Mga Young Adult
Isang Malaking Puwersa para sa Kabutihan
Lahat tayo ay maaaring maging isang puwersa para sa kabutihan sa mundo, marami man o kaunti ang mga taong naiimpluwensyahan natin.
Isang bagyo ng niyebe sa kalagitnaan ng Abril ang nagpasimula ng lahat. Karaniwan namang nangyayari iyon sa Utah, pero naisip ko na kailangan pa ring idokumento ang tulips na puno ng niyebe sa Temple Square. Kaya gumawa ako ng Instagram account—na nagtampok hindi ng mga larawan ng aking mga pusa (kahit nakakatuwa sila) kundi ng mga larawan ng templo.
Diyan nagsimula ang isang taon ng araw-araw na pagpo-post ko (at ilan pang taon ng di-gaanong-araw-araw na pagpo-post). Ang pagkuha ng mga larawan ng templo at pagpo-post nito sa mga sipi patungkol sa templo mula sa mga pinuno ng Simbahan ay naging isang masayang paraan para mapaunlad ang aking mga talento at mapalalim ang pagpapahalaga ko sa templo.
Pero habang lalong dumarami ang mga taong naaabot ko, lalo kong nakita ang pagkakataon kong maging impluwensya sa kabutihan. Hindi ako isang tao na “makakaimpluwensya” sa marami sa tulong ng social media, pero gusto kong isipin na gumagawa ng kaibhan ang mga pagsisikap ko para sa isang tao saanman.
Sa kabila ng ating kaabalahan at mabilis na takbo ng buhay, magagamit nating lahat ang ating mga talento para mapagpala ang iba at maging isang puwersa para sa kabutihan. Tutal, “naniniwala [tayo] … sa paggawa ng mabuti” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Sinubaybayan ko ang ilang iba pang young adult na nagsisikap na maging impluwensya para sa kabutihan. Ganito ang ginagawa nila para makagawa ng kaibhan.
Tumulong nang May Pagmamahal
Si Graziely Moreira, 25, ay tila pinalaki para gumawa ng kabutihan. Kapag ang mga tao sa kanyang bayang sinilangan sa Fortaleza, Ceará, Brazil, ay nakakita ng taong nangangailangan, tinutulungan nila. “Ito ang kultura amin,” paliwanag niya. At para sa mga miyembro ng Simbahan, “dahil din iyon sa iniisip natin, tulad ng sinabi ni Jesucristo, na mahalin ang iba tulad ng pagmamahal mo sa sarili mo. Kaya ginagawa na lang namin iyon. Ginagawa namin iyon dahil gusto naming gawin iyon.”
Sa kanyang tahimik na halimbawa ng pagmamatyag at pagiging handang tumulong sa mga nangangailangan—tulad noong makakita siya ng isang matandang lalaki na nahihirapang magbuhat ng mabibigat na bag at tumawid siya ng kalsada para tulungan itong buhatin ang mga bag hanggang sa bahay nito—si Graziely ay isang puwersa para sa kabutihan. Alam din niya na pinakamarami ang magagawa nating kabutihan kapag alam ng mga tao na naglilingkod tayo dahil mahal natin sila, hindi dahil naoobliga tayo. “May natutuhan ako sa nanay ko: Gawin mo sa iba ang nais mong gawin nila sa iyo. Ito ang plano ng Ama sa Langit—nais Niyang tumulong tayo sa mga tao.”
Hindi rin natin maaaring hayaan ang mga bagay na kagaya ng teknolohiya (ang ating smartphone) na maging hadlang sa ating pagtulong sa iba para gumawa ng mabuti, sabi ni Graziely. “Iyan ang mahalaga—kailangan nating makilala ang isa’t isa, kailangan nating maunawaan ang mga pangangailangan ng iba dahil ang ating buhay ay hindi nakadepende sa apps. Ang ating buhay ay nakadepende sa mga tao. Nakadepende ito sa dapat nating gawin para maging mas mabuti at masunod si Jesucristo.” At ang malaking bahagi ng pagsunod kay Jesus ay ang gumawa ng mabuti.
Maging Matapang
Ginagamit ni Normandie Luscher, 29, na nag-aaral ng Master of Fine Arts sa Maryland, USA, ang kanyang artwork para sa kabutihan. “Nakatuon ako nang husto nitong huling dalawang taon sa pinakamahalagang kautusan, na ibigin ang Diyos at ang ating kapwa,” paliwanag niya. “Sa artwork ko, nakatuon ako sa pagkukuwento. Talagang matututo tayong maging mahabagin at mas mahalin ang ating kapwa sa pakikinig sa kanila at sa kanilang mga kuwento.”
