Ano ang Gagawin sa mga Allergy sa Pagkain sa Simbahan
Isang aktibidad ng mga kabataan noong isang maginaw na gabi ng Enero 2017 ang nagpabago sa pamilya Sorensen magpakailanman. Ang anak na lalaki nina Terry at Jennilyn na si Tanner ay 14 na taong gulang noon. Patapos na ang pinagsamang aktibidad. Isinisilbi na ng isang lider ang huling meryenda. Kumuha ng isang cookie si Tanner, na allergic sa mani, at kinagat ito. Hindi niya dapat ginawa iyon. Peanut butter cookie iyon.
“Kadalasan naman ay napakaingat niya,” sabi ni Terry.
Nakauwi pa ng bahay si Tanner—nasa dulo lang ng kalye ang bahay nila mula sa kanilang meetinghouse. Pero maya-maya lang ay nawalan na siya ng malay. Tumigil ang kanyang paghinga. Buong tapang na sinikap siyang iligtas ng mga paramedic at emergency room staff. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi nagtagumpay ang kanilang mga pagsisikap.
Namatay si Tanner nang gabing iyon dahil sa kanyang allergy sa pagkain.
Isang Pandaigdigang Isyu
Sa buong mundo, mga limang porsiyento ng mga bata ang may allergy sa pagkain.1 Sa Estados Unidos, tinatayang apat na porsiyento ng mga adult at hanggang walong porsiyento ng mga bata ang may allergy,2 at gayon din ang bilang na iniulat sa ilang bansa sa Europe at Asia.3 Sa isang ward na may 200 adult, mga 8 katao iyan, at sa isang Primary na may 50 bata, 4 na bata iyan.
Mahigit 170 pagkain ang natukoy na potensyal na mga allergen, ngunit sa Estados Unidos ang “Big 8” ang nagiging sanhi ng karamihan ng mga allergy sa pagkain: gatas, itlog, mani, mga tree nut, trigo, soya, isda, at pagkaing-dagat [tahong, tulya, hipon, lobster, alimango, atbp].4 Sa mga rehiyon, may iba pang mga pagkaing nangunguna sa listahan ng mga allergen, tulad ng chickpeas sa India, buckwheat sa South Korea at Japan, at mga itlog ng langgam sa Northern Thailand. Ang gatas ng baka at mga itlog ay kasama palagi sa pinakalaganap na mga food allergen sa buong mundo.5
Nagkakaroon ng allergic reaction kapag sobra ang reaksyon ng immune system ng katawan sa isang sangkap na nadarama nitong delikado. Ang pinakamalala sa mga reaksyong ito ay anaphylaxis, na isang mabilis at sistematikong pagtugon na maaaring maging sanhi ng kamatayan.6 Kabilang sa mga sintomas ang panginginig o pangangati sa bibig; pamamaga ng mga labi, mukha, dila, o iba pang mga bahagi ng katawan; pagduduwal o pagsusuka; pagsisikip ng mga daluyan ng hangin; mabilis na pintig ng pulso at pagkahilo; at shock o pagkatulala.7
“Kasing lala ito ng, kung hindi man mas malala pa kaysa sa, isang taong nai-stroke o inaatake sa puso sa simbahan,” pagtuturo ni Dr. Jonathan Olson, isang allergist at miyembro ng Simbahan. “Ang isang taong may allergic reaction ay maaaring mamatay nang mas mabilis kaysa sa isang taong inaatake sa puso.”
Bagama’t ilang potensyal na therapy ang nagpapakita ng posibleng lunas, sa kasalukuyan ay walang lunas ang mga allergy sa pagkain. Ang pamantayan ng pangangalaga ay patuloy na “pag-iwas sa allergen at pagtukoy at paggamot sa anaphylaxis,” sabi ni Dr. Olson.
Ang Pagkain ay Pagmamahal
Pagkain ang madalas na pinakamahalagang bahagi ng mga pagtitipon. Kinakatawan nito ang mga kultura, tradisyon, at pista-opisyal. Ang pagkain ay ginagamit para palakasin ang ating katawan, ngunit ginagamit din ito para palusugin ang ating kaluluwa, magpakita ng pagmamahal at malasakit, at hikayatin ang mga tao na magtipun-tipon at mag-ugnayan.
