Mga Young Adult
Pagtigil sa Pagmamadaling Makahanap ng Makakasama sa Walang-hanggan
Napakaliit ng Simbahan sa Poland. Ang totoo, maliit ito saanmang lugar sa Eastern Europe. Kadalasan ay kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa buong bansa na kaedad namin, lalo na sa aming ward at stake. Mabuti na lang at may mga kumperensya para sa mga young single adult na ginaganap taun-taon sa maraming bansa sa Europe.
Ang mga kumperensyang ito ay hindi inorganisa para tulungan kang hanapin ang iyong “perpektong kabiyak,” kundi karaniwan ay para tulungan ang mga young adult na magkaroon ng mga bagong kaibigan na katulad nila ang mga pinahahalagahan at palakasin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagkausap sa iba tungkol sa kanilang espirituwal na mga karanasan.
Pagtuon sa Pakikipagkaibigan
Sa isang kumperensya sa Poland noong 2010, nakilala ko si Radu. Taga-Romania siya. Nag-usap kami sandali, pero hindi nagtagal ay nagmisyon na siya at hindi na kami muling nagkita hanggang sa sumapit ang isa pang YSA conference pagkaraan ng tatlong taon. Nagkaroon kami roon ng oras na talagang kilalanin pa nang kaunti ang isa’t isa, pero papunta naman ako sa aking misyon pagkaraan ng isang buwan. Hinangad ni Radu ang aking tagumpay at sinabing, “Magsulatan tayo.” Hindi ko talaga inisip na gagawin niya iyon, pero ginawa niya. Sumulat siya sa akin sa buong misyon ko. Hindi romantiko ang mga sulat niya, pero naging isa siya sa mahal kong mga kaibigan. At nagustuhan ko ang respeto niya sa akin at sa buong gawaing misyonero.
Nang umuwi na ako, pareho kaming sabik na sabik ni Radu na kilalanin pa nang husto ang isa’t isa—sa wakas ay magagawa na namin ito pagkaraan ng maraming taon! Pumili kami ng murang lugar para magkita kami (sa Belgium noong panahong iyon) para magkasama kami. Nag-usap pa kami nang nag-usap nang nag-usap.
Hindi namin minadaling lumago ang aming relasyon. Nagtuon kami sa pagkakaibigan at sa pagkilala sa isa’t isa. Palagi kaming masaya kapag magkasama, pero nagkaroon din kami ng napakamakabuluhan at malalalim na talakayan tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga. Sa sumunod na maikling panahon, lalong tumatag ang aming pagkakaibigan. Halos araw-araw kaming nag-Skype, at pagtagal-tagal pa ay nagsimula na kaming magdasal nang magkasama gabi-gabi. Kalaunan ay nagsimula kaming bumisita sa bansa ng isa’t isa kada ilang buwan.
“Ipagdasal Natin Ito”
Makalipas ang maikling panahon, nagsimula akong mabalisa dahil naramdaman ko na nagiging higit pa sa pagkakaibigan ang aming relasyon. Pero taga-Romania siya! Ayaw kong pumasok sa isang long-distance relationship dahil ang isang relasyon ay maaaring humantong sa kasal, na ibig sabihin ay kailangang lumipat ng bansa ang isa sa amin. Pakiramdam ko ay hindi pa ako handa para doon.
Isang araw na balisang-balisa ako, ipinaalala sa akin ni Radu ang isang simple ngunit makapangyarihang alituntunin. Sabi niya, “Ipagdasal natin ang ating relasyon at tingnan natin kung ano ang mararamdaman natin.”
Hindi ko alam kung bakit hindi ko naisip na ipagdasal nang mas maaga ang aming relasyon. Pero iyon ang pinakamagandang payo na natanggap ko noon. Kaya ipinagdasal ko na mapatnubayan kami.
Hindi ako umasa sa anumang partikular na sagot noon, pero nagpasiya ako na patuloy pang kilalanin si Radu. Umasa ako na babalaan ako ng Ama sa Langit kung hindi ko dapat ituloy ang relasyon namin. Pero sa paglipas ng panahon, dumating nga ang sagot na hiniling ko. Napag-usapan namin ng aking pamilya at mga kaibigan si Radu, at sa bawat pag-uusap ay muli akong nagkaroon ng katiyakan na tama ang direksyong tinatahak ko.
Hindi nagtagal ay may napagtanto akong nakakatuwa. Pagkatapos ng isa pang napakagandang Skype call namin ni Radu isang gabi, sinabi ko sa sarili ko, “Siya na nga ang pinakamatalik kong kaibigan. Gusto kong maging kaibigan niya magpakailanman!” Noon ako naliwanagan. Agad akong sinagot ng isang tinig sa aking isipan sa sarili kong komento, “Kung gayon, kailangan kang pakasal sa kanya!” Alam ko na sang-ayon ang Ama sa Langit sa relasyon namin ni Radu. Nakikita ko na siya ang pinakamatalik kong kaibigan at na maaari kaming lumigaya sa aming pagsasama.
