Mga Seminary at Institute
Mga Mungkahi para sa Iba’t Ibang Lugar sa Pagtuturo at Iba’t Ibang Mag-aaral


“Mga Mungkahi para sa Iba’t Ibang Lugar sa Pagtuturo at Iba’t Ibang Mag-aaral” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)

“Mga Mungkahi para sa Iba’t Ibang Lugar sa Pagtuturo at Iba’t Ibang Mag-aaral,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

kalalakihan na nagtuturo sa pamilya

Mga Mungkahi para sa Iba’t Ibang Lugar sa Pagtuturo at Iba’t Ibang Mag-aaral

Ang mga alituntunin ng pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas ay magagamit sa anumang pagkakataong magturo—sa tahanan, simbahan, at saanman. Gayunman, bawat pagkakataon ay magkakaiba ng kalagayan. Ang bahaging ito ay nagbibigay ng mga karagdagang mungkahi na partikular sa iba’t ibang mag-aaral at iba’t ibang lugar sa pagtuturo.

Tahanan at Pamilya

Ang Tahanan ang Pinakamagandang Lugar para sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang tahanan ang dapat maging “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113). Ang pagtuturong nangyayari sa simbahan o sa seminary ay mahalaga at kailangan, ngunit ito ay pagsuporta lamang sa pagtuturong nangyayari sa tahanan. Ang pangunahing lugar—at ang pinakamagandang lugar—para sa pag-aaral ng ebanghelyo, kapwa para sa ating sarili at sa ating pamilya, ay ang tahanan.

Ngunit hindi ibig sabihin niyan na awtomatikong nangyayari sa tahanan ang mahusay na pag-aaral ng ebanghelyo; nangangailangan ito ng taos-pusong pagsisikap. Iminungkahi ni Pangulong Nelson na maaaring kailanganin mong “[baguhin]” o “[ayusin] ang inyong tahanan”—hindi sa pamamagitan ng paggiba ng mga dingding o paglalagay ng bagong sahig kundi marahil sa pamamagitan ng pagsusuri sa nangyayari sa loob ng inyong tahanan, kabilang na ang kontribusyon mo rito (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” 113). Halimbawa, isipin ang musika, mga video, at iba pang media sa inyong tahanan; ang mga larawan sa mga dingding; at ang paraan ng pakikipag-usap at pakikitungo ng mga miyembro ng iyong pamilya sa isa’t isa. Nag-aanyaya ba ang mga bagay na ito ng impluwensya ng Espiritu Santo? Naglalaan ka ba ng oras para matutuhan ang ebanghelyo, nang mag-isa at kasama ang iyong pamilya? Nadarama ba ng mga miyembro ng pamilya na sila ay minamahal, ligtas, at malapit sa Diyos kapag sila ay nasa inyong tahanan?

Maaaring hindi mo nakokontrol ang mga nangyayari sa inyong tahanan na may kinalaman sa espirituwal. Kung gayon, maging pinakamabuting impluwensya sa abot ng iyong makakaya at humingi ng tulong sa Panginoon. Kikilalanin Niya ang iyong mabubuting pagsisikap. Kapag sinisikap mong ituro at matutuhan ang ebanghelyo, kahit hindi mo nakikita agad ang nais mong ibunga nito, ikaw ay nagtagumpay na.

Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Nakasalig sa mga Ugnayan

Ang “mahalin ang mga tinuturuan mo” ay angkop sa lahat ng lugar para sa pagtuturo ng ebanghelyo, ngunit sa tahanan, ang pagmamahal ay dapat dumating nang kusa at lubos na madama. Kahit hindi perpekto ang inyong tahanan, ito ay nilayong maging sentro ng pagtuturo ng ebanghelyo dahil doon nabubuo ang mga walang hanggang ugnayan. Maaaring mas maraming karanasan o training ang mga guro sa labas ng tahanan, ngunit hindi nila kailanman matutularan ang magiliw at walang hanggang ugnayan na umiiral sa tahanan. Kaya pangalagaan ang mga ugnayang iyon. Mag-ukol ng oras at pagsisikap na kinakailangan sa pakikinig sa iyong mga kapamilya at magkaroon ng tiwala at pagkakaunawaan sa isa’t isa. Makatutulong ito sa paglikha ng matibay na pundasyon para sa mga pagsisikap mong ituro at matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan.

Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Maipaplano ngunit Maaari Ding Mangyari sa mga Sandaling Hindi Inaasahan

Karamihan sa mga klase sa Simbahan ay idinaraos minsan sa isang linggo, na may nakaiskedyul na simula at katapusan, ngunit hindi ito ang palaging nangyayari sa tahanan. Maaaring mayroon kang nakaiskedyul na home evening lesson o pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, ngunit ang mga pagkakataong magturo sa pamilya ay madalas nangyayari sa karaniwang mga sandali sa araw-araw—habang kumakain, gumagawa ng mga gawaing-bahay, naglalaro, papunta sa trabaho o paaralan, nagbabasa ng aklat, o nanonood ng pelikula nang magkakasama. Ang unos o bagyo ay maaaring maging isang pagkakataon para pag-usapan kung paano tayo pinangangalagaan ng ebanghelyo mula sa mga espirituwal na unos. Ang isang tinedyer na nahihirapang magdesisyon ay maaaring handa na para matutuhan ang tungkol sa personal na paghahayag. Ang isang batang natatakot ay maaaring matulungan ng iyong patotoo tungkol sa Mang-aaliw. Ang mga batang nagkakamali o nag-aaway ay maaaring turuan ng tungkol sa pagsisisi at pagpapatwad.

Dahil hindi pinlano ang mga sandaling iyon, hindi mo ito mapaghahandaan na tulad ng paghahanda mo para sa isang lesson. Gayunman, maihahanda mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa Espiritu at pagsisikap na “lagi[ng] maging handa” (1 Pedro 3:15). Ang anumang sandali ay maaaring maging isang sandali ng pagtuturo o pagkatuto.

Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Binubuo ng Maliliit, Simple at Palagiang Pagsisikap

Ang mga magulang kung minsan ay pinanghihinaan ng loob kapag tila hindi nagtatagumpay ang pagsisikap nilang ituro ang ebanghelyo sa tahanan. Kung titingnan nang paisa-isa, tila walang gaanong naisasakatuparan ang isang home evening, sesyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o pag-uusap ng tungkol sa ebanghelyo. Ngunit ang naipong maliliit at mga simpleng pagsisikap, na patuloy na inulit-ulit sa paglipas ng panahon, ay maaaring maging mas mabisa at mas nagpapalakas kaysa sa paminsan-minsang matindihang pagtuturo o pagtuturo ng mahalagang lesson. “Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon,” sabi ng Panginoon. “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:32–33; tingnan din sa Alma 37:6–7). Kaya huwag sumuko, at huwag mag-alala tungkol sa pagsasakatuparan ng isang dakilang bagay sa tuwina. Magpatuloy lang sa iyong pagsisikap.

Sa Tahanan, ang Pag-aaral at Pagpapamuhay ay Hindi Mapaghihiwalay

Ang ebanghelyo ay may pangunahing kaugnayan sa tahanan. Ang mga tao rito na kasama mong natututo ng ebanghelyo ay siya ring makakasama mo sa pagpapamuhay ng ebanghelyo—araw-araw. Katunayan, sa halos lahat ng oras, ang natutuhan natin sa ebanghelyo ang ipinamumuhay natin. Kaya habang pinag-aaralan at itinuturo mo ang ebanghelyo sa tahanan, humanap ng mga paraan na maiugnay mo ang natutuhan mo sa iyong ginagawa. Sa inyong tahanan, pagsikapang ipamuhay ang ebanghelyo, at huwag lamang pag-usapan.

babaeng nagtuturo ng mga anak

Ang mga pagkakataong magturo sa pamilya ay madalas na nangyayari sa karaniwang mga sandali sa araw-araw.

