Ang Mahalagang Papel ng Priesthood sa Pagpapanumbalik
Kung hindi naipanumbalik ang priesthood sa lupa, ang Pagpapanumbalik ay hindi rin magiging posible.
Pagsapit ng Abril 1829, halos sampung taon nang nakakatanggap si Joseph Smith ng mga pagdalaw ng Diyos at ng mga sugo ng langit. Nagpakita sa kanya ang Ama at ang Anak noong 1820 sa isang kakahuyan malapit sa kanyang tahanan noong siya ay 14 na taong gulang (tingnan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:5–17).1 Naganap ang unang pagdalaw ng anghel na si Moroni noong 1823, na sinundan ng taunang pagdalaw kung kailan tinuruan at pinayuhan si Joseph hanggang 1827, nang matanggap niya ang sinaunang talaang nakasulat sa mga lamina na magiging Aklat ni Mormon (tingnan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:30–54).
Gayunman, sa loob ng 18 buwan matapos makuha ang mga lamina, nahirapan si Joseph na isalin ang talaan dahil sa panggigipit ng mga tagaroon, papalit-palit na mga eskriba, at pagkawala ng isang bahagi ng manuskrito. Ito ay naging panahon ng pagkabigo at paghihirap para kay Joseph. (Tingnan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:58–62; Doktrina at mga Tipan 3.)
Ngunit nagbago ang lahat noong Abril 1829 sa pagdating ng isang guro na nagngangalang Oliver Cowdery, na naging full-time na eskriba ni Joseph. Sa gayon ay bumilis nang husto ang pagsasalin sa Aklat ni Mormon.
Matapos gugulin ang maraming oras noong taglagas ng 1828 sa pagtatrabaho sa kanyang sakahan sa Harmony, Pennsylvania, upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya, itinuon ni Joseph ang kanyang buong pansin noong 1829 sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa maikling panahon, ang asawa ni Joseph na si Emma at ang kanyang kapatid na si Samuel ang nagsilbing mga eskriba. Kasabay nito, umupa si Oliver Cowdery sa tahanan ng mga magulang ni Joseph sa New York.
Nang marinig ang tungkol sa mga lamina at ang pagsasalin ng mga ito, naging interesado si Oliver at nagnais na malaman kung ang mga bagay na ito ay sa Diyos. “Isang gabi matapos siyang humiga sa kama nanawagan siya sa Panginoon upang malaman kung ang mga bagay na ito ay totoo,” pagtatala ni Joseph, “at ipinakita ng Panginoon sa kanya na ang mga ito ay totoo.”2
Agad naglakbay si Oliver nang 140 milya (225 km) patungong Harmony upang makilala si Joseph. Si Oliver ay sagot sa panalangin ni Joseph. Dalawang araw mula nang magkakilala sila noong Abril, nagpatuloy ang pagsasalin sa Aklat ni Mormon nang mabilis, na halos matapos na sa kamangha-manghang 60 hanggang 65 tinatayang araw ng trabaho. Ang buong pagsasalin ay nakumpleto pagsapit ng Hunyo 30.
Maaaring naisip ni Propetang Joseph na malapit nang matapos ang kanyang buong gawain, dahil nagawa na niya ang banal na utos na itinakda ng sugong anghel na isalin at ilathala ang sinaunang talaan. Hindi akalain ng Propeta noon na hindi niya tinatapos kundi sa halip ay sinisimulan pa lamang niya ang kanyang mahalagang tungkulin sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Iilang kaganapan sa kasaysayan ang maikukumpara ang kahalagahan sa naganap noong tagsibol ng 1829. Inilarawan ni Oliver ang pambihirang kabanatang ito ng Pagpapanumbalik bilang “mga araw na hindi maaaring malimutan” (sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala). Higit pa sa himala ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, di-nagtagal ay nagpakita ang mga anghel at iginawad kina Joseph at Oliver ang awtoridad ng priesthood. Ang panahong ito na naghahayag ng pagsasalin at pagpapanumbalik ay binago at pinalawak ang pananaw ni Joseph at nagbigay-daan sa pormal na pag-oorganisa ng Simbahan makalipas ang isang taon.
Pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood
Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, nakakita sina Joseph at Oliver ng napakaraming talata tungkol sa binyag at awtoridad. Sinabihan na si Joseph noon pa na “ibibigay ng Panginoon ang banal na priesthood sa ilan.”3 Noong Mayo 15, 1829, nagtungo sina Joseph at Oliver sa isang liblib na lugar sa kalapit na taniman ng mga sugar maple “upang tanungin ang Panginoon, sa pamamagitan ng panalangin, [tungkol sa] Kanyang kalooban sa akin.”4
Habang nagdarasal sila, ang tinig ng Manunubos ay nangusap ng kapayapaan sa kanila “habang ang tabing ay nahawi at ang anghel ng Diyos ay bumaba na nadaramitan ng kaluwalhatian, at inihatid ang pinakahihintay na mensahe, at ang mga susi ng Ebanghelyo ng pagsisisi” (sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala). Ipinakilala ng anghel ang kanyang sarili na siya si Juan, na “siya ring tinatawag na Juan Bautista sa Bagong Tipan, at na siya ay kumikilos sa ilalim ng tagubilin nina Pedro, Santiago at Juan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:72).
Lumuhod sina Joseph at Oliver nang ipatong ng nabuhay na mag-uling si Juan ang kanyang mga kamay sa kanilang ulo at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood, “na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:69; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 13:1). Pinangakuan sila na igagawad sa kanila ang karagdagang awtoridad ng priesthood “sa takdang panahon.” Si Joseph ay tinawag na “unang Elder ng Simbahan, at siya (si Oliver Cowdery) ang pangalawa” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:72). Tinagubilinan din sila na binyagan ang isa’t isa—bibinyagan muna ni Joseph si Oliver at pagkatapos ay bibinyagan ni Oliver si Joseph.
Kalaunan sa araw na iyon, “lumusong sa tubig” ang dalawa sa pampang ng Ilog ng Susquehanna para mabinyagan. “Napilitan [silang] ipaglihim ang mga pangyayari sa pagkakatanggap ng Pagkasaserdote at ng [kanilang] pagkakabinyag, sanhi sa diwa ng pag-uusig na makikita sa aming purok” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:74). Ang ilog ay nagsilbing pangunahing daanan ng kalakalan at transportasyon kapag bumabaha tuwing tagsibol, na panay-panay ang pagdaan ng mga bapor. Posibleng naghintay sina Joseph at Oliver hanggang sa pagkagat ng dilim o sinamantala ang pagtaas ng tubig at nakakita ng mas liblib na lugar sa tabing ilog na madalas bahain kapag lumalaki ang tubig.5
Matapos binyagan ang isa’t isa, inorden ni Joseph si Oliver sa Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay inorden ni Oliver si Joseph ayon sa utos sa kanila ng anghel. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na kailangang muling kumpirmahin ang naunang ordinasyon na natanggap sa mga kamay ni Juan Bautista kasunod ng kanilang mga binyag upang “muling buklurin sa wastong pagkakasunud-sunod ang mga pagpapalang iyon.”6
Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood
Mas kakaunti ang detalye natin tungkol sa pagdalaw nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph at Oliver upang ipanumbalik ang Melchizedek Priesthood. Batay sa iba’t ibang interpretasyon sa nagunitang mga salaysay ay nangyari iyon mula tagsibol noong 1829, marahil ay bandang huli ng Mayo o Hunyo, hanggang sa makalipas na ilang buwan.7 Hindi nilagyan ng petsa nina Joseph at Oliver kailanman ang pagpapakita nina Pedro, Santiago, at Juan, na tulad ng ginawa nila para kay Juan Bautista at sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood. Maaaring hindi nila lubos na naunawaan ang katangian ng priesthood o ng mga pagkakahati nito noon. Ang pagkaunawa ni Joseph tungkol sa priesthood ay dumating nang paunti-unti.
Mula 1830 hanggang 1835, nilinaw ang mga katungkulan sa priesthood, at binuo ang mga korum, council, presidency, at bishopric. Maging ang katagang Pagkasaserdoteng Melquisedec [Melchizedek Priesthood] ay hindi ginamit bilang isang pangalan para sa “Mataas na Pagkasaserdote” o “nakatataas na pagkasaserdote” (Doktrina at mga Tipan 107:9; 84:19) hanggang noong 1835 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:2–4).
