Ikalimang Hakbang
Pagtatapat
Pangunahing Alituntunin: Aminin sa iyong sarili, sa iyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, sa wastong awtoridad ng priesthood, at sa ibang tao ang tunay na nagawa mong pagkakamali.
Karaniwang katangian ng karamihan sa mga taong may adiksiyon ay ang paglayo ng sarili mula sa ibang tao. Kahit sa gitna ng maraming tao o habang kasama ang iba na masayang nakikihalubilo sa isa’t isa, pakiramdam namin ay hindi kami kabilang. Nang pumunta na kami sa mga recovery meeting, unti-unti kaming nakalabas mula sa emosyonal na pag-iisa kung saan lumalakas ang adiksiyon. Noong una, marami sa amin ay nakaupo at nakikinig lang, ngunit kalaunan hindi na kami naasiwang magsalita at magbahagi. Gayunpaman, marami pa rin kaming itinatago—mga bagay na nakakahiya, nakalulungkot, mga bagay na nakasasakit sa amin.
Gumawa kami ng tapat at masusing imbentaryo ng aming buhay sa ika-apat na hakbang, ngunit para sa amin lamang iyon. Nag-iisa pa rin kaming nakakaalam ng masasakit na alaala ng aming nakaraan. Nang sinimulan namin ang ikalimang hakbang ay saka lamang namin nailabas ang mga lihim na dahilan ng paglayo namin sa mga tao at nagkaroon kami ng bagong pananaw sa aming sarili at sa nakaraan. Ang pagtatapat ay nagsimula sa pagsasabi sa aming mga kaibigan, pamilya, at iba pa na nagsisisi na kami. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na ayusin at buuing muli ang mga nasirang relasyon. Kasama rin sa pagtatapat ang paghingi ng tawad mula sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin at kung kinakailangan sa pamamagitan ng mga itinalagang priesthood leader.
Nakita namin na magandang simulan agad ang ikalimang hakbang matapos ang ika-apat na hakbang hanggang maaari. Ang ipagpaliban ito ay parang hindi paggamot sa sugat gayong alam mo ang may impeksiyon ito. Parang napakahirap gawin ang ikalimang hakbang, ngunit nang humingi kami ng tulong sa Panginoon, binigyan Niya kami ng tapang at lakas. Matapos basahing muli ang aming mga imbentaryo, ipinagtapat namin sa aming bishop ang anumang bawal o kasalanan o pagkakamaling nagawa namin na naging hadlang upang magkaroon kami ng temple recommend. Ang pagtatapat na ito sa wastong awtoridad ng priesthood ay mahalagang bahagi ng paggaling.
Pumili rin kami ng isa pang taong mapagkakatiwalaang pagsabihan ng mga tunay na nagawa naming pagkakamali. Pinili namin ang taong natapos na sa ika-apat at ikalimang hakbang at matatag sa ebanghelyo. Sinimulan namin ang miting sa panalangin upang imbitahan ang Espiritu, at pagkatapos ay binasa namin nang malakas ang aming mga imbentaryo. Tinulungan kami ng mga taong nakinig sa aming mga imbentaryo na makita ang mga pagkakataon sa buhay namin na hindi kami naging tapat sa aming sarili. Tinulungan nila kaming ilagay sa tamang perspektibo ang buhay namin at iniwasang palakihin o paliitin ang pananagutan namin.
Ang pagsulat ng mga imbentaryo ay parang pagtatala ng daan-daang magkakahiwalay na mga pangyayari sa aming buhay. Sa ikalimang hakbang, nagkaroon kami ng pagkakataong masaksihan ang salaysay ng bawat tagpo sa aming buhay. Nang gawin namin ito, nagsimula kaming makakita ng mga kahinaan na nakaapekto sa aming mga pagpapasiya. Naunawaan na namin ang dahilan ng mga negatibong naiisip at nadarama natin (katigasan ng ulo, takot, kapalaluan, awa sa sarili, pagmamagaling, galit, hinanakit, hindi makontrol na silakbo ng damdamin at pagnanasa, at iba pa). Ang mga naiisip at nadaramang ito ang tunay na pinag-ugatan ng mga nagawa naming pagkakamali.