Pagtuturo sa mga Bata

Iba’t Ibang Pamamaraan ang Kailangan ng mga Bata

Magkakaiba ang lahat ng bata, at habang lumalaki sila, nagbabago ang mga pangangailangan nila. Ang pag-iiba-iba ng pamamaraan mo sa pagtuturo ay tutulong sa iyo na matugunan ang iba’t ibang pangangailangan nila. Halimbawa, maaari mong gamitin ang sumusunod:

  • Mga Kuwento. Nakatutulong ang mga kuwento para maunawaan ng mga bata kung paano ipamumuhay ang ebanghelyo araw-araw. Gumamit ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan, mula sa sarili mong buhay, mula sa iyong family history, o mula sa mga magasin ng Simbahan, lalo na ang mga kuwento tungkol sa Tagapagligtas. Magplano ng mga paraan na maisali ang mga bata sa kuwento—sa pamamagitan ng paghawak ng mga larawan, pag-ulit ng mga parirala, o pagsasadula.

  • Mga visual aid. Ang mga larawan, video, at bagay ay makatutulong sa mga bata na maunawaan at maalala ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maraming larawan at video ang matatagpuan sa Media Library sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Musika. Makatutulong ang mga himno at iba pang mga sagradong awit para madama ng mga bata ang pagmamahal ng Diyos, at ang Espiritu, at matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga himig, ritmo, at simpleng rhyme ay makatutulong sa mga bata na maalala ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa darating na mga taon. Kapag kumakanta kayo ng mga bata, tulungan silang tuklasin at unawain ang mga alituntuning itinuro sa mga awit.

Lalong natututo ang karamihan sa mga bata kapag ginagamit nila ang kanilang mga pandama [senses]. Maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga bata na magamit ang kanilang mga pandama: paningin, pandinig, at pansalat habang nag-aaral sila. Sa ilang sitwasyon, maaari ka ring makahanap ng mga paraan para magamit ang kanilang mga pandama na pang-amoy at panlasa!

Ang mga Bata ay Malikhain

Kapag inanyayahan mo ang mga bata na magdrowing, gumawa, magkulay, o magsulat ng isang bagay na nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo, tinutulungan mo silang mas maunawaan ang alituntunin at binibigyan mo sila ng isang bagay na nagpapaalala sa natutuhan nila. Magagamit din nila ang ginawa nila para maibahagi ang natutuhan nila. Kabilang sa bawat isyu ng magasing Kaibigan ang mga malikhaing aktibidad para sa mga bata.

Ang mga Bata ay Mausisa

Kapag nagtatanong ang mga bata, ituring ang mga ito na pagkakataong magturo, at hindi panggagambala. Ang mga tanong ng mga bata ay palatandaan na handa silang matuto, at ang kanilang mga tanong ay nagbibigay sa iyo ng mahahalagang ideya tungkol sa iniisip at nadarama nila. Tulungan silang malaman na ang mga sagot sa kanilang mga espirituwal na tanong ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta.

Kailangan ng mga Bata ng Pagmamahal Kahit Magugulo Sila

Kung minsan may nagagawa ang isang bata na nakagagambala sa pag-aaral ng iba. Karamihan sa mga panggagambalang ito ay dahil sa pangangailangang hindi natugunan. Kapag nangyari ito, maging matiyaga, mapagmahal, at maunawain sa mga hamong maaaring kinahaharap ng bata. Maaaring kailangan lang niya ng mas maraming pagkakataong makibahagi sa lesson sa mga positibong paraan—halimbawa, paghawak ng isang larawan, pagdrowing ng isang bagay, o pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan.

Kung patuloy pa ring nanggugulo ang bata, maaaring makatulong na kausapin siya nang mag-isa. Nang may pagmamahal at pagtitiyaga, ipaliwanag ang mga inaasahan mo at ipahayag ang pagtitiwala mo na magagawa niya ang mga ito. Purihin ang bata kapag mas mabuti ang pinipili niya.

Maraming Maibabahagi ang mga Bata

Kapag may natutuhang bago ang mga bata, gusto talaga nilang ibahagi ito sa iba. Hikayatin ang hangaring ito sa pagbibigay sa mga bata ng mga pagkakataong magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa isa’t isa, sa kanilang mga kapamilya, at mga kaibigan. Sabihin din sa kanila na ibahagi sa iyo ang kanilang mga iniisip, nadarama, at karanasan na nauugnay sa mga alituntuning itinuturo mo. Malalaman mo na ang mga ideya nila ay simple, dalisay, at nakaaantig.