Naniniwala na isa siyang “taong puno ng mabubuting ideya,” tinitipon ni Normandie ang mga tao para sa kabutihan sa maraming paraan. Isang proyekto sa paaralan ang naghikayat sa kanya na mag-fundraising para sa isang lokal na bahay-kalinga para sa kababaihan: isang gallery show na nagtampok sa kanyang mga painting na nagsasalaysay ng kuwento tungkol kay Job sa pananaw ng isang babae. “Nagdatingan ang iba pang kababaihan at nagbahagi ng kanilang mga kuwento at karanasan,” paliwanag niya. “At naisip ko na malaking bagay talaga iyon.”
Ang isa pang ideyang isinulong ni Normandie ay para sa isang collaborate zine (isang sariling-lathalain o magasin online). Tumawag siya ng iba pang mga artist, at sama-samang nilang isinalaysay ang mga kuwento sa Aklat ni Mormon gamit ang kontemporaryong sining.
Personal na nalaman ni Normandie na maaari siyang maging impluwensya para sa kabutihan sa tapat na pakikipag-ugnayan sa iba. “Pinagsisikapan kong magkaroon ng tapang na aminin ang aking mga pagkakamali at ibahagi ang sarili kong mga karanasan at pananaw. Ang sining ay tungkol sa pagiging tapat at pagbabahagi ng mga ideya. Kaya patungkol sa pagiging isang puwersa para sa kabutihan, sinisikap ko lang tanggapin ang mga ideyang maging tapat at matapang at tumulong sa ibang tao at makipag-ugnayan sa pamamagitan ng visual art.”
Hinihikayat niya ang iba pang mga young adult na magkaroon ng lakas ng loob na gumawa rin ng kabutihan. “Huwag kayong matakot na hindi maging sapat ang ginagawa ninyo,” sabi niya. “Palagay ko maraming taong nahihirapan sa maling ideya na, ‘Wala akong magagawa,’ at kapag nagpatangay kayo riyan, maraming kabutihang hindi magagawa. Huwag kayong matakot. Maging matapang na sumulong at kumilos.”
Alamin ang Inyong Layon
Pakiramdam ni Matt James, 26, ng Utah, USA, bahagi ng kanyang misyon sa buhay ang tulungan ang mga taong hindi isinilang na may katulad na mga pribilehiyong tinatamasa niya. Bahagi ito ng pagpapalaki ng matulunging mga magulang, at gayundin ng responsibilidad na higit na naipapahayag sa mga titik ng “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” (Mga Himno, blg. 133). Pagkatapos ng full-time mission ni Matt sa Ireland at Scotland, nakadama siya ng habag sa mga African refugee na tinuruan at bininyagan niya roon, kaya nang magkaroon siya ng pagkakataong magpunta sa Uganda, nagpunta siya.
Kahit na nakapunta na siya sa Ethiopia, Peru, at India, “Binago ng Uganda ang buhay ko,” sabi ni Matt. “Alam ko na inakay ako ng Diyos sa bahaging iyon mismo ng mundo para sa isang napakatalinong layunin.” Bahagi ng layuning ito ang kaibiganin at kalaunan ay binyagan ang isang babaeng nagngangalang Carolyn. At bahagi niyon ang pagkahabag niya sa mga ulilang tinuruan niya. Nang paalis na siya, ayaw ni Matt na mawalan ng komunikasyon sa mga taong ito na natutuhan niyang mahalin. Kaya kinausap niya ang kanyang mga magulang, na nag-alok ng tulong na pondohan ang pagtatayo nila ni Carolyn ng isang bahay-ampunan sa munting bayan ng Mbale.
Si Carolyn, na lumaki rin na isang ulila, ang nagpatuloy sa pangangasiwa sa pagpapatakbo ng bahay-ampunan. Bumabalik si Matt sa Uganda tuwing tag-init at nakikipagtulungan sa iba pa sa pagtatayo ng mas malaking bahay-ampunan, na nagbibigay ng kanlungan at edukasyon para sa mahigit 200 bata. At ngayo’y may negosyo na siyang gawaan ng mga alahas na sumusuporta sa bahay-ampunan.
