2020
Kinailangan Niya ng Basbas ng Priesthood. Magagawa Ko ba Iyon?
Hunyo 2020


Digital Lamang

Kinailangan Niya ng Basbas ng Priesthood. Magagawa Ko ba Iyon?

Noon pa man ay takot na takot na akong magbigay ng mga basbas ng priesthood. Kapag sumapit ang sandaling iyon, magiging handa ba ako?

Isang araw, nasa kotse kami ng nanay ko at pauwi na nang bumaba sa isang maliit na burol ang isang lalaking nakabisikleta. Biglang lumihis ang lalaki para iwasan ang isang paparating na trak. Sa isang iglap na parang walang-hanggan, dahil sa biglang paglihis ay nawalan ng kontrol ang lalaki sa kanyang bisikleta, lumipad sa ibabaw ng hawakan nito, at tumama nang malakas ang kanyang ulo sa kalsada. Tumabi kami kaagad. Natataranta, lumabas ako ng kotse at tumakbo sa tabi niya. Malakas ang kanyang paghinga, pero wala siyang malay.

Alam ko kaagad na kailangan ng lalaking ito ng basbas ng priesthood, pero hindi ko maiwasang mag-isip: magagawa ko ba iyon?

Sa sandaling iyon, naalala ko na nakinig ako sa mga salita ni Elder Jeffrey R. Holland noong binatilyo pa ako na mayhawak ng Aaronic Priesthood: “Mga kabataang lalaki, matututuhan ninyo, kung hindi pa ninyo natututuhan, na sa mga nakakatakot, maging sa mga mapanganib na sandali, ay kakailanganin ng inyong pananampalataya at ng inyong pagkasaserdote ang lahat ng inyong makakaya at ang pinakamainam ninyong maisasamo sa langit. …

“… Maaaring dumating ang araw—talagang tiyak kong ito ay darating—kung kailan sa isang hindi inaasahang pagkakataon o sa isang panahon ng malubhang pangangailangan, tatama ang kidlat, kung baga, at ang kinabukasan ay nasa inyong mga kamay. Maging handa kapag dumating ang araw na iyon” (“Magpakabanal Kayo,” Ensign, Nob. 2000, 39, 40; Liahona, Ene. 2001, 47, 49).

Pagdaig sa Aking Takot

Noong kabataan ko, ang mga salitang ito ay tumimo nang malalim sa puso ko at nakatulong na ihanda akong maging karapat-dapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Pero ilang taon matapos kong matanggap ang priesthood, hindi ko makayang bigyan ng basbas ng priesthood ang iba, at ang pinakamalaking dahilan ay takot.

Takot ako na baka hindi ako karapat-dapat o na baka hindi tama ang masabi ko. Ang takot na ito ay pumigil sa akin na gamitin ang awtoridad ng priesthood, na ipinagkatiwala sa akin, para manawagan sa mga kapangyarihan ng langit para basbasan ang iba. Ngunit alam ko sa aking kalooban na kung gusto kong gampanan ang tungkulin ko sa priesthood, kailangang magbago ang damdamin ko. Kinailangan kong daigin ang aking mga pangamba at kawalan ng tiwala sa paggamit ng kapangyarihan ng Diyos para basbasan ang iba.

Sa pagsampalataya sa Panginoon at pagkilos ayon sa payo ng Kanyang mga lingkod, iniayon ko ang aking buhay nang mas malapit sa Kanyang mga turo. Gumugol ako ng panahon para ibuhos ang aking kaluluwa sa panalangin araw-araw, at ipinagdasal ko na espirituwal akong lumakas habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan. Ibinahagi ko ang mga talata sa banal na kasulatan sa sinumang pumasok sa aking isipan habang nagbabasa ako. Nakinig ako sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ibinahagi ko sa iba ang aking patotoo tungkol sa ebanghelyo. At nag-ayuno ako nang mangailangan ako ng dagdag na lakas.

Nang sundin ko ang mga pangunahing tagubiling ito nang may determinasyong iayon ang aking kalooban sa Diyos, mas nadama ko ang Espiritu Santo, naragdagan ang aking espirituwal na kakayahan, at lumakas ang aking koneksyon sa mga kapangyarihan ng langit. Sa huli, nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na magbigay ng basbas ng kapanatagan at patnubay.

Naaalala ko na kinabahan ako sa simula at nag-alala tungkol sa sasabihin ko. Pero napuspos ako ng Espiritu, nawala ang takot ko, at ang pag-aalala ko ay napalitan ng mismong mga salitang dapat kong sabihin! Ang sarap sa pakiramdam, na noon ko pa pala ito tinataglay sa sarili ko!

Mula noon hindi ko na mabilang kung ilang basbas pa ang ipinabigay sa akin, at gustung-gusto ko iyon! Tuwing nagbibigay ako ng mga basbas ng Panginoon sa Kanyang mga anak, labis akong pinagpapala. Ang isang basbas ng priesthood ay talagang nagpapala sa lahat ng kasali roon.

Pagtawag sa Kapangyarihan ng Panginoon Kapag Talagang Mahalaga Iyon

Tulad ng ipinropesiya ni Elder Holland, may nangyaring masama noong araw na iyon sa daan nang di-inaasahang masaktan ang isang lalaking nakabisikleta. Kung hindi ako nakipagtulungan sa Panginoon sa nakaraang ilang taon sa pagdaig sa takot kong magbigay ng mga basbas sa mas ligtas na mga sitwasyon, kapwa sana kami walang nagawa sa posibleng nakamamatay na sitwasyong ito. Ngunit sa paggabay at pagpapalakas sa akin ng Panginoon, lumuhod ako sa kanyang tabi at mahinang bumulong ng mga salitang naisip kong sabihin nang basbasan ko siya.

Nang matapos ako, tumingala ako at nakita kong nakatayo ang isang deputy ng sheriff sa tabi ko. Nasa likuran lang pala namin siya noon at tumawag na ng ambulansya. Pero agad nagkamalay ang nasaktang lalaki, at iginiit na ayos lang siya, at sumakay na sa kanyang bisikleta, at nilagpasan niya ang ambulansya sa daan. Samantalang nauunawaan ko na hindi lahat ng basbas ng priesthood ay gayon kabilis ang mga resulta, isang karanasan ito na hinding-hindi ko malilimutan. Labis akong nagpapasalamat na nang dumating ang panahon, naging handa ako.