2020
Mga Pagsubok sa Tiwala: Nauwi sa Pananampalataya ang Takot sa Desisyong Mag-asawa
Hunyo 2020


Mga Pagsubok sa Tiwala Nauwi sa Pananampalataya ang Takot sa Desisyong Mag-asawa

Mula sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho na ibinigay noong Setyembre 25, 2007.

Elder Lance B. Wickman

Nang makatapos ako sa kolehiyo noong 1964, naging opisyal ako sa United States Army. Nagboluntaryo akong mag-training bilang U.S. Army Ranger. Ang training bilang Ranger ay mahirap na kurso sa malapitang pakikipaglaban at mga taktika sa pagsalakay. Ang mithiin ay magkaroon ng mga bihasang opisyal at mga noncommissioned officer.

Kasama sa training ko bilang Ranger ang sunud-sunod na “mga pagsubok sa tiwala sa sarili,” na siyang tawag doon ng Ranger cadre, na nilayon bilang mga hamon sa kalakasan at tibay ng katawan, at tapang. Mahihirap na obstacle course, pag-akyat at pagbaba gamit ang mga lubid sa matatarik na batong natatakpan ng yelo na 100 piye (30 m) o higit pa ang taas, paglusong sa latian sa gabi kahit may mga buwaya at mga makamandag na ahas, at pagtahak sa gabi na kompas lamang ang gamit sa baku-bakong lupa na 10 milya (16 km) ang layo—ilan lang ang mga ito sa mga pagsubok na tiniis namin. Ang isang layunin ng mga pagsubok na ito sa tiwala sa sarili ay para ituro sa mga Ranger na sa hirap at hamon ng pakikipaglaban, mas marami kaming kayang gawin kaysa inaakala namin. Itinuro sa amin ng aming mga lider na magtiwala sa aming sarili at sa training namin. Sa napakahirap na mga pagsubok na naranasan ko sa pakikipaglaban, hindi ko lang minsan nagamit ang mga natutuhan ko sa mga pagsubok sa tiwala ng mga Ranger sa kanilang sarili.

Sa buong buhay natin, nahaharap tayo sa iba pang mas matitinding pagsubok sa tiwala kaysa mga napagdaanan ko sa training. Hindi ito mga pagsubok sa tiwala sa sarili kundi sa tiwala sa natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Pinayuhan tayo ng mga propeta na alalahanin ang nalalaman natin—na laging magtiwala sa Panginoon. Nang tangkain niyang muling pag-alabin ang pananampalataya sa kanyang mga tao, paulit-ulit na sinabi sa kanila ni Jacob, “Alam kong nalalaman ninyo” (2 Nephi 9:4, 5; idinagdag ang pagbibigay-diin). Mas tuwiran ang sinabi ni Pablo: “Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala” (Sa Mga Hebreo 10:35; idinagdag ang pagbibigay-diin). Bawat isa sa atin ay walang katiyakan ang hinaharap. Ngunit kapag hinarap natin ito, na tinatandaan ang alam na natin, hinaharap natin ito nang may pananampalataya. Masaya nating hinaharap ito. Hinaharap natin ito nang may tiwala.

Isa sa pinakamahahalagang pagsubok sa tiwala dito sa mortalidad ay karaniwang nararanasan sa buhay ng mga binata’t dalaga. Ito ay ang desisyong mag-asawa. Ito ang desisyong higit na pinangangambahan ng henerasyong ito ng mga binata’t dalaga. Ito ay paksang lubhang nakababalisa.

Mga Kinatatakutan sa Pag-aasawa

Hindi ko tiyak ang lahat ng dahilan kung bakit ganito, pero narito, sa palagay ko, ang ilan sa mga ito:

  • Napakadaling makipagbarkada. Maraming kabataan ang hindi “nakikihalo” sa paghahanap ng tamang mapapangasawa sa pamamagitan ng sobrang pakikipagbarkada. Dahil ang pakikipagbarkadang ito ay nagaganap sa halu-halong mga grupo ng kalalakihan at kababaihan, akala ng ilan ay nasa tamang proseso na sila ng pagpili na lubhang mahalaga sa paghahanap ng asawang makakasama sa walang-hanggan. Ngunit hindi ito totoo. Ang pakikipagbarkada ay magkakait sa isang tao ng oportunidad na suriin nang malapitan ang pagkatao at personalidad ng espesyal na taong iyon na napakahalaga sa matalinong pagpili.