Nagbigay naman si Joseph ng mga pangunahing detalye tungkol sa lugar. Noong 1842, naalala niya na narinig niya “ang tinig nina Pedro, Santiago, at Juan sa ilang sa pagitan ng Harmony … at Colesville … sa ilog ng Susquehanna, [na] ipinahahayag ang kanilang sarili na mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian” (Doktrina at mga Tipan 128:20).
Ipinahihiwatig nito na ang Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood ay naganap mga 28-milya (45 km) sa kahabaan ng lansangang iyon sa pagitan ng tahanan ng mga Smith sa Harmony, Pennsylvania, at bayan ng Colesville, New York, kung saan nakatira ang pamilya ni Joseph Knight. Ang pamilya Knight ay naunang mga miyembro ng Simbahan at tapat na mga kaibigan ni Joseph Smith. Sila ang nagbigay ng papel at iba pang kailangan habang isinasalin ang Aklat ni Mormon at kalaunan ay naging sentro ng Colesville Branch ng Simbahan.
Dagdag pa sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood mula kina Pedro, Santiago, at Juan, inorden sina Joseph at Oliver na “maging mga apostol, at mga natatanging saksi” ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 27:12) at natanggap nila ang mga susing kailangan upang pasimulan ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Mayroon na sila ngayong awtoridad na mangasiwa sa lahat ng ordenansa ng priesthood, kabilang na ang paggagawad ng kaloob na Espiritu Santo.
Natanggap din nila ang “mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan” (Doktrina at mga Tipan 107:18) na kinakailangan upang itatag ang Simbahan noong Abril 1830 at natanggap ang paghahayag na ipanumbalik ang lahat ng bagay sa kanilang wastong kaayusan. Nakita ang espirituwal na mga pagpapala sa pamamagitan ng mga himala, pagpapagaling, at ordenansang isinagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Noong 1836, ibinigay ng iba pang mga sugong anghel ang mga susi ng priesthood na may kaugnayan sa pagtitipon ng Israel at gawain sa templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110).
Mga Pahiwatig ng Pagpapanumbalik ng Priesthood
Itinuro ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na ang mga pinakatampok na katangian ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas ay ang “banal na awtoridad sa pamamagitan ng direktang paghahayag.”8 Kung hindi naipanumbalik ang priesthood sa lupa, ang Pagpapanumbalik ay hindi rin magiging posible. Ang priesthood ang nagpapahintulot sa pagsasagawa ng mga ordenansa at naglalaan ng pundasyon sa pamamahala sa Simbahan ng Panginoon sa lupa.
Pormal na inorganisa ni Joseph ang Simbahan noong Abril 6, 1830. Nang sumunod na ilang taon, inorganisa ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan, ang mga susi ng priesthood ay ipinagkaloob sa mga lokal na lider sa buong mundo, na nagbigay-daan upang ang ebanghelyo ay “[lumaganap] hanggang sa mga dulo ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 65:2).
Ang pagpapanumbalik ng priesthood ay mahalaga sa banal na tungkulin ni Joseph Smith bilang unang propeta ng dispensasyong ito. Sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan, ipinaliwanag ng Panginoon, “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17).
Bago ang pagdalaw ni Juan Bautista noong Mayo 1829, nagtuon si Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa pagpapanumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, natanto niya na marami pa ang inaasahan sa kanya sa pagtawag sa kanya. Ang pagtanggap ng awtoridad mula sa langit ay lalo pang naghanda kay Joseph na balikatin ang kanyang mga responsibilidad bilang “tagakita, tagapagsalin, propeta, [at] isang apostol ni Jesucristo” (Doktrina at mga Tipan 21:1).
