo at maghanda para sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Alma 5:33–34). Tulad ng pagbabahagi, ang pag-aanyaya ay ang simpleng pagsali sa ating mga kapamilya, kaibigan, at kapitbahay sa mga bagay na ginagawa na natin. Hikayatin ang mga miyembro na ipanalangin ang pag-anyaya sa mga tao sa sumusunod na paraan:
-
Pumarito at tingnan. Anyayahan ang mga tao na “pumarito at tingnan” ang mga pagpapalang matatanggap nila sa pamamagitan ni Jesucristo, ng Kanyang ebanghelyo, at ng Kanyang Simbahan.
1:23 -
Pumarito at maglingkod. Anyayahan ang mga tao na “pumarito at maglingkod” sa mga nangangailangan.
-
Pumarito at maging kabilang. Anyayahan ang mga tao na “pumarito at maging kabilang” bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson: “Daan-daang paanyaya ang maipararating natin sa iba. Maaari nating anyayahan ang iba na ‘pumarito at tingnan’ ang isang sacrament service, isang aktibidad ng ward, isang online video na nagpapaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ‘pumarito at tingnan’ ay maaaring maging isang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon o bisitahin ang isang bagong templo sa open house nito bago ito ilaan. Kung minsa’y inaanyayahan natin ang ating sarili—isang paanyaya sa ating sarili, na nagbibigay sa atin ng kamalayan at pananaw sa mga oportunidad na nakapaligid sa atin na magagawa natin” (“Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” 86).
Tiyakin na tulungan ang mga kabataan na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Ang mga kabataan ay may angking kakayahang mahalin ang kanilang mga kaibigan, ibahagi ang laman ng kanilang mga puso, at anyayahan sila sa mga aktibidad.
Tulungan ang mga miyembro na maunawaan na ang anumang pagsisikap na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya ay makabuluhan, nakipagkita man sa mga misyonero o sumapi man sa Simbahan ang isang tao o hindi.
Tulungan ang mga miyembro na gamitin ang kanilang mga kakayahan upang ibahagi ang ebanghelyo. Ang ilan ay magaling sa paghahanap ng mga taong matuturuan, at ang iba naman ay magagaling na guro. Ang ilan ay may angking kakayahang makipagkaibigan, samantalang ang iba naman ay hilig ipanalangin ang kanilang mga kaibigan. Tulungan silang makita na maraming paraan para makibahagi ang lahat.
Kapag binibisita ninyo ang mga miyembro, gawin ito nang may layunin. Ipakita na sabik kayong maghanap at magturo ng mga tao. Igalang ang kanilang oras at iskedyul.
Maaaring ikatuwa ng ilang miyembro na magbahagi kayo ng mensahe mula sa isa sa mga lesson. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nakakapagpabago ng buhay. Ang pagtulong sa mga miyembro na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa ebanghelyo ay makatutulong para magkaroon sila ng higit na tiwala sa inyo at maging sabik silang ibahagi ang ebanghelyo. Tulungan silang makilala ang Espiritu at kumilos ayon sa mga pahiwatig nito.
Maghanap ng mga taong matuturuan sa pamamagitan ng mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya, mga prospective elder, nagbabalik na mga miyembro, at mga bagong miyembro. Malamang ay mayroon silang maraming kapamilya at mga kaibigan na iba ang paniniwala.
Sa lahat ng ginagawa ninyo kasama ang mga miyembro, sundin ang Espiritu at sikaping patatagin ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Para sa karagdagang mga ideya at sanggunian kung paano ninyo masusuportahan ang mga miyembro sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tingnan ang:
-
Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Gospel Library.
-
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 13.
-
Pangkalahatang Hanbuk, kabanata 23.
Mga Pangakong Pagpapala para sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Tulungan ang mga miyembro na maunawaan ang napakagagandang pagpapala mula sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Kabilang dito ang:
-
Kagalakan at kapayapaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16; Alma 26:11, 13, 35; Alma 36:24–28).
-
Nagbibigay-kakayahang kapangyarihang mula sa Diyos (tingnan sa Mosias 18:8–13; Juan 15:4–5).
-
Proteksyon mula sa tukso (tingnan sa 3 Nephi 18:24–25).
-
Kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 62:3).
