Mga Alituntunin ng Ministering
Paglinang ng Pakikiramay sa Pagmi-minister
Ang pag-minister ay pag-aangat. Maiaangat natin ang iba kapag sinusubukan nating intindihin ang mga pinagdaraanan nila at ipinapakita sa kanila na handa tayo na tulungan sila dito.
Dahil nais ng Ama sa Langit na tulungan tayong maging katulad Niya, ang mga hamon na kinakaharap natin sa buhay na ito ay maaaring maging mga pagkakataon ng pagkatuto kung magtitiwala tayo sa Kanila at mananatili sa landas. Sa kasamaang-palad, ang pananatili sa landas ay maaaring maging napakahirap kung pakiramdam natin ay mag-isa nating hinaharap ang mga pagsubok na iyon.
Ngunit hindi natin kailangang tahakin ang landas nang mag-isa. Ang Tagapagligtas ay nagawang makamit ang perpektong pakikiramay, nagpakababa-baba sa lahat ng bagay upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan sa ating mga pasakit at hirap (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8). Inaasahan Niya na susundin ng bawat isa sa atin ang Kanyang halimbawa at magpapakita rin tayo ng pakikiramay. Bawat miyembro ng Simbahan ay nakipagtipan na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Sa kabila ng sarili nating mga pagsubok, tinuturuan tayo sa mga banal na kasulatan na tumingin palabas at “itaas ang mga kamay na nakababa at [patatagin] ang mga tuhod na mahihina” at na “magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay” (Sa Mga Hebreo 12:12–13; tingnan din sa Isaias 35:3-4; Doktrina at mga Tipan 81:5–6).
Kapag hinahawakan natin ang kamay ng iba, hayaan na sumandig sila sa atin, at maglakad na kasama nila, tinutulungan natin sila na manatili sa landas upang hayaan ang Tagapagligtas na hindi lamang pabalikin ang kanilang loob—isa sa mahahalagang layunin ng ministering—kundi upang pagalingin sila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:13).
Ano ang Pakikiramay?
Ang pakikiramay ay ang pag-intindi sa mga nararamdaman, naiisip, at kondisyon ng isa pang tao mula sa kanilang pananaw sa halip na sa atin.1
Ang pakikiramay ay mahalaga sa ating mga pagsisikap na mag-minister o maglingkod sa iba at tuparin ang ating mga layunin bilang mga ministering brother at sister. Itinutulot nito na ilagay ang ating sarili sa puwesto ng iba.
Paglagay ng Ating Sarili sa Situwasyon ng Iba
Ang kuwento na ito ay inilahad ng isang mahiyaing lalaki na Banal sa mga Huling Araw na madalas mag-isang umuupo sa likuran ng simbahan. Nang ang isang miyembro ng ekorum ng mga elder ay biglang namatay, nagbigay ang bishop ng pagbabasbas ng priesthood upang magbigay aliw sa mga kapamilya ng elder. Nagdala ng pagkain ang kababaihan ng Relief Society. Ang mga kaibigan at kapitbahay na may magandang intensyon ay bumisita sa pamilya at sinabing, “Sabihin ninyo sa amin kung may maitutulong kami.”
Ngunit nang bumisita ang mahiyaing lalaking ito kalaunan sa araw na iyon, pinatunog niya ng doorbell at nang sumagot ang balo, sinabi lamang niyang, “Narito ako para linisin ang mga sapatos ninyo.” Sa loob ng dalawang oras, lahat ng mga sapatos ng pamilya ay malinis at makintab na para sa libing. Nang sumunod na Linggo, ang pamilya ng namatay na elder na ito ay tumabi sa mahiyaing lalaking ito sa gawing likuran.
Narito ang isang taong tumugon sa isang pangangailangan na hindi pa natugunan. Sila at siya ay parehong nabiyayaan ng kanyang paglilingkod na ginabayan ng pakikiramay.
Paano Gumagana ang Pakikiramay?
