2019
Nagpadala ng Paalala ang Ama sa Langit
Pebrero 2019


Nagpadala ng Paalala ang Ama sa Langit

Carol Whitaker

Oregon, USA

sacrament tray

Paglalarawan ni Greg Newbold

Makaraan ang 11 taon ng pakikibaka sa dementia, pumanaw ang asawa ko. Para sa akin, malungkot na masaya ang pagpanaw niya. Ako ang naging tagapag-alaga, kaibigan, at kasintahan niya, at kahit masaya ako na hindi na niya kailangang magdusa, labis akong nangulila sa kanya. Akala ko kakayanin kong magdalamhati, pero ang lungkot at kawalan ay nagpadama sa akin ng mga bagay na hindi ko inasahan.

Nagulat ako at nag-alala nang maging negatibo ang buhay ko. Pakiramdam ko walang pumapansin sa akin, wala akong silbi, at balewala ako sa pamilya, mga kaibigan, at mga miyembro ng ward. Naawa ako sa sarili ko at sumama ang loob ko sa iba.

Isang araw ng Linggo, naupo ako sa bandang likod ng chapel. Minasdan ko ang isang mabait at palakaibigang sister na kausap ang ibang mga miyembro ng ward. Mabait siya at mapagbigay sa lahat.

“Pero,” naisip ko, “kahit kailan, hindi niya ako kinumusta, hindi niya ako dinamayan, hindi niya ako tinanong kung gaano ako nahihirapan sa pagpanaw ng asawa ko!”

Nagpatuloy ang mga negatibong ideyang ito nang magsimula ang sacrament hymn. Nadama ko na hindi ako maaaring makibahagi ng sakramento nang mayroon akong sama ng loob.

“Humingi ka ng tulong na iwaksi ang damdaming ito ngayon!” naisip ko.

Ipinagdasal ko na mapawi ang kadiliman. Hindi ako dapat magalit sa sister na ito kahit kaunti. Humingi ako ng kapatawaran at tulong sa panalangin na mawala ang sama ng loob ko. Nang nakatayo na ang deacon sa harapan ko na hawak ang sacrament tray, nadama ko na maaari akong makibahagi ng sakramento. Sa buong linggong sumunod, patuloy akong nagdasal para sa patnubay.

Nang sumunod na Linggo, pumasok ako sa bulwagan at nakita ko ang babaeng napagtuunan ko ng pansin noong nakaraang linggo.

“Uy, Carol,” sabi niya. “Matagal na kitang naiisip! Naiisip ko lang kung gaano ka nahihirapan sa nangyari. Ikaw ang nag-alaga sa asawa mo sa napakahabang panahon. Nahihirapan ka sigurong mag-adjust. Kumusta ka na?”

Nag-usap kami sandali, at niyakap niya ako nang mahigpit. Wala akong masabi! Naupo ako sa dati kong upuan sa chapel na todo-ngiti. Agad kong pinasalamatan ang aking Ama sa Langit. Pinadalhan niya ang mabait na sister na ito ng paalala para sabihin ang mga salitang kinailangan kong marinig. Mula noon, nadama ko nang inaalala ako ng Ama sa Langit. Nabigyan Niya ako ng lakas na harapin ang “bagong sitwasyon” na nagsimula sa buhay ko.