“Paano ko matutugunan ang aking mga pangangailangan?” Tulong para sa mga Asawa (2021)
“Paano ko matutugunan ang aking mga pangangailangan?” Tulong para sa mga Asawa
Paano ko matutugunan ang aking mga pangangailangan?
Habang hinaharap mo ang problemang dulot ng paggamit ng pornograpiya ng iyong asawa, mahalagang bigyang-pansin ang iyong biyolohikal, sikolohikal, sosyal, at espirituwal na kalusugan. Tutulungan ka nito na maging mas handang harapin ang mga di-inaasahan at kadalasan ay mahihirap na damdaming dinaranas mo.
Biyolohikal na Kalusugan
Sa gayong mahirap na panahon, normal lang na labis na mabigatan, mabalisa, o malungkot. Ang iyong gawi sa pagtulog, nutrisyon, at pag-eehersisyo ay mahalaga sa iyong kalusugan at kabuuang kalagayan. Ang mga health practitioner, kapwa tradisyonal at hindi tradisyonal, ay maaaring magandang mapagkunan ng impormasyon at tulong. Maraming mental health professional ang naghihikayat sa kanilang mga pasyente na ipagtapat ang anumang problema sa kalusugan sa isang doktor at kumuha ng kumpletong medical exam. Maaaring makatulong ang isang medical doctor na matukoy ang mga problemang biyolohikal na dapat mong bigyang-pansin.
Sikolohikal na Kalusugan
Ang iyong sikolohikal na kalusugan ay nakaaapekto sa paraan ng iyong pag-iisip, kung paano mo nakikita ang mundo, at kung ano ang iyong nararamdaman. Sa paghahangad na maunawaan kung paano nakaiimpluwensya sa iyo ang mga problemang sikolohikal, makatutulong na humingi ng payo sa pamilya, mga kaibigan, at mga mental health provider. Ang ilang problemang sikolohikal na maaari mong isaalang-alang ay:
-
Mga problema sa kalusugan ng isipan tulad ng pagkabalisa, depresyon, o kawalang-kakayahang mag-isa.
-
Mga nakaka-trauma na karanasan noong bata pa tulad ng seksuwal o pisikal na pang-aabuso.
-
Ang iyong pagpapahalaga at tiwala sa sarili.
-
Ang saloobin at pag-uugali ng iyong mga magulang, lalo na tungkol sa seksuwalidad.
-
Ang mga seksuwal na karanasan noon.
Sosyal na Kalusugan
Kabilang sa iyong sosyal na kalusugan ang mga pakikipag-ugnayan mo sa pamilya, mga kaibigan, paniniwala sa lipunan, at kultura. Maaaring makatulong sa iyo nang malaki ang mga nakakasalamuha at nasa kapaligiran mo. Matutulungan ka ng mga kapamilya, kaibigan, at sumusuportang grupo sa lipunan na pag-isipan ang mga opsiyon at magbibigay sila sa iyo ng impormasyon tungkol sa mabubuti at masasamang pag-uugali. Mapapanatag ka kapag nag-ukol ka ng ilang oras para sa sarili mo at inalam mo ang iyong sariling mga interes at koneksyon.
Espirituwal na Kalusugan
Ang mahihirap na karanasan ay maaaring magpahina ng iyong pananampalataya at magdulot sa iyo ng pagkalito, pasakit, lungkot, o pakiramdam na pinabayaan ka ng Diyos. Maaaring kailangan ng panahon para masuri at maunawaan ang iyong mga espirituwal na naiisip at nadarama. Ang personal na panalangin at pagninilay, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsisimba, paglilingkod sa iba, at pagsangguni sa mga lider ng Simbahan ay ilang bagay na makatutulong sa iyo na masuri ang iyong mga paniniwala at magkaroon ng mas malalim na pang-unawa tungkol sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal sa iyo. Habang hinahangad mong patatagin ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, makatatanggap ka ng partikular na paghahayag para sa sarili mong sitwasyon.
Karagdagang mga Ideya
Hangaring ibahagi ang nadarama mo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin. Ano ang iba pang mga paraan na maaari mong patatagin ang iyong ugnayan sa Kanila?
Isiping makipag-usap sa mga taong madalas mong makasalamuha na mapagmalasakit na makikinig at magpapatatag ng damdamin mo.
Suriin ang di-magagandang karanasan mo noon na maaaring humahadlang sa iyo na ibahagi ang iyong mga pangangailangan ngayon. Ang isang maaaring halimbawa ay ang paniniwala na mas mahalagang protektahan ang pribadong buhay ng iyong asawa kaysa matulungan ka sa nararamdaman mo. Paano mo aalamin kung nararapat sa iyo o hindi ang magbahagi?