2019
Isang Pangako na Magsikap
Pebrero 2019


Isang Pangako na Magsikap

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Ang mabinyagan na tulad ni Jesus … ay isang bagay na talagang nais kong gawin” (Children’s Songbook, 104).

A Promise to Try

Palubog na ang araw habang nagbibisikleta si Tatsuki pauwi sa kanyang bahay. Gustung-gusto niyang bumubulusok pababa ng isang maliit na burol na malapit sa kanyang bahay, pero kailangan niyang makauwi bago magdilim.

Nang huminto si Tatsuki, nakita niya ang kanyang titser sa Primary na si Sister Yamada na naglalakad papunta sa kanyang inuupahang gusali.

“Kumusta Tatsuki,” sabi ni Sister Yamada nang may ngiti. “Narito ako para pag-usapan ang tungkol sa iyong binyag.”

Kababalik pa lamang ng pamilya ni Tatsuki sa pagsisimba. Gusto niyang makasama ang kanyang mga kaibigan sa Primary, at lalo siyang nasasabik na mabinyagan! Magkasamang sumakay ng elevator sina Sister Yamada at Tatsuki at pumunta kay Nanay sa apartment.

“Tatsuki, natutuwa talaga ako na pinili mong sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag,” sabi ni Sister Yamada. “Sa ating binyag, tayo ay gumagawa ng mga tipan sa ating Ama sa Langit. Alam mo ba kung ano ang isang tipan?”

Hindi alam ni Tatsuki na tatanungin siya ni Sister Yamada. Nagsimula siyang kabahan nang kaunti. Pero nahikayat siya ng ngiti ng kanyang Nanay.

“Mga pangako?” nahihiya niyang itinanong.

“Tama!” sabi ni Sister Yamada. “Ipinangako ng Ama sa Langit na maaari nating makasama palagi ang Espiritu Santo. Alam mo ba kung ano ang ipinapangako natin sa Ama sa Langit?”

Umiling si Tatsuki. “Hindi ko po alam.”

“Bibigyan kita ng clue—ang mga pangako ay nasa panalanging naririnig natin kapag nakikibahagi tayo sa sakramento,” sabi ni Sister Yamada. “Ipinapangako natin sa Ama sa Langit na pumapayag tayong taglayin natin ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng taglayin ang pangalan ni Jesus sa ating mga sarili?”

Umiling si Tatsuki. Tinulungan siya ng kanyang nanay. “Ibig sabihin ay masaya tayong sabihin na tayo ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi niya. “Ibig sabihin ay gagawin natin kung ano ang gagawin ni Jesus kung Siya ay naririto.”

“Ano ang mga bagay na gagawin ni Jesus?” tanong ni Tatsuki.

“Siya ay magiging mabait sa mga tao. Tutulungan niya ang mga tao na nalulungkot o may sakit,” sabi ni Sister Yamada. “At tuturuan Niya ang mga tao kung paano sundin ang mga kautusan.”

Nanlumo si Tatsuki. Napasimangot siya at nagsabing, “Sa tingin ko ay hindi ako mabibinyagan.”

“Bakit?” tanong ni Nanay.

“Napakarami pong pangako! Sa tingin ko po ay hindi ko kayang maging tulad ni Jesus araw-araw.”

Niyakap ni Nanay si Tatsuki. “Naalala mo noong tinulungan mo si Yuna nang umiyak siya kahapon?”

Tumango si Tatsuki. Nalungkot ang kanyang kapatid na babae, kaya ginawa niyang nakakatawa ang kanyang mukha at nakipaglaro sa kanya hanggang sa maging masaya na siyang muli.

“At naaalala mo ba noong tinulungan mo ang mga pinsan mo na magbahagi at maging mabait sa isa’t isa noong nakaraang linggo? Noong ginawa mo iyon, sinusunod mo si Jesus.”

Hindi alam ni Tatsuki na iyon pala ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus. Nagsimulang bumuti ang kanyang pakiramdam. Magagawa niya ang mga bagay na iyon!

Sinabi ni Sister Yamada, “At kapag nakagawa tayo ng mga pagkakamali, maaari tayong magsisi. Ang ibig sabihin nito ay nalulungkot tayo sa ating nagawa at magsisikap tayong maging mas mabuti. Kapag tayo ay nagsisi, patatawarin tayo ng Ama sa Langit. Maaari tayong patuloy na magsikap!”

Hindi na masyadong nag-alala si Tatsuki. Naging masaya na siya.

“Gusto ko pong mabinyagan!” sabi niya.

Ngumiti si Nanay at si Sister Yamada. Binigyan ni Sister Yamada si Tatsuki ng isang Aklat ni Mormon na may nakasulat na pangalan niya. Natuwa si Tatsuki na maaari siyang magsikap araw-araw na maging tulad ni Jesus. Hindi na siya makapaghintay ngayon na mabinyagan! ●