Resources na Pangkasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan: Oliver Cowdery Resources na Pangkasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
Oliver Cowdery, Resources na Pangkasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
Oliver Cowdery
(1806–50)
Si Oliver Cowdery ay ipinanganak sa Wells, Vermont, noong 1806. Nagtatrabaho siya bilang isang guro sa Manchester, New York, nang makilala niya ang pamilya Smith. Noong 1829, sinimulan niyang tulungan si Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa Harmony, Pennsylvania, at tumanggap ng ilang paghahayag sa panahong iyon (Doktrina at mga Tipan 6–9). Sa panahon ng pagsasalin, si Cowdery ay nabinyagan at tumanggap ng awtoridad ng priesthood (Doktrina at mga Tipan 13), at kalaunan sa taon na iyon, siya ay naging isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon (Doktrina at mga Tipan 17). Naroon siya nang opisyal na itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong ika-6 ng Abril 1830. Ang buo o ilang bahagi ng mga naunang paghahayag ay patungkol kay Cowdery (Doktrina at mga Tipan 18; 23:1–2; 24; 26). Noong Setyembre 1830, tinawag siya sa pamamagitan ng paghahayag na “magtungo sa mga Lamanita [Mga Katutubong Amerikano] at mangaral ng aking ebanghelyo sa kanila” (Doktrina at mga Tipan 28:8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 32). Bilang pagsunod sa paghahayag na ito, noong taglamig ng 1830–1831, pinamunuan ni Cowdery ang isang grupo ng mga misyonero sa lugar na ang tawag ngayon ay Kansas. Sa loob ng halos dalawang taon ay nanirahan siya sa Jackson County, Missouri, kung saan tumulong siya sa pangangasiwa sa mga gawain ng Simbahan sa paglilimbag (Doktrina at mga Tipan 57:13; tingnan din sa bahagi 69). Noong Disyembre 1832, pinakasalan niya si Elizabeth Ann Whitmer, anak nina Peter Whitmer Sr. at Mary Musselman Whitmer. Noong Setyembre 1833, lumipat sila sa Kirtland, Ohio, kung saan si Cowdery ay hinirang na assistant president ng Simbahan, naglingkod sa high council sa Kirtland (Doktrina at mga Tipan 102:3), at tumulong sa pagpatnugot ng ilang pahayagan ng Simbahan. Siya at ang kanyang pamilya ay lumipat sa Far West, Missouri, noong 1837, ngunit si Cowdery ay itiniwalag at pinaalis nang sumunod na taon. Noong 1848, humiling si Cowdery na muli siyang tanggapin at siya ay muling tinanggap sa Simbahan sa Kanesville, Iowa.
Mga Reperensya sa Doktrina at mga Tipan
Doktrina at mga Tipan 6, 7, 8, 9, 13, 17, 18, 20, 21, 23, 24, 25, 26, 27, 28, 30, 32, 35, 37, 47, 52, 53, 55, 57, 58, 60, 61, 66, 68, 69, 70, 102, 104, 106, 110, 111, 124