Pornograpiya
Magkasamang Harapin at Lutasin Ito


“Magkasamang Harapin at Lutasin Ito,” Tulong para sa mga Asawa (2021)

“Magkasamang Harapin at Lutasin Ito,” Tulong para sa mga Asawa

Magkasamang Harapin at Lutasin Ito

*Kuwento ni Candice

Alam ko nang lulong sa pornograpiya ang asawa ko bago pa man kami ikinasal, ngunit hindi ko inakala ang magiging epekto nito sa bawat aspekto ng aming buhay bilang mag-asawa.

Kapag ang pagkalulong sa pornograpiya ay nahaluan ng obsesyon sa computer gaming at kawalan ng trabaho, ang ibubunga nito ay matinding kalungkutan. Sa ikalawang taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa, naranasan ko ang pinakamatinding depresyon. Maraming araw ang ginugol ko sa pag-upo sa tumba-tumba sa silid ng aking bagong silang na anak, habang idinuduyan ko siya at umiiyak ako na nakatanaw sa bintana. Nagpasiya ako na dapat nang wakasan ang kalungkutang ito. Pinlano ko na makipagdiborsyo. Handa akong ituloy ito, pero nadama ko na kailangan ko munang kausapin ang bishop.

Makalipas ang ilang araw, sinabi sa akin ng asawa ko na may idadaos na disciplinary council ng Simbahan para sa kanya at puwede akong pumunta kung gusto ko, pero hindi ko kailangang gawin iyon. Nalungkot ako. Hindi dapat ganito ang walang hanggang kasal, o ang pinangarap ko sa mga lesson na iyon sa Young Women tungkol sa walang hanggang kasal. Nagpasiya akong sabihin sa bishop ang desisyon kong makipagdiborsyo nang gabing iyon.

Nang tawagin ako ng bishop sa kanyang opisina, tiningnan niya ako nang diretso sa mga mata at sinabi sa akin na gusto ni Satanas na sirain ang aking pamilya, ngunit posible pa ring maisalba ito. Sinabi niya na may pag-asa pa rin para sa aking pamilya.

Umuwi ako na determinadong huwag hayaang manalo si Satanas. Nakipaglaban ako sa kanya noong bago pa ako isinilang, at ngayon ay makikipaglaban ako sa kanya sa abot ng makakaya ko rito sa mundo. Binasa ko ang bawat mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagpapatawad, Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, pamilya, pag-asa, at pagdaig sa mga hamon. Tiningnan ko ang bawat banal na kasulatan tungkol sa paksa ng pagpapatawad. Hindi ko alam kung mapapatawad ko ang lahat ng sakit at pagkabigo, ngunit taos-puso akong nanalangin na mapatawad ang asawa ko.

Isang umaga, lumuhod ako at nangako sa Ama sa Langit na kung susuportahan Niya ako, hindi ko na pag-iisipang makipagdiborsyo. Walong taon na ang nakalipas mula nang araw na iyon. Naroon pa rin ang pagkalulong, kaakibat ang masasaya at malulungkot na bagay, ngunit magkasama pa rin kaming nagtutulungan bilang mag-asawa.

Ilang beses na sinabi sa akin ng bishop ko na hindi ako nag-iisa at ang pornograpiya ay malaking problema sa Simbahan, ngunit wala akong kilalang sinuman na lulong sa pornograpiya ang asawa. Nang ipaalam sa amin ng bishop ang Addiction Recovery Program, napansin ko na mayroon silang group meeting na para lamang sa kababaihan na ang asawa ay mga lulong sa pornograpiya.

Agad kong nadama na ito ang kailangan kong puntahan. Sinabi ko sa asawa ko na maaari siyang sumama sa akin kung gusto niya, pero tutuloy pa rin ako kahit mag-isa lang.

Magkasama kaming nagpunta, siya sa miting ng mga kalalakihan at ako sa miting ng kababaihan. Ang mga miting ng ARP ay nagtulot sa akin na makita na may iba pang kababaihang may problemang katulad ng sa akin. Sinimulan kong harapin ang mga damdaming isinantabi ko noon. Natutuhan ko kung paano maging masaya, anuman ang ikinikilos ng aking asawa. Hindi kailangang kontrolin ng kanyang mga kilos ang sarili kong emosyon, kilos, nararamdaman, o pagpapahalaga sa sarili. Natutuhan kong magmahal, magpatawad, mahigpit na humawak sa Tagapagligtas, at maging malaya sa mga impluwensya sa labas. Sinimulan ng asawa ko ang pagbabagong kailangan niya at patuloy na dumalo sa mga recovery meeting.

Bilang asawa, maaari kong mahalin at suportahan ang asawa ko, pero hindi ko kayang lutasin ang adiksiyon niya para sa kanya. Iyan ang daan na kailangan niyang lakbayin. Ngunit lagi ko siyang sasamahan, hihikayatin siya na magpatuloy gaano man katagal ang abutin nito. Pinagsisikapan naming palakihin ang aming mga anak sa isang masayang tahanan, kapwa sinisikap na patuloy na kaibiganin at mahalin ang isa’t isa. Ang asawa ko ay isang dakilang ama para sa aming mga anak, at mahal na mahal nila siya. Siya ay matalik kong kaibigan.

Nagpapasalamat ako na naturuan ako ng ARP, ng mapagmahal na mga priesthood leader, at higit sa lahat ng ating Tagapagligtas, kung paano magmahal at magpatawad. Kahit na nahihirapan pa ring paglabanan ng asawa ko ang pagkalulong na ito, nagagawa ko pa ring ngumiti araw-araw dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo.

*Binago ang pangalan.

Ang kuwentong ito ay orihinal na mula sa Addiction Recovery Program website.