Adiksyon
Ikalabindalawang Hakbang: Paglilingkod


Ikalabindalawang Hakbang

Paglilingkod

Pangunahing Alituntunin: Dahil napukaw ang iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ibahagi ang mensaheng ito sa iba at gawin ang mga alituntuning ito sa lahat ng iyong ginagawa.

Ang paglilingkod ay makatutulong sa iyo na umunlad sa liwanag ng Espiritu sa buong buhay mo. Sa ikasampung hakbang, natutunan mong suriin ang iyong buhay araw-araw at maging responsable sa iyong mga ginagawa. Sa ikalabing-isang hakbang, natutunan mo na palaging alalahanin ng Tagapaglitas upang patuloy kang magabayan ng Espiritu Santo hanggang maaari. Ang ikalabindalawang hakbang ang pangatlong angkla—paglilingkod sa iba—na makatutulong sa iyong patuloy na paggaling at paghingi ng tawad.

Upanag manatiling malaya mula sa adiksiyon, nararapat kang lumabas at maglingkod. Ang magnais na tulungan ang iba ay likas na bunga ng espirituwal na pagmulat.

May dala kang mensahe ng pag-asa para sa ibang may adiksiyon, sa lahat ng nagdurusa at mga balisa na nais ng espirituwal na pamamaraan upang mabago ang kanilang buhay, at sa sinumang naghahanap ng katotohanan at kabutihan. Ang mensahe ay ang Diyos ay Diyos ng mga himala sa simula pa man (tingnan sa Moroni 7:29). Patunay nito ang buhay mo. Nababago na ang iyong pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maibabahagi mo nang lubos ang mensaheng ito sa pamamagitan ng iyong paglilingkod sa iba. Habang ikaw ay naglilingkod, ang iyong pag-unawa at kaalaman tungkol sa prosesong ito ay palalakasin at palalalimim.

Ang pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Kanyang awa at biyaya ay isa mga pinakamahahalagang paglilingkod na maibibigay mo. Ang dalhin ang mga pasanin ng iba sa pamamagitan ng kabaitan at di-makasariling paglilingkod ay bahagi ng iyong bagong buhay bilang disipulo ni Cristo (tingnan sa Mosias 18:8).

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang hanggan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,”Ensign, Dis. 1988, 4).

Ipagdasal palagi kung paano ka maglilingkod at laging hilingin na gabayan ka ng Espiritu Santo. Kung gugustuhin mo, marami kang makikitang oportunidad na maibahagi ang mga alituntuning natutunan mo. Maibabahagi mo ang iyong patotoo sa iba at mapaglilingkuran mo sila sa maraming paraan. Sa paglilingkod mo sa iyong kapwa, pananatilihin mo ang kababaang-loob sa pagtutuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at kaugalian na iyong natutunan. Noon ka lamang makatitiyak na mabuti ang mga motibo at inspirasyon mo. Magbigay nang taos-puso, nang walang hinihintay na kapalit. Igalang ang kalayaan at karapatang magpasiya ng iba. Alalahanin na karamihan sa amin ay hinihintay munang danasin ang ‘pinakamiserableng sitwasyon’ bago kami naging handang pag-aralan at ipamuhay ang mga alitutuning ito. Maaaring ganyan din ang sitwasyon ng karamihan sa mga taong nais mong tulungan.

Kapag nalaman mo na may problema sa adiksiyon ang iyong kakilala o ang mga mahal nila sa buhay, maaari mong ipaalam sa kanila ang gabay na ito at ang LDS Family Services Addiction Recovery Program. Kung gusto nilang magsalita, hayaan sila. Ikuwento ang ilan sa mga naranasan mo upang malaman nila na naiintindihan mo ang kanilang pinagdaraanan. Huwag magbigay ng payo o subukang itama ang buhay nila sa anumang paraan. Ipaalam lamang sa kanila ang programa at mga espirituwal na alituntunin na nakatulong sa buhay mo.