Tulad ng sabi ni Matt, lahat tayo ay biniyayaan ng Diyos ng ilang bagay sa buhay na aarugain. “Matibay ang paniniwala ko na kung lahat ng tao ay tapat sa kanilang sarili at isinusulong ang gawain, tumatahak sa landas na inilatag sa kanilang harapan at sinasamantala ang pagkakataong ibinibigay sa kanila, malalaman ng lahat ang kanilang layon. At kung lahat ay aalamin ang kanilang layunin at magsusumigasig, mas lalong gaganda ang mundo.”
Hindi kailangang maging kumplikado ang pag-alam sa inyong “layunin.” “Manalangin sa Diyos at sikaping alamin ang inyong mga hilig,” mungkahi ni Matt. “Manalangin para malaman ang mga bagay na gusto ninyo, na kaya ninyong impluwensyahan, at gawin ito.”
Ipagdasal na Magkaroon ng Pagmamahal sa Kapwa
Kaveria ei jätetä. Sa Finnish, ang ibig sabihin niyan ay “walang maiiwan,” isang pahayag na nagmula sa panahon ng digmaan na isang bagay na pinaniniwalaan pa rin ng mga Finn ngayon. Para kay Rolle Rantaniemi, 23, ng Uusimaa, Finland, naghihikayat ito sa kanya na gumawa ng mabuti.
“May patakaran ako para sa sarili ko: kung may makita akong taong nag-iisa, lagi ko silang nilalapitan, anuman ang sitwasyon. Walang dapat maiwang nag-iisa. Noong bata pa ako, talagang nag-iisa ako sa paaralan at sa simbahan—wala akong kaibigan, at alam ko kung gaano kalungkot ang mapag-isa. Isang bagay iyan na nakuha ko sa mentalidad ng mga Finnish na walang maiiwan.”
Isa sa mga puwersang naggaganyak sa kanya ay ang pagkabatid na ang mga ugnayan ay maaaring magpatuloy sa kabilang-buhay. “Kaya nga palagay ko ang pinakamahalagang bagay na dapat nating pagtuunan ay ang paghusayin ang ating sarili. Maging mabuting halimbawa, maging mabuting tao, maging masigasig at magkaroon ng lahat ng katangiang tulad ng kay Cristo. Ang isa pang bagay ay ang magbuo ng mga ugnayan, kaibiganin ang mga tao, ibigin ang kapwa at mahalin at paglingkuran ang iba.”
Naniniwala si Rolle na ang pagkakaroon ng pag-ibig na katulad ng kay Cristo ang pinakamalaking kasangkapan natin sa paggawa ng kabutihan. “Sabi sa Moroni 7:48, dapat nating ipagdasal na magkaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa. At nakita ko na habang ginagawa ko iyan araw-araw, at hinihiling sa Ama sa Langit na bigyan ako ng mga sitwasyon na maaari akong maglingkod, nagkakaroon ako ng higit na kamalayan tungkol sa kanila. Kung talagang magmumulat tayo ng mga mata, may mga pagkakataong maglingkod na hindi natin naisip kailanman.”
“Kahit maliliit na bagay ay mahalaga,” sabi ni Rolle. “Kung hahanapin lang ninyo ang maliliit na bagay na iyon at gagawin ito, makakagawa pa rin kayo ng malaking kaibhan.”
Hikayatin ang Iba na Magkaroon ng Matayog na Mithiin
Mababakas kay Daniel Godoy, 23, ang liwanag at kabutihan, at malaki ang kinalaman diyan ng kanyang mga pagpapasiya. Isa siyang impluwensya sa kabutihan sa kanyang halimbawa.
Bilang nag-iisang anak mula sa isang munting bayan sa labas ng Santiago, Chile, lumaki siya na namamasdan ang dedikasyon ng kanyang mga magulang sa paglilingkod at sa ebanghelyo. Si Daniel ang una sa kanyang home stake na nagmisyon sa edad na 18 matapos babaan ang edad para makapagmisyon, na naghikayat sa maraming binatilyo na maghanda ring maglingkod nang mas maaga. Pagkatapos ng kanyang misyon sa Colombia, siya rin ang una sa kanyang bayang tinubuan na umalis ng bansa para mag-aral sa kolehiyo. Nahikayat ng kanyang ambisyon ang iba na mag-aral. “Kahit paano nahikayat ko silang magkaroon ng matayog na mithiin,” sabi niya. “Nakakatuwang malaman na nahikayat ko ang ibang tao sa maliit na hakbang na ginawa ko.”