  • Takot na magkamali. Alam na alam ng lahat na maraming nagdidiborsyo. May ilang kabataang nakaranas ng sakit at dalamhati nang makitang bigo ang pagsasama ng kanilang mga magulang o kaibigan o ng pakikipagdiborsyo nila mismo. Naranasan na nila ang matinding pait na dulot ng gayong mga paghihiwalay. Kung minsan, ang epekto ay natatakot silang mag-asawa dahil baka magkamali sila sa pagpili.

  • Mga binata at dalagang tumatalikod sa responsibilidad. Para sa ilan, atubili silang iugnay ang kanilang mga hangarin at interes sa mga hangarin at interes ng iba. Ang gayong pagkamakasarili ay nag-uudyok sa ilan na huwag munang mag-asawa.

Maling Ideya

Anuman ang dahilan ng takot na mag-asawa, humahantong ito sa ilang maling ideya, hanggang sa “mawala” ang tiwala ng tao sa kanyang sarili. Ito, sa kabilang dako, ay nagiging dahilan ng kabiguan ng isang tao na maunawaan ang kanyang sariling responsibilidad sa paggawa ng desisyong iyon. Kahit ang gayong takot ay hindi mauwi sa pagpapaliban o kaya’y pag-iwas sa pag-aasawa, maaari itong humantong sa iba pang mga pagkakamali. Halimbawa, malamang ituring ng ilan na ang desisyon sa kabuuan ay espirituwal lang. Dahil sa kabiguang gampanan ang kanilang obligasyon sa prosesong ito, naghihintay sila ng isang bagay na tila kahalintulad ng banal na daliring susulat ng sagot sa dingding o hahati sa karagatan o anomang himala na magsasabi sa kanila nang walang alinlangan na “siya na nga” ang nararapat niyang pakasalan.

Ang ibang tao ay umaasang iba ang magdedesisyon para sa kanila. Sinabi sa akin ng isang Brigham Young University stake president na karaniwan ay umaayon na lang ang ilang babae sa opinyon ng kasalukuyang kasintahan na “siya na nga” ang lalaking dapat niyang pakasalan. Ang iba ay umaayon sa pasiya ng magulang—kadalasan ng isang ama—na nadesisyon noon para sa kanila. Sa alinman sa dalawang ito, tinatalikuran ang responsibilidad sa pinakamahalagang pasiyang ginagawa ng isang tao sa buhay na ito.

Ang payo ng mga magulang, bishop, at iba pang mabubuting tao ay maaaring mahalaga. Ngunit sa bandang huli, walang ibang taong maaari—o nararapat—na magsabi sa inyo ng gagawin. Ang desisyon kung sino ang pakakasalan ay masyadong personal.

“Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala!” Alalahanin na isinilang tayo sa buhay na ito, sabi nga, para umibig. Huwag na ninyo itong pahirapin pa! Alalahanin ang nalalaman ninyo, at sumulong nang may tiwala sa Ama sa Langit at sa katayuang tinatamasa ninyo bilang Kanyang anak.

Payo sa Pagliligawan

Ang pagliligawan ay panahon para magkakilala ang dalawang tao. Panahon ito upang makilala ang isang tao, ang kanyang mga interes, gawi, at pananaw sa buhay at sa ebanghelyo. Panahon ito upang magbahagian ng mga ambisyon at pangarap, pag-asa at pangamba. Panahon ito upang subukin ang katapatan ng isang tao sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Nagkuwento si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang nakauwi nang misyonero na idinedeyt ang isang espesyal na dalaga. Mahal na mahal niya ito at gustung-gusto na niyang alukin ito ng kasal. Iyon ay matapos payuhan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang kababaihan na isang pares lang ng hikaw ang isuot. Matiyagang naghintay nang ilang panahon ang binata, sabi ni Elder Bednar, na tanggalin ng dalaga ang suot na sobrang hikaw. Pero hindi niya ito ginawa. Dahil dito at sa iba pang dahilan, dama ang labis na lungkot, itinigil niya ang pakikipagdeyt sa dalaga.

