Nakadama ng Kapayapaan sa Kakulangan
Walang perpekto sa atin. At wala sa atin ang tatagal sa mundo sa mahabang panahon. Kaya, kung hindi tayo magiging perpekto sa buhay na ito, ano ang magagawa natin upang magkaroon ng kapayapaan sa mahabang landas tungo sa pagiging perpekto? Makatutulong ang mga ideyang ito.
1. Maging positibo.
Ang ating mga iniisip tungkol sa ating sarili ay lubhang nakaiimpluwensya sa ating pag-uugali at damdamin. Marami sa atin ang nagsasabi sa ating sarili ng mga bagay na hinding-hindi natin sasabihin sa iba. Dahil dito, hindi natin naaabot ang ating tunay na potensyal at nababawasan ang ating mga kakayahan at talento.
2. Tanggapin ang mga kakulangan bilang mga pagkakataon.
Ayaw ng Diyos na panghinaan tayo ng loob dahil sa ating kakulangan. Kung tatanggapin natin na tayo ay mga anak ng Diyos na may kapintasan na natututo sa buhay, matatanggap natin ang ating mga kakulangan. Ang umasa na maging perpekto tayo sa madaling panahon ay mangangahulugan na pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong umunlad. Ipagkakait natin ang kaloob na pagsisisi at ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay.
3. Maging mapagpakumbaba, huwag hamakin ang sarili.
Ang pagbaling sa ating Ama sa Langit para sa ating kahinaan at kakulangan ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Ngunit may pagkakaiba sa pagiging mapagpakumbaba at sa mababang pagtingin sa sarili. Ayaw ng Diyos na hamakin natin ang ating sarili at madama na maliit ang ating kahalagahan sa Kanyang mga mata. Mahalagang tanggapin na nararapat tayo sa oras at pagsisikap na kailangan para magbago.
4. Piliin ang kaligayahan.
Sa gitna ng pagpapakabuti, maaari nating piliin ang kapayapaan at kaligayahan ngayon. Maaaring hindi natin mababago ang sitwasyon natin sa buhay, ngunit maaari nating piliin kung paano tayo tutugon sa mga ito.