2020
Pagkatutong Maging Masaya Habang Single pa Ako
Hunyo 2020


Mga Young Adult

Pagkatutong Maging Masaya Habang Single pa Ako

Natanto ko na mali ang paraan ng pakikipagdeyt ko.

neighbors outside

Paglalarawan ni Josie Portillo

“Bakit nakikipagdeyt at masaya ang lahat?”

“Bakit wala pa akong asawa?”

“Ano ba ang problema ko?

Malamang ay naitanong na ng halos lahat ng young adult ang bagay na ito sa kanilang sarili kahit minsan lang! Ang hamon sa paghahanap ng makakasama sa walang-hanggan ay maaaring magkaroon ng epekto sa pananampalataya at pag-asa maging ng pinakamatatapat na Banal sa mga Huling Araw. At oo, gayon din sa sitwasyon ko, napakahirap makipagdeyt.

Para sa akin parang malaking pakikipagsapalaran ang pag-aasawa, at bata pa ako ay inaasam ko na ito. Pero pinanghinaan ako ng loob nang tila nabibigo ako sa pakikipagdeyt noong nasa kolehiyo ako. Bagama’t marami akong naideyt, nagkaroon ng ilang seryosong relasyon, at nakakilala ng mahusay at kahanga-hangang mga babae, hindi ako nag-asawa. At para sa akin, ang mga bigong relasyong iyon ay parang isang tanda na mahinang klase ako at hindi guwapo.

Ang nararamdaman ko tungkol sa aking pagiging single ay lalo lamang lumala pagkatapos ng ilan pang pakikipag-break nang magsimula na ako sa aking propesyon. Madali para sa akin ang itanong kung ano ang mali sa akin at ano ang tama sa lahat ng iba pa na nag-aasawa. Ang aking patriarchal blessing, pati na ang ilang basbas ng priesthood, ay matindi at tuwirang nagsasaad na mabubuklod ako sa buhay na ito sa isang matwid na babae. Kaya bakit hindi iyon nangyayari?

Nagsimula akong mag-isip, “May nagawa ba ako para ilihis ang plano ng Diyos para sa akin?”

Sa huli, matapos “makipagbuno” sa harapan ng Diyos sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdalo sa templo, nakatanggap ako ng paghahayag tungkol sa aking sitwasyon sa pamamagitan ng aking kaibigan at tagapayo na si Brad (binago ang pangalan). Sa isa sa aming mga counseling session, sinabi niya: “Ang kaligayahan mo ay depende sa iyo—hindi sa ibang tao. Kapag masaya ka habang single ka pa, maaari kang maging maligaya anuman ang sitwasyon.” Gayundin, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82).

Nagbago ang buong pananaw ko nang ikintal ng Espiritu ang mga salitang ito sa aking kaluluwa. At natanto ko na nakipagdeyt ako palagi para tugunan ang isang pangangailangan—sa sitwasyon ko, ang pangangailangang makapag-asawa lamang para hindi ako nag-iisa.

Talagang hindi ito isang paraan ng pag-iisip na hahantong sa isang mapagmahal na makakasama sa walang-hanggan! Sa pamamagitan ni Brad, magiliw na itinuro sa akin ng Panginoon na ang Kanyang plano para sa Kanyang mga anak na lalaki at anak na babae ay hindi para mag-asawa sila batay sa pangangailangan o pamimilit ng kultura o pangamba. Ang pag-aasawa ay batay sa pagmamahal na tulad ni Cristo. Pagkatapos ay itinuro Niya sa akin na ang katayuan ko bilang single ay maaaring patuloy na magturo sa akin kung paano mamuhay nang maayos at maghangad na makapag-asawa batay sa dalisay na pag-ibig at hindi dahil kailangan. Na hangaring makapag-asawa para sa mga tamang dahilan.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutuhan ko ang tatlong katotohanang binabalikan ko tuwing pinanghihinaan ako ng loob tungkol sa pakikipagdeyt:

  1. Ang iyong halaga ay hindi batay sa iyong marital status. Itinuro ni Isaias na “ang [mga pagiisip ng Diyos] ay hindi [natin] mga pagiisip” (Isaias 55:8). Inakala ko na ang pagiging single ay sumasalamin sa kawalan ko ng halaga. Gayunman, tinulungan ako ng Diyos na makita na ang pagiging single ay naghahanda sa akin para sa mas mainam na pag-aasawa kaysa sa mag-asawa ako ayon sa sarili kong takdang panahon. Wala itong kinalaman sa aking kahalagahan.

  2. Pinapawi ng paghahanda ang pag-aalala at pagkabahala. Sinasabi sa atin ng Panginoon na “kung [tayo ay] handa [tayo] ay hindi matatakot” (Doktrina at mga Tipan 38:30). Ang paghahangad at pagkatapos ay pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nakatulong para makalimutan ko ang dati kong mga pangamba at pagkabigo tungkol sa aking pagiging single. Natulungan din ako nito na magtuon sa paghahanda ng aking sarili para sa anumang darating sa aking buhay sa hinaharap.

  3. May kagalakan sa pagiging single. Nabiyayaan ako ng pagiging single ng kapana-panabik na mga pagkakataong makapaglakbay, umunlad sa aking propesyon, at makapaglingkod sa Simbahan. Bagama’t nais ko pa ring makapag-asawa at magkaanak, natulungan ako ng Diyos na pahalagahan kung gaano karami ang gagawin sa Kanyang kaharian sa ngayon, mayroon man akong kabiyak sa aking tabi o wala.

Wala pa rin akong asawa! Hindi pa rin nagpapakita ang asawa ko hanggang ngayon kahit nagbago na ang pananaw ko tungkol sa pakikipagdeyt at pag-aasawa, at alam ko na mabibigo pa rin ako kung minsan sa pakikipagdeyt sa hinaharap. Pero nawala na ang maraming takot at pag-aalala ko tungkol sa aking marital status. At alam ko na ngayon na talagang ayos lang na maging single habang nagtutulungan kami ng Panginoon na maisakatuparan ang mga walang-hanggang pangako at pagpapalang naibigay Niya sa akin—kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.