Maghanap sa pamamagitan ng Preach My Gospel App
Ang Preach My Gospel app ay isang magandang paraan para makahanap ng mga taong matuturuan. Ang mga misyonero na patuloy na ginagamit ang mga feature ng app na ito ay nagkakaroon ng higit na tagumpay sa paghahanap. Para matutuhan ang mga feature na ito, tingnan ang training na nasa mismong app. Maging sensitibo sa mga espirituwal na pahiwatig na maaari ninyong matanggap habang nirerebyu ninyo ang mga pangalan ng mga tao.
Kasama sa app ang mga impormasyon tungkol sa mga taong ini-refer, kinontak, o naturuan noon. Maaaring nais ng ilan sa mga taong ito na muling makipagkita sa mga misyonero. Maaaring may kakilala rin sila na interesado sa pag-aaral tungkol sa ebanghelyo.
Sa inyong pagpaplano, gamitin ang mapa at mga filter sa app para matukoy kung sino ang mga taong bibisitahin ninyo. Tingnan ang kanilang impormasyon at alamin kung paano sila nahanap. Tingnan kung mayroong talaan tungkol sa mga miyembrong tumulong sa kanila noon. Gamitin ang impormasyong ito para matukoy ang pinakamainam na paraan para muli silang makontak.
Gamitin ang filters feature sa app para matukoy kung sinu-sino ang:
-
Nagkaroon ng naka-iskedyul na petsa ng binyag pero hindi nabinyagan.
-
Dumalo sa sacrament meeting kahit isang beses pero hindi nabinyagan.
-
Nakatanggap ng mahigit sa tatlong lesson.
-
Hindi nakontak kamakailan.
Kung ang mga taong nakontak ninyo ay hindi interesadong maturuan o piniling hindi na makipagkita sa inyo, itala ang impormasyong ito sa app. Itala kung paano kayo patuloy na makikipag-ugnayan sa kanila at kung paano ninyo sila tutulungan hanggang sa maging handa na silang matuto pa. Halimbawa, isaalang-alang ang pag-anyaya sa kanila na mag-sign up para sa isang serye ng email kung saan makakatanggap sila ng mga mensahe tungkol kay Jesucristo o iba pang paksa ng ebanghelyo. Maaari din ninyo silang ipakilala sa isang miyembro na makakasagot sa kanilang mga tanong at matutulungan silang magkaroon ng interes at kaibigan. Maglagay ng reminder sa app kung kailan kayo magpa-follow up sa kanila. Tanungin sila kung mayroon silang kakilala na maaaring interesado sa inyong mensahe.
Maaari din kayong makahanap ng mga taong matuturuan sa pamamagitan ng Preach My Gospel app gamit ang mga filter o group para magpadala ng mga group message. Magandang paraan ito para maipaalam sa mga tao ang tungkol sa mga kaganapang tulad ng mga aktibidad ng ward at mga serbisyo sa binyag. Mag-follow up sa mga personal na imbitasyon sa mga kaganapang ito.
Maghanap sa pamamagitan ng Paglilingkod
Bigyan ang mga Tao ng Pagkakataong Pumarito at Maglingkod
Ang mga tao ay maaaring magkaroon ng magagandang karanasan at makipag-ugnayan sa mga misyonero at mga lokal na miyembro sa pamamagitan ng mga aktibidad sa paglilingkod. Maraming tao ang masayang ibahagi ang kanilang mga talento, kakayahan, o maglingkod at kailangan lang silang anyayahan.
Anyayahan ang mga tao na makibahagi sa mga service activity na inorganisa ng ward. Maaari din ninyong ipakilala sa mga tao ang mga pagkakataong maglingkod tulad ng mga nasa JustServe.org kung saan mayroon nito. Habang naglilingkod kayo kasama ng ibang tao, maaari kayong makabuo ng makabuluhang mga ugnayan sa kanila.
Mag-alok na Maglingkod
Tulad ng Tagapagligtas, “[maglibot] na gumagawa ng mabuti,” (Mga Gawa 10:38; tingnan din sa “Naglilibot na Gumagawa ng Mabuti” sa kabanata 1). Manalangin para mapansin ninyo ang mga pagkakataong makagawa ng mabuti sa buong maghapon. Kung minsan ang inyong mga gagawing paglilingkod ay nakaplano, pero kadalasan ay hindi ito planado. Maghanap ng mga simple at agarang paraan para makapaglingkod, makatulong, at masuportahan ang mga tao. Tandaan na ginamit ng Panginoon ang mga hindi inaasahang pagkakataon para matulungan at mapagpala ang ibang tao.