Sa loob ng nakalipas na 30 taon, pinag-aralan ng dumaraming bilang ng mga mananaliksik ang pakikiramay. Bagamat marami sa kanila ay pinag-aralan ito sa iba’t ibang paraan, karamihan sa kanila ay sumasang-ayon na ang pakikiramay ay isang bagay na maaaring matutuhan.2
Upang mapabuti ang kakayahan natin na makiramay, nakakatulong na magkaroon ng mas mabuting pag-intindi sa kung paano gumagana ang pakikiramay. Ang mga sumusunod na mungkahi ay tinatanggap sa pangkalahatan bilang payak na mga elemento ng pakikiramay.3 Bagamat ang mga ito ay nangyayari nang hindi natin alam, ang pagbatid sa mga ito ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na makakita ng mga oportunidad na maging mas mabuti.
1. Unawain
Ang pakikiramay ay nangangailangan ng pag-unawa sa sitwasyon ng ibang tao. Kapag mas naiintindihan ninyo ang kanilang sitwasyon, mas madaling maintindihan kung ano ang kanilang nararamdaman at kung ano ang magagawa mo upang makatulong.
Ang aktibong pakikinig, pagtatanong, at pakikipagsanggunian kasama sila at ang iba pa ay mahahalagang gawain upang mas maintindihan ang kanilang sitwasyon. Mas matututuhan mo pa ang mga konseptong ito sa mga nakaraang artikulo ng Mga Alituntunin ng Ministering:
-
“Limang Bagay na Ginagawa ng Mabubuting Tagapakinig,” Liahona, Hunyo 2018, 6.
-
“Sumangguni Tungkol sa Kanilang mga Pangangailangan,” Liahona, Set. 2018, 6.
-
“Isali ang Iba sa Ministering—Kung Kinakailangan,” Liahona, Okt. 2018, 6.
Habang sinisikap nating unawain, dapat tayong mag-ukol ng panahon upang maunawaan ang kanilang partikular na situwasyon sa halip na gumawa ng mga palagay na nakabatay sa isa pang tao na nagkaroon ng katulad na karanasan. Kung hindi, maaaring di natin mapansin ang tanda at maaaring maramdaman ng iba na hindi natin sila naiintindihan.
2. Wariin
Sa ating mga pagsisikap na tuparin ang ating mga tipan na makidalamhati sa nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:9), maaari rin tayong magdasal para sa Espiritu Santo na tulungan tayong maintindihan ang nararamdaman ng ibang tao at paano tayo makatutulong.4
Gayunman, kapag naintindihan natin ang sitwasyon ng ibang tao, ang bawat isa sa atin—natural man itong nangyayari o hindi—ay maaaring ipalagay kung ano ang iisipin o mararamdaman natin kung tayo ang nasa katayuan nila. Kapag ginawa natin ito, maaari nating hayaan ang ating mga naiisip at nararamdaman na gabayan ang ating pagtugon.
Kapag naintindihan natin ang sitwasyon ng ibang tao at nawari kung ano ang mararamdaman natin kung tayo ay nasa katayuan nila, mahalaga na maging maingat kung paano natin sila hatulan (tingnan sa Mateo 7:1). Ang pagiging kritikal sa kung paano napunta ang isang tao sa sitwasyon na kinalalagyan niya ay maaaring humadlang sa atin na mapagtuunan ng pansin ang sakit na idinudulot ng sitwasyon.
3. Tumugon
Kung paano tayo tutugon ay mahalaga dahil dito natin maipapakita ang ating pakikiramay. Maraming paraan upang maiparating ang ating pagkaintindi sa kapwa paraan ng pagsasalita at pagkilos. Mahalagang tandaan na ang layunin natin ay hindi laging malunasan ang problema. Kadalasan, ang layunin ay mag-angat o magpalakas sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanila na hindi sila nag-iisa. Maaari itong mangahulugan ng pagsasabi na, “Masaya ako na sinabi mo ito sa akin” o “ikinalulungkot ko. Alam ko kung ano ang nararamdaman mo” o “Napakasakit nga niyan.”
Sa bawat pagkakataon, hindi dapat peke ang ating pagtugon, dapat ito ay tunay. At kapag nararapat, ang pagpapakita ng ating sariling kahinaan at kawalan ng kapanatagan ay maaaring bumuo ng mahalagang ugnayan.
Paanyayang Kumilos
Habang iniisip ninyo ang sitwasyon ng mga pinaglilingkuran ninyo, wariin ang kanilang sitwasyon. Manalangin na maintindihan ang nararamdaman nila at kung ano ang magiging pinakamakakatulong para sa inyo kung kayo ang nasa kalagayan nila. Ang tugon ninyo ay maaaring simple, ngunit ito ay magiging mahalaga.