Lesson 175—Pagtatakda ng mga Mithiin: Pagiging Higit na Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
“Lesson 175—Pagtatakda ng mga Mithiin: Pagiging Higit na Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Pagtatakda ng mga Mithiin,”“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 175: Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili
Pagtatakda ng mga Mithiin
Pagiging Higit na Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
Hangad ng Ama sa Langit na ang lahat ng Kanyang anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Maaari tayong umunlad sa ating mga pagsisikap upang maging katulad ng Diyos at makabalik sa Kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga personal na mithiin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na epektibong makapagtakda ng mga mithiin at makagawa ng mga plano habang hinahangad nilang maging higit na katulad ng Diyos sa tulong Niya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Saan ka pupunta? Paano ka makararating doon?
Paano nauugnay ang paggawa ng plano sa paglalakbay sa ating mortal na buhay?
Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Kapag alam ninyo kung saan kayo patungo at paano ninyo inaasahang makarating doon, magkakaroon kayo ng kahulugan, layunin, at tagumpay sa buhay.
Ang ilan ay nahihirapang makita ang pagkakaiba ng mithiin at ng plano hanggang sa matutuhan nila na ang mithiin ay isang destinasyon o patutunguhan, samantalang ang plano ay ang ruta kung paano kayo makakarating doon. (M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 62)
Ano ang mga layunin ng mga mithiin at plano?
Gaano kadalas kang nagtatakda ng mga mithiin para sa iyong sarili at gumagawa ng mga plano para makamit ang mga ito?
Ano ang iyong mga naging tagumpay at paghihirap?
Saan mo ninanais na makarating sa tulong ng iyong mga mithiin at plano?
Binigyan tayo ng Diyos ng halimbawa
Patuloy na nagturo si Pangulong Ballard:
Binigyan na tayo ng Diyos, ang ating Ama sa Langit, ng perpektong halimbawa ng pagtatakda at pagpaplano ng mithiin. Ang Kanyang mithiin ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng kalalakihan [at kababaihan]” [Moises 1:39], at ang plano ng kaligtasan ang Kanyang paraan para makamtan ito. …
… Naniniwala ako na ang mahalagang susi sa kaligayahan ay ang matuto kung paano magtakda ng sarili nating mga mithiin at plano ayon sa balangkas ng walang-hanggang plano ng ating Ama sa Langit. (M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 63)
Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag na ito tungkol sa sarili mong mga mithiin at plano?
Sa iyong palagay, bakit makadarama tayo ng kaligayahan kapag tinutulungan tayo ng ating mga mithiing sundin ang plano ng Diyos? (tingnan sa 2 Nephi 2:25; Mosias 2:41).
Basahin ang Lucas 2:52, at alamin ang mga paraan kung paano lumago ang Tagapagligtas noong kabataan Niya habang sinusunod Niya ang plano ng Kanyang Ama.
Bakit maaaring nagdudulot ng karagdagang kasiyahan ang pagsunod sa halimbawa ng paglago ng Tagapagligtas sa mga aspektong ito?
Isang huwaran sa pag-unlad
Isang Huwaran sa Pag-unlad
Tuklasin ang iyong mga pangangailangan, kaloob, at talento. Subukang itanong ang mga tulad ng:
Ano ang nararamdaman kong dapat kong pag-aralan o baguhin sa buhay ko?
Anong mga talento o kasanayan ang gusto kong taglayin?
Anong mga espirituwal na gawi ang kailangan kong matutuhan o pagbutihin?
Paano ko matutupad ang mga tipang ginawa ko noong bininyagan ako?
Sino ang maaari kong paglingkuran?
“Pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos … itanong mo sa akin kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8).
Planuhin na mas umunlad. Subukang itanong ang mga tulad ng:
Bakit ito mahalaga sa akin?
Paano ako matutulungan nito na maging higit na katulad ni Jesucristo?
Ano ang mga hakbang na maaari kong gawin para magawa ito?
Maaari ko bang gawin ito nang paunti-unti?
Anong mga plano ang magagawa ko ngayon para makayanan ang mga hamon na maaaring kaharapin ko?
“Ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
Pagnilayan ang natutuhan mo. Subukang itanong ang mga tulad ng:
Paano ako umunlad?
Paano ko magagamit ang natutuhan ko upang mapaglingkuran ang iba?
Paano nakatulong ang mga ginawa ko upang mas mapalapit ako sa Tagapagligtas?
Kumilos para umunlad sa pananampalataya. Kung hindi ka makausad, subukang itanong ang mga tulad nito:
Saan ako nagtagumpay? Bakit?
Saan ako hindi nagtagumpay? Bakit hindi?
Ano pa ang puwede kong subukan?
Saan ako makakakuha ng mas marami pang ideya?
Maaari ko bang unti-untiin ang pagtupad sa mithiin ko?
Paano ako matututo mula sa mga kabiguan?
“Katotohanang sinasabi ko, [ikaw] ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [iyong] sariling kalooban.” (Doktrina at mga Tipan 58:27).
Anong mga tanong ang sa palagay mo ay makatutulong habang isinasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at plano? Bakit?
Paano makatutulong sa iyo ang huwarang ito sa iyong mga pagsisikap na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Paano ka matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iyong mga pagsisikap?
Alamin, planuhin, isagawa, at pagnilayan
Piliin ang heading na pinakanaglalarawan sa iyo, at kumpletuhin ang isa o mahigit pa sa mga kaukulang tagubilin. Humingi ng tulong sa Espiritu Santo at gamitin ang “Isang Huwaran sa Pag-unlad” (matatagpuan sa Gabay na Aklat para sa mga Kabataan o sa handout).
Hindi ako nakagawa ng mga partikular na mithiin o plano.
a. Alamin kung ano ang kailangan mong baguhin sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aspekto: espirituwal, panlipunan, intelektuwal, pisikal.
b. Gumawa ng mga plano na makatutulong sa iyo na makamit ang mga mithiing ito.
c. Itala ang iyong mga mithiin at plano sa iyong Gabay na Aklat para sa mga Kabataan o study journal.
May mga mithiin at plano akong isinasakatuparan.
a. Kung naaangkop, gumugol ng oras sa klase upang isagawa ang iyong mga plano at mithiin.
b. Pagnilayan ang natutuhan at progresong nagawa mo nang kumilos ka ayon sa iyong mga mithiin at plano.
c. Itala ang iyong mga naiisip at iakma ang iyong mga mithiin o plano kung kinakailangan sa iyong Gabay na Aklat para sa mga Kabataan o study journal.