Seminary
Lesson 177—Responsableng Paggamit ng Teknolohiya: Pagiging Maingat sa Ating mga Pagpili Hinggil sa Teknolohiya


“Lesson 177—Responsableng Paggamit ng Teknolohiya: Pagiging Maingat sa Ating mga Pagpili Hinggil sa Teknolohiya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Responsableng Paggamit ng Teknolohiya,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 177: Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili

Responsableng Paggamit ng Teknolohiya

Pagiging Maingat sa Ating mga Pagpili Hinggil sa Teknolohiya

isang dalagitang gumagamit ng kanyang laptop

Mapalad tayong mabuhay sa panahong may maraming teknolohiya. Maaari tayong matulungan ng paggamit natin ng teknolohiya na mas mapalapit kay Jesucristo at matulungan ang Kanyang gawain na sumulong. Ngunit maaari din tayo nitong ilayo sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging maingat upang maging responsable sa kanilang paggamit ng teknolohiya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paggamit ng teknolohiya

Maaari kang magpakita ng larawan ng mga laminang ginto. Ipaliwanag na ipinagkatiwala ng Diyos kay Propetang Joseph Smith ang mga laminang ginto.

mga laminang ginto

Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:46, at alamin ang babalang ibinigay ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa mga laminang ginto.

Maaari mong isulat ang heading na Paggamit para sa kabutihan sa isang bahagi ng pisara at ang heading na Maling paggamit sa kabila. Pagkatapos ay maaari mong isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong sa ilalim ng bawat heading.

  • Paano sisikapin ni Satanas na hikayatin si Joseph Smith na gamitin sa maling paraan ang mga laminang ginto?

  • Paano ginamit ni Joseph Smith ang mga laminang ginto para sa kabutihan?

Magpakita ng cell phone o isang larawan nito, at sabihin sa mga estudyante na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ang teknolohiya.

  • Paano natin magagamit ang teknolohiya para sa kabutihan?

  • Sa anong mga paraan maaaring matukso ang mga tinedyer na gamitin sa maling paraan ang teknolohiya?

Sabihin sa mga estudyanteng tahimik na pagnilayan ang sumusunod na tanong.

  • Paano mo ginagamit ang teknolohiya sa mga paraang nais ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na maging bukas sa mga impresyon kung paano sila magiging responsable sa kanilang paggamit ng teknolohiya. Maaari mong ibahagi na tulad ni Joseph Smith na ginabayan ng Panginoon na gamitin ang mga laminang ginto para sa kabutihan, matutulungan din Niya tayong gawin din iyon sa teknolohiya.

Inspiradong patnubay

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na matuto mula sa inspiradong patnubay ng Panginoon tungkol sa responsableng paggamit ng teknolohiya.

Ang isang paraan para mapag-aralan ninyo ang mga sumusunod na bahagi ay hatiin ang iyong klase sa dalawang grupo. Bigyan ng isang bahagi ang bawat grupo. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang mag-isa ang kanilang bahagi, isulat sa study journal nila ang kanilang mga sagot sa mga tanong, at maghandang ituro ang kanilang matututuhan.

Bilang alternatibo, maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang alinmang bahagi na mas interesante sa kanila.

Responsableng Paggamit ng Teknolohiya

Bahagi 1. Matalinong paggugol ng oras sa teknolohiya

Sa Doktrina at mga Tipan, ginagamit ng Panginoon ang mga katagang “sabik sa paggawa“ at “[nagsasayang].”

  • Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng mga katagang ito?

Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pagnilayan ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa pagiging sabik sa paggawa at nagsasayang: Doktrina at mga Tipan 58:27–28; 60:13; 68:31; 75:3.

  • Paano mo ibubuod ang itinuturo ng Panginoon?

(Sa mga katotohanang nakasaad, maaaring may matukoy kang gaya ng sumusunod: Nais ng Panginoon na maging sabik tayo sa paggawa ng mabuting bagay at hindi natin sayangin ang ating panahon.)

  • Paano natin malalaman kung sinasayang natin ang ating oras sa teknolohiya?

Pag-aralan ang sumusunod na pahayag, at alamin ang mga kabatiran tungkol sa matalinong paggamit ng teknolohiya.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Ang batang-isip o di-naturuang [indibiduwal] ay maaaring mag-ukol ng maraming oras sa video games, pakikipag-chat online, o sa iba pang mga paraan na nagtutulot na mangibabaw ang digital sa katunayan ng mga bagay-bagay. Noong una tila hindi naman masamang magsayang ng oras, dahil ilang minuto lang ito ng pagpapahinga mula sa kaabalahan sa mga gawain araw-araw. Ngunit nakakaligtaan ang mahahalagang pagkakataon na matuto at humusay sa pakikisama. … Unti-unti, ang tila inosenteng libangan ay nagiging isang uri ng nakasisirang pagkaalipin. (David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” Ensign, Hunyo 2010, 21)

  • Ano ang mga dahilan ng mga tao upang bigyang-katwiran ang pagsasayang ng oras sa teknolohiya?

  • Ano ang nakatutulong sa iyo na maiwasang sayangin ang oras mo sa teknolohiya?

  • Paano mo maaaring isama ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap na gamitin nang matalino ang teknolohiya?

Bahagi 2. Pagpili ng mabuting media

  • Anong mga pagpili sa paggamit ng media ang regular mong ginagawa?

  • Ano ang itinuro sa iyo ng iyong mga karanasan na makatutulong sa iyo na manatiling mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa paggawa mo ng mga pagpili tungkol sa media?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:23–24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13; at Moroni 7:12–17, at alamin ang mga katotohanang makatutulong sa atin na makita kung ano ang mabuti at masama.