Totoo ito lalo na sa Simbahan. Ang mga pagkain ay ibinibigay sa mga klase para maghikayat ng pagdalo o pagtibayin ang isang lesson. Ang mga ward potluck, chili cook-off, at iba pang mga aktibidad ay nagbibigay ng dahilan sa mga Banal na magtipun-tipon at makisalamuha. Naghahanda tayo ng pagkain para sa mga nanay na kapapanganak pa lang at para sa mga burol bilang isang tapat na paglilingkod. Nag-iiwan tayo ng pagkain sa mga pintuan upang iparating na iniisip ka namin.
Maging ang Tagapagligtas ay pinakain ang 5,000 na nagtipon para marinig Siyang magturo.8
Marahil ay inilalarawan nito kung bakit maaaring napakahirap makaisip ng gagawin sa mga allergy sa pagkain at hindi ito maunawaan ng ilan, kahit—at lalo na—sa simbahan. Kaya kadalasan, ang pagkain ay pagmamahal. Ngunit kung ituturing ng mga miyembro ng ward ang mga allergy sa pagkain bilang isang pagkakataon upang magminister, ang kawalan ng pagkain ay maaari ding maging pagpapakita ng pagmamahal.
Pagsisikap na Gawing Sagrado—at Ligtas—ang Sakramento
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon [ay ang] sagrado … at [kinikilalang] sentro ng ating pagsamba tuwing Linggo. …
“… Ang oras na ito na inordena ng Panginoon ang pinakasagradong oras ng buong linggo natin.”9
Gayunman, tulad ng nakatala sa inilimbag na mga gabay ng Simbahan kamakailan tungkol sa mga allergy sa pagkain at training sa cross-contamination, “Ang mga allergy at reaksyon sa pagkain ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa … emosyonal na kalusugan at kakayahang makilahok ng isang tao sa mga miting at aktibidad sa Simbahan.”10
Kabilang sa mga gabay ng Simbahan tungkol sa food allergy ang mga tagubilin sa pagbibigay ng tinapay sa sakramento na ligtas kainin ng lahat gayundin kung paano iwasang magkadikit ang magkakaibang uri ng tinapay sa sacrament table. (Ang detalyadong impormasyon ay matatagpuan sa disability.ChurchofJesusChrist.org.) Ang pagsunod sa mga gabay na ito ay maaaring tumiyak ng ligtas na karanasan sa sakramento para sa karamihan ng mga miyembro.
Ang mga miyembrong may mga allergy ay maaaring talakayin sa kanilang bishop ang mga pagbabagong angkop para sa sakramento. Maaaring magbigay ang mga miyembro ng sarili nilang tinapay na walang allergen sa isang selyadong plastic bag.
Bukod pa rito, ang mga pamilyang may mga allergy sa pagkain ay nahaharap sa mga hamon kapag nagdadala ng pagkain o meryenda ang iba sa sacrament meeting. Dahil maaaring mangyari ang ilang allergic reaction sa pamamagitan lamang ng paglanghap o paghawak sa isang allergen, ang mga pamilyang may mga allergy sa pagkain ay lumilipat ng upuan o pumupunta sa foyer sa oras ng sacrament meeting kapag may pagkain.
Sa isang pulong ng pagsasanay o training meeting noong Abril 2015, iminungkahi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang ating pangunahing mithiin ay magkaroon ang lahat ng espirituwal na karanasan at lumalakas na pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng paggalang sa araw ng Sabbath.” Dagdag pa niya, “Siguro naman ay maaasahan natin na maisasantabi muna ang mga cell phone at iPad, mga laro at pagkain sa loob ng isang mahalagang oras sa loob ng 168 oras sa isang linggo para sa sacrament meeting na nakalaan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo.”11
Para sa iba’t ibang dahilan, hindi lahat ay maaaring isantabi ang pagkain sa oras ng simba. Ngunit sa pinaikling iskedyul, marahil ay maisasaalang-alang natin ang mungkahing ito ni Pangulong Ballard at suriin kung kailangan ninyong magdala ng pagkain sa sacrament meeting.
