“Alam ng Ama sa Langit,” Kaibigan, Okt. 2023, 28–29.
Alam ng Ama sa Langit
Bakit nila kailangan ng napakaraming face mask?
Nangyari ang kuwentong ito sa Pilipinas.
Narinig ni Spencer na bumukas ang pinto. Nakauwi na ang tatay niya! Maraming dalang groseri si Tatay mula sa tindahan.
Ibinaba ni Tatay ang mga supot at niyakap si Spencer. “Natutuwa akong makita ka.”
Itinuro ni Inay ang isang malaking kahon na dinala ni Itay. “Ano ‘yan?”
“Nakakita ako ng isang kahon ng mga face mask na naka-sale,” sabi ni Itay. “Nadama kong maaari nating magamit ang mga ito.”
Naguluhan si Spencer. Bakit nila kailangan ng napakaraming face mask?
Pagkaraan ng isang linggo, umuwi si Spencer mula sa paaralan kasama ang kanyang mga kapatid. Pagpasok nila, nag-oorganisa si Inay ng mga tumpok ng mga bagay sa mesa.
“Ano po ang ginagawa ninyo, Inay?” tanong ng kapatid ni Spencer.
“Pinapalitan ko ang mga supply mula sa mga emergency bag natin,” sabi ni Inay. “Nakita ko ang mga ito sa istante ngayon at naisip kong dapat kong tingnan ang mga ito. Ang pagkaing ito ay halos limang taon na! Pwede ba ninyo akong tulungan?”
Tinulungan ni Spencer at ng kanyang mga kapatid si Inay na maglagay ng mga bote at pakete ng pagkain sa mga bag. Pagkatapos ay tinulungan ni Spencer si Inay na ibalik ang mga ito sa istante. Mabibigat ang mga ito!
Inilagay din nila ang kahon ng mga face mask sa istanteng iyon. Pagkaraan ng ilang araw, nalimutan ni Spencer ang lahat ng tungkol sa mga ito.
Makalipas ang ilang buwan, nang lumabas ng simbahan si Spencer at ang kanyang pamilya, may madilim at makapal na hangin sa buong paligid nila. Umuubo sila habang pauwi na sakay ng jeepney.
Nang makauwi na sila, binuksan ni Itay ang TV para makita kung ano ang nangyayari. Nagtipon ang pamilya para manood.
“Nagsimulang pumutok ang Bulkang Taal ngayon,” sabi ng reporter. “Mapanganib na langhapin ang abo. Magsuot ng face mask. Lahat ay dapat manatili sa bahay bukas.”
Tiningnan ni Spencer ang kanyang pamilya. Nabigla ang lahat.
“Ah!” sabi ni Inay. “Ang kahon na iyon ng mga face mask!”
Ngumiti si Tatay. “Alam kong may dahilan kung bakit ko binili ang mga iyon!”
“Tatay, alam n’yo ba na puputok ang bulkan?” tanong ni Spencer.
Umiling si Tatay. “Hindi,” sabi nito. “Pero alam ng Ama sa Langit. At ipinadala Niya ang Espiritu Santo para sabihin sa akin na bumili ng mga face mask. Marami rin tayong maibibigay sa iba.”
“At sa palagay ko binigyan ako ng Espiritu Santo ng ideya na tingnan ang mga emergency bag,” sabi ni Inay. “Ngayo’y magkakaroon na tayo ng maraming tubig at pagkain habang nasa bahay tayo at naghihintay na mawala ang abo.”
Nakadama ng kaligayahan si Spencer. Madilim ang hangin, pero ligtas ang kanilang tahanan, at nasa kanila ang kailangan nila. Alam niya na patuloy silang tutulungan ng Ama sa Langit. Masaya si Spencer na nakinig ang kanyang pamilya sa Espiritu Santo!