Madarama ng mga Bata ang Espiritu ngunit Maaaring Kailanganin Nila ng Tulong upang Makilala ang Kanyang Impluwensya

Ang mga batang hindi pa nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay maaari ding makadama ng Kanyang impluwensya, lalo na kapag nag-aaral sila ng tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Kapag pinipili nila ang mabuti, madarama nila ang pagsang-ayon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu. Turuan ang mga bata tungkol sa iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Espiritu. Tulungan silang makilala ang Kanyang tinig kapag nangungusap Siya sa kanila. Makatutulong ito para makaugalian nila ang paghahangad ng personal na paghahayag at pagkilos ayon dito sa buong buhay nila.

Pagtuturo sa mga Kabataan

Malaki ang Potensyal ng mga Kabataan

May potensyal ang mga kabataan na makagawa ng mga kahanga-hangang bagay sa paglilingkod sa Panginoon. Nakasaad sa mga banal na kasulatan ang maraming karanasan na naglalarawan sa pagtitiwala ng Diyos sa mga espirituwal na kakayahan ng mga kabataan. Kung nadarama ng mga kabataan na nagtitiwala ka sa kanila, mag-iibayo ang kumpiyansa nila sa kanilang banal na potensyal, at mamamangha ka sa magagawa nila. Magiliw silang tulungan na maunawaan kung ano ang nalalaman ng Ama sa Langit sa makakaya nilang marating. Tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng patuloy na pagmamahal at paghikayat sa kanila, matiyagang pakikipagtulungan sa kanila, at hindi pagsuko sa kanila.

Natututo ang mga Kabataan tungkol sa Kanilang Sarili

Ang mga kabataang tinuturuan mo ay nagtatatag ng pundasyon ng kanilang patotoo. Sila ay nasa proseso ng pagtuklas sa kanilang mga pinaniniwalaan. Gumagawa sila ng mga desisyon na makakaapekto sa takbo ng kanilang buhay. Upang espirituwal na makaligtas sa mapanganib na panahong ito at matupad ang misyon ng Panginoon para sa kanila, kailangang malaman ng mga kabataang tinuturuan mo kung paano makahahanap ng lakas sa panahong sila ay sinusubok, ng mga sagot sa kanilang mga tanong, at ng tapang na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos” (Mosias 18:9).

Tumitindi ang hangarin ng mga kabataan na matutuhan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pag-iisip at karanasan sa halip na sa pamamagitan lamang ng pagsasabi sa kanila ng tungkol sa mga bagay-bagay. Nangangahulugan ito na kakailanganin sa pagtuturo sa mga kabataan ang mahusay na kasanayan sa pakikinig. Kapag nadama ng mga kabataan na nauunawaan sila, mas makikinig sila sa mga payo at tagubilin. Tiyakin sa kanila na kilala sila ng Panginoon at tutulungan sila sa kanilang mga katanungan at pagsubok. Maaari silang manampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng patuloy na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw at sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Ang paghikayat sa mga kabataan na makibahagi sa mga klase sa Simbahan at mag-aral nang mag-isa ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng mga personal na karanasan na magpapalakas sa kanilang patotoo tungkol sa kanilang banal na pamana.

Maraming Kabataan ang Sanay sa Paggamit ng Teknolohiya

Kung may sariling electronic device ang mga kabataang tinuturuan mo, alalahanin na ang mga ito ay mga kasangkapan para mapagbuti ang pag-aaral. Turuan sila kung paano gamitin ang kanilang mga electronic scripture at iba pang resource na matatagpuan sa Gospel Library. Maaari ka ring magpadala ng mga mensahe at link sa mga kabataan upang matulungan silang maghanda para sa darating na mga lesson.

klase ng Sunday School

Kailangang maunawaan ng mga kabataan kung ano ang nalalaman ng Ama sa Langit sa makakaya nilang marating.