Dalhin ang mga Pasanin ng Isa’t Isa
Bagama’t maaaring matindi ang pisikal na epekto ng mga allergy sa pagkain, maaaring ganito rin katindi ang espirituwal na epekto nito—para sa kabutihan o sa kasamaan.
Matindi ang allergy sa gatas ng anak na babae ni Francesca. Nang nasa Primary pa ang anak niya, mahilig magdala ng mga homemade cupcake sa klase ang isa sa kanyang mga guro para sa mga may kaarawan. Nag-alok si Francesca na magdala ng mga cupcake na ligtas kainin ng lahat tuwing may nagdiriwang ng kaarawan. Tinanggihan ng guro ang alok at sa halip ay pinaupo ang anim-na-taong-gulang na bata sa pasilyo nang mamigay na ng pagkain para sa may kaarawan.
“Napakasakit nito sa napakaraming paraan,” paggunita ni Francesca. “Sa halip na turuan ang mga bata na ‘maging katulad ni Jesus’ at magmalasakit na maisali ang lahat, tinuruan niya silang ibukod ang iba.”
Ang pagsasama at pagbubukod ay mga karaniwang tema kapag kausap ninyo ang mga pamilyang may mga allergy sa pagkain. Inasam ng siyam-na-taong-gulang na anak na lalaki ni Cynthia, na may allergy sa tree nuts, na makasama sa isang day camp. Gayunman, sa umaga ng camp, tumawag ang isang lider at hiniling na huwag siyang sumama. Hindi nila siya maisasama dahil sa kanyang mga allergy.
“Binabaan ko siya ng telepono at umiyak ako,” paggunita ni Cynthia, “mga luhang malungkot at nagmumula sa kaibuturan ng puso ko para sa aking anak na hindi na naman isinama.”
Sabi ni Katie Edna Steed, disability specialist manager para sa Simbahan: “Iiwanan ng Tagapagligtas ang 99 at hahanapin ang isang nawawala. Kailangan nating alalahanin ang halimbawang iyon—na hanapin at pagmalasakitan ang isang nawawala.”
Makakatulong Tayo
Maraming magagawa ang mga miyembrong may allergy sa pagkain at ang kanilang mga pamilya sa ward para magpakita ng pagmamahal at gawing ligtas at kasali ang lahat sa pakikilahok sa simbahan.
Ano ang magagawa ng mga pamilyang may mga allergy sa pagkain?
Ang mga pamilyang may mga allergy sa pagkain ay maaaring magpaliwanag sa mga lider at guro ng kanilang mga pangangailangan—at muling makipag-ugnayan habang nagbabago ang mga lider at guro. Maaari silang mag-alok na magbigay ng pagkaing ligtas kainin ng lahat at tumulong na magplano ng mga menu at aktibidad. Maaari silang magbigay ng simpleng training na nakapagliligtas ng buhay at mga emergency plan. Magiging maunawain sila kapag nagpakita ng takot o mga pangamba ang mga miyembro, ngunit mapagpasensya nilang tuturuan ang mga miyembro at magtutulungan silang makahanap ng mga opsiyon upang ligtas at makasali ang lahat. Dapat silang humiling ng makatwirang mga akomodasyon na magagawa at mapapanatili ng ward.
Ano ang magagawa ng mga miyembro ng ward?
Maaaring hangarin ng mga miyembro ng ward na unawain ang sitwasyon ng bawat isa. Dapat munang magtanong ang mga miyembro ng ward sa mga magulang ng bata bago ito bigyan ng pagkain. Kung kailangan ang pagkain para sa isang aktibidad o lesson, maaaring tanungin ng mga guro at lider ang mga bata at magulang kung magiging ligtas ang pagkain para sa kanila. Maaaring imbitahan ng mga miyembro ng ward ang mga bata at magulang na makilahok at tumulong na lutasin ang problema kung kinakailangan.
Si Suzanne ay may ilang allergy sa pagkain. Partikular siyang naantig sa pagiging sensitibo ng mga priest sa kanyang ward habang naghahanda sila ng sakramento. “Naging mapagpakumbaba ako dahil sa young men na nagsikap na gawing ligtas para sa akin ang pagtanggap ng sakramento,” wika niya.
