Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 24–Marso 2: “Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila”: Doktrina at mga Tipan 18


“Pebrero 24–Marso 2, ‘Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila’: Doktrina at mga Tipan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Jesucristo na yakap ang isang bata

Pebrero 24–Marso 2: “Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila”

Doktrina at mga Tipan 18

Maraming iba’t ibang paraan para masukat ang kahalagahan ng isang tao. Ang talento, pinag-aralan, yaman, at pisikal na kaanyuan ay maaaring makaapektong lahat sa paraan ng pagsusuri natin sa isa’t isa—at sa ating sarili. Ngunit sa paningin ng Diyos, mas simpleng bagay ang ating kahalagahan, at malinaw na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 18: “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (talata 10). Ipinaliliwanag ng simpleng katotohanang ito ang maraming ginagawa ng Diyos at kung bakit Niya ginagawa ito. Bakit Niya inutusan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na itatag ang Simbahan ni Jesucristo sa ating panahon? (tingnan sa mga talata 1–5). Dahil dakila ang kahalagahan ng mga kaluluwa. Bakit Niya “iniuutos … sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi” at isinusugo ang mga Apostol para mangaral ng pagsisisi? (talata 9). Dahil dakila ang kahalagahan ng mga kaluluwa. At bakit nagdanas si Jesucristo ng “kamatayan sa laman” at nagtiis ng “mga pasakit ng lahat ng tao”? (talata 11). Dahil dakila ang kahalagahan ng mga kaluluwa. Kung pinipili ng kahit isa sa mga kaluluwang ito na tanggapin ang kaloob ng Tagapagligtas, nagagalak Siya, sapagkat “anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi” (talata 13).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 18:1–5

“[Patatagin] ang aking simbahan.”

Sa bahagi 18, inutusan ng Panginoon si Oliver Cowdery na tumulong sa paglalatag ng pundasyon ng Simbahan ni Jesucristo. Ano ang napansin mo tungkol sa ibinigay Niyang payo—lalo na sa mga talata 1–5? Maaari mong isipin kung paano naaangkop ang payong ito sa iyo habang “pinatatatag” mo ang iyong pananampalataya kay Cristo. Halimbawa:

  • Ano na ang “iyong hinangad na malaman” tungkol sa Panginoon? (talata 1).

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “manalig sa mga bagay na nakasulat”? (talata 3). Paano “[naipaalam] sa iyo” ng Espiritu na ang mga bagay na ito ay totoo? (talata 2; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:22–24).

  • Paano mo itatatag ang iyong buhay sa “saligan ng [ebanghelyo ng Tagapagligtas] at ng [Kanyang] bato”? (talata 5).

Magtanong. Ang Doktrina at mga Tipan ay katibayan na ang mga tanong ay humahantong sa paghahayag. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, itala ang iyong mga tanong. Pagkatapos ay magnilay-nilay at manalangin para mahanap ang mga sagot.

Doktrina at mga Tipan 18:10–13

icon ng seminary
“Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”

Paano natin matutukoy ang kahalagahan ng isang bagay? Halimbawa, bakit mas mahal ang isang item sa palengke kaysa sa iba? Habang binabasa mo ang bahagi 18 sa linggong ito, lalo na ang mga talata 10–13, maaari mong ikumpara kung paano kadalasan tukuyin ng mga tao ang kahalagahan ng isang kaluluwa sa mga mata ng Diyos. Isiping palitan ng pangalan mo ang mga salitang “kaluluwa,” “mga kaluluwa,” at “lahat ng tao.” Paano makakatulong ang mga talatang ito sa isang taong nagdududa sa kanyang kahalagahan?

Narito ang ilang iba pang mga talatang nagtuturo tungkol sa kahalagahan ng isang kaluluwa: Lucas 15:1–10; Juan 3:16–17; 2 Nephi 26:24–28; Moises 1:39. Batay sa mga talatang ito, paano mo ibubuod ang nadarama ng Diyos tungkol sa iyo? Maaari mo ring saliksikin ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Mahalaga Kayo sa Kanya” (Liahona, Nob. 2011, 19–22) para hanapin ang mga salita at pariralang tumutulong sa iyo na malaman ang iyong kahalagahan sa Diyos.

Paano ipinapakita sa iyo ng Diyos na malaki ang iyong kahalagahan sa Kanya? Paano nito naaapektuhan ang nadarama mo tungkol sa iyong sarili at sa iba?

Tingnan din sa Joy D. Jones, “Halagang Hindi Masukat,” Liahona, Nob. 2017, 13–15; Mga Paksa at Tanong, “Mga Anak ng Diyos,” Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 18:11–16

Nagagalak ang Panginoon kapag nagsisisi ako.

