“Marso 17–23: ‘Hangarin ang mga Bagay [ng] Mas Mabuting Mundo’: Doktrina at mga Tipan 23–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 23–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Marso 17–23: “Hangarin ang mga Bagay [ng] Mas Mabuting Mundo”
Doktrina at mga Tipan 23–26
Para sa karamihan ng mga tao, ang mabinyagan ay isang mapitagan at mapayapang karanasan. Ang binyag ni Emma Smith at ng iba pa, gayunman, ay ginulo ng mga mandurumog na nangutya sa kanila, nagbanta sa kanila, at sapilitan silang pinalayas. Kalaunan, nang gagawin na ni Joseph ang kumpirmasyon ng mga bagong miyembro, dinakip siya dahil sa panggugulo sa komunidad sa kanyang pangangaral. Sa lahat ng oposisyong ito, saan makatatagpo ng katiyakan si Emma na tama ang ginagawa niya noon? Sa parehong lugar kung saan matatagpuan nating lahat iyon—sa paghahayag mula sa Panginoon. Kinausap Niya si Emma tungkol sa “mga bagay [ng] mas mabuti[ng mundo]”—ang Kanyang kaharian—at sa lugar niya rito. Sinabi Niya rito na huwag matakot, na “pasiglahin ang [kanyang] puso at magalak,” at “tuparin ang mga tipan na [kanyang] ginawa.” At ang mga salitang ito ng panghihikayat at payo ay Kanyang “tinig sa lahat” (Doktrina at mga Tipan 25:9–10, 13, 16).
Tingnan din sa Mga Banal, 1:102–3, 107–116.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maiaahon ako ng Tagapagligtas “mula sa [aking] mga pagdurusa.”
Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 24 ay ibinigay para “palakasin, hikayatin, at tagubilinan” sina Joseph at Oliver sa isang panahon ng pagsubok (section heading; tingnan din sa Mga Banal, 1:107–109). Maghanap ng mga salita sa Doktrina at mga Tipan 24 na sa palagay mo ay maaaring nagpalakas at nakahikayat sa kanila.
Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng sumusunod na mga talata kung paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas sa mga hamon sa iyong buhay?
Mayroon akong mahalagang papel na gagampanan sa kaharian ng Diyos.
Habang pinanonood ni Emma Smith ang pagsisimula ng Pagpapanumbalik sa pamamagitan ng kanyang asawang si Joseph Smith, maaaring nag-isip siya kung ano ang kanyang magiging papel. Hanapin ang mga sagot na ibinigay ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 25. May nakikita ka bang anuman sa bahaging ito na sa palagay mo ay Kanyang “tinig sa [iyo]”? (talata 16).
Tingnan din sa “An Elect Lady” (video), Gospel Library; “Thou Art an Elect Lady,” sa Revelations in Context, 33–39; Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 15–18.
Doktrina at mga Tipan 25:5, 14
“Magpatuloy sa diwa ng kaamuan.”
Ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang “ang diwa ng kaamuan”? Isiping saliksikin ang bahagi 25 para sa mga salita at pariralang nagpapaunawa sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng maging maamo. Maaari ding makatulong ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Maamo at Mapagpakumbabang Puso” (Liahona, Mayo 2018, 30–33). Paano naging halimbawa ng kaamuan si Jesucristo sa iyo? (tingnan sa Mateo 11:28–30). Pag-isipan ang mga bagay sa iyong buhay na maaari mong gawin “sa diwa ng kaamuan.”
Doktrina at mga Tipan 25:10, 13
“Isantabi [ang] mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti.”
Habang pinagninilayan mo ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 25:10, maaaring makatulong na gumawa ng listahan ng “mga bagay ng daigdig na ito” na nais Niyang “isantabi” mo. Pagkatapos ay maaari kang gumawa ng listahan ng “mga bagay [ng] mas mabuti[ng mundo]” na nais Niyang hangarin mo. Maaari kang pumili ng kahit isang bagay lamang mula sa unang listahan na isasantabi mo at isang bagay mula sa pangalawang listahan ng mga hahangarin mo.
Nagpayo at nangako si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa “[pagsasantabi ng] maraming bagay sa mundong ito.” Hanapin ito sa pahina 77 ng kanyang mensaheng “Mga Espirituwal na Kayamanan” (Liahona, Nob. 2019). Paano mo susundin ang kanyang payo?
