Pambungad
Kung ikaw man ay may pinaglalabanang adiksiyon o may kasamang dumaranas nito, ang gabay na ito ay maaaring maging biyaya sa buhay mo. Ang konsepto ng Twelve Steps of Alcoholics Anonymous ay ginawang batayan sa pagbuo ng programang naglalakip sa mga doktrina, alituntunin, at paniniwala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga hakbang ay inilahad sa gabay na ito bilang mga pangunahing alituntunin sa simula ng bawat bahagi. Matutulungan ka ng gabay na ito kung paano isasabuhay ang mga pangunahing alituntuning ito; mababago nito ang iyong buhay.
Ginawa ang gabay na ito upang gawing workbook at sanggunian ng mga dadalo sa mga addiction recovery support group na itinataguyod ng LDS Family Services. Gayunman, ang mga doktrina at alituntuning itinuturo ay maaari ding maging malaking tulong sa mga taong naninirahan sa mga lugar na hindi makakabuo ng support group. Ang gabay na ito ay magagamit ng mga taong nais magbagong-buhay lalo na ang mga handang makipag-usap nang personal sa kanilang bishop o sa isang professional counselor.
Ang mga kalalakihan at kababaihan na nakaranas ng mga nakapipinsalang epekto ng iba’t ibang uri ng adiksiyon at nagsigaling na ay inanyayahan ng LDS Family Services upang ibahagi ang kanilang karanasan matapos isabuhay ang mga alituntuning ito. Ang kanilang pananaw (“kami” sa gabay na ito) ay ginamit upang ipahayag ang pighating dulot ng adiksiyon at ang galak na dulot ng paggaling at pagrekober mula rito. Maaari kang makadama ng kapanatagan, suporta, at pagkakaugnay sa kanila.
Ang mga lider ng Simbahan at mga professional counselor ay kasama ring sumulat at bumuo ng gabay na ito. Ang pinagsamang karunungan at karanasan ng mga may-akda ay isa na namang patunay na totoo ang Pagbayayad-sala ni Jesucristo at maging ang pagiging posible ng paggaling mula sa adiksiyon.
Kami ay nakaranas ng matinding kalungkutan, ngunit nakita namin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na palitan ang aming nakapanlulumong pagkagapi ng maluwalhati at espirituwal na tagumpay. Kami na dating nabubuhay bawat araw na may pangamba, takot, at galit ay maligaya at payapa na ngayon. Nakita namin ang mga himala sa aming buhay at sa buhay ng iba na nabitag ng adiksiyon.
Nakakakilabot ang aming naging bayad sa pagpapahirap sa aming sarili at sa pagdurusa dahil sa adiksiyon. Ngunit bumuhos ang pagpapala habang unti-unti naming sinikap na gawin ang bawat hakbang sa paggaling. Dahil kami ay espirituwal na naliwanagan, araw-araw naming sinisikap na palalimin pa ang aming kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kami ay gumaling.
Inaanyayahan ka namin, sampu ng aming empatiya, at nang buong pagmamahal na makiisa sa amin sa maluwalhating buhay ng kalayaan at kaligtasan, yakap ng bisig ni Jesucristo, na ating Manunubos. Alam namin batay sa aming karanasan na makakawala ka sa mga tanikala ng adiksiyon. Kahit na sa pakiramdam mo ay naligaw ka ng landas at wala ka nang pag-asa, ikaw ay anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Kung hindi mo man madama ang katotohanang ito, ang mga alituntuning ipaliliwanag sa gabay na ito ay makatutulong sa iyong madama itong muli at maitimo sa iyong puso. Ang mga alituntuning ito ay makatutulong sa iyong lumapit kay Cristo at tulutan Siya na baguhin ka. Habang isinasabuhay mo ang mga alituntunin, magiging sandigan mo ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at palalayain ka ng Panginoon mula sa pagkaalipin.
Itiinuturing ng ilang tao na masamang bisyo lamang ang adiksiyon na kayang pigilan kung gugustuhin, ngunit maraming tao ang lubhang nalulong na sa bisyo kung kaya’t hindi na nila alam kung paano iwasan ito. Nawalan na sila ng direksyon at iba pang mga prayoridad sa buhay. Wala nang ibang mahalaga sa kanila kundi masiyahan sa bisyo nila. Kapag sinusubukan nilang pigilan ito, nakararanas sila ng matitinding pisikal, sikolohikal, at emosyonal na paghahanap. Dahil nasanay na silang pumili nang mali, ang kanilang kakayahang pumili nang tama ay nabawasan na o nagiging limitado. Tulad nang itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang adiksiyon ay may kakayahang kontrolin ang isip ng tao at gawing walang saysay ang kalayaan nito na pumili. Tinatanggal nito ang kakayahan ng tao na magpasiya” (sa Conference Report, Okt. 1989, 16; o Ensign, Nob. 1989, 14).
Maisasama sa adiksiyon ang paggamit ng mga sangkap na tulad ng sigarilyo, alak, kape, tsaa, at droga (inireseta man o ipinagbabawal), at ang mga bisyong tulad ng pasusugal, codependency [pangungunsinti sa bisyo ng iba], panonood ng pornograpiya, di-angkop na seksuwal na pag-uugali, at problemang may kinalaman sa pagkain. Pinapahina ng mga sangkap at mga pag-uugaling ito ang kakayahan ng tao na madama ang Espiritu. Pinipinsala sila nito sa mental, sosyal, emosyonal, at espirituwal na aspeto. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawa: “Dapat nating iwasan ang anumang asal na nakalululong. Anumang pagkalulong o adiksiyon ay hadlang sa nais nating gawin. Kapag nagpatangay tayo sa udyok ng anumang uri ng adiksiyon, sinusunod natin ang gusto ni Satanas at sinusuway ang kalooban ng ating Ama sa Langit. Totoo rin ito sa pagkalulong sa droga (tulad ng narcotics, alak, sigarilyo, or caffeine), pagkakalulong sa sugal, at iba pang uri ng bisyo. Maiiwasan natin ang adiksiyon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (“Free Agency and Freedom,” Brigham Young University 1987–88 Devotional and Fireside Speeches [1988], 45).
Sa mapagkumbaba at tapat na paghingi ng tulong sa Diyos at sa ibang tao, mapaglalabanan mo ang adiksiyon sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tulad naming gumaling, ikaw ay gagaling din at matatamasa ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Kung may hinala ka na may adiksiyon ka na at kahit kaunti ay may pagnanais ka nang makawala mula rito, inaanyayahan ka naming makiisa sa amin sa pag-aaral at pagsasagawa ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo na itinuturo sa gabay na ito. Tinitiyak namin sa iyo na kung susundin mo ang landas na ito nang taos sa puso, magkakaroon ka ng lakas na gumaling mula sa adiksiyon. Sa pagsasabuhay mo ng bawat isa sa labindalawang alituntuning ito nang buong katapatan, palalakasin ka ng Tagapagligtas at “makikilala [mo] ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa [iyo]” (Juan 8:32).