Maglingkod nang may taos-pusong hangaring tumulong sa mga tao. Kung ang isang paglilingkod ay humantong sa isang pagkakataong makapagturo, magpasalamat kayo. Kung hindi naman, magpasalamat na nakagawa kayo ng kabutihan para sa ibang tao. Sagutin ang mga tanong sa inyo ng mga tao. Kung may tao na nagsabing interesado siya sa inyong mensahe, maikling tumugon at mag-iskedyul na makipagkita sa kanya sa ibang oras at lugar para magbahagi ng mensahe.
Tiyakin na susundin ninyo ang mga tuntunin sa paglilingkod sa Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo, 2.7 at 7.2.
Hanapin ang mga Tao Kung Saan Sila Naroon
Ang paghahanap ng mga tao ay nagsisimula sa pagtingin sa kanila ayon sa paningin ng Diyos. Ipalagay na kayo ay ginabayan para makausap ang taong ito, o siya ay ginabayan na kausapin kayo. Sikaping unawain ang mga espirituwal na pangangailangan at hangarin ng mga tao. Alamin kung ano ang pinakamahalaga sa kanila, lalo na ang kanilang ugnayan sa kanilang pamilya at sa Diyos. Maaari ninyong itanong ang tulad ng mga nasa ibaba—at taos-pusong makinig:
-
Ano ang pinakamahalaga sa inyo?
-
Ano ang nagbibigay sa inyo ng kagalakan?
-
Ano ang nais ninyo para sa kinabukasan ninyo at ng mga mahal ninyo sa buhay?
-
Anong mga hamon ang kinakaharap ninyo sa pag-abot ninyo sa inyong mga pangarap?
-
Anong aspekto ng inyong buhay ang nais ninyong pagbutihin?
Maghangad ng inspirasyon habang pinagninilayan ninyo ang nalaman ninyo tungkol sa mga inaasam at pinapangarap ng tao. Anu-anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nauugnay sa kanyang mga hangarin?
Ibatay ang paraan ninyo ng pakikipag-usap sa pananaw ng taong iyon. Ano ang alam niya tungkol sa inyo? Ano ang maiaalok ninyo na maaaring makatulong sa kanya? Nadarama ba ng tao na makabuluhan ang pakikipag-ugnayan niya sa inyo?
Isipin ang iba’t ibang dahilan kung bakit nais ng mga tao na makilala kayo, ang ibang mga miyembro, o ang Simbahan. Ang ilang halimbawa ng mga bagay na maaari ninyong maibigay ay nakabalangkas sa ibaba.
Magbigay ng mga Karanasan o Impormasyon na Pahahalagahan Nila
Gamitin ang mga sanggunian ng Simbahan at mga talento at kakayahan ninyo para makaugnay sa mga interes ng isang tao. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pagbibigay ng impormasyon o mga karanasan na pahahalagahan ng tao.
Maging bukas sa inspirasyon at maging malikhain habang nag-iisip kayo ng iba’t ibang uri ng mga karanasan o impormasyon na maaari ninyong maibigay. Nakalista sa ibaba ang ilang mga ideya.
-
Ibahagi ang link sa isang sanggunian ng Simbahan na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa isang bagay na interesado sila.
-
Magdaos ng isang kaganapan tulad ng isang debosyonal (nang personal o live stream).
-
Mag-alok ng isang aktibidad sa isang lokal na pagtitipon o kaganapan (halimbawa, gumawa ng libreng mga family history tree sa isang palengke).
-
Mag-alok na magturo kayo ng isang klase.
-
Mag-organisa ng isang klase sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o mag-alok na magbasa ng Biblia o iba pang banal na kasulatan kasama nila.
-
Ituro ang Ingles bilang pangalawang wika.
-
Ipaalam sa publiko ang mga lokal na aktibidad ng Simbahan tulad ng isang holiday party o mga klase para sa self-reliance. Gumamit ng mga flyer o ng social media.
-
Anyayahan sila sa isang serbisyo sa binyag.
-
Alukin sila na libutin ang lokal na meetinghouse.
