Pornograpiya
Paano ko pinakamainam na masusuportahan ang aking asawa?


“Paano ko pinakamainam na masusuportahan ang aking asawa?” Tulong para sa mga Asawa (2021)

“Paano ko pinakamainam na masusuportahan ang aking asawa?” Tulong para sa mga Asawa

Larawan
lalaki at babae na nakatingin sa isa’t isa

Paano ko pinakamainam na masusuportahan ang aking asawa?

Mahalagang may hangarin ang asawa mo na baguhin ang kanyang pagkalulong sa pornograpiya at handa siyang humingi ng tulong. Hindi mo maaaring pilitin o kontrolin ang asawang ayaw magbago. Kailangang handa ka kung paano tutugon sakaling ayaw magbago ng iyong asawa. Maaaring napakahirap na panahon ito para gumawa ng mga desisyon, magtakda ng mga hangganan o limitasyon, at magpasiya kung ano ang pinakamabuti para sa inyo. Basahin ang manwal na,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.1

Masusuportahan mo nang lubos ang iyong asawa kung handa kang gawin ito at kapag nadarama mo na may sarili kang support group na tutulong sa inyo sa proseso. Ang sumusunod na impormasyon ay maaaring makatulong.

  • Alamin kung kailan at paano tutulong. Maaaring may mga sandali na pakiramdam mo ay hindi matatag ang loob mo para sumuporta, at normal lang iyan. Ang pakiramdam na obligado ka na palaging umalalay ay hindi nakatutulong sa iyo o sa iyong asawa. Totoo ito lalo na kung nasira na ang tiwala mo o nawalan ka na ng kumpiyansa sa sarili. Kung hindi ka pa handang tulungan ang iyong asawa, maaari mo siyang hikayatin na magpatulong sa isang tao na katulad ng kasarian ng iyong asawa.

  • Ipaunawa sa iyong asawa ang ibig sabihin ng pananagutan. Gaano mo man kagustong tumulong, responsibilidad ng asawa mo na baguhin ang kanyang pag-uugali. Isa sa mga pinakamahalagang aspekto ng pagsuporta sa iyong asawa ay tulungan siyang maging responsable sa pagbabago. Kapag natutuhan ng iyong asawa na responsibilidad niyang bumuti, mas madarama niya na pananagutan niya kung magtagumpay man siya o mabigo. Makatutulong din sa iyo at sa iyong asawa na talakayin kung ano ang ibig sabihin ng pananagutan sa inyong pagsasama at kung paano ninyo ito palaging pag-uusapan.

  • Talakayin ang isang plano para sa pagbabago. Maaaring makatulong sa iyo na talakayin ang mga pinaplano ng iyong asawa na pagbabago sa kanyang pag-uugali. Maaari mong itanong ang tulad ng “Ano ang mga detalye ng plano mo?” at “Ano ang gusto mong gawin ko para masuportahan ka?” Dapat mo ring isipin kung ang tulong na ito ay isang bagay na maibibigay mo nang magaan sa iyong damdamin.

  • Tulungan ang iyong asawa na malaman na hindi siya nag-iisa. Ang mga tao na nahihirapang paglabanan ang paggamit ng pornograpiya ay maaaring mahiya at humiwalay sa iba, o maaaring akalain nila na sila lang ang may ganitong problema. Tulungan ang iyong asawa na maunawaan na maraming tao ang nahihirapang paglabanan ang paggamit ng pornograpiya at naghahanap ng mga paraan para gumaling at sumulong. Marami ang nakadarama ng kapanatagan sa pagdalo sa isang support group, at maaaring makatulong din iyan sa iyong asawa. (Tingnan ang addictionrecovery.ChurchofJesusChrist.org para sa impormasyon tungkol sa mga support group ng Simbahan.)

  • Makinig nang may pagdamay. Ibig sabihin nito ay pansinin at pakinggan nang lubos ang iyong asawa upang makaunawa sa halip na humusga. Maaaring madama mo na kailangan mong magpayo o may gawin para makapagsuporta. Ngunit pinakamainam na maipadarama mo ang iyong suporta sa simpleng pakikinig. Alamin ang iba pa sa artikulong “Paglinang ng Pakikiramay sa Pagmi-minister.”2 Alamin kung kailan mo kailangang lumayo o umiwas sa matensyong pag-uusap.

  • Tulungan ang iyong asawa na maunawaan ang pagkakaiba ng pagkakonsensiya at kahihiyan. Maraming taong gumagamit ng pornograpiya ang ikinahihiya ang kanilang pag-uugali. Kabilang dito ang pag-iisip na hindi sila karapat-dapat sa pagmamahal at kapatawaran ng Diyos at ng iba. Maaaring kailanganin ng iyong asawa ng tulong na madaig ang mga negatibong damdaming ito. Maaari mong piliing pagtibayin sa iyong asawa na siya ay minamahal at pinahahalagahan ng Diyos at kung paano mo sinisikap na tanggapin ang mga pagpupunyagi niya na muling mapagtiwalaan.

  • Magtakda ng mga angkop na hangganan. Ang hangganan ay limitasyon sa ilang pag-uugali na hindi mo hahayaang labagin ng iyong asawa nang walang kapalit na ibubunga. Ang mithiing magkaroon ng hangganan ay para panatilihing ligtas ka mula sa makasasakit ng damdamin mo. Ang mga hangganan o limitasyon ay hindi nilayong baguhin ang pag-uugali ng iyong asawa, bagama’t maaaring pangalawang epekto iyan. Ang pagtatakda ng mga hangganan ay maaaring magpabago sa mga karaniwang ginagawa ninyo sa inyong relasyon, ngunit humantong man ito sa pagkawasak o pagbuti ng inyong pagsasama, pinoprotektahan at tinutulungan ka nito na maalala ang iyong kahalagahan. Panatilihing nasusunod ang inyong mga hangganan matapos maitakda ang mga ito. Kapag nagpapatupad ng mga hangganan, gawin ito nang hindi ka nagagalit. Ang mga hangganan ay hindi nilayong maging parusa para sa iyong asawa kundi isang paraan para maprotektahan ka at ang iyong damdamin.

Print