“Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–14: ‘Humingi sa Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–14,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–14
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–14
“Humingi sa Diyos”
Sa batang edad, ninais ni Joseph Smith na sundin si Jesucristo at hinangad niyang malaman kung aling simbahan ang tama at kung alin ang dapat niyang sapian. Gayunman, maraming simbahan ang nagtuturo ng iba’t ibang bagay, at nahirapan ang batang si Joseph na mahiwatigan ang katotohanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matularan ang halimbawa ni Joseph Smith sa kanilang mga pagsisikap na malaman ang katotohanan mula sa Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Panahong puno ng kalituhan
-
Bakit maaaring mahirap kung minsan na tumukoy ng mapagkakatiwalaang impormasyon?
-
Paano nahihirapan ang isang tao na mahanap ang katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina dahil sa mga hamong iyon?
Sa batang edad, nag-alala si Joseph Smith sa kapakanan ng kanyang kaluluwa. Sa komunidad, at maging sa pamilya Smith, may magkakaibang opinyon kung aling simbahan ang naglalaman ng mga katotohanang kailangan para sa kaligtasan.
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–10, at alamin kung bakit mahirap para kay Joseph na tukuyin ang katotohanan ng Diyos sa iba’t ibang relihiyon.
-
Paano ka nakakita ng katulad na kalituhan tungkol sa relihiyon sa mundo sa kasalukuyan?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang hangarin nating malaman ang katotohanan mula sa Diyos sa halip na tanggapin lamang ang lahat ng itinuturo sa atin?
Gawin ang sumusunod na chart sa iyong study journal, at lagyan ng label ang mga quadrant tulad ng nakikita mo sa ibaba:
Mga tanong ni Joseph para sa Diyos |
Mga tanong ko para sa Diyos |
Ang ginawa ni Joseph |
Ang gagawin ko |
Balikan ang binasa mo sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 10. Isulat ang mga tanong at ginawa ni Joseph sa angkop na quadrant.
-
Sa inyong palagay, bakit ikinalugod ng Ama sa Langit na itinanong ni Joseph ang mga bagay na ito?
Tularan ang halimbawa ni Joseph Smith
Habang sinisikap nating malaman kung ano ang totoo, makatutulong na sundin ang paanyayang ito ni Pangulong Russell M. Nelson:
Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng huwaran na susundan natin sa paglutas ng ating mga tanong. …
Sa gayon ding paraan, ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95)
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Pangulong Nelson ay matutularan natin ang halimbawa ni Joseph Smith para malaman ang katotohanan ng Diyos para sa ating sarili. Pag-isipan ang mga tanong ni Pangulong Nelson. Paano mo sasagutin ang mga iyon para sa iyong sarili? Pag-isipan ang ilang tanong mo at isulat ang mga ito sa quadrant na “Mga tanong ko para sa Diyos” sa iyong study journal.
-
Alin sa mga tanong mo ang nabigyang-inspirasyon kang unahin sa puntong ito ng iyong buhay? Bakit?
Habang patuloy mong pinag-aaralan ang Joseph Smith—Kasaysayan sa buong lesson, patuloy na punan ang chart sa iyong study journal. Maghanap ng mga paraan kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Joseph para makahanap ng mga sagot sa sarili mong mga tanong. Sa quadrant na “Ang gagawin ko,” isulat ang mga impresyong natanggap mo na gagawin mo.
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–14, at alamin ang mga karagdagang ginawa ni Joseph para malaman ang katotohanan ng Diyos. Maaari mong isulat ang nalaman mo sa quadrant na “Ang ginawa ni Joseph.”
-
Kahit hindi nalaman ni Joseph kung aling simbahan ang sasapian, ano ang nalaman niya tungkol sa Diyos? (Tingnan sa “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Doctrinal Mastery Core Document (2023), mga talata 2–3.)
-
Sa iyong palagay, bakit kaya gustung-gusto ng Diyos na tulungan tayo na matuklasan ang katotohanan? (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11.)
-
Alin sa mga ginawa ni Joseph ang nasubukan mo na sa iyong buhay? Alin ang gusto mong subukan?
Alalahanin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na “tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph.” Humingi ng tulong sa Ama sa Langit habang iniisip mo ang maaari mong gawin para matularan ang halimbawa ni Joseph sa paghahanap mo ng katotohanan.
Sa quadrant na “Ang gagawin ko” sa iyong study journal, sumulat ng isa o dalawang paraan na matutularan mo ang halimbawa ni Joseph Smith. Isama ang mga partikular na detalye kung paano mo isasagawa ang mga gawaing ito habang naghahanap ka ng mga sagot mula sa Diyos. Maaari mong ibahagi ang iyong plano sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya. Mahalagang tandaan na kahit ang pinakamagagandang plano ay maaaring matagalan bago makuha ang mga ninanais na resulta. Bumalik sa iyong study journal at sa Joseph Smith—Kasaysayan paminsan-minsan para masuri kung ano na ang progreso ng ginagawa mo.