Digital Lamang: Mga Young Adult
7 Payo para Manatiling Konektado sa Isang Malayuang Relasyon
Kung ang iyong potensyal na kabiyak para sa walang hanggan ay nasa malayo, narito ang mga paraan upang maging mas madali ang mga bagay-bagay.
Ang paghahanap ng isang mabait at mabuting tao na gusto mong makasama sa iyong buong buhay ay maaaring maging isang hamon. Tila talagang imposible ito kapag idinagdag pa ang hamon ng paghahanap ng isang taong karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, may mga pamantayan at mga paniniwala na katulad ng sa iyo, at maaari mo talagang makasama dahil nakatira lang sa malapit. Ngunit dahil naimbento na ang internet, mga video chat, pakikipagdeyt online, at mga app sa pakikipagdeyt, ang malayuang relasyon ay mas karaniwan na ngayon kaysa noon, na magandang balita para sa maraming Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa mga lugar ng pandaigdigang Simbahan kung saan ang mga miyembro ay kakaunti at malayo sa isa’t isa.
Mabuti na lamang ay nabigyan tayo ng maraming magagandang payo mula sa ating mga lider ng Simbahan tungkol sa pakikipagdeyt, gaano man kalayo. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung “nais [natin] ng kakayahan, kaligtasan, at katiyakan [sa pakikipagdeyt at pag-ibig], sa buhay-may-asawa at sa walang hanggan,” kailangan nating “maging tunay [na] disipulo ni Jesus.” (“How Do I Love Thee?” New Era, Okt. 2003, 8). Bukod doon, narito ang pitong payo kung paano manatiling konektado sa isang malayuang relasyon:
-
Magkaroon ng iskedyul at sundin ito. Maghanap ng isang iskedyul na angkop kapwa sa inyong dalawa. Maraming magkasintahang nakaranas na ng malayuang relasyon ang nagsabi na ang pag-uusap araw-araw sa telepono o sa video chat ang naging susi sa kanilang relasyon. Marahil ay wala kang oras para makipag-usap araw-araw, ngunit dapat kang mag-iskedyul ng oras na para lamang sa iyong kasintahan.
-
Palaging magbigay ng 100 porsiyento. Ang malayuang relasyon ay kadalasang hindi nagiging matagumpay kapag ang isa o ang parehong tao ay hindi lubos na nagsisikap upang patatagin ito. Kapag nagsisikap kang ipakita at sabihin sa iyong kasintahan na talagang nagmamalasakit ka sa kanya, kahit na magkalayo kayo, magagawa mong maging mas konektado sa kanya.
-
Komunikasyon ang susi. Kapag oras na ng inyong iskedyul para sa isa’t isa, magtuon sa bukas na pakikipag-usap. Huwag mag-atubiling ibahagi ang iyong mga nararamdaman, ang mga ito man ay mahirap at negatibo o kaaya-aya at nakalulugod. Patitibayin ng bukas na paghahayag ng mga bagay na ito ang inyong relasyon, at madarama mong malapit kayo sa kabila ng pisikal na layo.
-
Maging romantiko! Dahil sa layo ay mahirap para sa inyong dalawa na maipakita ang inyong pagmamahal sa pisikal na paraan, kaya kailangan mong maghanap ng ibang mga paraan para maipakita na nagmamalasakit ka. Maaari mo siyang sorpresahin ng maiikling mensahe sa buong araw. Maaari kang magpadala sa kanya ng mga pagkain o bulaklak. At ang isang liham na maganda at taos-puso ang pagkakasulat na ipinadala sa pamamagitan ng koreo ay palaging panalo!
-
Lumikha ng isang espirituwal na koneksyon. Subukang magkaroon ng lingguhang home evening o debosyonal nang magkasama. Magkasamang manood ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya at talakayin kung ano ang natutuhan ninyo, o pag-aralan ang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa linggong iyon. Ang pagpapatibay sa inyong espirituwal na koneksyon ay magpapatibay rin sa inyong romantikong koneksyon!
-
Maglaan ng oras para magkita nang personal. Ang pagkikita ninyo sa pamamagitan ng isang screen sa loob ng hindi tiyak na panahon ay hindi palaging magiging sapat. Hangga’t maaari, subukang magplanong magkita nang personal. Huwag ubusin ang inyong pera para makita ang isa’t isa palagi, ngunit subukang bisitahin ang isa’t isa kahit isang beses lang sa loob ng ilang buwan kung ang paghihiwalay ay pangmatagalan.
-
Palaging maging matapat. Ang pinakamahalagang bahagi ng komunikasyon ay katapatan. Ipaalam sa kanya kung ano ang iyong nararamdaman at kung ano ang iyong mga inaasahan sa inyong relasyon. Kailangan ninyong dalawang magkaisa para maging matagumpay ang inyong relasyon, at mangyayari lang iyon kung kapwa ninyo pipiliin na maging matapat sa isa’t isa. Kapag ginawa ninyo iyon, maaaring lumago ang inyong relasyon at maging isang bagay na magpapala sa inyo magpakailanman.
Higit sa lahat, tandaan na ang pakikipagdeyt—malapit man o malayo—ay dapat nakabatay sa pakikipagkaibigan. Tulad ng sinabi ni Sister Susan W. Tanner, dating Young Women General President, “Ang pakikipagkaibigan ang pundasyon kung saan dapat itatag at palakasin ang pagliligawan at kasal” (“Gawing Madali ang Pakikipagdeyt,” Liahona, Okt. 2004, 42).