Kabanata 8
(Pebrero 1831)
Si Matusalem ay nagpropesiya—Ipinangaral ni Noe at ng kanyang mga anak na lalaki ang ebanghelyo—Labis na kasamaan ang nanaig—Ang panawagang magsisi ay hindi binigyang-pansin—Ipinag-utos ng Diyos ang pagkawasak ng lahat ng laman sa pamamagitan ng Baha.
1 At ang lahat ng araw ni Enoc ay apat na raan at tatlumpung taon.
2 At ito ay nangyari na si Matusalem, na anak na lalaki ni Enoc, ay hindi kinuha, upang ang mga tipan ng Panginoon ay matupad, na kanyang ipinakipagtipan kay Enoc; sapagkat siya ay tunay na nakipagtipan kay Enoc na si Noe ay magmumula sa bunga ng kanyang balakang.
3 At ito ay nangyari na si Matusalem ay nagpropesiya na mula sa kanyang balakang ay magmumula ang lahat ng kaharian sa mundo (sa pamamagitan ni Noe), at nagmapuri siya sa kanyang sarili.
4 At dumating ang isang matinding taggutom sa lupain, at isinumpa ng Panginoon ang lupa sa isang matinding sumpa, at marami sa naninirahan doon ang namatay.
5 At ito ay nangyari na si Matusalem ay nabuhay ng isandaan at walumpu’t pitong taon, at isinilang si Lamec;
6 At si Matusalem ay nabuhay, pagkatapos na maisilang sa kanya si Lamec, ng pitong daan at walumpu’t dalawang taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae;
7 At ang lahat ng araw ni Matusalem ay siyam na raan at animnapu’t siyam na taon, at siya ay namatay.
8 At si Lamec ay nabuhay ng isandaan at walumpu’t dalawang taon, at nagkaanak ng isang lalaki,
9 At tinawag niyang Noe ang kanyang pangalan, nagsasabing: Ang anak na ito ang aaliw sa atin hinggil sa ating gawa at pinagpagalan ng ating mga kamay, dahil sa lupang isinumpa ng Panginoon.
10 At si Lamec ay nabuhay, pagkatapos maisilang sa kanya si Noe, ng limang daan at siyamnapu’t limang taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae;
11 At ang lahat ng araw ni Lamec ay pitong daan at pitumpu’t pitong taon, at siya ay namatay.
12 At si Noe ay apat na raan at limampung taong gulang, at isinilang si Japhet; at makalipas ang apatnapu’t dalawang taon ay isinilang sa kanya si Sem ng ina ni Japhet, at nang siya ay limandaang taong gulang na ay isinilang sa kanya si Ham.
13 At si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki ay nakinig sa Panginoon, at sumunod, at sila ay tinawag na mga anak na lalaki ng Diyos.
14 At nang ang mga taong ito ay magsimulang dumami sa balat ng lupa, at sila ay nagkaroon ng mga anak na babae, nakita ng mga anak na lalaki ng tao na yaong mga anak na babae ay kaaya-aya, at sila ay kinuha nilang mga asawa, maging sinuman ang kanilang mapili.
15 At sinabi ng Panginoon kay Noe: Ang mga anak na babae ng iyong mga anak na lalaki ay ipinagbili ang kanilang sarili; sapagkat masdan, ang aking galit ay nagsusumiklab laban sa mga anak na lalaki ng tao, sapagkat ayaw nilang makinig sa aking tinig.
16 At ito ay nangyari na si Noe ay nagpropesiya, at itinuro ang mga bagay ng Diyos, maging gaya noong simula.
17 At sinabi ng Panginoon kay Noe: Ang aking Espiritu ay hindi tuwinang mananahan sa tao, sapagkat kanyang malalaman na ang lahat ng laman ay mamamatay; gayon man, ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon; at kung ang tao ay hindi magsisisi, ako ay magpapadala ng mga baha sa kanila.
18 At sa mga araw na yaon ay may mga higante sa mundo, at kanilang hinanap si Noe upang kitlan ng kanyang buhay; subalit ang Panginoon ay kasama ni Noe, at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya.
19 At inordenan ng Panginoon si Noe alinsunod sa kanyang sariling orden, at inutusan siyang humayo at ipahayag ang kanyang Ebanghelyo sa mga anak ng tao, maging gaya ng pagkakabigay kay Enoc.
20 At ito ay nangyari na si Noe ay nanawagan sa mga anak ng tao na sila ay nararapat magsisi; subalit sila ay hindi nakinig sa kanyang mga salita;
21 At gayon din, pagkatapos na kanilang marinig siya, sila ay lumapit sa kanya, nagsasabing: Masdan, kami ay mga anak na lalaki ng Diyos; hindi ba’t kinuha namin sa aming sarili ang mga anak na babae ng tao? At hindi ba kami nagsisikain, at nagsisiinuman, at nangag-aasawa at pinapag-asawa? At ang aming mga asawa ay nagsilang sa amin ng mga anak at sila rin ay malalakas na tao, na tulad ng mga tao noong sinauna, mga taong tanyag. At sila ay hindi nakinig sa mga salita ni Noe.
22 At nakita ng Diyos na ang kasamaan ng mga tao ay naging labis na sa mundo; at ang bawat tao ay naiangat sa guni-guni ng mga saloobin ng kanyang puso, na nagpatuloy lamang sa kasamaan.
23 At ito ay nangyari na si Noe ay nagpatuloy sa kanyang pangangaral sa mga tao, nagsasabing: Makinig, at bigyang-pansin ang aking mga salita;
24 Maniwala at magsisi ng inyong mga kasalanan at magpabinyag sa pangalan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, maging gaya ng ating mga ama, at kayo ay makatatanggap ng Espiritu Santo, upang magawang ipaalam sa inyo ang lahat ng bagay; at kung hindi ninyo gagawin ito, ang mga baha ay tatabon sa inyo; gayon pa man, sila ay hindi nakinig.
25 At ito ay pinanghinayangan ni Noe, at ang kanyang puso ay nasaktan na ang Panginoon ay lumikha ng tao sa mundo, at ito ay nagpadalamhati sa kanyang puso.
26 At sinabi ng Panginoon: Lilipulin ko ang tao na aking nilalang, mula sa balat ng lupa, kapwa tao at hayop, at ang mga gumagapang na bagay, at ang mga ibon sa himpapawid; sapagkat nanghinayang si Noe na aking nilalang sila, at na aking nilikha sila; at siya ay nanawagan sa akin; sapagkat hinangad nilang kitlin ang kanyang buhay.
27 At sa gayon, si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon; sapagkat si Noe ay isang matwid na tao, at ganap noong kapanahunan niya; at lumakad siyang kasama ng Diyos, gaya rin ng kanyang tatlong anak na lalaki, sina Sem, Ham, at Japhet.
28 Ang mundo ay tiwali sa harapan ng Diyos, at ito ay puno ng karahasan.
29 At ang Diyos ay tumingin sa mundo, at, masdan, ito ay tiwali, sapagkat ang lahat ng laman ay katiwalian ang tinahak sa lupa.
30 At sinabi ng Diyos kay Noe: Ang katapusan ng lahat ng laman ay sumapit sa harapan ko, sapagkat ang mundo ay puno ng karahasan, at masdan, aking lilipulin ang lahat ng laman sa mundo.