Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin ang sariling mga salita ng Panginoon, na tumutulong sa atin na marinig ang Kanyang tinig na nangungusap sa mga tao sa ating panahon at maging sa atin nang personal. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang matutuhan kung paano makilala ang Tagapagligtas habang sinisimulan nilang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkilala sa iyo
Isipin ang tao na sa palagay ninyo ay pinakakilala ninyo.
Ano ang nakatulong sa inyo na makilala nang husto ang taong ito?
Sa Doktrina at mga Tipan, inilarawan ni Jesucristo ang ilan sa mga paraan na mas makikilala natin Siya at nangako Siya sa atin ng mga pagpapalang matatanggap natin sa paggawa nito.
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa atin ang mga paanyaya ng Tagapagligtas sa mga talatang ito upang mas makilala Siya?
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga salita sa mga talatang ito?
Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Sa taong ito, magkakaroon kayo ng mga pagkakataong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan sa tahanan, sa simbahan, at sa seminary. Sa inyong pag-aaral, magkakaroon kayo ng maraming pagkakataon na matuto tungkol kay Jesucristo at makinig sa Kanyang mga salita. Matutulungan kayo nitong makilala Siya nang mas lubusan at maranasan ang kapayapaang ipinangako Niya.
Ano ang alam na ninyo tungkol sa Doktrina at mga Tipan?
Sa pambungad sa Doktrina at mga Tipan, basahin ang mga talata 1–3 at ang huling pangungusap ng talata 8. Habang nagbabasa kayo, maghanap ng mga parirala tungkol sa kung paano makatutulong sa inyo ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan para mas lubos ninyong makilala si Jesucristo.
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kung paano naiiba ang Doktrina at mga Tipan sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan?
Bakit nagkaroon ng “dakilang kahalagahan” ang Doktrina at mga Tipan?
Ang tinig ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag pinag-aralan natin ang Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas na nangungusap sa atin sa ating panahon at mas marami tayong matututuhan tungkol sa Kanya.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:33–36, at alamin ang mga turo mula sa Tagapagligtas na may kaugnayan sa katotohanang ito.
Sa inyong palagay, paano mapagpapala ng pagbabasa ng mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan ang inyong buhay?
Sa pag-aaral ninyo ng Doktrina at mga Tipan, pagtuunan ang natututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring makatulong din na isaayos ang isang bahagi ng inyong study journal o gumawa ng isang tala sa inyong Gospel Library app para sa pagtatala ng mga nalaman ninyo tungkol sa Kanila. Maaari ninyong dagdagan ang inyong listahan ng mga kaalaman sa buong taon. Isipin kung paano nakakaimpluwensya ang natututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa inyong pagmamahal at pagtitiwala sa Kanila.
Pag-aralan ang mga salita ng Tagapagligtas sa ilan sa mga sumusunod na talata mula sa Doktrina at mga Tipan. Pansinin kung ano ang matututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.
Ano ang nauunawaan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga talatang ito? Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanila?
Paano makatutulong sa inyo ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mga talatang ito para makadama kayo ng kapayapaan?
Magtakda ng mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan
Ang isang layunin ng seminary ay tulungan kayo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Humingi ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang makapagtakda ng mithiin na may kaugnayan sa inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Maaari ninyong isipin ang mga sumusunod na tanong habang nagtatakda kayo ng mithiin:
Kailan at saan ko maaaring pag-aralan ang aking mga banal na kasulatan araw-araw?
Gaano katagal ako mag-aaral sa bawat araw?
Ano ang magagawa ko upang mas lubos kong maanyayahan ang Espiritu Santo sa karanasan ko sa pag-aaral?