Kung hindi pa handang tanggapin ng isang taong may adiksiyon ang mga espirituwal na alituntuning ito, marahil ang kanyang pamilya o kaibigan ay handang pakinggan ito. Halos lahat ng nabubuhay sa mapanganib na panahong ito ay makikinabang sa pag-aaral at pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaaring may mga pagkakataon din na mapukaw kang bigyan ang isang tao ng kopya ng gabay na ito at ng Aklat ni Mormon. Sa paggawa nito, maibabahagi mo ang talagang nakatulong sa iyo na maitamang muli ang iyong buhay sa pamamagitan ng paglapit kay Cristo.

Kapag may ginagawa ka para sa isang tao o ibinabahagi mo ang mensahe ng pag-asa at paggaling, hindi mo dapat hayaang umaasa nang labis sa iyo ang ibang tao. Ang iyong responsibilidad ay hikayatin ang ibang dumaranas ng paghihirap na lumapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang magabayan at mabigyan ng lakas. Bukod rito, hindi ka dapat mag-atubiling hikayatin silang lumapit din sa mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon. Malaking pagpapala ang maaaring magmula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga may hawak ng mga susi ng priesthood.

Sa pagtulong sa iba, kailangan mong maunawaan na magiging mahirap para sa kanila na gumaling kung hindi sila susuportahan ng kanilang pamilya o hindi nila naiintidihan na matagal na proseso ang paggaling. Gayunpaman, maaaring gumaling ang sinuman, anuman ang maging reaksyon ng iba—maging ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa pagdadala mo sa iba ng mensahe ng paggaling sa pamamagitan ng alituntunin ng ebanghelyo, dapat kang magtiyaga at magpakumbaba. Huwag mong isipin na mas magaling o mas mabait ka kaysa sa iba. Huwag mong kalimutan ang pinagdaanan mo at kung paanong ikaw mismo ay naligtas dahil sa biyaya ng Diyos. Ganoon din ang gagawin ni Jesucristo “sa lahat ng pagkakataon” para sa mga magsisisi at lalapit sa Kanya (Mosias 29:20).

Habang masigasig mong ibinabahagi ang mensahe sa iba, siguruhin mo rin na hindi mo napapabayaan ang programa mo para sa iyong sarili. Ang pangunahing pokus mo ay ang patuloy na pagsasabuhay ng mga alituntuning ito. Ang pagbabahagi mo sa iba ng mga ideyang ito ay magiging epektibo lamang kapag napapanatili mo mismo ang paggaling.

Ang mga alituntuning ito na natutunan at nagawa mo upang labanan ang iyong adiksiyon ay ang mga alituntuning aakay sa inyo sa lahat ng aspeto ng buhay upang mabuhay ka ayon sa plano ng Panginoon. Gamit ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo, makapagtitiis ka hanggang wakas tulad ng iniutos ng Panginoon at magagawa mo ito nang may galak.

Mga Gagawin

Magpatotoo sa mga tao; gampanang mabuti ang tungkulin at mga talento sa paglilingkod sa iba; magdaos ng family home evening at family prayer; maghandang makapunta sa templo at sumamba roon

Ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal at awa ng Ama sa Langit at Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay hindi na lamang isang teoriya. Napatunayan mo na ito. Naranasan mo na mismo ito. Kapag nadama mo na ang Kanyang pagmamahal, mararamdaman mo rin na mahal Niya ang iba.

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter, “Tayo na nakabahagi na sa Pagbabayad-sala ay may obligasyong patotohanan nang tapat ang ating Panginoon at Tagapagligtas” (“The Atonement and Missionary Work,” seminar for new mission presidents, Hunyo 21, 1994, 2).

Magpatotoo sa iyong pamilya sa salita at gawa sa mismong loob ng iyong pamamahay. Magpatotoo sa family home evening, family prayer, at family scripture study. Magpatotoo kapag kasama ang iyong pamilya sa mga service project at habang iniaayon mo ang buhay mo sa pamamaraan ni Cristo. Maaari ka ring magpatotoo sa Simbahan, sa fast and testimony meeting o sa mga klase o habang naglilingkod ka sa Simbahan.

