“Marso 24–30: ‘Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan’: Doktrina at mga Tipan 27–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 27–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Marso 24–30: “Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan”
Doktrina at mga Tipan 27–28
Ang paghahayag ay isang konsepto na medyo bago pa rin para sa mga Banal habang patuloy na nahahayag ang Pagpapanumbalik. Alam ng mga naunang miyembro ng Simbahan na maaaring tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith para sa Simbahan. Ngunit maaari ba ang iba? Naging kritikal ang mga tanong na tulad nito nang maniwala si Hiram Page, isa sa Walong Saksi sa mga laminang ginto, na nakatanggap siya ng mga paghahayag para sa Simbahan. Maraming matatapat na Banal ang naniwala na nagmula sa Diyos ang mga paghahayag na ito. Tumugon ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtuturo na sa Kanyang Simbahan, “lahat ng bagay ay kinakailangang maisagawa nang may kaayusan” (Doktrina at mga Tipan 28:13). Ang ibig sabihin nito ay isang tao lamang ang “itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag” para sa buong Simbahan (Doktrina at mga Tipan 28:2). Ang iba, gayunman, ay maaaring tumanggap ng personal na paghahayag para sa kanilang bahagi sa gawain ng Panginoon. Sa katunayan, ang mga salita ng Panginoon kay Oliver Cowdery ay isang paalala sa ating lahat: “Ipagkakaloob sa iyo … kung ano ang iyong gagawin” (Doktrina at mga Tipan 28:15).
Tingnan din sa “All Things Must Be Done in Order,” sa Revelations in Context, 50–53.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Tumatanggap ako ng sakramento bilang pag-alaala kay Jesucristo.
Nabinyagan sina Sally Knight at Emma Smith noong Hunyo 1830, ngunit ginulo ng mga mandurumog ang kanilang kumpirmasyon. Pagkaraan ng dalawang buwan, bumisita si Sally at ang kanyang asawang si Newel kina Emma at Joseph, at napagpasiyahan na ikukumpirma na sila at magkakasamang tatanggap ng sakramento ang grupo. Habang daan para bumili ng alak para sa sakramento, pinigilan si Joseph ng isang anghel.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:1–4 para alamin kung ano ang itinuro sa kanya ng anghel tungkol sa sakramento. Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga talatang ito kung ano ang nais ng Tagapagligtas na maging pananaw mo sa sakramento? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “na ang mga mata ay nakatuon sa [Kanyang] kaluwalhatian”? Pagnilayan ito—at maghanap ng iba pang mga kabatiran tungkol sa sakramento—habang binabasa mo ang Lucas 22:19–20 at 3 Nephi 18:1–11. (Tingnan din sa mga video na “The Last Supper,” “Jesus Christ Blesses Bread in Remembrance of Him,” at “Jesus Christ Blesses Wine in Remembrance of Him,” Gospel Library).
Para malaman kung paano gawing isang karanasan sa pagsamba ang sakramento, isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit” (Liahona, Nob. 2017, 36–39). Ano ang itinuro ni Elder Christofferson na maaaring makatulong sa iyo na mas makaugnay sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng sakramento? Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para mas makapaghandang tumanggap ng mga sagisag ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at tratuhin ang mga ito nang may higit na pagpipitagan o layunin.
Isiping kumanta, makinig, o magbasa ng isang himno sa sakramento, tulad ng “Habang Aming Tinatanggap” (Mga Himno, blg. 99), at itala ang damdamin mo tungkol sa pakikibahagi sa sagradong ordenansang ito.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79; 59:9–13; Mga Paksa at Tanong, “Sacrament [Sakramento],” Gospel Library; “Pagtatamo at Pagpapanatili ng Kapatawaran ng mga Kasalanan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa,” sa David A. Bednar “Panatilhin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 60–62.
Binibigyan ng Panginoon ng mga susi ng priesthood ang Kanyang mga lingkod para pamunuan ang Kanyang gawain.
Ano ang alam mo tungkol sa mga propetang binanggit sa mga talatang ito? Maaari kang maghanap ng impormasyon tungkol sa kanila sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Anong mga pagpapala ang nabuksan para sa iyo sa pamamagitan ng mga susing hawak ng mga propetang ito?
Doktrina at mga Tipan 27:15–18
Tinutulungan ako ng baluti ng Diyos na labanan ang kasamaan.
Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Wala tayong magagawa ni isang bagay na malaki at marangal para espirituwal na maihanda at mapalakas ang ating sarili. Ang tunay na espirituwal na kapangyarihan ay nasa maraming maliliit at makabuluhang gawaing pinagsama-sama upang gawing isang espirituwal na pundasyon na pumoprotekta at sumasangga laban sa lahat ng kasamaan” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8).
Habang nag-aaral ka tungkol sa baluti ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 27:15–18, maaari kang gumawa ng isang table na katulad ng isang ito. Ano ang ginagawa mo para maisuot ang bawat bahagi ng baluti ng Diyos?
