“Pakikinig sa Propeta,” Kaibigan, Okt. 2023, 4–5.
Pakikinig sa Propeta
Sabik na nakinig si Francesco kay Pangulong Nelson.
Ang kuwentong ito ay naganap sa Argentina.
Naupo si Francesco sa sopa sa tabi ng bintana. Inilinya niya ang kanyang mga laruang kotse sa may bintana.
“Oras na para magbasa ng mga banal na kasulatan,” sabi ni Mamá. Nagtipon si Francesco at ang kanyang mga kapatid sa sala. Binuklat ni Mamá ang kanyang Aklat ni Mormon.
Nakinig si Francesco habang binabasa ni Mamá ang kuwento ni Abinadi. Siya ay isang propeta na nagsikap na turuan ang mga tao. Pero hindi sila nakinig.
“Hindi ba’t ang tapang niya?” tanong ni Mamá. “May mahalagang mensahe siya mula kay Jesucristo na ituturo sa mga tao. At hindi siya tumigil sa pagsisikap na ituro ito!”
Tumango si Francesco. Inisip niya si Abinadi na nagtuturo sa mga tao.
“Naaalala ba ninyo kung ano ang mangyayari sa susunod na linggo?” tanong ni Papá.
“Opo!” Umupo nang tuwid si Francesco. “Pangkalahatang kumperensya!”
“Tama,” sabi ni Mamá. “Sa pangkalahatang kumperensya maaari nating pakinggan ang ating propeta.”
Bigla silang nakarinig ng tunog mula sa kalye sa labas. “Ngayon ay mayroon akong mga kalabasa, siling pula, at kamatis!” sigaw ng malakas na tinig.
Kilala ni Francesco ang tinig na iyon! Iyon ay si Ramón, ang nagtitinda ng prutas at gulay. Araw-araw ay minamaneho niya ang kanyang trak sa kalye, sinasabi sa lahat kung ano ang mga prutas at gulay na ibinebenta niya. Gumagamit siya ng isang loudspeaker para marinig siya ng mga tao mula sa loob ng kanilang mga bahay. Pagkatapos ay lalabas sila para bumili ng pagkain.
“Mayroon din akong mga mansanas at masasarap na saging!” sigaw ni Ramón.
Binigyan nito ng ideya si Francesco. “Mamá!” Ang mga propeta ay para pong mga loudspeaker!”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ng kanyang kapatid na babae.
“Ginagamit ni Jesus ang propeta para ibahagi ang Kanyang mga salita, tulad ng paggamit ni Ramón ng loudspeaker. Sa ganitong paraan naririnig Siya ng lahat ng tao sa mundo!” Ngumiti nang husto si Francesco.
Lumipas ang mga araw, at hindi nagtagal ay oras na para sa pangkalahatang kumperensya. Nag-set up si Papá ng projector para mapanood nila ang kumperensya sa dingding. Para itong sinehan!
Gumawa si Mamá ng chocolate chip cookies na kakainin habang nanonood sila. Sabik na sabik silang lahat nang ang propeta na ang magsasalita.
“Tumahak sa landas ng tipan at manatili roon,” sabi ni Pangulong Nelson.*
“Gusto kong gawin iyan!” sabi ni Francesco. “Pero paano?”
“Ginagawa mo na iyan.” Ngumiti si Papá. “Sumunod ka kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag. At ngayon maaari kang manatili sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagsisikap na sundin Siya araw-araw.”
Ngumiti si Francesco. Gusto niyang sundin si Jesucristo. At magagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagsunod sa propeta!