2023
Ang Maliit na Aklatan
Oktubre 2023


“Ang Maliit na Aklatan,” Kaibigan, Okt. 2023, 36–37.

Ang Maliit na Aklatan

Naganap ang kuwentong ito sa USA.

Isinara ni Janie ang kanyang aklat at masaya siyang napabuntong-hininga. Ang aklat na ito ang paborito niya! Tatlong beses na niya itong natapos. Mahilig siyang magbasa!

“Sa palagay po ba ninyo, makapagtatayo ako ng maliit na aklatan?” tanong ni Janie kina Inay at Itay kalaunan noong araw na iyon. Gusto niyang tulungan ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga aklat sa kanila.

“Ano ang maliit na aklatan?” tanong ni Itay.

“Isang kahon po ito na may mga aklat sa loob na inilalagay mo sa labas,” sabi ni Janie. “Maaari pong manghiram ang mga tao rito nang walang bayad. O maaari silang mag-iwan ng mga aklat na maaaring basahin ng iba.”

“Palagay ko’y magandang ideya iyan,” sabi ni Nanay.

Tumango si Tatay. “Matutulungan ka naming gawin ito.”

“Salamat po,” sabi ni Janie. “Siguro’y puwede kaming magbenta ng ibe-bake namin para kumita kami ng pera at makabili ng mga gagamitin!” Gumawa si Janie at ang kanyang kapatid na si Carli ng mga karatula para ipamalita ang pagbebenta ng mga ibe-bake nila. Ipinaskil nila ang mga ito sa paligid ng kanilang lugar. Ipinaalam nina Inay at Itay sa mga tao online ang tungkol sa gagawin nilang pagbebenta. Sabik na sabik si Janie!

Masayang-masaya si Janie habang ginagawa ang ibebenta nila. Gumawa siya ng cookies, malulutong na cereal bar, at snowball cake.

Hindi nagtagal ay dumating na nga ang araw ng pagbebenta ng mga na-bake nila. Naglagay ng mesa sina Janie, Carli, at ang kaibigan nilang si Bella sa harapan ng bakuran. Nagbenta sila ng pagkain sa maraming kapitbahay nila. May mga tao ring nagbigay ng karagdagang pera bilang donasyon. Inilagay ni Janie ang lahat ng pera sa isang espesyal na garapon.

Pagkatapos magbenta ng mga na-bake nila, may isa pang ideya si Janie. Isinali niya ang ilan sa mga paborito niyang pagkain sa isang paligsahan sa county fair at may napanalunan siyang premyo! Inilagay niya ang premyo sa garapon kasama ang perang para sa kanyang maliit na library.

Ngayong may pera na si Janie para sa maliit na aklatan, kailangan niya ng mga aklat para mapuno ito. Nagbahay-bahay siya at hiniling sa kanyang mga kapitbahay na magbigay ng mga aklat na hindi na nila kailangan. Ilang kaibigan ang dumating upang ibigay din nila kay Janie ang kanilang mga aklat.

Alt text

Sa wakas ay oras na para itayo ang kanyang maliit na aklatan. Ginamit ni Janie ang perang kinita niya para bumili ng mga gagamitin. Nagdrowing siya ng disenyo sa kahon at nagsukat. Tinulungan siya ni Itay na lagariin ang kahoy, at tinulungan ni Janie si Itay na buuin ang mga piraso.

Tinakpan ni Inay ang mga bitak at dugtungan para hindi ito pasukin ng tubig kapag umulan. Tumulong si Janie na isabit ang isang karatula na nagsasabi sa mga tao na kumuha ng aklat o magbahagi ng isang aklat.

Sa wakas ay inilabas na ni Janie at ng kanyang pamilya ang kahon sa bakuran sa harapan sa tabi ng kanilang malaki at malilim na puno. Naglagay si Tatay ng isang poste sa lupa, at magkakasama nilang inilagay ang kahon sa poste. Nakagawa sila ng maliit na aklatan!

Naglagay si Tatay ng tatlong mabibigat na bato sa paligid ng poste. “Makatutulong ito para hindi ito tumumba,” sabi niya.

“Ang ganda po!” sabi ni Janie. “Ngayon ay maaari na nating ilagay ang mga aklat sa loob.” Pinuno nila ang maliit na aklatan ng mga donasyong aklat.

Pagkatapos niyon, tinitingnan ni Janie ang maliit na aklatan araw-araw. Natutuwa siyang makita kung anong mga aklat ang idinagdag o kinukuha ng mga tao. Isang araw nakita niyang pinili ng isang batang babae ang isa sa mga paboritong aklat niya! Tuwang-tuwa siyang nakakatulong siya sa kanyang mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga aklat sa maliit na aklatan.

Alt text
alt text here

Paglalarawan ni Barbara Bongini