Isang araw ng Linggo, hindi ipinasa sa kanya ang sakramento. Napansin ng mga priest na naghahanda nito na nadikit ang tinapay niya sa iba pang mga tinapay na nasa mesa.
“Hinanap nila ako pagkatapos ng sacrament meeting, ipinaliwanag ang nangyari, at sinabihan ako na nakatanggap sila ng espesyal na pahintulot mula sa bishop na bigyan ako ng sakramento sa isang classroom,” sabi ni Suzanne. “Napaiyak ako nang basbasan at ipasa nila ang sakramento sa maliit na kuwartong iyon. Nadama ko nang husto ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang Kanyang kaalaman kung gaano ako nahihirapan sa problemang ito.”
“Ang pagpapakita ng kahandaang gawing ligtas ang kapaligiran sa simbahan para sa mga taong may matitinding allergy ay pagpapakita rin ng kahandaang dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa,” sabi ni Suzanne.
Nasa Young Women na ngayon ang anak ni Francesca. Nagkaroon ng impresyon ang Young Women president niya na tulungan ang pamilyang ito sa kanilang pasanin. “Pakiramdam ko kinailangan naming gawin ang lahat para masiguro na hindi siya napilitang mamili sa pagitan ng kanyang kaligtasan at ng kanyang pagsamba,” sabi niya. “Ipinagdasal ko kung paano namin dapat harapin ang sitwasyong ito at nadama namin nang husto na kinailangan naming tulungan ang pamilyang ito at siguruhin na talagang kabilang sila.”
Tinanggap ng mga youth leader ang hamon na magplano ng isang overnight youth conference na ligtas na masasalihan ng anak ni Francesca. Tumulong si Francesca na magplano ng menu at mamili ng pagkain. Hinugasan ng mga young men ang mga kawali bago magluto roon.
“Napakaganda!” sabi ni Francesca. “Napaiyak ako at nadama ko ang pagmamahal ng Diyos sa ipinakita nilang kabaitan at malasakit. Gayundin ang anak ko.”
Ang mga Gawain ng Diyos na Nahayag
Nakaranas na ng maraming himala ang pamilya ni Tanner, malalaki at maliliit, mula nang mawala ang kanilang anak. Inaasahan nila na ang isa sa mga iyon ay ang dagdag na kamalayan sa mga alergy sa pagkain.
“Hindi naman sa iresponsable ang mga batang ito na may mga allergy. Hindi naman sa hindi sila nakikinig. Pero mga bata sila,” sabi ng ama ni Tanner na si Terry. “Isang segundo lang ng kawalang-ingat ang kailangan.”
Ngunit matutulungan sila ng ministering na manatiling maingat. “Ang ibig sabihin ng ministering, kung bibigyan ito ng kahulugan, ay pag-asikaso sa mga pangangailangan ng iba,” sabi ni Dr. Olson. “Lahat ng tungkol sa Simbahan ay batay sa mga pangangailangan ng isa at pagtiyak na natutugunan ang kanilang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan.”
Itinuro ni Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Magiliw na sinabi ni [Cristo] sa mga Nephita, ‘Iniutos ko na walang isa man sa inyo ang umalis.’ … Patuloy na iniuutos sa mga disipulong Kristiyano at sa mga Banal sa mga Huling Araw na magpakita ng tunay na pagmamahal sa isa’t isa.”12
Para kay Francesca, matapos ang personal na paghihirap na unawain kung bakit nagkaroon ng allergy sa pagkain ang kanyang anak, napagtanto niya, “Kung minsan pinagagaling ng Diyos ang isang taong may kapansanan upang ipakita ang Kanyang maluwalhating mga gawain, at kung minsan ay hinahayaan Niyang manatili ang kapansanan ng isang tao dahil nais Niyang ipakita ang Kanyang mga gawain sa pagtrato ng iba sa taong iyon. Ibinibigay sa atin ng Diyos ang lahat ng pagkakataong maging mabait at matutong maging katulad Niya sa pagtutulot sa atin na maging isang himala para sa isang tao na nagdurusa o nahihirapan.”