Pagtigil sa Pagmamadaling Makahanap ng Mapapangasawa
Kaya lumipat ako sa Romania at nagpakasal kay Radu. Hindi ko naisip kahit minsan na mapupunta ako sa Romania. Pero apat na taon na kaming kasal, at may isa kaming napakagandang anak na babae, si Amelia.
Alam ko ang iniisip ninyo—isa lang ako sa mga young single adult na nakakilala sa aking “soul mate” sa isang YSA conference at nangyari ang mga bagay-bagay nang walang kahirap-hirap. Pero hindi totoo iyan. Kaya ko ikinukuwento ito sa inyo ay para itigil ninyo ang pagpipilit na mahanap ang inyong makakasama sa walang-hanggan at sa halip ay hayaang patnubayan kayo ng Diyos.
Nagpunta ba ako sa mga YSA conference na iyon para makahanap ng mapapangasawa? Hindi.
Inisip ko ba na mapapangasawa ko ang isa sa mga lalaking makikilala ko roon? Hindi naman.
Sa halip ay tumigil ako sa pagmamadaling mahanap ang gusto kong mapangasawa at nagpunta lamang ako sa mga kumperensyang ito para mangumusta sa iba at makipagkaibigan—na siyang ginawa namin ni Radu sa umpisa.
Ang pagmamadaling makahanap ng ating makakasama sa walang-hanggan sa lalong madaling panahon ay maaari talagang magkatotoo kung minsan. Pero walang limitasyon ang panahon sa mga walang-hanggang relasyon. Hindi ito kailangang madaliin. Ang buhay ay hindi tungkol sa pag-aasawa, sa halip ito ay tungkol sa pagiging pinakamahusay na bersyon ng ating sarili at pagtutulot sa Diyos na gawin ang Kanyang plano sa ating buhay. Oo, dapat tayong pumuntang lahat doon, magpakita, makipagkilala sa mga tao, magkaroon ng mga bagong kaibigan, at lumabas ng ating comfort zone. Pero dapat nating gawin ito na iniisip na, “Magsasaya ako at makikipagkaibigan” sa halip na “Kailangan kong idilat ang aking mga mata para makita ko ‘siya’ o kung hindi ay masisira ang buong plano ko sa buhay!”
Ang isa sa mga bagay na sinabi sa akin ni Radu nang maging magnobyo kami ay na bagama’t kadalasan ay medyo hirap siya kapag may kasama siyang mga babaeng gusto niya, hindi ganoon ang pakiramdam niya kapag kasama niya ako. Sinabi niya na dahil magkaibigan kami, palagi siyang panatag at nakakakilos nang natural.
Kaya maghanap ng mabubuting taong papaligid sa inyo at magsaya kung saan kayo naroon ngayon. Dahil sa totoo lang, kapag tumigil kayo sa pagmamadali at pinili ninyong makipagkaibigan at matutuhang mahalin ang sarili ninyo at ang kinaroroonan ninyo, ay doon lang magiging mas masaya ang buhay.
Pagtitiwala sa Plano ng Diyos para sa Ating Kinabukasan
Hindi kami perpekto ni Radu. Hindi talaga namin hinanap ang taong “perpekto”—kumilos lang kami nang natural. Ang napansin ko ay na kung sino ka talaga at kung paano ka mamuhay ang pinaka-nakakaakit sa iba. Kapag sinikap mong sundin si Jesucristo, maaakit mo ang ibang tao na ginagawa ang lahat para masundan din Siya.
Natutuhan ko rin na habang nagpapakabuti tayo at lubos ang pananalig natin na ang Diyos ang namamahala, iimpluwensyahan Niya ang ating buhay—at kapag kinilala natin ang Kanyang impluwensya, hindi na kailangang matakot para sa kinabukasan. Alalahanin ang itinuro ng Panginoon kay Nephi: “At ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; anupa’t habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay” (1 Nephi 17:13).
Hindi tayo nilikha upang patuloy na madaliin ang ating sarili dahil hindi nangyari ang ilang inaasahan o mithiin sa oras na itinakda natin. Tunay ngang iba ang oras ng Ama sa Langit kaysa sa atin—iyon ay walang-hanggan. Plano Niyang tuparin ang bawat pagpapalang hinihiling natin. At kapag ginawa natin ang lahat upang magtiwala sa Kanyang plano at nakahanap tayo ng katuparan anuman ang sitwasyon natin, doon tayo makasusumpong ng tunay na kaligayahan. Lalaging mas maganda ang Kanyang plano kaysa sa plano natin para sa ating sarili.