Ang isa sa pinakamakabuluhang karanasan na maiaalok ninyo sa mga tao ay ang pagsisimba. Anyayahan silang dumalo at ipaliwanag sa kanila kung ano ang nangyayari dito. Ibahagi sa kanila kung paano mapagpapala ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagdalo sa sacrament meeting.
Bumuo ng Tunay na Pagkakaibigan
Maraming tao ang nais makasalamuha o mas makilala pa ang mga tao sa kanilang komunidad. Ang ilang tao ay nalulungkot. Ang ilang ideya na makatutulong sa pagbuo ng makabuluhang mga ugnayan ay nakalista sa ibaba.
-
Bisitahin ang mga taong bagong lipat sa lugar para makilala at makumusta sila.
-
Ipakilala sa mga miyembro ang mga tao sa komunidad na may mga interes na katulad ng sa kanila.
-
Anyayahan ang mga tao na dumalo sa mga miting, aktibidad, at open house ng ward.
-
Mag-alok na ipakilala sila sa ward temple and family history leader, na siyang makatutulong sa kanila na makapagsaliksik tungkol sa kanilang mga yumaong kapamilya.
-
Mag-alok na turuan ang mga tao kung paano magdaos ng family home evening o magbasa ng mga banal na kasulatan bilang pamilya. (Tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, 2.2.4, para sa makatutulong na mga alituntunin na maaaring iangkop sa kalagayan ng mga tao.)
-
Anyayahan ang mga tao sa tamang edad na dumalo sa seminary, institute, o BYU–Pathway Worldwide.
Napakaraming marangal na paraan upang mahanap ang mga taong inihanda para sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Gawin ang makakaya ninyo para mapunta kayo sa landas ng mga taong ito.
Kontakin ang mga Taong Ini-Refer sa Inyo
Ang mga taong ini-refer sa inyo ay maaaring handa nang tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga referral ay maaaring mula sa mga miyembro ng Simbahan, iba pang mga misyonero, headquarters ng Simbahan, at sa mga lokal na social media.
Kontakin Sila sa Lalong Madaling Panahon
Kapag may ipinadalang referral sa inyo mula sa headquarters ng Simbahan o lokal na social media, rebyuhin ang impormasyon sa Preach My Gospel app tungkol sa kanilang mga interes. Subukan silang kontakin sa lalong madaling panahon.
Gamitin ang sumusunod na tuntunin para sa mga taong ini-refer sa inyo:
-
Kung ang tao ay ini-refer ng isang miyembro o ng ibang misyonero, kontakin ang taong nagbigay ng referral para makakuha ng karagdagang impormasyon. Kung mga misyonero ang nag-refer sa tao, maaari nila kayong samahan sa pagtuturo sa pamamagitan ng internet kapag pinayagan sila ng kanilang mission leader. Maaari kayong samahang magturo ng mga miyembro nang personal o sa pamamagitan ng internet.
-
Subukang kontakin ang tao sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng pagbisita, pagtawag sa telepono, text, email, o iba pang uri ng komunikasyon. Kung hindi tumugon ang tao, subukan siyang kontakin sa ibang oras.
-
Kung una ninyo siyang kinontak sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, text, o email, mag-iskedyul ng oras para makausap siya nang personal o sa pamamagitan ng teknolohiya.
-
Rebyuhin ninyong magkompanyon ang kahilingan ng tao at tukuyin ang kanyang mga pangangailangan at mga interes. Alamin kung paano matutugunan ng ebanghelyo ang mga pangangailangang iyon.
-
Kapag nakipagkita kayo, dalhin ang anumang bagay na hiniling nila, tulad ng Aklat ni Mormon. Magbahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo mula sa mga lesson ng misyonero na makatutugon sa mga interes o pangangailangan ng tao.
Kung minsan, ang mga referral ay maaaring maging daan para makilala ninyo ang mga taong inihanda ng Diyos. Kung ang mga taong nakontak ninyo ay hindi interesado, tanungin sila kung may kakilala sila na maaaring interesado o nangangailangan ng pag-asa sa buhay. Marahil ay inakay kayo sa taong ito dahil sila ay may kasama sa bahay o kapitbahay na handa nang tanggapin ang ebanghelyo.
Kung hindi natuloy ang appointment ninyo sa isang tao, isipin kung paano ninyo magagawa ang gawaing misyonero sa lugar na iyon. Matutulungan kayo ng Preach My Gospel app na mahanap ang mga tao na malapit sa mga taong nakontak o naturuan noon.
