Seminary
Lesson 179—Pagtataguyod at Pagsang-ayon sa Ating mga Lider: Pagsunod sa mga Tinawag ng Panginoon na Mamuno


“Lesson 179—Pagsang-ayon at Pagtaguyod sa Ating mga Lider: Pagsunod sa mga Tinawag ng Panginoon na Mamuno,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagsang-ayon at Pagtaguyod sa Ating mga Lider,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 179: Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili

Pagtataguyod at Pagsang-ayon sa Ating mga Lider

Pagsunod sa mga Tinawag ng Panginoon na Mamuno

sinasang-ayunan ng mga miyembro ang mga lider ng mga kabataan

Maaari tayong maging mabubuting lider sa maraming paraan. Ang isang paraan ay ang pagiging mabubuting tagasunod. Nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo kapag itinataguyod at sinasang-ayunan natin ang mga lider na tinawag sa ilalim ng Kanyang patnubay. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagsang-ayon sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Handang sumunod

Maaari mong ipakita ang sumusunod na sitwasyon upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kahalagahan ng pagtataguyod, pagsang-ayon o pagsuporta, sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno:

Isiping kunwari na ang isang kaibigan mong nabinyagan nang wala pang isang taon ay bigla na lamang tinawag upang maging pangulo ng inyong klase o korum. Mas matagal ka nang tapat sa ebanghelyo, at sa palagay mo mas karapat-dapat kao ang ibang tao na maging pangulo ng klase o korum kaysa sa kaibigan mo.

  • Paano mo mababago ang iyong pag-iisip upang maging mapagtaguyod na miyembro ka ng klase o korum?

  • Ano ang magagawa mo upang masuportahan ang iyong kaibigan sa tungkuling ito?

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung nagkaroon na sila, o ang kakilala nila, ng karanasang katulad nito. Paano sila tumugon?

Ang isang halimbawa ng pagiging handang sumunod sa mga tinawag ng Panginoon ay si Hyrum Smith. Bagama’t mas matanda siya ng anim na taon sa kanyang kapatid na si Joseph, sinuportahan ni Hyrum si Joseph sa kanyang tungkulin.

Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol kay Hyrum:

2:3
Pangulong M. Russell Ballard

Tinulungan at pinaglingkuran ni [Hyrum] ang kanyang kapatid na si Joseph ang Propeta, sa mahaba at mahirap na proseso ng Pagpapanumbalik. …

Sa lahat ng ito, matibay na nanindigan si Hyrum. Alam niya ang kahahantungan ng kanyang buhay, at pinili niyang tahakin ito. Para kay Joseph, si Hyrum ay naging isang kasama, tagapagtanggol, tagapagtaguyod, taong mapagkakatiwalaan, at kalaunan ay namatay na martir kagaya niya. Hindi makatwirang pag-uusig ang kanilang naranasan sa buong buhay nila. Bagama’t mas nakatatanda siya, kinilala ni Hyrum ang pagiging Propeta ng kanyang kapatid. Bagama’t kung minsan ay matindi siyang magpayo kay Joseph, madalas umayon si Hyrum sa kanyang nakababatang kapatid. (M. Russell Ballard, “Hyrum Smith: ‘Firm as the Pillars of Heaven,’” Ensign, Nob. 1995, 6–7)

ang magkapatid na Smith
  • Ano ang maaaring magpahirap sa isang taong nasa sitwasyon ni Hyrum na sundin si Joseph bilang kanyang lider ng priesthood?

  • Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang maaaring nakatulong kay Hyrum na maging handang sumunod kay Joseph? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:15).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:94–96, at alamin kung paano pinagpala si Hyrum dahil handa siyang sumunod sa kanyang nakababatang kapatid. (Tandaan na ang talata 94 ay tumutukoy kay Hyrum, hindi kay Joseph.)

  • Anong mga pagpapala ang nakita mo sa mga talatang ito?

Pagsang-ayon at Pagtaguyod sa mga lider

Ipaliwanag na ang isang paraang maipapakita natin ang ating kahandaang sundin ang ating mga lider ay sa pamamagitan ng pagtataguyod at pagsang-ayon sa kanila. Maaaring makatulong na alamin kung gaano nauunawaan nang mabuti ng mga estudyante ang ibig sabihin ng pagtataguyod at pagsang-ayon. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay ipasulat sa mga estudyante ang sarili nilang pagpapakahulugan sa pagtataguyod at pagsang-ayon. At pagkatapos ay sabihin sa kanilang ikumpara ang kanilang isinulat sa pagpapakahulugan mula sa Gabay sa Mga Banal na Kasulatan: “Mangakong itaguyod sila na mga naglilingkod sa pangkalahatan at lokal na mga tungkuling pangpinuno ng Simbahan” (Gabay sa Mga Banal na Kasulatan, “Pagtataguyod sa mga Pinuno ng Simbahan,” Gospel Library).