Sa pagkumpleto ng ikalimang hakbang, ipinakita namin sa Diyos, sa aming sarili, at isa pang saksi ang matibay na naming pangako na magbagong-buhay at mamuhay nang walang kasinungalingan. Bagama’t isa sa mga pinakamahirap gawin ang ikalimang hakbang, hinikayat kami ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Hindi kailanman darating ang pagsisisi hangga’t ang tao ay hindi lubusang tapat sa kanyang sarili at aminin ang kanyang mga ginawa nang walang pagdadahilan o pangangatwiran. … Ang mga taong piniling harapin ang problema at baguhin ang buhay nila ay maaaring mahirapang magsisi sa una, ngunit makikita nila na higit na kasiya-siya ang landas na ito sa sandaling matamasa nila” (“The Gospel of Repentance,” Ensign, Okt. 1982, 4).
Naranasan namin ang itinuro ni Pangulong Kimball. Mula nang tapat at masusi naming kinumpleto ang ikalimang hakbang, wala na kaming maaaring itago. Ipinakita namin na gusto naming “[talikuran] ang lahat ng [aming] mga kasalanan” (Alma 22:18) upang mas madama namin ang pagmamahal ng Diyos at ang suporta ng maraming mabubuting taong nakapalibot sa amin.
Mga Gagawin
Simulan ang paghingi ng tawad; kausapin ang bishop kung kailangan; maging tapat sa Diyos, sa iyong sarili, at sa iba
Ang “tungkulin ng lahat ng tao [ay] ipagtapat ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa Panginoon” (Bible Dictionary, “Confession,” 649). Ang mas mabigat na kasalanan ay kailangang ipagtapat sa mga nararapat na priesthood leader, karaniwan ay ang bishop: “Bagama’t tanging Panginoon lamang ang makapagpapatawad sa mga kasalanan, mahalaga ang papel ng mga priesthood leader sa proseso ng pagsisisi. Ililihim nila ang ipinagtapat ninyo at tutulungan kayo sa buong proseso ng pagsisisi. Magtapat nang lubusan sa kanila. Kung hindi ninyo ipagtatapat ang lahat, na binabanggit lamang ang maliliit na pagkakamali, hindi malulutas ang mas mabigat na kasalanang hindi ninyo ipinagtapat. Kapag mas maaga ninyong sinimulan ang prosesong ito, mas maaga kayong mapapayapa at magagalak sa himala ng kapatawaran” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 134).
Maging maingat sa pagpili ng taong mapagsasabihan mo ng iyong mga pagkakamali maliban sa priesthood leader. Huwag magkwento ng napakaselang impormasyon sa mga taong sa hinala mo ay hindi ka magagabayan nang tama, magbibigay ng maling impormasyon, o hindi marunong magtago ng mga kumpidensyal na bagay. Ang mga taong binabahagian mo ng iyong imbentaryo ay dapat na lubos na mapagkakatiwalaan sa salita at sa gawa.
Hayaang magkaroon ng kapayapaan ang buhay mo
Nagbabala si Pangulong Brigham Young na hindi kailangang lantarang sabihin ng mga miyembro ang mga kasalanan: “Kapag hinihiling natin sa mga kapatid, na kadalasan naming ginagawa, na magsalita sila sa sacrament meeting, sinasabi natin sa kanila na kung nakasakit sila ng mga kapitbahay, na ipagtapat ang mga pagkakamali nila; ngunit huwag ninyong sabihin ang walang saysay ninyong pag-uugali na walang nakakaalam kundi kayo. Sabihin sa madla ang para sa madla. Kung nagkasala kayo sa mga tao, magtapat sa kanila. Kung nagkasala kayo sa isang mag-anak o kapitbahayan, pumunta sa kanila at magtapat. Kung nagkasala kayo sa inyong Ward, magtapat sa inyong Ward. Kung nagkasala kayo sa isang indibiduwal, kausapin nang sarilinan ang taong iyon at magtapat sa kanya. At kung nagkasala kayo sa Diyos, o sa inyong sarili, ipagtapat ito sa Diyos, at kimkimim ang bagay na ito, dahil ayokong malaman ang anuman tungkol dito” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 158).
Paminsan-minsan ay maaari kang makakita ng mga tao sa mga recovery meeting o sa ibang mga sitwasyon na tila paulit-ulit na sinasabi ang kanilang mga kasalanan o ang mga nagawang kasalanan sa kanila ng iba. Lagi silang nagtatapat ngunit hindi kailanman nakahahanap ng kapayapaan.