  • Anong mga katotohanan ang mahahanap mo sa mga talatang ito?

(Sa mga katotohanang nakasaad, maaaring may matukoy ka na katulad ng sumusunod: Yaong nagpapatibay at naghihikayat na gumawa ng mabuti ay mula sa Diyos.)

  • Paano ka makikinabang sa pagsasabuhay ng katotohanang ito sa pagpili mo ng media na gagamitin?

Inanyayahan tayo ni Elder David A. Bednar na tanungin sa ating mga sarili ang sumusunod na tanong tungkol sa media na ating ginagamit:

Elder David A. Bednar

Ang paggamit ba ng iba’t ibang teknolohiya at media ay nag-aanyaya o pumipigil sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo sa inyong buhay? (David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” Ensign, Hunyo 2010, 23)

  • Paano mo maaanyayahan ang Espiritu Santo sa paggawa mo ng mga pagpili sa paggamit ng media?

  • Ano ang nakakatulong sa iyo na iwasan ang uri ng media na makapaglalayo sa iyo mula sa Tagapagligtas?

Kapag tapos nang mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang natutuhan. Maaari itong gawin bilang isang klase o sa pamamagitan ng pagpartner ng mga estudyanteng nag-aral ng ibang bahagi. Matapos turuan ng mga estudyante ang isa’t isa, maaari mo silang anyayahang sanayin ang isa o lahat ng sumusunod na kasanayan upang matulungan silang gamitin ang teknolohiya nang ligtas. Para sa karagdagang tulong, maaari mong ituon ang pansin ng mga estudyante sa resource na “Taking Charge of Technology,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Ang pagpaplano nang maaga ay makatutulong sa ating maging responsable sa paggamit ng teknolohiya

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natutuhan, tulungan silang sanayin ang sumusunod na kasanayan:

Linawin: Ang paggawa ng plano tungkol sa kung paano natin gagamitin ang teknolohiya ay makatutulong sa atin na maging sabik sa paggawa ng mabuti at hindi sayangin ang ating panahon. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa paggawa ng plano.

Ipakita: Magbigay ng modelo para sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na mag-isip ng mga paraang magagamit nila ang teknolohiya nang matagumpay. Magagawa mo ito sa pagtatanong ng:

  • Ano ang ilang paraan kung paano ka makapagpaplano nang maaga upang maging responsable sa iyong paggamit ng teknolohiya?

    Ang ilang maaaring sagot ay:

    • Isipin kung paano ninanais ng Ama sa Langit na gamitin mo ang teknolohiya.

    • Magkaroon ng layunin bago ka gumamit ng teknolohiya (halimbawa, pakikipag-usap sa isang kaibigan sa iyong telepono).

    • Magtakda ng mga pang-araw-araw na limitasyon sa tagal ng paggamit ng teknolohiya.

    • Magkaroon ng mga lugar kung saan hindi maaaring gumamit ng device, tulad ng iyong silid at banyo.

    • I-charge ang telepono mo sa lugar kung saan inilalagay ng pamilya ang mga device sa gabi, malayo sa iyong kama.

    • Gumamit ng mga filter na pumipigil sa hindi naaangkop o hindi ligtas na content.

  • Sa iyong palagay, bakit makapagdudulot ng kaibhan ang pagkakaroon ng plano?

Sanayin: Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit upang makagawa ng plano kung paano sila magiging responsable sa kanilang paggamit ng teknolohiya.

Itanong kung may mga estudyante na gustong ibahagi ang kanilang plano sa klase.

Ang paghinto ay makatutulong sa ating maging responsable sa paggamit ng teknolohiya

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang gagawin kapag nakakita sila ng hindi naaangkop na media, maaaring kapaki-pakinabang ang sumusunod na kasanayan:

Linawin: Kapag nakakita tayo ng hindi naaangkop na media, maaari tayong tumigil sandali at magpahinga sa paggamit ng teknolohiya.

Ipakita: Magbigay ng modelo para sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na tatlong hakbang na makatutulong sa kanila na huminto at magpahinga mula sa teknolohiya kapag nakakita sila ng hindi angkop na media. Maaari mo ring ituon ang pansin ng mga estudyante sa resource na “Taking Charge of Technology” para sa karagdagang tulong dito.

  1. Tukuyin ito: Kapag nakakita ka ng content na hindi naaangkop o nagpapasama ng loob mo, nagpapalungkot sa iyo, o nagpapabalisa sa iyo, maaari mong sabihing, “Hindi ito tama.” Ang mga damdaming ito ay maaaring mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo.

  2. Piliin ang mas mainam na opsyon: Maaari mong patayin ang device o i-silent ang mga notification. Maaari kang lumabas o lumipat sa ibang silid, na walang bitbit na device. Maaari mong isipin si Jesucristo o alalahanin ang isang paboritong talata sa banal na kasulatan upang anyayahan ang Espiritu Santo na makasama mo.

  3. Makipag-usap sa isang tao: Maaari kang makipag-usap sa isang kaibigan o kapamilya tungkol sa iyong nadarama. Maaari kang manalangin sa Ama sa Langit.

Sanayin: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano sila maaaring tumigil sandali at magpahinga kapag nakakita sila ng hindi naaangkop na media.

Kung gusto ng mga estudyante, maaari nilang ibahagi sa klase ang kanilang mga ideya.

Ibahagi ang natutuhan mo

  • Ano ang isang bagay na natutuhan mo mula sa lesson na ito na ayaw mong makalimutan?

Magtapos sa iyong patotoo na matutulungan tayo ng Panginoon na gamitin nang ligtas at matalino ang teknolohiya.