Pagtuturo sa mga Adult

Responsibilidad ng mga Adult ang Kanilang Pag-aaral

Ang mga adult na mag-aaral ay may kakayahang kumilos para sa kanilang sarili sa pag-aaral ng ebanghelyo (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Anyayahan silang maghanda para sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa isang bagay nang maaga, at hikayatin silang ibahagi ang natutuhan nila sa pamamagitan ng Espiritu. Maaari mo ring itanong sa kanila kung aling mga alituntunin ng ebanghelyo ang gusto nilang pag-aralan nang magkakasama.

Ginagamit ng mga Adult ang Kanilang mga Karanasan Kapag Nag-aaral

Sabi ni Job, “Nasa matatanda ang karunungan, ang haba ng buhay ay ang kaunawaan” (Job 12:12). Karaniwan, ang karunungan at espirituwal na pang-unawa ay dumarating pagkaraan ng maraming taon ng karanasan. Kapag nagtuturo ka sa mga adult, anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan na nagpalakas ng kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magbibigay ito sa kanila ng mga pagkakataong magpatotoo kung paano nila nalaman na totoo ang mga alituntunin ng ebanghelyo na pinag-aaralan nila. Ang pagbabahagi ng mga karanasan ay lilikha rin ng mga ugnayan sa mga tinuturuan mo, tinutulungan “ang lahat [na] mapasigla ng lahat” (Doktrina at mga Tipan 88:122).

Ang mga Adult ay Naghahanap ng Praktikal na Aplikasyon

Ang mga adult na tinuturuan mo ay maaaring maraming tungkulin at responsibilidad sa kanilang mga propesyon, komunidad, tungkulin sa Simbahan, at pamilya. Kapag pinag-aaralan nila ang ebanghelyo, madalas ay iniisip nila kung paano makatutulong sa kanilang mga tungkulin ang natutuhan nila. Anyayahan silang alamin kung paano nauugnay ang salita ng Diyos sa naiiba nilang kalagayan. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila kung paano naging makabuluhan at angkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

Ang mga Adult ay Maaaring Mag-isip sa mga Kumplikadong Paraan

Dahil sa kanilang karanasan at kaalaman, alam ng mga adult na hindi laging madaling sagutin ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Natutuwa sila na maaaring magkaroon ng maraming kahulugan ang isang scripture passage, at magagamit nila ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa iba’t ibang sitwasyon ng buhay. Anyayahan sila na isipin kung paano nauugnay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa isa’t isa at sa nangyayari sa kanilang buhay. Maghikayat ng pakikilahok at talakayan upang matuto sila mula sa mga natatanging pananaw ng isa’t isa.

babaeng nagtuturo sa klase

Makapagbabahagi ang mga adult ng maraming karanasan na nagpalakas ng kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Pagtuturo sa mga Taong May Kapansanan

Tulungan ang Bawat Tao na Lumago at Umunlad

Itinuro ni Joseph Smith, “Lahat ng isipan at espiritung pinababa ng Diyos sa mundo ay may kakayahang umunlad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244). Ipagpalagay na lahat ng anak ng Diyos ay may kakayahang umunlad sa kaalaman at humusay. Humingi ng tulong sa Panginoon para malaman mo kung paano tutulungan ang bawat tao.

Alamin ang mga Partikular na Pangangailangan

Kausapin ang mga mag-aaral o kanilang mga magulang o tagapag-alaga. Alamin kung paano pinakamabisang matututo ang bawat indibiduwal at kung anong mga estratehiya ang lubos na makatutulong. Maaari ka ring sumangguni sa iba pang mga lider at guro na mayroong karanasan at mga ideya na maibabahagi. Para sa makatutulong na mga estratehiya sa pagtuturo, tingnan sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org.

Lumikha ng Isang Kaaya-ayang Kapaligiran

Lumikha ng isang kaaya-ayang kapaligiran kung saan nadarama ng lahat na ligtas at minamahal sila. Huwag ipagpalagay na magkakapareho ang lahat ng mag-aaral na may kapansanan, at tratuhin ang bawat tao nang may pagmamahal at paggalang. Hikayatin ang iba na maging mabait at magiliw.