Inilarawan ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano kaya ang ating magiging buhay kung wala ang priesthood: “Kung wala ang kapangyarihan ng priesthood magkakaroon ng laya ang kaaway na gumala at maghari nang walang pagpipigil. Wala ang kaloob ng Espiritu Santo na papatnubay at magbibigay-liwanag sa atin; walang mga propetang mangungusap sa ngalan ng Panginoon; walang mga templo kung saan natin magagawa ang mga sagrado at walang-hanggang tipan; walang awtoridad na magbabasbas o magbibinyag, magpapagaling o magpapanatag. Kung wala ang kapangyarihan ng priesthood, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 2:1–3). Walang liwanag, walang pag-asa—pawang kadiliman lamang.”9
Ang pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood ay napakahalaga sa gawain ng Panginoon na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang binyag at kumpirmasyon, endowment sa templo, at pagbubuklod para sa panahon at sa kawalang-hanggan ay mahalaga sa ating kaligtasan. Ang kakayahang pagsamahin at buklurin ang mga pamilya sa templo para sa mga nasa magkabilang panig ng tabing ay posible lamang sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at mga susi ayon sa tagubilin ng Pangulo ng Simbahan.
Ang Patuloy na Pagpapanumbalik
Paano maaaring bigyang-inspirasyon ng awtoridad ng priesthood ang partisipasyon ninyo sa patuloy na Pagpapanumbalik ng Simbahan? Maaaring hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit malinaw na patuloy ang Pagpapanumbalik. Hindi inihayag ng Panginoon ang bawat doktrina o ordenansa, o ibinahagi ang lahat ng tagubilin kay Joseph sa Sagradong Kakahuyan, sa pamamagitan ni Moroni sa Cumorah, o sa pagpupulong ng organisasyon ng Simbahan. Ang Pagpapanumbalik ay hindi iisang kaganapan lamang. Sa halip, inihayag ng Panginoon ang mga bagay nang “taludtod sa taludtod” (2 Nephi 28:30) kay Joseph tulad ng patuloy Niyang paghahayag ng mga bagay na ito sa Kanyang mga propeta ngayon ayon sa Kanyang mga layunin at takdang panahon.
Ang walang-patid na pagkakasunud-sunod ng mga propeta simula noong panahon ni Joseph Smith ay nagsalita na para sa Panginoon at patuloy na ipinaaalam ang Kanyang kalooban. Mas malinaw na nakakakita at tumatanggap ang mga propeta ng tiyak na patnubay para sa mga hamon ng kanilang panahon. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na tayong lahat ay “mga saksi sa proseso ng pagpapanumbalik. “Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari.”10
Ang Pagpapanumbalik at Kayo
Nawa’y maging handang kalahok ang bawat isa sa atin sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ng masiglang pagtanggap at pagsasagawa ng mga bagay na naihayag sa mga makabagong propeta. Kabilang sa ilang halimbawa ang pagsunod sa mas mataas at mas banal na batas ng ministering sa ating mga kapatid.11 At nawa’y masumpungan ng bawat isa sa atin ang walang-katapusang kagalakang dulot ng ebanghelyo sa pamamagitan ng planong nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan na matutuhan ang doktrina, palakasin ang pananampalataya, sundin ang mga kautusan, at pag-ibayuhin ang personal na pagsamba, pati na ang family home evening na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga indibiduwal at pamilya.12
Makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing.13 Mas magagawa nating kalugud-lugod ang araw ng Sabbath kapwa sa ating mga pagsamba tuwing araw ng Linggo at sa tahanan.14 Maaari tayong manatiling mas nakaayon sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng paggawa ng espirituwal na gawaing kinakailangan upang makatanggap ng araw-araw na personal na paghahayag.15
Pinatototohanan ko na nananatiling bukas ang kalangitan at mas marami pang darating habang inihahanda tayo ng Panginoon para sa masasayang araw na darating. Ang Pagpapanumbalik ng priesthood ay nagtutulot sa mga anak ng Diyos na maisagawa at matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa, at pinahihintulutan nito ang mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag na pamahalaan ang kaharian ng Panginoon.
Napakaraming pagpapalang dumarating araw-araw sa Simbahan at sa mga miyembro nito dahil sa priesthood ng Panginoon. Nawa’y magpasalamat tayo araw-araw para sa mga pagpapakita ni Juan Bautista at nina Pedro, Santiago, at Juan at para sa pagbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood dito sa huli at pangwakas na dispensasyong ito ng paghahanda para sa pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas, maging si Jesucristo.