Mag-Refer ng mga Tao sa mga Misyonero sa Ibang Area
Kapag may nakilala kayong tao na interesadong matuto tungkol sa ebanghelyo ngunit nakatira sa labas ng inyong area, bigyan sila ng maikling paliwanag tungkol sa ebanghelyo. At pagkatapos ay tulungan silang maghandang makilala ang mga misyonero at mga miyembro sa lugar kung saan sila nakatira.
Sa pag-apruba ng inyong mission president, maaari ninyong patuloy na suportahan ang mga taong ito para matulungan silang tanggapin ang ebanghelyo (tingnan sa Mga Pamantayan ng Missionary, 7.5.4).
Gumamit ng Teknolohiya
Maraming paraan para magamit ninyo ang teknolohiya sa paghahanap ng mga taong matuturuan. Nakalista sa ibaba ang ilan sa mga halimbawa:
-
Gamitin ang social media para makipagtulungan sa mga miyembro na makahanap ng mga taong matuturuan.
-
Bumuo ng mga ugnayan sa pamamagitan ng pagkontak sa mga tao sa email at social media.
-
Magbahagi ng mga nagbibigay-inspirasyong mga banal na kasulatan, sipi, at mensahe ng ebanghelyo.
-
Tulungan ang mga tao na gamitin ang FamilySearch.org para makakuha ng impormasyon tungkol sa kanilang mga yumaong kapamilya.
-
Mag-alok ng mga online na klase para magturo ng mga kasanayan.
-
Bumuo ng mga angkop na ugnayan sa pamamagitan ng mga online interest group.
-
Gumawa ng post na nag-aanunsyo ng nalalapit na mga kaganapan sa ward.
Ang paggamit ng teknolohiya ay isang mahalagang paraan para magkaroon kayo ng “maraming pamingwit sa tubig” sa buong maghapon. Bukod pa sa iba ninyong mga pagsisikap sa paghahanap, tiyaking gumamit ng iba’t ibang paraan sa internet para makahanap ng mga taong matuturuan.
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang teknolohiya ay nakapagbibigay ng maraming mabibisang paraan na maipahahayag natin si ‘Jesucristo, at siya na ipinako sa krus’ at ‘[mangaral] ng pagsisisi sa mga tao’ [1 Corinto 2:2; Doktrina at mga Tipan 44:3]. Ang bagong henerasyon ay handang pakinggan at malaman ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng ganitong mga uri ng komunikasyon” (“They Should Proclaim These Things unto the World,” seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 24, 2016).
Gamitin ang Family History
Ang family history ay isa pang paraan para makahanap kayo ng mga taong matuturuan. Iniimpluwensyahan ng Espiritu ang milyun-milyong tao sa buong mundo na kilalanin ang kanilang mga yumaong ninuno. Marami ang naghahangad ng mas matibay na koneksyon sa kanilang mga kamag-anak. Maaari itong humantong sa hangaring magkaroon ng koneksyon at identidad bilang bahagi ng pamilya ng Diyos.
Ang tinutukoy natin kung minsan na diwa ni Elijah ay ang impluwensya ng Espiritu Santo na naghihikayat sa mga tao na matukoy, maitala, at mapahalagahan ang kanilang mga kapamilya—sa kasalukuyan at sa nakaraan (tingnan sa Malakias 4:5–6).
Habang kayo ay naghahanap, maaari ninyong ipaalam sa mga tao ang FamilySearch.org o anyayahan sila na i-download ang FamilySearch app o ang FamilySearch Memories app. Maaari din kayong magbigay sa kanila ng kopya ng buklet na Ang Aking Pamilya: Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin. Ang mga sangguniang ito ay tumutulong sa mga tao na tuklasin ang kanilang mga kamag-anak at ninuno at tipunin ang mga kuwento ng mga ito.
Alamin kung anong mga sanggunian sa family history ang makukuha sa inyong area at kung paano makatutulong ang mga ito sa mga taong nakakausap ninyo. Matutulungan ng ward temple and family history leader ang mga tao na matukoy ang kanilang mga yumaong ninuno.
Anyayahan ang mga tao na ibahagi sa inyo ang kanilang mga alaala sa kanilang mga mahal sa buhay. Kapag ginawa nila ito, maaari nilang madama ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya sa plano ng Diyos. Ang mga sandaling ito ay maaaring humantong sa natural na pag-uusap tungkol sa layunin ng buhay, sa plano ng kaligayahan ng Diyos, at sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa planong ito.