Bahagi ng baluti |
Bahagi ng katawan na pinoprotektahan |
Ang maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan |
---|---|---|
Bahagi ng baluti Baluti sa dibdib ng kabutihan | Bahagi ng katawan na pinoprotektahan Puso | Ang maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan Ang aking mga hangarin at pagmamahal |
Bahagi ng baluti Turbante ng kaligtasan | Bahagi ng katawan na pinoprotektahan Ulo o isipan | Ang maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan |
Bahagi ng baluti | Bahagi ng katawan na pinoprotektahan | Ang maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan |
Bahagi ng baluti | Bahagi ng katawan na pinoprotektahan | Ang maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan |
Tingnan din sa Efeso 6:11–18; Jorge F. Zeballos, “Pagkakaroon ng Isang Buhay na Hindi Kayang Impluwensyahan ng Kaaway,” Liahona, Nob. 2022, 50–52.
Pinapatnubayan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta.
Isipin kung ano ang mangyayari kung maaaring tumanggap ng mga kautusan at paghahayag ang sinuman para sa buong Simbahan. Nang sabihin ni Hiram Page na nakatanggap siya ng gayong paghahayag, maraming miyembro ng Simbahan ang nalito. Sa Doktrina at mga Tipan 28, inihayag ng Panginoon ang isang kaayusan para sa paghahayag sa Kanyang Simbahan. Ano ang natutuhan mo mula sa bahaging ito tungkol sa partikular na tungkulin ng Pangulo ng Simbahan? Ano ang nalaman mong paraan para mapatnubayan ka ng Diyos?
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2022, 16–19.
Bakit mahalaga ang isang misyon sa mga Lamanita?
Ang isang layunin ng Aklat ni Mormon ay “upang ang mga Lamanita ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa kanilang mga ama, at upang kanilang malaman ang mga pangako ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 3:20). Naaayon ito sa mga pangakong ginawa ng Panginoon sa maraming propeta sa Aklat ni Mormon (tingnan, halimbawa, sa, 1 Nephi 13:34–41; Enos 1:11–18; Helaman 15:12–13). Itinuring ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang mga American Indian na mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon. (Ang opisyal na pahayag ng Simbahan ngayon ay na “kabilang [ang mga Lamanita] sa mga ninuno ng mga [American Indian]” [pambungad sa Aklat ni Mormon].)
Para mabasa ang iba pa tungkol sa misyon ni Oliver Cowdery sa kalapit na mga American Indian, tingnan sa, “A Mission to the Lamanites,” Revelations in Context, 45–49. Ano ang itinuturo sa iyo ng misyong ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang gawain?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang sakramento ay tumutulong sa akin na alalahanin si Jesucristo.
-
Maaaring magtaka ang mga bata kung bakit tubig ang ginagamit natin para sa sakramento samantalang alak ang ginamit noon ni Jesus (tingnan sa Lucas 22:19–20; 3 Nephi 18:1–11). Maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:1–2 at talakayin kung ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang sakramento “na ang mga mata ay nakatuon sa [kaluwalhatian ng Diyos]” (talata 2). Ano ang maaari nating gawin para makapagtuon sa Tagapagligtas habang tinatanggap natin ang sakramento?
-
Marahil ay maaaring makatulong sa iyong mga anak ang pagkakaroon ng mga larawan, ng mga talata sa banal na kasulatan, o ng mga titik ng awitin tungkol sa Tagapagligtas para alalahanin Siya kapag tumatanggap ng sakramento. Maaaring mag-enjoy sila sa paglikha ng isang buklet na may ilan sa mga larawan, talata, at titik na ito. Maaari silang magdrowing ng sarili nilang mga larawan o maghanap ng ilan sa magasing Kaibigan.
Doktrina at mga Tipan 27:15–18
Pinoprotektahan ako ng baluti ng Diyos.
-
Maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang isang larawan ng baluti tulad ng nasa outline na ito o sa pahina ng aktibidad sa outline para sa Efeso sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023. Habang binabasa ninyo ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18, tulungan silang hanapin ang mga piraso ng baluti sa larawan. Paano tayo matutulungan ng baluti ng Diyos na “mapaglabanan ang araw ng kasamaan”? (talata 15).
Doktrina at mga Tipan 28:2, 6–7
Tumatanggap ng paghahayag ang propeta para sa Simbahan; maaari akong tumanggap ng paghahayag para sa aking buhay.
-
Kung marami kang anak, maaari mo silang anyayahang maglaro ng “follow the leader,” ngunit hilingin sa dalawa o mahigit pang mga bata na sabay na maging leader. Ano ang mangyayari kapag hindi lang iisa ang leader? Pagkatapos ay maaari ninyong pag-aralan ang tungkol kay Hiram Page (tingnan sa “Kabanata 14: Ang Propeta at ang mga Paghahayag para sa Simbahan,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 56–57, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library; o sa section heading para sa Doktrina at mga Tipan 28). Paano itinama ng Ama sa Langit ang pagkalito ng mga naunang miyembro ng Simbahan? Paano Niya pinamumunuan ang Simbahan ngayon? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:2). Ibahagi ang iyong patotoo na ang kasalukuyang propeta ay tinawag ng Panginoon para pamunuan ang Kanyang Simbahan sa ating panahon.
-
Kahit laging ibibigay ang paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng propeta, magagabayan tayong lahat ng Espiritu Santo. Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang ilan sa sumusunod na mga talata at gumawa ng listahan ng mga paraan na magagabayan tayo ng Espiritu Santo: Doktrina at mga Tipan 28:1, 4, 15; Juan 14:26; Moroni 8:26; 10:4–5. Ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo nagabayan ng Espiritu Santo.