Habang binabasa mo ang talata 13, pag-isipan ang mga tipang ginawa mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ano ang ibig sabihin ng “tuparin” ang mga tipang ito? Paano ka tinutulungan ng iyong mga tipan na “isantabi [ang] mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti”?
Narito ang ilang iba pang mga talata na makakatulong sa iyo na makahiwatig sa pagitan ng “mga bagay ng daigdig na ito” at ng “mga bagay na mas mabuti”: Mateo 6:19, 21, 25–34; Lucas 10:39–42; 2 Nephi 9:51.
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Sakripisyo,” Gospel Library.
Doktrina at mga Tipan 25:11–12
Nagagalak ang Panginoon sa “awitin ng puso.”
Ano ang ilan sa “(mga) awitin ng puso”—mga awitin na nagpapahayag ng iyong damdamin tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo? Isiping kantahin o pakinggan ang ilan sa mga iyon. Ano ang mayroon sa mga awiting ito kaya naging espesyal sa iyo ang mga ito?
Maaari mo ring pagnilayan kung paano naging katulad ng panalangin ang mga himnong ito. Ano ang pagkakatulad ng sagradong musika at panalangin? Paano “[natugunan] ng pagpapala” ang iyong mga sagradong awitin?
Tingnan din sa “O, Awit ng Puso,” Mga Himno, blg. 178.
“Lahat ng bagay ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan.”
Ang pariralang “pangkalahatang pagsang-ayon” sa talatang ito ay tumutukoy sa pagtataas natin ng kamay para ipakita na sinasang-ayunan at sinusuportahan natin ang taong tumatanggap ng isang calling o isang ordinasyon sa priesthood. Paano mo ipaliliwanag sa isang bisita sa miting ng Simbahan kung ano ang ibig sabihin kapag sinasang-ayunan natin ang isang tao? Anong mga sagot ang natagpuan mo sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon”? (Liahona, Mayo 2019, 58–60).
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maiaahon ako ng Tagapagligtas “mula sa [aking] mga pagdurusa.”
-
Para malaman ang ilan sa mga paghihirap o hamon na kinaharap ni Joseph Smith at ng mga naunang Banal, maaari mong rebyuhin ang “Kabanata 11: Higit na Maraming Tao ang Sumapi sa Simbahan,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 46–47, o ang katumbas na video nito sa Gospel Library. Pagkatapos ay maaari ninyong tuklasin ng iyong mga anak kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Joseph tungkol sa kanyang mga paghihirap sa Doktrina at mga Tipan 24:1, 8. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo tinutulungan ng Panginoon sa mahihirap na panahon.
-
Para malaman ang ibig sabihin ng maging “matiisin sa [ating] mga paghihirap,” maaari ninyong muling gawin ng iyong mga anak ang eksperimento sa video na “Continue in Patience” (Gospel Library). Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 24:8 tungkol sa pagtitiis? Paano ipinaaalam sa atin ng Tagapagligtas na Siya ay “kasama [natin]” sa ating mga paghihirap?
Doktrina at mga Tipan 25:11–12
Gustung-gusto ni Jesus ang “awitin ng puso.”
-
Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:12, maaari kayong magkuwento sa isa’t isa tungkol sa paborito ninyong himno o awitin sa Simbahan—ang inyong “awitin ng puso”—at sama-samang kantahin ang mga iyon. Ibahagi sa isa’t isa kung bakit gustung-gusto ninyo ang mga awiting ito. Bakit masaya ang Panginoon kapag kinakanta natin ang mga awiting ito? Paano nagiging parang “isang panalangin sa [Kanya]” ang pagkanta natin?
Doktrina at mga Tipan 25:13, 15
Ang aking mga tipan sa Ama sa Langit ay naghahatid sa akin ng kagalakan.
-
Para maunawaan ang ibig sabihin ng “tuparin ang mga tipan” (Doktrina at mga Tipan 25:13), maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa paghawak nang mahigpit sa isang bagay hangga’t kaya nila. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung paano kayo “[tumutupad]” o nananangan sa inyong mga tipan. Kung kinakailangan, rebyuhin ninyo ng iyong mga anak ang mga tipang ginagawa natin (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37; at pahina ng aktibidad para sa linggong ito).
-
Para mabigyan ng konteksto ang iyong mga anak para sa Doktrina at mga Tipan 25:13, maaari mong ituro na ito ay isang bagay na sinabi kaagad ng Panginoon kay Emma Smith pagkatapos ng binyag nito. Bakit magiging maganda na ipayo ito sa isang taong nabinyagan kamakailan?