2023
Ang Pagsusulit ni Tashi
Oktubre 2023


“Ang Pagsusulit ni Tashi,” Kaibigan, Okt. 2023, 40–41.

Ang Pagsusulit ni Tashi

Ipinagdasal ni Tashi na magbunga ang kanyang kasipagan.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Zimbabwe.

Huminga nang malalim si Tashi nang ibigay ng kanyang guro sa mga estudyante ang resulta ng kanilang mga pagsusulit. Bagama’t practice exam lang ito, kinabahan siyang makita ang kanyang iskor.

Ito ang huling taon ni Tashi sa primary school, at marami siyang pagsusulit. Bukod sa mga pagsusulit sa math at science, kailangan din niyang kumuha ng mga pagsusulit sa wika. Sa Zimbabwe, natuto silang magsulat at magsalita sa Ingles at Shona. Ang Shona ang pinakamahirap para kay Tashi.

“Heto ang sa iyo, Tashi.” Iniabot ng guro kay Tashi ang kanyang mga iskor. Mataas ang iskor niya sa math! At ayos din ang iskor niya sa Ingles. Pero nang makita ni Tashi ang kanyang iskor sa Shona, para bang sumakit ang tiyan niya. Mababa talaga ang iskor niya!

alt text here

Nakatingin si Tashi sa lupa habang naglalakad siya pauwi mula sa paaralan.

“Ano ang problema?” tanong ni Inay.

“Mababa po ang grade ko sa practice exam sa Shona,” sabi ni Tashi. “Noon pa man ay hindi na po ako magaling sa Shona. Paano kung bumagsak ako sa tunay na pagsusulit?”

Umupo si Inay sa tabi ni Tashi. Tiningnan niya ang mga iskor ni Tashi. “Mukhang kailangan mo pang magpraktis.”

Napadaing si Tashi.

alt text here

“Paano kung magtakda ka ng mithiin na pagbutihin ang pagsulat sa Shona?” Inilabas ni Inay ang Gabay na Aklat ng mga Bata ni Tashi. Pagkatapos ay binasa niya ang banal na kasulatan sa unang pahina. “Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”* Ngumiti siya kay Tashi. “Lumago si Jesus nang paunti-unti, at magagawa mo rin ito.”

“OK po,” sabi ni Tashi. “Sa palagay po ba ninyo ay tutulungan ako ng Ama sa Langit?”

“Alam kong gagawin Niya iyon.”

alt text here

Noong gabing iyon, nagdasal si Tashi. “Mahal kong Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong pumasa sa pagsusulit ko sa Shona. Tulungan po Ninyo akong matuto at mas bumuti pa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Nagpasalamat si Tashi na maaari siyang magdasal para humingi ng tulong. Pero alam niya na kailangan din niyang magsikap nang husto. Araw-araw, nagpraktis si Tashi ng pagsusulat sa Shona. Nakakuha siya ng karagdagang tulong mula sa kanyang mga guro. Kung minsan nais sana niyang makipaglaro sa kanyang mga kaibigan o gumawa ng ibang bagay. Pero patuloy siyang nag-ensayo.

“Ang laki na nang inihusay mo,” sabi ng guro ni Tashi.

Ipinagmamalaki ni Tashi ang kanyang sarili dahil nagsikap siya.

alt text here

Hindi nagtagal, sumapit ang araw ng pagsusulit. Nagdasal siya ulit at humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Ibinigay ng titser ang mga pagsusulit sa mga estudyante, at kinuha ni Tashi ang kanyang lapis. Nang magsimula siyang magsulat, nakadama siya ng mainit at payapang damdamin. Alam niyang iyon ay ang Espiritu Santo. Pinapanatag siya ng Ama sa Langit at tinutulungan siya.

Nang matapos ang pagsusulit, nasabik si Tashi na sabihin sa kanyang mga magulang ang tungkol dito. Hindi pa niya alam kung ano ang kanyang iskor, pero maganda ang pakiramdam niya tungkol dito. Ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya.

“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Inay.

“Salamat po!” Ngumiti si Tashi at inilabas ang kanyang Gabay na Aklat ng mga Bata para basahing muli ang banal na kasulatan. Pero binago niya ang isang maliit na bahagi. “Lumago si Tashi sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”

alt text here

Mga paglalarawan ni Pauline Gregory