Pornograpiya
Walang Imposible


“Walang Imposible,” Tulong para sa mga Asawa (2021)

“Walang Imposible,” Tulong para sa mga Asawa

Walang Imposible

*Kuwento ni Kacie

Siyam na buwan matapos kong pakasalan ang aking asawa, natuklasan ko na lulong siya sa pornograpiya. Nagdedeyt pa lang kami at malapit nang ikasal ay lulong na siya rito, at ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-uugaling ito hanggang sa aming pagsasama. Walang sapat na mga salita para ipahayag ang galit, sakit, at panloloko na nadama ko nang malaman ko ito. Higit sa lahat, pakiramdam ko ay nalinlang ako nang pinakasalan ko siya. Dahil ikinasal kami sa templo, nadama ko na nabitag ako ng walang hanggang kasal sa isang lalaking hindi ko na kilala at talagang hindi ko mapagkakatiwalaan.

Iminungkahi ng bishop namin ang Addiction Recovery Program na partikular na nauukol sa pagkalulong sa pornograpiya, at pumayag kaming makibahagi. Ang programa ay inorganisa bilang isang group meeting. Noong una ay nakakahiyang dumalo, lalo na nang matuklasan ko na isa pang babae sa grupo ay dati kong kasamahan sa trabaho. Nabawasan ang bigat na nararamdaman ko sa paglipas ng panahon nang maging malapit kami sa isa’t isa ng ibang mga miyembro na pareho ko ang nararanasan.

Hindi nagtagal matapos kong simulan ang therapy, isang babae sa grupo ang kumausap sa akin nang sarilinan at matinding iminungkahi na makipaghiwalay ako bago sumapit ang ika-isang taong anibersaryo ng aking kasal. Ikinuwento niya sa akin kung paanong paulit-ulit na binabalikan ng kanyang asawa ang pagkalulong, kahit nabigyan na ng tulong, at ang naramdaman niya nang hindi na niya ito maiwan dahil may apat siyang anak na aalagaan. Hinimok niya akong makipaghiwalay sa pamamagitan ng annulment para maiwasan ko ang magkaanak at makipagdiborsyo. Pinag-isipan kong mabuti ang kanyang sinabi at napakalungkot ko nang sumunod na linggo. Matapos makausap ang aking stake president at manalangin at magnilay-nilay nang maraming beses, pumayag ako na ayusin ang pagsasama namin kung magsisikap din ang asawa ko. Bagama’t nagalit ako sa kanya, kahit paano ay isinasaalang-alang ko na handa siyang magbago.

Lumala ang mga bagay-bagay bago bumuti ang mga ito. Ang pinakamalungkot na naaalala ko ay noong malapit na ang isang taong anibersaryo namin nang tanungin ako ng asawa ko kung mahal ko pa rin siya at sumagot ako na talagang hindi ko na alam. Ang sumunod na ilang buwan ay puno ng sakit at pighati na tila mga bangungot na nagpapahirap sa akin. Maraming beses akong nagsumamo sa aking Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas na makapagtiis.

Sa paglipas ng panahon ay nagsimulang bumuti ang mga bagay-bagay, at nakapagtuon ako sa ilang mahahalagang katotohanang natutuhan ko, na nakatulong sa paggaling ko:

  1. Maling isipin na bumabaling ang mga tao sa pornograpiya kapag hindi sila nasisiyahan sa pakikipagseks. Napakabigat sa loob ko ang pag-aakala na hindi ko sapat na napapaligaya ang aking asawa kaya napagbalingan niya ang pornograpiya. Sa katunayan, karamihan sa mga indibiduwal na may ganitong pagkalulong ay matagal nang mayroon nito, mula pa pagkabata. Lulong na siya bago ko pa man nakilala ang aking asawa, at ang pagpili niyang gamitin ito ay hindi ko kasalanan.

  2. Napakahalaga na kapwa humingi ng tulong ang magkapartner. Bagama’t hindi ako direktang responsable sa pag-uugali ng aking asawa, malaki ang epekto ng ikikilos ko sa magkasamang pagharap namin sa mga problema. Natuklasan at nabago ko nang husto ang aking sarili sa prosesong ito kaya madalas kong isipin kung mas marami bang naitulong ang therapy sa akin kaysa sa asawa ko.

  3. Nakatutulong na manatiling alerto, lalo na kapag hindi na ipagpapatuloy ang therapy. Nagtakda kaming mag-asawa ng maraming mahihigpit na patakaran tungkol sa paggamit ng media, na kalaunan ay niluwagan namin nang nadama naming ligtas at angkop nang gawin ito.

  4. Kailangan ng buong pusong pagsisikap para sa tuluy-tuloy na paggaling. Ang pagiging bukas ang isipan sa mga bagay na napansin ng mga tao tungkol sa akin ay nagtulot sa akin na gawin ang mga pagbabagong kailangan ko para mas mapabuti ang pagsasama naming mag-asawa.

  5. Matagal na panahon ang kailangan para gumaling. Kahit naging mas matatag na ang mga bagay-bagay, hindi pa rin nawala ang hinanakit ko sa aking asawa. Nagagalit ako kapag pinupuri siya ng iba, iniisip na, “Kung kilala lang talaga nila siya, hindi sila magsasalita ng gayon kaganda tungkol sa kanya.” Para mapaglabanan ang mga damdaming ito, nag-ingat ako ng isang journal ng pasasalamat at mahigit isang buwan akong sumulat ng isang bagay gabi-gabi na nagpapakita ng pasasalamat ko sa aking asawa. Kung minsan halos imposibleng makasulat ng kahit isang ideya sa journal na ito. Ngayon, nalulugod na ako sa papuri na natatanggap ng asawa ko, at wala na akong sapat na pahina sa isang notebook para itala ang lahat ng bagay na hinahangaan ko sa kanya.

    Hindi ko mailalarawan ang bawat hakbang na ginawa ko sa buong prosesong ito, ngunit masasabi ko na walang imposible sa pamamagitan ni Jesucristo. Nakiusap ako sa Kanya na ipanumbalik ang aking kasal sa dating estado nito, ngunit sa halip ay dinala Niya ito sa estado na mas mataas pa. Napalapit ako sa Kanya nang tingnan ko ang aking asawa kung paano Niya ito tinitingnan at sa pamamagitan ng pagpapatawad habang kinikilala na lahat tayo ay mga pulubing nagsusumamo sa harapan ng Panginoon.

    Ngayon ay limang taon na kaming kasal ng asawa ko at may isang magandang anak na babae. Napakasaya ng aming pagsasama at pinagpala ang aming buhay. Hindi na ako namumuhay nang may takot. Hindi ko na tinitingnan ang aking asawa nang may kapaitan at hinanakit. Sa pamamagitan lamang ng Tagapagligtas magagawang posible ang ganitong uri ng paggaling. Pinagaling Niya ang aking mga sugat sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

    *Binago ang pangalan.

    Ang kuwentong ito ay orihinal na mula sa Addiction Recovery Program website.