Paramihin ang mga tungkulin sa Simbahan na natatanggap mo. Kung wala kang mga responsibilidad sa ward o stake, ipaalam mo sa bishop mo na handa kang maglingkod. Matutulungan mo ang iba sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga gawain sa family history at paghahanda na sumamba at makapaglingkod sa templo at gumawa roon ng mga tipan sa Panginoon. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Paglilingkod sa templo ang kauuwian ng lahat ng ating pagtuturo at gawain ” (sa Conference Report, Okt. 2005, 3; o Ensign, Nob. 2005, 4). Ang mga alituntuning itinuro sa gabay na ito ay magdadala sa iyo sa templo; lalo mong nanaising maglingkod doon.

Hindi mo man ito naisip noon, makikinita mo na pumapasok ka na sa banal na templo, dinadama nang lubos ang kapayapaan doon, at napapalapit sa Panginoon sa Kanyang bahay. Sa templo, makakahanap ka ng espirituwal na lakas na magpatuloy sa paggaling. Pinatotohanan ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindaalawa: “Ang paglilingkod sa templo nang palagian ay magbibigay ng espirituwal na lakas. Ito ay maaaring maging angkla sa buhay, pagmulan ng gabay, proteksyon, kapanatagan, kapayapaan, at paghahayag” (sa Conference Report, Abr. 1992, 123; o Ensign, Mayo 1992, 88).

Paglingkuran ang iba na may problema sa adiksiyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga alituntunin ng paggaling; ipamuhay ang mga alituntuning ito sa lahat ng aspeto ng buhay

Ang LDS Family Services Addiction Recovery Program ay nagbibigay ng malaking oportunidad para sa paglilingkod. Mapaglilingkuran mo ang iba sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong at pagbabahagi ng iyong mga karanasan, pananampalataya, at pag-asa. Masusuportahan mo ang iba at mapalalakas sila.

Sa iyong pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo, nalaman mo na ang Pagbabayad-sala ay maiaakma mo sa bawat aspeto ng buhay. Pinatotohanan ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawa: “Sa anumang kadahilanan, akala natin ay umaangkop lamang ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa pagwawakas ng buhay sa mundo sa pagtubos mula sa Pagkahulog, mula sa espirituwal na kamatayan. Higit pa iyon doon. Ito ay ang lagi nang naririyang kapangyarihang maaasahan sa pang-araw-araw na buhay. Kapag tayo ay pinahihirapan ng pagkakasala o nabibigatan sa kalungkutan, mapapagaling Niya tayo (sa Conference Report, Abr. 2001, 28; o Ensign, Mayo 2001, 23).

Maibabahagi mo ang mensaheng ito sa iba sa pamamagitan ng iyong halimbawa at panghihikayat. Sa mga makakasalamuha mong tao sa maghapon, batiin sila nang nakangiti. Pasalamatan sila sa ginagawa nila. Kapag may pagkakataon, patotohanan ang pag-asa na nagmumula sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga lider ng Simbahan ay tutulong sa iyong magpatuloy sa paggaling. Pag-aralan ang mga sumusunod na banal na kasulatan at mga pahayag. Gamitin ang mga ito sa pagninilay-nilay nang may kasamang panalangin, sa sariling pag-aaral, at sa talakayan ng grupo.

Pagbabalik-loob at paggaling

“Ang magbalik-loob ay ang palitan ng iba ang dating paniniwala o ginagawa. Ang pagbabalik-loob ay espirituwal at moral na pagbabago. Ang magbalik-loob ay hindi lamang pagtanggap kay Jesus at sa kanyang mga turo sa isipan kundi pagsampalataya sa kanya at sa kanyang ebanghelyo—pananampalataya na talagang magpapabago ng pananaw ng isang tao sa kahulugan ng buhay at sa kanyang matapat na pag-ayon sa Diyos ng kanyang kagustuhan, pag-iisip, at pag-uugali” (Marion G. Romney, sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8).