Kung angkop, ituro sa mga tao ang doktrina kung bakit ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan ang gawain sa family history at kung paano ito nauugnay sa mga templo.
Manalangin para mapansin ninyo ang mga pagkakataong maaaring gamitin ang family history sa paghahanap ninyo ng mga taong matuturuan. Maging malikhain at maging pamilyar sa magagamit na mga sanggunian.
Maghanap Kapag Nagtuturo Kayo
Ang paghahanap at pagtuturo ay magkaugnay na mga aktibidad. Ang mga tinuturuan ninyo ay kadalasang may mga kaibigan o kamag-anak na handang tumanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag naranasan ng mga tinuturuan ninyo ang mga pagpapala ng ebanghelyo, magkakaroon sila ng higit na hangaring ibahagi ito (tingnan sa 1 Nephi 8:12). Sa lahat ng sitwasyon—gaya ng paghahanap, pagtuturo, at pakikipagtulungan sa mga miyembro—itanong, “Sino sa kakilala ninyo ang maaaring makinabang sa mensaheng ito?”
Kapag ang mga tinuturuan ninyo ay naghahanda para sa kanilang serbisyo sa binyag, tanungin sila kung sino sa kanilang mga kapamilya at kaibigan ang nais nilang anyayahan sa kanilang binyag. Gumawa ng plano na anyayahan at hikayatin ang lahat na dumalo. Ang Espiritu ay higit na nadarama sa isang serbisyo sa binyag.
Magturo Kapag Nakahanap Kayo
Habang nakakausap ninyo ang mga tao at natutukoy ang kanilang mga interes at pangangailangan, sanayin ang inyong sarili na magsimulang magturo at magbahagi ng inyong patotoo. Marami kayong mahahanap na mga taong matuturuan kapag nagpapatotoo kayo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at tinutulungan ninyo silang madama ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Isiping ituro ang mga paksang tulad ng kaligayahan, paghihirap, ang layunin ng buhay, o kamatayan. Paano man ninyo sila unang kinausap, mabilis at simpleng banggitin ang Tagapagligtas, ang Kanyang ebanghelyo, at ang Kanyang pagtawag kay Propetang Joseph Smith. Ito ang natatangi nating mensahe sa mundo.
Ang sumusunod na mga bahagi ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano ninyo maikling maituturo ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang kahalagahan ng pamilya.
Magturo at Magpatotoo tungkol sa Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Magpatotoo tungkol kay Jesucristo at magturo ng maiikling buod ng mga ipinanumbalik na katotohanan. Halimbawa, maaari ninyong patotohanan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa dalawa o tatlong pangungusap lamang:
Pagkatapos mawala sa loob ng ilang siglo, ang mga katotohanan ay ipinanumbalik ng isang mapagmahal na Diyos sa pamamagitan ng isang buhay na propeta. Mayroon kaming isang patunay nito na maaari mong hawakan, basahin, pagnilayan sa iyong puso. Inaanyayahan ka namin na magbasa at manalangin para malaman mo sa iyong sarili kung totoo ito. Papayagan ba ninyo kami na …
Kung mayroon pa kayong karagdagang oras, maaari pa kayong magbahagi nang higit pa:
Simple ang mensahe namin. Ang Diyos ay ating Ama. Tayo ay Kanyang mga anak. Bahagi tayo ng Kanyang pamilya. Kilala Niya tayo nang personal at mahal Niya tayo. Nais Niya na magkaroon tayo ng kagalakan. Mula sa simula ng mundo, paulit-ulit Siyang nakikipag-ugnayan sa Kanyang mga Anak nang may pagmamahal para ihayag ang ebanghelyo ni Jesucristo upang malaman nila kung paano makabalik sa Kanyang piling. Ipinahayag Niya ang ebanghelyo sa mga propeta gaya nina Adan, Noe, Abraham, at Moises. Pero maraming tao ang paulit-ulit ding tinanggihan ang ebanghelyo at ang mga propetang nagturo nito. Dalawang libong taon na ang nakararaan, itinuro mismo ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo. Tinanggihan din ng mga tao si Jesus. Pagkatapos mamatay ng mga Apostol ni Jesus, binaluktot ng mga tao ang tunay na doktrina, tulad ng Panguluhang Diyos. Binago rin nila ang mga ordenansang tulad ng binyag.