Tiyaking Lahat ay Makalalahok

Maaaring gumawa ng maliliit na pagbabago sa mga aktibidad para matiyak na lahat ng mag-aaral ay matututo, kabilang na ang mga taong may mga pisikal na limitasyon o nahihirapang mag-aral. Halimbawa, kung iminumungkahi sa isang aktibidad na magpakita ng isang larawan, maaaring ipalit dito ang pagkanta ng isang awit para maisama ang mga bata na may kapansanan sa mata.

Magtakda ng Gawain [Routine] at Sistema na Palagiang Gagawin

Ang isang paraan para makapagtakda ng routine ay paggawa ng isang poster na may iskedyul. Maaaring kasama sa inyong iskedyul ang panalangin, oras ng pagtuturo, at oras ng aktibidad. Ang pagsunod sa iskedyul ay makatutulong para mabawasan ang pagkabalisa at pagkainip ng ilang mag-aaral.

Unawain Kung Bakit Nangyayari ang Hindi Angkop na Pag-uugali

Alamin ang tungkol sa mga kapansanan o sitwasyon na maaaring nakakaimpluwensya sa isang tao na kumilos nang hindi angkop. Magmasid nang mabuti sa nangyayari kapag nagpapakita ng hindi angkop na pag-uugali ang isang tao. Pag-isipan nang may panalangin kung paano aayusin ang sitwasyon para mas masuportahan ang mga mag-aaral.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtuturo sa mga taong may kapansanan, tingnan sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org.

klase ng Young Women

Ang mga guro ay makalilikha ng isang kaaya-ayang kapaligiran sa pag-aaral kung saan nadarama ng lahat na sila ay tinatanggap at minamahal.

Virtual na Pagtuturo

Maging Pamilyar sa Teknolohiya

Bago ang iyong klase o miting, mag-ukol ng kaunting oras para maging pamilyar sa teknolohiyang gagamitin mo. Alamin ang ilan sa mga feature nito, tulad ng kung paano magbahagi ng mga video o larawan. Isiping magdaos ng “test” meeting sa mga kapamilya o mga kaibigan.

Karamihan sa mga ward at stake ay may technology specialist. Maaaring may kilala ka rin na marunong sa mga virtual meeting. Hingin ang kanilang payo o tulong.

Alisin ang Maaaring Makagambala

Kung maaari, humanap ng tahimik na lugar sa pagdalo sa iyong miting. Ang mga ingay sa paligid o background ay maaaring makagambala. Hikayatin ang mga mag-aaral na gawin din ang gayon o i-mute ang kanilang mikropono kung hindi sila nagsasalita.

Gamitin ang Kamera

Kung maaari, buksan ang iyong kamera para makita ng mga mag-aaral ang iyong mukha. Anyayahan (pero huwag pilitin) ang mga mag-aaral na buksan din ang kanilang kamera. Makatutulong ito sa pagkakaroon ng pagkakaisa at pagsuporta sa isa’t isa.

Gamitin ang Virtual Chat Feature

Maraming virtual meeting program ang pumapayag na mag-type ng tanong o komento sa isang chat window ang mga participant. May ilan din na pinapayagan ang mga participant na virtual na itaas ang kanilang mga kamay. Ipaalam sa mga mag-aaral ang tungkol sa mga feature na ito. Maaari mong i-assign ang isang tao na magbantay para sa magtataas ng kamay o mga komento sa chat upang makapagtuon ka sa pamumuno sa talakayan.

Maghanap ng mga Paraan na Maisali ang mga Mag-aaral

Kung minsan mahirap makita o marinig ang mga tao sa virtual learning setting. Pagsikapang isali ang mga taong gustong makibahagi. Kung minsan ang ibig sabihin nito ay lumikha ng mas maliliit na grupo (halimbawa, hatiin ang malaking klase ng Sunday School). Kung minsan ang ibig sabihin nito ay hilingin nang maaga sa mga mag-aaral na makibahagi sa isang partikular na paraan. Hindi dapat maging dahilan ang mga limitasyon ng teknolohiya para malimutan mo o hindi mapansin ang mga taong sabik at handang matuto.