“Paano Naging Mas Maayos ang Hindi Magandang Araw Ko,” Kaibigan, Okt. 2023, 38.
Isinulat Mo
Paano Naging Mas Maayos ang Hindi Magandang Araw Ko
Hindi maganda ang araw ko. Kailangan kong maglaro ng baseball, pero umuuga at masakit ang ngipin ko. Naiwan ko sa bahay ang ilang bahagi ng uniporme ko sa baseball. At pagod ako. Ayaw ko talagang maglaro ng baseball noong araw na iyon. Pero nagpunta pa rin ako sa laro dahil kailangan kong isauli ang isang sombrero sa isa sa mga ka-team ko.
Naupo ako sa mga bleacher sa halip na sumali sa team ko. Napansin ng coach ko na malungkot akong nakaupo sa bangko. Hinikayat niya akong maglaro dahil kailangan ako ng team. Ipinakita niya sa akin na may malasakit siya sa akin, tulad ng pagpansin ni Jesus sa mga taong malungkot at nangangailangan ng suporta.
Pagkatapos, dumating ang isa sa mga ka-team ko at tumayo siya sa tabi ko. Nginitian niya ako at tinanong kung anong oras ako dumating doon. Masaya siyang makita ako at gusto niyang maglaro ako. Ang teammate na ito ay katulad din ni Jesus dahil may malasakit siya sa akin. Ipinakita niya sa akin kung ano ang ginagawa ng isang mabuting kaibigan kapag hindi maganda ang araw ng isang tao. Natuwa talaga ako na nag-ukol ng oras ang coach at teammate ko para gumaan ang pakiramdam ko, at sa huli ay naglaro ako sa baseball game!
May bookmark ako na nagsasabing, “Ang isang pagpapakita ng kabaitan ay hindi magbabago sa mundo, ngunit maaaring mabago nito ang mundo ng isang tao.” Binago ng coach at teammate ko ang aking mundo noong Sabado ng hapon na iyon sa pamamagitan ng pagpili na maging mabait. Alam ko na mahalagang maging katulad ni Jesus at magpakita ng pagmamahal at kabaitan sa lahat ng nakikilala natin. Kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin at mahal Niya tayo. Bawat isa sa atin ay mahalaga sa Kanya, kaya nagpapadala Siya ng mabubuting tao para ipakita sa atin ang Kanyang pagmamahal.