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang sumusunod na obserbasyon tungkol sa pagtataguyod sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno.

2:3
Pangulong Henry B. Eyring

Sa pamamagitan ng pagtataas ng inyong kamay, nangangako kayo. Nangangako kayo sa Diyos, na pinaglilingkuran ng mga taong ito, na sasang-ayunan ninyo sila.

Sila ay mga taong hindi perpekto, katulad ninyo. Ang pagtupad sa inyong mga pangako ay nangangailangan ng hindi natitinag na pananampalatayang tinawag sila ng Panginoon. Ang pagtupad sa mga pangakong iyan ay magdadala rin ng walang hanggang kaligayahan. (Henry B. Eyring, “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon,” Liahona, Mayo 2019, 58–59)

  • Paano mo ibubuod ang mga turo ni Pangulong Eyring?

  • Ano ang kanyang itinuro tungkol sa pagsampalataya kay Jesucristo?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sumasampalataya tayo kay Jesucristo kapag itinataguyod at sinasang-ayunan natin ang mga tinawag Niya na mamuno.

  • Sa iyong palagay, bakit kinakailangan ang pananampalataya kay Jesucristo sa at pagsang-ayon sa mga lider?

  • Kailan mo nadamang pinagpala ka dahil sa pagpiling sang-ayunan ang taong tinawag ng Diyos upang pamunuan ka?

Kung nahihirapang mag-isip ang mga estudyante ng isang halimbawa, maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan o patotoo tungkol sa pagsang-ayon sa isang taong tinawag ng Diyos na pamunuan ka.

Pagtitiwala kay Cristo upang itaguyod at sang-ayunan ang mga tinawag na mamuno

Tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano naaangkop sa kanilang buhay ang alituntunin ng pagtitiwala kay Cristo sa pagtataguyod at pagsang-ayon nila sa mga tinatawag Niya. Ang isang paraan para magawa ito ay ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon o lumikha ng iba pang mas angkop sa iyong mga estudyante. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng sitwasyong mapagninilayan habang pinag-aaralan nila ang isa o mahigit pang bahagi ng handout. Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang sitwasyon sa simula ng klase.

Iniba kamakailan ang panguluhan ng klase ng Young Women ni Amanda. Ang babaeng tinawag na maging pangulo ay isang taong hindi mabait kay Amanda noon.

Si Josh ay isang masipag na missionary. Nag-anunsyo kamakailan ang kanyang mission president ng isang patakaran sa misyon na ayaw ni Josh.

Ang mabuting kaibigan ni Josie ay tinawag kamakailan bilang kanilang pangulo ng klase. Inasahan ni Josie na hihilingin sa kanya ng kanyang kaibigan na sumama sa panguluhan, pero hindi niya ito ginawa.

Hinilingan si Kyle na maglingkod sa kanyang pangulo ng korum. Mahiyain siya at ayaw niyang gumagawa ng mga desisyon. Nag-aalala siya kung gaano siya magiging epektibo sa pamumuno sa kanyang korum at panguluhan.

icon ng handoutMakatutulong sa mga estudyante ang handout na may pamagat na ”Mga Turo tungkol sa Pagsang-ayon sa mga Tinawag na Mamuno” na maunawaan kung paano maiaangkop ang katotohanang natukoy nila sa sitwasyong pinili nila at sa kanilang sariling buhay.

Ang isang paraan para balikan ang handout ay magtakda ng mga istasyon sa silid-aralan. Maaaring puntahan ng mga estudyante ang bawat istasyon at tahimik na pag-aralan ang bawat bahagi ng handout, at alamin at itala ang mga ideyang naaangkop sa kanilang sitwasyon. Pagkatapos ay maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo o magkaka-partner at ibahagi ang natutuhan nila.

Ang isa pang paraan para marebyu ang handout ay ilagay ang mga estudyante sa mga grupong may tig-aapat na miyembro at bigyan ang bawat miyembro ng grupo ng isang bahagi mula sa handout. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang kanilang bahagi, at alamin kung paano ito nauugnay sa kanilang sitwasyon. Pagkatapos ay maaaring ituro ng bawat estudyante sa kanilang grupo ang natutuhan nila.