Huwag mong isipin na pagsasabi lamang ng mga negatibong bagay ang dapat gawin sa ikalimang hakbang. Kabaligtaran nito ang layunin ng ikalimang hakbang. Ginawa namin ang ikalimang habang hindi upang ipagpatuloy pa rin ang mga bagay na ipinagtapat namin kundi upang umpisahan nang makita ang kaibahan ng masama mula sa mabuti para sa aming sarili at piliin ang mabuti.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ikalimang hakbang. Gamitin ang mga ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsulat.
Pagtatapat sa Diyos
“Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran” (D&C 64:7).
-
Paano nakatulong ang pagtatapat ng mga kasalanan mo sa Diyos upang magawa mo ang magagandang pagbabago sa iyong buhay?
-
Karamihan sa amin ay natatakot gawin ang ikalimang hakbang. Paano nagagawa ng pagtatapat ng mga kasalanan mo sa Diyos ang bigyan ka ng tapang at lakas upang kalaunang makapagtapat ka rin sa ibang tao?
Pagtatapat sa iba
“Mangagpahayagan nga kayo sa isa’t isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa’t isa ang iba, upang kayo’y magsigaling” (Santiago 5:16).
-
Maaaring nag-aalala ka na hindi ka matatanggap ng taong alam lahat ang mga kahinaan at pagkakamali mo. Ngunit ang isang priesthood leader o mapagkakatiwalaang kaibigan na nakauunawa sa proseso ng pagrekober ay karaniwang tumutugon nang may pang-unawa at habag. Paano nakatutulong sa paggaling mo ang gayong pagtugon?
Pagtatangkang maging mabuti sa paningin ng iba
“Huwag hayaang ipagmalaki ng sinuman ang sarili niyang kabutihan … ; bagkus ay hayaang ipagtapat niya ang kanyang mga kasalanan, at siya ay patatawarin, at siya ay lalong magbubunga” (Joseph Smith, sa History of the Church, 4:479).
-
Isang pinakamatinding obsesyon ng may adiksiyon ang maging mabuti sa paningin ng iba. Paano nagiging hadlang ang obsesyon na ito sa pagkakataon mo na “lalong magbunga” (o magpakabuti)?
-
Paano mababago ang pag-uugali mo kung ang iniisip mo lang ay maging mabuti sa paningin ng Diyos?
Katapatan
“Kung sinuman ang lalabag sa akin, siya ay hahatulan mo alinsunod sa mga kasalanang kanyang nagawa; at kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin” (Mosias 26:29).
-
Kapag nagtapat ka ng iyong mga kasalanan, dapat gawin mo ito nang taos-puso. Isipin kung paano nababawasan ang katapatan ng ginagawa mo kapag hindi mo sinasabi ang lahat ng dapat mong sabihin. Anong bahagi ng imbentaryo mo, kung mayroon man, ang natutukso kang ilihim?
-
Ano ang mapapala mo sa patuloy na pagtatago ng bahaging ito ng iyong imbentaryo? Ano ang mawawala sa iyo?
Ipagtapat ang kasalanan sa sandaling matukoy ito
“Sa taon ding ito, sila ay nadala sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali” (3 Nephi 1:25).
-
Ang talatang ito ay isang halimbawa ng mga tao na hindi ipinagpaliban ang pagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang malaman nila na nagawa nila ang mga ito. Ano ang maitutulong ng kaagad na paggawa ng ikalimang hakbang matapos gawin ang ika-apat na hakbang?
-
Ano ang maaaring maging masamang epekto kapag ipinagpaliban ang ikalimang hakbang?
Pagpapagaan ng pasanin at pagiging payapa
“Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti.” (Alma 39:7).
-
May ilang tao na magsasabing masyado kaming nakatuon sa mga negatibong bagay sa pamamagitan ng paggawa ng ika-apat at ikalimang hakbang at ang mga ito ay lalo lamang nagpapadagdag sa aming stress. Sa talatang ito, itinuro sa atin na ang pagharap sa mga pagkukulang ay makabubuti sa atin, at hindi lamang “[sa]saktan” (o gagawing balisa) ang ating mga kaluluwa. Sa paanong paraan pinagagaan ang pasanin mo at mas pinapayapa ka ng ika-apat at ikalimang hakbang?
Pagtalikod sa kasalanan
“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).
-
Ang ibig sabihin ng talikdan ang isang bagay ay kalilimutan na ito o lubusang iwanan. Paano mo maipapakita na gusto mong talikdan ang mga dati mong ginagawa sa pagkumpleto ng ikalimang hakbang?