2020
Ang Pagiging Hindi Kasal ay Nagpapaalala sa Akin na Magtiwala sa Buong Plano ng Diyos para sa Akin
Hunyo 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Pagiging Hindi Kasal ay Nagpapaalala sa Akin na Magtiwala sa Buong Plano ng Diyos para sa Akin

Nakahanap ako ng kagalakan noong sa wakas ay isinuko ko ang lahat at nagtiwala ako sa buong plano ng Ama sa Langit.

Noong ako ay 30 taong gulang, ang aking kaibigan ay nagtanong ng ilang bagay na nagpabago sa aking buhay. Itinanong niya, “Kung nasa iyo na ang lahat ng pera sa mundo, ano ang gagawin mo?” Nagbigay ako ng ilang simpleng sagot, tulad ng bumili ng isang bahay, alagaan ang aking pamilya, magkaroon ng pag-asa sa sarili, atbp.

Siya ay naghangad ng mas malalim na sagot at nagtanong, “Paano kung nasa iyo na ang lahat ng mga bagay na iyon at ang lahat ng pera sa mundo, ano ang gagawin mo?” Doon ko napagtanto na anuman ang aking katayuan sa pag-aasawa, marami akong maibibigay sa sanlibutan. Naisip ko ang mga bagay na matututuhan at maibabahagi ko at ang kaibahan at impluwensya na maidudulot ko.

Paglipat ng Aking Pokus

Ang pangarap ko bilang isang young adult ay makahanap ng mapapangasawa, makasal sa templo, at magsimula ng isang pamilya. Akala ko ay ito ang aking tanging layunin. Kaya noong hindi ito nangyayari, nagtaka ako, “Kung ang pag-aasawa ang pinakamahalagang bagay sa buhay, bakit hindi ako nagkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa?”

Matapos maitanong sa akin ng aking kaibigan ang mga bagay na iyon, naunawaan ko na sa wakas kung ano ang tunay na layunin ng buhay. Naniniwala pa rin ako na ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay sentro sa walang hanggang plano ng Ama sa Langit para sa ating lahat, ngunit napagtanto ko na hindi ito ang buong plano.

Narito tayo sa lupa upang umunlad, magbahagi ng katotohanan, sumunod kay Jesucristo, at sa huli ay bumalik sa Ama sa Langit (tingnan sa Alma 34:32).

Kaya, nasasaisip iyon, nagsimula akong manalangin at humiling sa Diyos na tulungan akong mahanap ang aking layunin at mga kalakasan. Sa paglipas ng panahon, natuklasan ko kung ano ang aking layunin sa pamamagitan ng panalangin at ng aking mga sariling pagsisikap na sumubok ng mga bagong libangan at palakasin ang aking pananampalataya. Napagtanto ko na mayroon akong malakas na pananampalataya kay Jesucristo. At bahagi ng aking layunin at plano sa lupa ay tulungan ang iba na palaguin at palakasin din ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Ang katotohanang ito ay nagbigay ng dakilang direksyon sa aking buhay at tumulong sa akin na magtuon sa pagiging katulad ng nais Niyang kahinatnan ko.

Pagtanto sa Aking Layunin

Noong ako ay mahigit-kumulang 20 taong gulang, marami sa mga pakikipag-usap ko ang umikot sa pagiging dalaga. Nagtuon lamang ako sa aking “malungkot” na kalagayan. Ngayon, nalaman ko na mabuting hangaring makapag-asawa, ngunit kasabay nito ay maaari kong ipagpatuloy ang pagkamit ng iba pang mga layunin at pagkakataon.

Kung hindi ka pa sigurado kung ano ang dapat mong gawin ngayon, nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng ilang payo kung saan magsisimula:

“Itanong sa inyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo kung ano ang nadarama Niya para sa inyo at sa inyong misyon dito sa lupa. Kung kayo ay magtatanong nang may tunay na layunin, sa paglipas ng panahon ay ibubulong sa inyo ng Espiritu ang katotohanang magpapabago sa inyong buhay. …

“Nangangako ako sa inyo na kapag naunawaan ninyo kahit kaunti kung ano ang tingin sa inyo ng inyong Ama sa Langit at kung ano ang inaasahan Niyang gagawin ninyo para sa Kanya, magbabago ang inyong buhay magpakailanman!” (“Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 49).

Talagang taos-puso ang mga salitang iyon.

Bagama’t mayroon akong mga ideya tungkol sa kung ano ang gusto ko sa buhay (na kamangha-mangha, sa opinyon ko!), higit na nakaaalam ang Diyos kaysa sa akin. At dadalhin ako ng Kanyang Plano sa mga landas na mas dakila kaysa sa mga nawari ko para sa aking sarili.

Pagiging Bukas sa mga Bagong Pag-asa

Para sa akin, ang pag-aayon ng aking sarili sa plano ng Ama sa Langit ay mahirap noong una. Kinailangan kong maging bukas sa mga bagong ideya, bagong pananaw, at bagong pag-asa. Kung minsan, masakit kapag ang buhay ay hindi umaayon sa aking plano. May mga partikular na pangako sa aking patriarchal blessing na hindi natutupad. Pero tumigil ako sa pag-aalala nang sa wakas ay isinuko ko ang aking mga sariling ideya at nagpasiya akong magtiwala na ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa akin ay matutupad—dahil alam kong mangyayari ang mga ito ayon sa Kanyang takdang panahon.

Kung tayo ay magtitiwala at magtutuon sa buong plano ng Ama sa Langit para sa atin, magkakaroon tayo ng walang katapusang kagalakan na ipinangako Niya sa atin (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Malalaman natin ang ating mga personal na misyon. Tayo ay magiging katulad ng nais Niyang kahinatnan natin. At kasabay nito, maihahanda natin ang ating mga sarili para sa lahat ng ating mga walang hanggang pagpapala—kabilang na ang kasal.

Dahil sa pagbabagong ito sa aking pananaw, nakahanap ako ng tunay na kagalakan sa aking buhay. Hindi ko alam ang lahat ng mga sagot, ngunit patuloy Siyang nagbibigay ng paunti-unting karunungan sa aking buhay.