  • Pinayuhan ng Tagapagligtas si Pedro na palakasin ang kanyang mga kapatid matapos siyang magbalik-loob (tingnan sa Lucas 22:32). Magsulat tungkol sa ibinigay na kahulugan ni Pangulong Romney sa pagbabalik-loob at kung paano ito naaangkop sa iyong pagpapagaling.

  • Ano ang masasabi mo tungkol sa pagpapalakas sa iba habang nagpapagaling sila mula sa adiksiyon?

Malaking pag-unlad mula sa maliliit na hakbang

“Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).

  • Isulat ang nadarama mo kapag iniisip mong ipamuhay ang mga alituntuning ito sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Paano nakatulong sa iyong maunawaan na nagagawa ang malalaking gawain nang paunti-unti?

Pagpapalakas sa iba

“Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.

“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan; sa panahong yaon naaalaala ko kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa akin, oo, maging sa dininig niya ang aking panalangin; oo, sa panahong yaon ko naaalaala ang kanyang maawaing bisig na iniunat niya sa akin” (Alma 29:9–10).

  • Nalaman naming mahalaga sa paggaling ang pagiging handa nating ibahagi ang ating patotoo sa mga alituntuning ito. Paano makakatulong ang pagbabahagi ng iyong karanasan upang manatiling matatag ka sa iyong paggaling?

“[Kung kayo ay] nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—

“Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?” (Mosias 18:9–10).

  • Ang karanasan mo sa adiksiyon ay tumutulong sa iyong maunawaan ang pinagdaraanan ng may adiksiyon; mapapanatag mo ang loob nila dahil ikaw mismo ay gumaling. Isulat kung paano nadagdagan ang pagnanais at kakayahan mo na maging saksi ng Diyos dahil sa pagsunod sa mga hakbang sa pagpapagaling.

Paglilingkod na may tulong ng Panginoon

“Ang Manunubos ay pumipili ng mga taong di-perpekto upang ituro ang daan tungo sa pagiging perpekto. Ginawa Niya ito noon; magpahanggang Ngayon” (Thomas S. Monson, sa Conference Report, Abr. 2004, 19; o Ensign, Mayo 2004, 20).

  • Kung minsan iniisp namin kung handa na ba kaming ibahagi sa iba ang aming paggaling dahil hindi pa namin nagagawa nang perpekto ang mga alituntuning ito. Paano nawawala ang takot mo ngayong napagtanto mo na ang Tagapagligtas ay kumikilos sa pamamagitan ng mga taong hindi perpekto?

Ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan

“Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya” (Mga Taga Roma 1:16).

  • Isulat ang iyong mga naiisip at nararamdaman habang iyong inaalala at isinasaalang-alang na isang espirituwal na karanasan ang nakatulong sa iyong mapaglabanan ang iyong adiksiyon. Isulat ang anumang pag-aalinlangan mo tungkol sa pagsasabi sa iba na napagaling ka dahil ipinamuhay mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

“Humayo ka kung saan ko man naisin, at ipahahayag sa iyo ng Mang-aaliw kung ano ang iyong gagawin at kung saan ka magtutungo.

“Manalangin tuwina, upang hindi ka matukso at mawala ang iyong gantimpala.

“Maging matapat hanggang sa katapusan, at masdan, ako ay kasama mo. Ang mga salitang ito ay hindi sa tao ni sa mga tao, kundi sa akin, maging si Jesucristo, ang iyong Manunubos, sa kalooban ng Ama” (D at T 31:11–13).

  • Ang mga banal na kasulatan ay puno ng patnubay para sa mga gustong mapanatili ang espirituwal na paraan ng pamumuhay na aakay sa kanila pabalik sa Diyos. Anong partikular na patnubay ang nakita mo sa mga talatang ito?