Pag-aaral din sa U.S. ang susi sa mga plano ni Daniel na tulungan ang iba at gumawa ng kabutihan sa hinaharap. “Ang pangmatagalan kong mithiin ay bumalik sa Chile at tulungan ang mga tao roon—paglingkuran sila. Naparito ako dahil alam ko na magkakaroon ako ng mga pagkakataon na matulungan din ang mga tao sa Chile.”
Gayunpaman, inamin ni Daniel: “Hindi ako perpekto. Pero sinisikap kong gawin ang lahat, at pakiramdam ko mahihikayat at magaganyak niyan ang iba na magpatuloy rin.”
Ibahagi ang Pag-ibig ng Diyos
Matapos matamo ang degree sa social work, hindi makapagdesisyon si Katelyn Rae, 27, taga-California, USA, tungkol sa kanyang trabaho pero naging interesado siya sa pagkakawanggawa. Nakita na niya ang paggabay sa kanya ng Diyos “sa bawat hakbang,” na nag-akay sa kanya na maging program director ngayon para sa isang non-profit organization na nakatuon sa paglaban sa kahirapan sa buong mundo.
Natulungan na ni Katelyn ang mga refugee sa Greece at mga biktima ng pang-aabuso sa Nepal, na, ang paliwanag niya, “nagdaraan sa pinakamalulungkot na sandali ng kanilang buhay. Nariyan lang ako para sa kanila, wala naman akong gaanong magagawa. Hindi ko mababago ang mga pamahalaan o pamamalakad, pero ang isang bagay na magagawa ko ay mahalin sila.” At sinuman ang kasama niya, nakikita niya kung gaano kahalagang madama ng iba ang pagmamahal ng Diyos. “Kung makakatulong ako para mangyari iyan, madarama ko na may nagawa akong maganda, na napasaya ko ang Diyos.”
Dahil sa kanyang mga karanasan, nakikita niya ang mga problema ng ibang tao sa mas malawak na pananaw. “Bilang mga young adult, madaling matuon sa sarili nating mga problema,” sabi niya. “Masyado tayong nakatuon sa, ‘Ano ang trabaho ko?’ at ‘Ano ang ginagawa ko para sa paaralan?’ at ‘Paano ko mahahanap ang makakasama ko sa kawalang-hanggan?’ Lahat ng iyon ay mabubuting bagay, pero kung iisipin natin kahit paano ang mga pangangailangan ng iba, palagay ko makikita natin ang talagang hinahanap natin.”
“Kung mananatili lang tayong malapit sa Espiritu, gagabayan at papatnubayan tayo ng Diyos, at magagawa natin ang lahat ng kabutihang nais nating gawin,” sabi ni Katelyn. “Palagay ko lahat naman ay gustong gumawa ng kabutihan, kahit sa inyong komunidad lang o sa inyong pamilya. Bawat maliit na bagay, pagpapasaya man ito sa isang kaibigan o pagiging nariyan para sa isang kapamilya, ang pagkakaroon lang ng maiikling sandaling iyon ng pagkaalam na ginawa ninyo ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos sa sandaling iyon ay magkakaroon ng malaking epekto sa buhay ninyo at ng iba.”
Ang Inyong Impluwensya
Hindi ninyo kailangang lumabas at magsimulang magtayo ng mga bahay-ampunan para makagawa ng kabutihan sa mundo. Hindi ninyo kailangang magsimula ng isang Instagram account ng mga larawan ng templo o maging direktor ng isang nonprofit organization. Pero maaari kayong umisip ng isang paraan para magamit ang inyong kakaibang mga talento upang maging impluwensya para sa kabutihan.
Talagang naniniwala ako na ang mga salitang ito ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) para sa kababaihan ng Simbahan ay angkop na angkop din sa mga young adult: “Kayo ay malaking puwersa sa kabutihan, isa sa mga pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Malawak ang inyong impluwensya, di lamang sa inyong sarili at sa inyong tahanan, at naantig nito ang iba pa sa buong mundo” (“Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 120). Kaya patuloy kayong gumawa ng kabutihan—lahat ng kabutihang magagawa ninyo. Lalaganap ang inyong impluwensya nang higit kaysa nalalaman ninyo. At sama-sama tayong magiging malaking puwersa para sa kabutihan.