Pansinin kung gaano kadalas ginagamit ang mga salitang tulad ng magsisi at pagsisisi sa buong Doktrina at mga Tipan 18. Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa mga salitang ito tuwing ginagamit ang mga ito. Isaalang-alang lalo na ang mga talata 11–16. Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang nadarama mo tungkol sa pagsisisi—ang sarili mong pagsisisi at ang tungkuling anyayahan ang ibang mga tao na magsisi at magpakabuti? Narito ang isang paraan para maitala ang natututuhan mo: maglista ng ilang paraan na makukumpleto mo ang pangungusap na “Ang pagsisisi ay .”

Tingnan din sa Alma 36:18–21; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” Gospel Library; Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 121–24.

yakap ng ama ang anak

Detalye mula sa The Prodigal Son [Ang Alibughang Anak], ni Clark Kelley Price

Doktrina at mga Tipan 18:14–16

Ang kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo.

Habang binabasa mo ang mga talata 14–16, pagnilayan ang ibig sabihin ng “ipangaral ang pagsisisi”—at kung bakit naghahatid ito ng gayong kagalakan. Ano ang ilang paraang natagpuan mo para matulungan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas at tumanggap ng kapatawaran? Paano ito nagawa ng ibang mga tao para sa iyo?

Tingnan din sa Craig C. Christensen, “Walang Ano Mang Bagay ang Kasingganda at Kasingtamis ng Aking Kagalakan,” Liahona, Mayo 2023, 45–47.

Doktrina at mga Tipan 18:34–36

Maaari kong marinig ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan

Kung may nagtanong sa iyo kung ano ba ang tunog ng tinig ng Panginoon, ano ang sasabihin mo? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36. Ano ang natutuhan mo tungkol sa tinig ng Panginoon mula sa pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan? Ano ang magagawa mo para marinig nang mas malinaw ang Kanyang tinig?

Tingnan din sa “Habang Aking Binabasa,” Mga Himno, blg. 176.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 18:10–13

Bawat isa sa atin ay napakahalaga sa Diyos.

  • Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 18:10–13, isiping palitan ng pangalan ng bawat isa ang mga salitang “kaluluwa,” “mga kaluluwa,” at “lahat ng tao.” Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung paano ipinauunawa sa atin ng mga talatang ito ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa bawat isa sa atin.

  • Maaari mo ring itanong sa iyong mga anak ang mga bagay na itinuturing ng mga tao na mahalaga. O maaari mong ipakita sa kanila ang isang bagay na mahalaga sa iyo. Paano natin tinatrato ang mga bagay na mahalaga sa atin? Pagkatapos ay hayaan silang maghalinhinan sa pagtingin sa isang salamin. Habang ginagawa nila ito, sabihin sa bawat bata na sila ay anak ng Diyos at napakahalaga nila. Paano natin maipapakita sa ibang mga tao na “ang kahalagahan ng [kanilang] mga kaluluwa ay dakila” sa ating paningin?

  • Para mabigyang-diin na lahat ng tao ay napakahalaga sa Ama sa Langit, maaaring tingnan ng iyong mga anak ang larawan sa dulo ng outline na ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 18:10–13.

si Cristo na hawak ang bata

Detalye mula sa Worth of a Soul [Kahalagahan ng Isang Kaluluwa], ni Liz Lemon Swindle

Doktrina at mga Tipan 18:13–16

Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay naghahatid ng malaking kagalakan.

  • Para mahikayat ang iyong mga anak na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo, maaari ninyong pag-usapan ang mga karanasan ng bawat isa nang makakita kayo ng isang bagay na gusto ninyong ibahagi sa inyong mga kaibigan o pamilya. Bakit mo gustong ibahagi iyon, at ano ang naging pakiramdam mo nang ibahagi mo iyon? Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:13, 16. Ano ang naghahatid ng kagalakan sa Panginoon? Ano ang sinasabi Niya na maghahatid sa atin ng kagalakan? Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang anumang naging mga karanasan ninyo sa pagbabahagi ng kagalakang hatid ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.

  • Ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90), ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi nila ang ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 18:34–36

Maaari kong marinig ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa isang laro kung saan sinisikap nilang matukoy ang mga tinig ng iba’t ibang tao, tulad ng mga kapamilya, kaibigan, o leader ng Simbahan. Paano natin makikilala ang mga tinig ng isa’t isa? Paano natin makikilala ang tinig ng Panginoon? Maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36 para talakayin ang tanong na ito. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo narinig ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

isang collage ng mga mukha ng mga tao mula sa iba’t ibang kultura

Bawat kaluluwa ay mahalaga sa Diyos.

pahina ng aktibidad para sa mga bata