Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 3–9: “Matuto Ka sa Akin”: Doktrina at mga Tipan 19


“Marso 3–9, ‘Matuto Ka sa Akin,’ Doktrina at mga Tipan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Jesus na naglalakad sa daan malapit sa isang puno

Detalye mula sa Landas Patungong Getsemani, ni Steve McGinty

Marso 3–9: “Matuto Ka sa Akin”

Doktrina at mga Tipan 19

Maraming taon ang inabot bago nabili nina Martin at Lucy Harris ang isa sa pinakamagagandang sakahan sa Palmyra, New York. Ngunit noong 1829 naging malinaw na maaari lamang ilathala ang Aklat ni Mormon kung isasangla ni Martin ang kanyang sakahan para ipambayad sa tagalimbag. Nagkaroon ng patotoo si Martin sa Aklat ni Mormon, ngunit si Lucy ay hindi. Kung itutuloy ni Martin ang pagsasangla at di-gaanong naging mabenta ang Aklat ni Mormon, mawawala sa kanya ang kanyang sakahan, mamimiligro ang pagsasama nilang mag-asawa, at masisira ang kanyang reputasyon sa komunidad. Bagama’t iba ang sitwasyon natin kaysa kay Martin, dumarating ang panahon na nahaharap tayong lahat sa mahihirap na tanong na tulad ng kinaharap niya: Ano ang kahalagahan sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang handa akong isakripisyo para tumulong na itayo ang kaharian ng Diyos? Sa huli ay nagpasiya si Martin Harris na isasangla niya ang kanyang sakahan upang mailimbag ang unang 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon. Ngunit kahit ang sakripisyong ito—at anumang sakripisyong maaari nating gawin—ay maliit kumpara sa sakripisyo ni Jesucristo, “ang pinakamakapangyarihan sa lahat” (Doktrina at mga Tipan 19:18), na nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat para iligtas ang nagsisisi.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paglalathala ng Aklat ni Mormon, tingnan sa Mga Banal, 1:87–96.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 19:1–12

“Ako, ang Diyos, ay walang katapusan.”

Ipinaliwanag ni Joseph Smith na ang paghahayag sa bahagi 19 ay “isang kautusan … kay Martin Harris, na ibinigay niya na Walang Hanggan” (section heading). Hanapin ang mga lugar sa mga talata 1–12 kung saan binigyang-diin ng Panginoon ang Kanyang likas na pagiging walang hanggan. Sa palagay mo, bakit mahalaga na malaman ni Martin Harris ang bagay na ito tungkol sa Panginoon? Bakit mahalaga na malaman mo ito?

Sa palagay mo, bakit tinawag si Jesucristo na “ang simula at ang wakas”? (talata 1).

Doktrina at mga Tipan 19:15–20

icon ng seminary
Si Jesucristo ay nagdusa upang maaari akong magsisi at lumapit sa Kanya.

Inilalarawan sa Bagong Tipan ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ayon sa pananaw ng mga taong nakakita roon. Sa Doktrina at mga Tipan 19:15–20, ikinuwento ni Jesucristo ang Kanyang pagdurusa ayon sa sarili Niyang pananaw. Habang binabasa mo ang sagradong personal na salaysay na ito, alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa. Isipin kung ano ang itinuturo sa iyo ng bawat salita o parirala. Bakit naging handang magdusa ang Tagapagligtas? Maaari mong tuklasin ang iba pa sa Juan 15:13; Mosias 3:7; Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 18:10–13.

Ang damdamin mo habang pinag-aaralan mo ang pagdurusa ng Tagapagligtas ay maaaring mag-udyok ng mga tanong na tulad nito: Bakit kinailangang magdusa ang Tagapagligtas para sa aking mga kasalanan? Bakit ko kailangang magsisi para matanggap ang buong pagpapala ng Kanyang sakripisyo? Maaari kang makakita ng mga kabatiran tungkol sa mga tanong na ito at sa iba pa sa mensahe ni Elder Ulisses Soares na “Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa” (Liahona, Mayo 2021, 82–84). Habang nag-aaral ka, anong mga impresyon ang pumapasok sa iyong isipan? Isiping itala ang damdamin mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang sakripisyo para sa iyo.

Bilang bahagi ng iyong pag-aaral at pagsamba, maaari kang maghanap ng isang himno na maaari mong pakinggan o kantahin na nagpapahayag ng iyong pasasalamat sa Tagapagligtas para sa Kanyang pagdurusa para sa iyo. Ang “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115) ay isang magandang halimbawa.

Ano sa palagay mo ang ipagagawa sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo dahil sa nadama at napag-aralan mo?

Tingnan din sa “Tutulungan kayo ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022), 6–9; Mga Paksa at Tanong, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” “Pagsisisi,” Gospel Library; D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Liahona, Nob. 2011, 38–41; “Jesus Suffers in Gethsemane” (video), Gospel Library.

8:42

Nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemane

Doktrina at mga Tipan 19:23

Ang kapayapaan ay nagmumula sa pagkatuto tungkol kay Jesucristo at pagsunod sa Kanya.