Sa pagsasalaysay ng karanasang ito, sinabi ni Elder Bednar: “Palagay ko [maaaring ipalagay ng] ilan sa inyo … na sobrang manghusga ang binata o ang pagbabatay ng isang mahalagang desisyon, kahit bahagya, sa gayon kaliit na bagay ay kalokohan o matindi. Marahil nababahala kayo dahil nakatuon ang halimbawa sa isang dalagang hindi nakasunod sa payo ng propeta sa halip na sa isang binata. [Ngunit gusto kong malaman ninyo na] hindi hikaw ang isyu rito!”1

Narito ang isa pang tip. Bilang bahagi ng pagliligawang ito, mag-ingat na huwag lamang ibatay ang inyong paghatol sa nakikita nating nagawa niya at sa halip ay alamin ang lahat tungkol sa kanya.” Ang ibig kong sabihin, huwag lang ibatay ang inyong mga desisyon sa kung naglingkod ba sa full-time mission o may tungkulin siya sa ward ninyo. Ang mga bagay na ito ay maaari, nararapat, at karaniwang mga pahiwatig ng katapatan, pananalig, at integridad. Ngunit hindi palagi. Iyan ang dahilan kaya dapat ninyong kilalanin ang isa’t isa. Kilalanin nang sapat ang isang tao para malaman ninyo mismo ang kanyang saloobin at pagkatao at hindi lamang ang “mga katungkulan niya sa Simbahan.”

Narito ang isang ideyang kahalintulad nito: iwasang hatulan ang isang tao hangga’t hindi ninyo siya nakikilala. Ang pabigla-biglang mga negatibong paghatol ay maaaring mali rin at nakakalito na katulad ng pabigla-biglang mga positibong paghatol. Pansinin agad ang tagong halaga ng isang tao tulad ng agad pagpansin sa makinang na bagay na walang halaga para makaiwas.

Pagdarasal Tungkol Dito

Kapag nakapagpasiya na at maganda ang takbo ng inyong relasyon pagkaraan ng sapat na panahon saka lamang kayo dapat magdasal para mapagtibay ang inyong pasiya. Tandaan, gaya ng iba pang mahalagang desisyon, ang pag-aasawa ay sarili ninyong pasiya. Aasahan ng Panginoon na gagamitin ninyo ang inyong sariling pagpapasiya. Tulad ng sinabi Niya kay Oliver Cowdery, “Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin” (D at T 9:7). Kapag ginawa na ninyo ang inyong bahagi sa pamamagitan ng angkop na panliligaw at gumawa na kayo ng pansamantalang desisyon, magtiwala na tutugon ang Ama sa Langit sa inyong pagsamo.

Inaasahan ng Panginoon na gagamitin ninyo ang sarili ninyong mabuting pagpapasiya. Inaasahan Niyang aasa kayo sa likas na damdamin ng pagkaakit sa isang tao na taglay ninyo mula pa sa inyong pagsilang. Kapag kayo ay naakit sa isang babae o sa isang lalaki, nagkaroon ng sapat na panahon sa pagkakaibigan—pagliligawan—ninyong dalawa, at nalaman ninyo na pareho ang mga pinahahalagahan ninyo at masaya siyang kasama sa pinakamalalim na relasyon—idulog ninyo ito sa Ama sa Langit. Kapag wala kayong nadamang pagtutol sa inyong kalooban, maaaring sinasabi Niya sa inyo na wala Siyang tutol sa inyong napili.

Magtiwala sa Panginoon

Ilang taon na ang nakalilipas mula noong panahon ng mahirap kong pagsasanay bilang Ranger. Marami na akong naranasan sa buhay na ito mula noong subukin ang tiwala ko sa sarili bilang sundalo. Ngunit nananatili pa rin ang alaala at mga aral nito. Kaya nating harapin ang mga unos ng buhay at ginagawa natin ito nang mas epektibo kaysa inaakala natin. Ang mahalaga lamang ay laging tandaan ang nalalaman natin.

“Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala!” Magtiwala sa nalalaman ninyo! Sa gayon ay mahaharap ninyo ang sarili ninyong mga pagsubok sa tiwala sa sarili nang may katapangan at karangalan, at tiyak na papatnubayan ng Panginoon ang inyong landas.

Tala

  1. David A. Bednar, “Mabilis Magmasid,” Liahona, Dis. 2006, 17.

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh

Ang pakikipagbarkada ay magkakait sa isang tao ng oportunidad na suriin nang husto ang pagkatao at personalidad ng espesyal na taong iyon na napakahalaga sa matalinong pagpili.

Kailangan ninyong kilalanin ang isa’t isa. Kilalanin nang sapat ang isang tao para malaman ninyo mismo ang kanyang saloobin at pagkatao at hindi lamang ang “mga katungkulan niya sa Simbahan.”