Ang imbitasyon namin sa inyo ay dagdagan pa ang mga katotohanang pinahahalagahan na ninyo. Isaisip ang mga katibayan na muling nakipag-ugnayan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak nang may pagmamahal at inihayag ang mga totoong doktrina at ordenansa sa isang propeta. Ang pangalan ng propetang ito ay Joseph Smith. Ang katibayan ng katotohanang ito ay makikita sa isang aklat—ang Aklat ni Mormon. Mahahawakan ninyo ito, mababasa, at mapag-iisipang mabuti ang katotohanan nito sa inyong puso. Inaanyayahan namin kayo na magsimba at matuto pa.
Magturo at Magpatotoo tungkol sa Kahalagahan ng Pamilya
Ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pamilya ay tutulong sa inyo na makahanap ng mga taong matuturuan, mayroon man silang kaalaman tungkol sa Kristiyanismo o wala. Mabilis ninyong maiuugnay sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang nalalaman ng maraming tao tungkol sa pamilya. Maaari ninyong sabihin ang tulad nito:
Ang ating pamilya ay isa sa may pinakamalaking impluwensya sa ating buhay. Ang ugnayan natin sa pamilya ang nagbibigkis sa atin sa isa’t isa at tumutulong sa atin na madama na tayo ay kailangan at minamahal.
Ang pagkakaroon ng matibay at masayang pamilya ang unang prayoridad ng maraming tao. Ang pagkakaroon ng matatag na pagsasama ng mag-asawa at pagpapalaki ng mga anak sa ating mundo ngayon ay maaaring maging napakahirap.
Pagkatapos ay maaari na ninyong banggitin ang mensahe ng Panunumbalik:
Bahagi na kayo ng pamilya ng Diyos bago pa man kayo isilang. Siya ang ating Ama. Nais ng Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanyang piling. Kayo ay anak Niya, at mahal Niya kayo. Mayroon Siyang plano para tulungan kayo na makabalik sa Kanya.
Ang mga katotohanang ito at iba pa ay ipinanumbalik sa mundo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng isang buhay na propeta. Ang mga katotohanang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ating kinatatayuan sa pamilya ng Diyos. Maaari ba naming ituro sa inyo ang tungkol sa mga katotohanang ito? Magsisimba ba kayo para marami pa kayong matutuhan tungkol dito?
Walang Nasasayang na Pagsisikap
Kapag pinili ng mga tao na hindi magpatuloy sa pag-aaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, hindi nasayang ang inyong mga pagsisikap. Marahil ay nakapagtanim kayo ng binhi na tutubo sa ibang panahon. Mangyari man ito o hindi, ang inyong paglilingkod at pagpapahayag ng tunay na pagmamahal ay magpapala sa inyo at sa kanila.
Kung hindi pa handa ang mga tao na tanggapin ang ebanghelyo, tingnan kung ano pa ang magagawa ninyo para pagyamanin ang kanilang buhay. Ang mga ugnayang binuo ninyo ay makabuluhan at mahalaga pa rin. Patuloy na maging kaibigan nila.
Kung minsan ay kailangan ng mga tao ng panahon para mapag-isipan ang mga pagbabagong hinihingi sa kanila. Tulungan silang makatangap ng mga mensahe sa pamamagitan ng mga email o website ng Simbahan. Ang mga mensaheng ito ay maaaring makatulong na maihanda ang mga tao na tanggapin ang mga paanyayang matuto pa sa hinaharap.
Kapang hindi tinanggap ng isang tao ang ebanghelyo, natural lamang na makadama ng kabiguan. Gayunman, kapag bumaling ka sa Panginoon sa mga panahong ito, nangako Siya, “Aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan” (Isaias 41:10).
Sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo, magkakaroon ka ng kapayapaan at kapanatagan tungkol sa iyong mga pagsisikap. Palaging tandaan kung sino ka at kung bakit ka naglilingkod sa Panginoon bilang misyonero. Ang iyong pananampalataya ay tutulong sa iyo na sumulong at ipagpatuloy ang mabubuti mong hangarin.