Mga Turo tungkol sa Pagtataguyod at Pagsang-ayon sa mga Tinawag na Mamuno

Bahagi 1

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

Ang lider ninyo sa Simbahan ng Panginoon ay maaaring tila mahina o may pagkukulang para sa inyo o maaaring makita ninyo siya na malakas at inspirado. Ang katotohanan ay mayroon ang lahat ng lider ng pinaghalong katangiang iyon at marami pang iba. Ang nakakatulong sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na tinawag upang mamuno sa atin ay kapag tinitingnan natin sila tulad ng pagtingin ng Panginoon noong tawagin Niya sila.

Kilalang-kilala ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod. Nakikita Niya ang kanilang potensyal at kanilang hinaharap. At alam Niya kung paano mababago ang kanilang pagkatao. Alam din Niya kung paano sila mababago ng kanilang mga karanasan kasama ang mga tao na pinamumunuan nila. …

… Kung nananampalataya kayo na pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa mga di-perpektong tagapaglingkod na iyon na Kanyang tinawag, bubuksan ng Panginoon ang mga dungawan ng langit para sa kanya, at gagawin din Niya iyon sa inyo. (Henry B. Eyring, “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan,” Liahona, Nob. 2017, 83–84)


Bahagi 2

Sabi ni Brother Stephen W. Owen, na dating Young Men General President:

Elder Stephen W. Owen

Magkakaroon ng mga pagkakataon sa inyong buhay na tatawagin kayo para mamuno. Sa ibang mga pagkakataon, aasahan kayong sumunod. Ngunit ang mensahe ko sa inyo ngayon ay na anuman ang calling ninyo, lagi kayong isang pinuno, at lagi kayong isang alagad. Ang pamumuno ay isang pagpapahayag ng pagkadisipulo—pagtulong lamang ito sa iba na lumapit kay Cristo, na siyang ginagawa ng tunay na mga disipulo. Kung sisikapin ninyong maging alagad ni Cristo, matutulungan ninyo ang iba na sumunod sa Kanya at maaaring kayo ang maging pinuno.

Ang kakayahan ninyong mamuno ay hindi nagmumula sa hilig ninyong makipagkaibigan, kasanayan ninyong manghikayat, o kahit sa husay ninyong magsalita sa publiko. Nagmumula ito sa pangako ninyong sumunod kay Jesucristo. (Stephen W. Owen, “Ang Pinakadakilang mga Pinuno ay ang Pinakadakilang mga Alagad,” Liahona, Mayo 2016, 75)


Bahagi 3

Basahin ang mga sumusunod na talata:

Doktrina at mga Tipan 107:22 (Pansinin ang mga paraan na itinuturo sa atin ng talatang ito na itaguyod at sang-ayunan ang Unang Panguluhan. Isipin kung paano naaangkop din ang mga paraang ito sa pagtataguyod at pagsang-ayon sa iba pang tungkulin.)

Exodo 17:9–12 (Pansinin kung paano itinaguyod si Moises nang labanan ng Israel ang mga tao ng Amalek.)


Bahagi 4

Itinuro ni Brother Stephen W. Owen, na dating Young Men General President:

Elder Stephen W. Owen

Si [Jesucristo] ang pinakadakilang pinuno dahil Siya ang pinakadakilang alagad—sinusunod Niya nang lubusan ang Kanyang Ama, sa lahat ng bagay. (Stephen W. Owen, “Ang Pinakadakilang mga Pinuno ay ang Pinakadakilang mga Alagad,” Liahona, Mayo 2016, 75)

Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pansinin ang mga paraan kung paano sinunod ni Jesus ang Kanyang Ama at ang mga paraang napalakas si Jesus nang gawin niya ang mga ito.

Lucas 22:41–43

Juan 12:49–50

Pagninilay tungkol sa natutuhan mo

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa isang kapartner o grupo kung ano sa palagay nila ang mahalagang malaman ng mga kabataan sa Simbahan mula sa lesson ngayon at bakit.

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na magbahagi, sabihin sa kanila na tahimik na pagnilayan ang mga sumusunod na tanong at maging bukas sa mga impresyong matatanggap nila mula sa Espiritu Santo:

  • Gaano kahusay mong itinataguyod at sinasang-ayunan ang mga hiniling sa iyo ng Panginoon na sundin?

  • Paano ka sasampalataya sa Tagapagligtas upang mas maitaguyod at masang-ayunan mo ang mga tinawag na mamuno?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi kung paano ka napagpala ng pananampalataya kay Jesucristo sa patataguyod at pagsang-ayon mo sa mga lider ng Simbahan.