2020
10 Bagay na Maaaring Itanong Sa Iyong Mapapangasawa
Hunyo 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

10 Bagay na Maaaring Itanong Sa Iyong Mapapangasawa

Naiisip mo bang magpakasal? Ayos iyon. Pagbati sa iyo! Bago mo gawin iyon, may ilang bagay na dapat mong malaman tungkol sa taong gusto mong mapangasawa (at tungkol din sa iyong sarili at sa kung anong gusto mo).

Sinabi ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pagdedeyt ang pagkakataong magkausap kayo nang matagal. Kapag nagdeyt kayo, alamin ang lahat ng kaya ninyong alamin tungkol sa isa’t isa. Kilalanin ang pamilya ng isa’t isa hangga’t maaari. Magkatugma ba ang inyong mga mithiin? Pareho ba ang damdamin ninyo tungkol sa mga kautusan, sa Tagapagligtas, sa priesthood, sa templo, sa pagiging magulang, sa mga calling sa Simbahan, at sa paglilingkod sa iba? Namasdan na ba ninyo ang isa’t isa kapag may problema, tumutugon sa tagumpay at kabiguan, nilalabanan ang galit, at hinaharap ang mga dagok sa buhay? Sinisiraan ba ng kadeyt ninyo ang iba o pinupuri sila? Ang kanya bang ugali, pananalita, at kilos ay kaya ninyong pakibagayan araw-araw?”1

Sa madaling salita, kailangan mong kilalanin nang mabuti ang taong pakakasalan mo. Nasasaisip iyon, nagtipon kami ng isang listahan ng mga bagay na maaari mong itanong sa iyong mapapangasawa. Hindi ito isang kumpletong listahan, pero kahit paano ay matutulungan ka nitong magsimula at matalakay ang ilang bagay hinggil sa ebanghelyo. Kung mahirap talakayin ang ilan sa mga paksang ito, magiging magandang pagsasanay iyon para sa tunay na pagiging mag-asawa, kung kailan kakailanganin ninyong magkaroon ng maraming mahihirap na talakayan tungkol sa mga ito at sa iba pang mga sensitibong paksa.

Sa pagtalakay sa mga sensitibong paksang ito, maaaring kabahan ka tungkol sa pag-aasawa, o baka matakot ka pa nga. Subalit tandaan na may pagkakaiba sa pagitan ng takot at alalahanin. Normal lang na makadama ka ng takot—ang pag-aasawa ay maaaring maging nakakatakot! Ngunit sinabihan tayo ng Panginoon na huwag matakot,2 kaya kung maganda ang pakiramdam mo tungkol sa isang tao, maaari kang magpatuloy kahit na natatakot ka. Gayunman, kung talagang may alalahanin ka tungkol sa taong iniisip mong pakasalan, mula sa isang tanong sa listahang ito o sa iba pang tanong na mayroon ka, maaaring tanda iyon na mag-ingat sa pagpapatuloy.

Tandaan lamang, hindi ito isang pagsusulit; ito ay isang pagkakataon na matutong mag-usap tungkol sa ilang mabubuti, mahihirap, at kakaibang bagay na dadating sa buhay-mag-asawa.

  1. Ano ang nadarama niya tungkol kay Jesucristo at sa kanyang ebanghelyo? Tungkol sa templo? Ano ang mga ginagawa niya kapag Sabbath?

  2. Anong mga katangian at mga handog ang naiisip niya na kinakailangan para sa isang masayang buhay-mag-asawa at pamilya? Alin sa mga katangian o mga handog na iyon ang nadarama niyang kalakasan para sa kanya, at paano ninyo matutulungan ang isa’t isa na mapaunlad ang iba pa?

  3. Gusto ba niyang magkaroon ng mga anak? Ilan? Kailan? Ano kaya ang kanyang magiging pamamaraan sa pagdidisiplina ng mga anak?

  4. Ano kaya ang magiging itsura ng isang araw sa inyong buhay-mag-asawa? Paano ninyo kapwa gustong magdasal, mag-aral ng mga banal na kasulatan, atbp.? Ano ang plano ninyong gawin para mapanatiling maganda ang inyong pagsasama?

  5. Siya ba ay matipid o magastos pagdating sa pera? Ano ang nadarama niya tungkol sa utang—at may mga utang ba siya? Ano ang kanyang mga paniniwala tungkol sa ikapu?

  6. Paano siya nakikitungo sa kanyang pamilya? Gaano karaming oras ang pinaplano niyang igugol sa kanyang pamilya kapag kasal na kayo? Gaano karaming oras ang pinaplano niyang igugol sa iyong pamilya?

  7. Ano ang kanyang mga pananaw, inaasahan, at karanasan sa pisikal na intimasiya?

  8. Nagkaroon ba siya ng problema sa anumang uri ng adiksyon o nakagawiang paggamit ng mga bagay tulad ng mga resetang gamot o iba pang droga, pornograpiya, alkohol, o maging mga video/virtual-reality game? Kung oo, ano ang ginawa niya para madaig iyon?

  9. Paano ninyo kapwa lulutasin ang mga hindi pagkakaunawaan kapag nangyari ang mga iyon?

  10. Mayroon bang anumang bagay sa kanyang nakaraan na dapat mong malaman? Kung mayroon, magandang pagkakataon ito para malaman kung gaano ka naniniwala sa pagsisisi. Magandang pagkakataon din ito para sa katapatan. Hindi mo gugustuhing malaman ang mga bagay na iyon kalaunan at magkaroon ng pagkakataon na isipin ng sinuman sa inyo kung magpapakasal pa rin kayo kung nalaman ninyo ang impormasyong iyon noon.

Ipinaalala rin sa atin ni Elder Hales na “walang nagpapakasal sa atin sa perpekto; nagpapakasal tayo sa may potensyal.3 Isaisip iyon sa lahat ng inyong usapan sa pagdedeyt. Walang sinumang perpekto, at ang pag-aasawa ay tungkol sa pagkatuto at paglago at paglapit sa Tagapagligtas nang magkasama.