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Basahin ang Juan 15:12, Juan 21:15–17, 1 Tesalonica 2, at Mosias 18:8–10. Gaano kahusay mong nagagampanan ang iyong responsibilidad na mahalin at paglingkuran ang iba? Paano mo pa ito mapagbubuti? Isulat ang iyong sagot sa iyong study journal.
-
Basahin ang 3 Nephi 18:31–32, Alma 24:7–8, at Alma 32:41. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paglilingkod sa mga taong naturuan na noon? Isulat ang natutuhan mo sa iyong study journal. Ituro ito sa iyong kompanyon.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Gumawa ng plano na makipagkita sa mga bagong miyembro sa inyong area. Kung kailangan, gamitin ang Preach My Gospel app para matukoy sila. Itanong ang gaya ng mga sumusunod:
-
Paano kayo inihanda para tanggapin ang ebanghelyo?
-
Kailan at paano ninyo unang nalaman ang tungkol sa Simbahan?
-
Ano ang nag-udyok sa inyo na makipagkita sa mga misyonero?
-
Paano namin masusuportahan ang patuloy ninyong pag-unlad sa ebanghelyo?
Mula sa mga pag-uusap na ito, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa paghahanap ng mga tao na kumikilos upang mabinyagan? Gumawa ng plano na isabuhay ngayong linggo ang natutuhan ninyo.
-
-
Rebyuhin ang bawat isa sa sumusunod na mga paksa. Gamit ang mga lesson sa kabanata 3, maghanda ng simpleng paraan ng paghahanap ng matuturuan. Magpraktis na magturo habang naghahanap ng matuturuan.
-
Nadaramang kailangan ng dagdag na patnubay at layunin sa buhay
-
Nais mas mapalapit sa Diyos
-
Kailangan ng tulong sa mahahalagang desisyon
-
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Basahin at talakayin ang bahaging “Palawakin ang Inyong Pang-unawa kung Paano Magplano para Makahanap”. Ipakumpleto sa bawat magkompanyon ang pagsusuri.
-
Pag-usapan kung paano nakatulong sa mga misyonero ang mga ideyang ito sa paghahanap ng mga taong matuturuan.
-
Maglista ng iba pang mga ideya sa paghahanap ng mga taong matuturuan. Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang kanilang mga ideya.
-
Anyayahan ang mga misyonero na magtakda ng personal na mithiin para mapagbuti ang paghahanap nila ng mga taong matuturuan.
-
-
Gumawa ng listahan ng mga oportunidad kung saan maaari silang makahanap ng mga taong matuturuan.
-
Magbigay ng isang oportunidad sa bawat misyonero. Bigyan ang bawat misyonero ng limang minuto para makapaghanda kung paano niya ituturo ang isang bahagi ng lesson sa sitwasyong ibinigay sa kanya.
-
Bigyang-diin na kailangan nilang iangkop ang haba ng mensahe sa sitwasyon.
-
Anyayahan ang ilang misyonero na ituro ang lesson na pinlano nila para sa kanilang sitwasyon.
-
-
Anyayahan ang mga misyonero na praktisin sa isa’t isa ang pagbabahagi ng isang minutong mensahe. Maaaring magbigay ka ng iba’t ibang paraan sa paghahanap ng mga taong matuturuan, gaya ng pagtuturo sa tahanan ng miyembro, pagtuturo sa may pintuan, sa daan, o pagkontak ng referral. Ipapraktis sa mga misyonero ang pagtuturo sa bawat sitwasyong ito.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Maging halimbawa ng gawain ng miyembro-at-misyonero sa iyong pamilya. Ibahagi ang mga karanasan mo sa mga misyonero at miyembro.
-
Sumangguni sa mga lokal na priesthood leader at mga lider ng organisasyon para malaman kung ano ang pinakamainam na paraan para makahanap ang mga misyonero ng matuturuan sa inyong mission.
-
Magdaos ng mga missionary devotional kung saan maaari kang magbahagi ng mensahe sa mga taong tinuturuan sa mission ninyo. Makipagtulungan sa mga lokal na priesthood leader upang madala ng mga miyembro ang kanilang mga kaibigan. Anyayahan ang mga bagong miyembro na ibahagi ang kanilang mga patotoo at kuwento ng kanilang pagbabalik-loob bago ka magsalita.
-
Paminsan-minsan ay sumama sa mga misyonero para tulungan silang makahanap ng mga taong matuturuan.