Huwag Hayaan ang mga Kathang-Isip na Ito na Makahadlang sa Inyong Pag-aasawa
Ang pag-aasawa ay naging pinakahuling prayoridad sa ilang tao at edad. Sadyang ipinagpapaliban ng ilang young adult ang pag-aasawa dahil itinuturing nila itong isang personal na pagpapasiya sa buhay sa halip na bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos.
Narito ang tatlong “kontradisyon sa paghahandang mag-asawa” na ayon kay Jason S. Carroll, PhD at propesor sa School of Family Life sa Brigham Young University, ay tanggap ng buong mundo.
1. Ang Kontradiksyong Magsama Bago Magpakasal
Ang tingin ng maraming kabataan sa pagsasama bago magpakasal ay isa itong “pagsubok kung magkakasundo sila” na makakabawas sa panganib na magdiborsyo. Hindi ito akma sa huwaran ng Panginoon sa pag-aasawa, at naipakita sa pagsasaliksik na ang pagsasama nang hindi kasal ay nauugnay sa mas malaking panganib na magdiborsyo.
2. Ang Kontradiksyong “Magkaroon ng Seksuwal na Relasyon Bago ang Kasal”
Iniisip ng ilan na kailangan nilang “magpakasawa” sa seks bago sila maging handa sa pag-aasawa. Naipakita sa mga pag-aaral na ang ganitong pag-uugali ay mas malamang na mauwi rin sa diborsyo. Ang seksuwal na relasyon sa loob ng kasal ay lumilikha ng mas mataas na kalidad ng pagsasama ng mag-asawa.
3. Ang Kontradiksyong “Mas Matanda, Mas Maganda”
Sa lipunan, tumaas na ang edad ng pag-aasawa, at ang tingin ng mga kabataan sa pag-aasawa ay isang malaking kawalan kaysa pakinabang. Ang tingin nila sa mga taon ng kanilang kabataan ay isang panahon para magtuon sa kanilang sarili. Gayunman, maraming pag-aaral na ang nagdokumento ng mga pakinabang na emosyonal, pisikal, at seksuwal na hatid ng nagtatagal na pagsasama ng mag-asawa sa mga tao at sa buong lipunan.
Mas mabuting umasa sa huwaran ng Panginoon sa paghahanda para sa wastong pag-aasawa at pagpapatatag sa pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan. Ang pagtuturo at pagsusulong ng isang kultura ng tunay na paghihintay sa tamang panahon at pagiging handa sa pag-aasawa ang magiging pangunahing mga elemento ng tagumpay na pagsasama ng mag-asawa.