2017
Paano Iginuhit ng Isang Street-Art Missionary ang Kanyang Pananampalataya
2017


Paano Iginuhit ng Isang Street-Art Missionary ang Kanyang Pananampalataya

Tracy Williams

Nang maging karapat-dapat ako kalaunan na maglingkod sa full-time mission, tinawag akong maglingkod sa New Zealand Auckland Mission, na Tongan ang salita. Kahit lahing-Tongan ako, nahirapan ako sa wikang Tongan. Napakarami kong gustong sabihin, pero dahil hindi ako makapagsalita ng wikang Tongan, ang mga salita ko ay iilan lang, simple, at patigil-tigil.

Mahal ko ang ebanghelyong ito at mahilig ako sa street art, kaya ipinasiya kong pagsamahin ang dalawa. Inempake ko ang aking banal na kasulatan, isang sketchbook, mga charcoal pencil, permanent marker, at mga lata ng spray paint. Nagtawanan ang mga kompanyon ko at nagtanong, “Ano ang gagawin mo sa spray paint?” Ipinaliwanag ko, “Maaaring hindi pa ako makapagsalita ng wika, pero maipapakita ko sa iba ang aking patotoo.”

Para sa nalalabing panahon ko sa misyon, ginamit ko ang street art—sa papel, hindi sa mga gusali—at ang Espiritu para turuan ang iba tungkol kay Cristo. At kahit tila kahibangan, umubra iyon. Maraming taong ayaw makinig sa mensahe ko, kaya iginuhit ko iyon. Nabuksan ang mga pinto at namulat ang mga mata nang sabihin ko sa kanila na graffiti ang ginagawa ko. Hindi sila naniwala sa akin. Inorasan nila ako nang tatlong minuto, at iginuhit ko ang salitang pananampalataya habang nagtuturo ako sa kanila tungkol dito. Kabilang sa kanila ang marami na dama ang panghuhusga ng tao at walang nagmamahal sa kanila. Kaya mapapatotohanan ko na sa pananampalataya kay Cristo madarama natin ang Kanyang pagmamahal at pagpapatawad, at matutulungan Niya tayong magpakabuti. Tinulungan Niya ako.

Sa mga taon ng paghahanda ko para sa misyon ay nagtamo ako ng patotoo sa Pagbabayad-sala ni Cristo at sa Kanyang kapangyarihan na tulungan akong madaig ang aking mga kahinaan at gamitin ang aking mga kalakasan para ibahagi ang alam ko sa iba. Sa huli, sulit ang pitong taong paghahanda ko.