Isipin ang paanyaya ng Tagapagligtas: “Matuto ka sa akin.” Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo sa Doktrina at mga Tipan 19? Itala ang mga naisip mo, at pagnilayan kung paano nakakatulong sa iyo ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas na makasumpong ng kapayapaan. Ano ang kahulugan sa iyo ng “lumakad sa kaamuan ng [Kanyang] Espiritu”?

Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Pagkakaroon ng Personal na Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2023, 29–31; “Peace in Christ” (video), Gospel Library.

4:9

Peace in Christ

Doktrina at mga Tipan 19:26–41

Ang mga pagpapala ng Diyos ay higit pa kaysa mga kayamanan ng mundo.

Ang Aklat ni Mormon ay di-gaanong bumenta sa Palmyra. Dahil dito, kinailangang ibenta ni Martin Harris ang malaking bahagi ng kanyang sakahan para mabayaran ang utang sa tagalimbag (tingnan sa “The Contributions of Martin Harris,” sa Revelations in Context, 7–8). Pagnilayan ang sakripisyo ni Martin—at ang mga pagpapalang natanggap mo dahil dito—habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 19:26–41. Maaari mo ring pag-isipan ang sakripisyong ipinagagawa sa iyo ng Panginoon. Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyo na gawin ang mga sakripisyong ito nang may “[galak]” at “kasiyahan”? (tingnan din sa mga talata 15–20).

ipinintang larawan ng sakahan sa Palmyra

Detalye mula sa Sakahan ni Martin Harris, ni Al Rounds

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 19:16–19

Si Jesucristo ay nagdusa para sa akin.

  • Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na maging mapitagan at magpasalamat sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng sama-samang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19 o “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library. Isiping huminto sandali para tiyakin na nauunawaan ito ng iyong mga anak at hayaan silang ipahayag ang kanilang damdamin. Halimbawa, sa talata 16, ano ang “mga bagay na ito” na pinagdusahan ni Jesus para sa atin? (tingnan sa Mosias 3:7; Alma 7:11–12). Ano ang nalaman natin mula sa paglalarawan Niya sa Kanyang pagdurusa? Paano natin maaaring ipakita ang ating pasasalamat sa ginawa Niya para sa atin?

1:46

Chapter 51: Jesus Suffers in the Garden of Gethsemane

Tulungan ang mga bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Nahihirapan ang ilang bata na magbasa ng mga banal na kasulatan. Maaaring makatulong sa kanila ang pagtutuon sa iisang talata o parirala.

  • Maaari kayong maghanap ng iyong mga anak sa Mga Himno o sa Aklat ng mga Awit Pambata ng mga awiting tumutulong na maipahayag ninyo ang inyong damdamin tungkol kay Jesucristo (tingnan ang mga indeks ng mga paksa sa mga aklat na ito).

si Jesus na nagdarasal sa Getsemani

Doktrina at mga Tipan 19:18–19, 24

Sinunod ni Jesucristo ang Ama sa Langit, kahit mahirap iyong gawin.

  • Napakahirap magdusa para sa ating mga kasalanan, ngunit naging handa si Jesucristo na gawin iyon para sundin ang Kanyang Ama at ipakita ang Kanyang pagmamahal sa Kanya at sa atin. Maaari ninyong sama-samang tingnan ang isang larawan ni Jesucristo na nagdurusa sa Getsemani (tulad ng mga nasa outline na ito) at hilingin sa iyong mga anak na sabihin sa iyo kung ano ang nalalaman nila tungkol sa nangyayari sa larawan. Maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:18–19, 24 para bigyang-diin na ang pagdurusa para sa ating mga kasalanan ang pinakamahirap na bagay na nagawa ng sinuman, ngunit dahil mahal ni Jesus ang Kanyang Ama at tayo, sinunod Niya ang kalooban ng Diyos (tingnan din sa Mosias 3:7). Anong mahihirap na bagay ang ipinagagawa ng Diyos sa atin? Paano tayo maaaring magkaroon ng lakas-ng-loob na sundin Siya?

Doktrina at mga Tipan 19:23

“Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita.”

  • Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga simpleng aksiyon na akma sa mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 19:23. Basahin nang ilang beses ang talata habang ginagawa nila ang mga aksiyon. Ano ang ilang paraan na maaari tayong matuto kay Cristo at makinig sa Kanyang mga salita?

Doktrina at mga Tipan 19:38

Ang mga pagpapala ng Diyos ay higit pa kaysa sa mga kayamanan ng mundo.

  • Maaari kayong maghalinhinan ng iyong mga anak sa paghawak sa isang kopya ng Aklat ni Mormon at pagbabahagi ng gustung-gusto ninyo tungkol dito. Magsalita nang bahagya tungkol sa sakripisyo ni Martin Harris upang mailimbag ang Aklat ni Mormon (tingnan sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 33). Ano ang sinabi ng Panginoon kay Martin sa Doktrina at mga Tipan 19:38 na maaaring nakatulong sa kanya na maging tapat at masunurin? Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang isakripisyo para sundin ang Diyos o tumulong sa Kanyang gawain.

    2:7

    Chapter 7: Witnesses See the Gold Plates: 1829–1830

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ipinintang larawan ni Jesus sa Getsemani

Christ Praying in the Garden of Gethsemane [Si Cristo na Nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani], ni Hermann Clementz

pahina ng aktibidad para sa mga bata