Digital Lamang
Ministering sa Maliliit na Paraan
Kung minsan ang maliliit na bagay ay makagagawa ng malaking kaibahan.
“Kumusta ka?”
Sigurado akong naitanong na ito ng kahero sa maraming tao nang araw na iyon. Maliit na gasolinahan iyon, at sinusubukan kong magmadali upang makabili ng tubig at makabalik na sa kotse ko. Ngunit ang paulit-ulit na tanong na ito—sa pagkakataong ito—ay kakaiba. Hindi niya alam kung gaano ko kailangang marinig ang mga simpleng salitang iyon.
Hindi niya alam na pumarada ako sa gasolinahan sapagkat hindi ko makita ang daan dahil sa mga luha ko.
Hindi niya alam kung gaano kasakit at gaano kahirap para sa akin na magkaroon ng lakas na pumasok sa loob.
Hindi niya alam kung gaano ako nasasaktan sa pag-iwas ng mga tao sa akin sa gasolinahan na tumingin sa aking mata at sa aking mukhang puno ng bakas ng luha.
“Kumusta ka?” tanong niya sa akin, na may tunay na malasakit sa kanyang mga mata at tinig. Sinikap kong ngumiti habang pinaglalabanan ang pagtulo ng mga bagong luhang namumuo sa aking mga mata—ang mga ito ay luha ng pasasalamat.
“Ayos lang,” sagot ko, nang buong katapatan. Dahil ngayon ay may isang taong may sapat na kabaitan upang pansinin ako at ang hirap na dinaranas ko, naging maayos ang pakiramdam ko.
Talagang Napakahalaga
Ang pag-uusap tungkol sa paglilingkod ay tila nakakapanlumo. Naririnig ko ang mga kuwento ng mga kahanga-hangang mapagkawanggawang proyekto sa buong mundo at mga kuwento tungkol sa mga taong naglaan ng kanilang buhay sa mahahalagang adhikain. At kahit nagpapasalamat ako sa kanilang mga sakripisyo, ang mga kuwentong ito ay karaniwang may kaakibat na pagkonsensya. Alam ko kung gaano kahalaga ang pagmi-minister. At higit pa roon—alam ko kung gaano ako kasaya kapag naglilingkod ako sa iba. Kaya bakit hindi ko ito ginagawa nang mas madalas?
Madalas akong panghinaan ng loob tuwing naiisip ko ang lahat ng mga bagay na sana ay ginagawa ko, at nalilimutan ko ang mga bagay na kasalukuyan kong ginagawa. Si Jean B. Bingham, Relief Society General President, ay nagsalita tungkol sa malawakang epekto ng mga simpleng gawa ng paglilingkod. Ipinaliwanag niya na si Jesucristo ay naging isang perpektong halimbawa ng pagmi-minister sa paraan na Siya ay “ngumiti, nakipag-usap, sumabay sa paglalakad, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain, at nagpatawad.” (“Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104–7).
Kapag naiisip ko ang makabuluhang paglilingkod na natanggap ko, ang pinakanaaalala ko ay ang maliliit na bagay: Pagtanggap ng pampasiglang text message mula sa kakuwarto kong nakapansin na hindi naging maganda ang araw ko. O pagyaya ng kapatid kong tumakbong kasama niya, nang hindi natatantong kailangang-kailangan ko ng makakausap. O paghatak ng bishop ko upang kausapin ako dahil naisip niyang malungkot ako. O biglaang pagtatagpo namin ng isang dating kakilala na hindi lang natatandaan ang pangalan ko kundi talagang tumigil pa at kinumusta ang buhay ko. Ang mga taong ito ay nag-minister sa pamamagitan ng pagpansin sa akin at pagpapakita na may malasakit sila. Talagang nakagawa ito ng kaibahan.
Kapag naaalala ko ang mga maliliit pero makabuluhang gawa ng paglilingkod na iyon, naaalala kong kaya ko ring gumawa ng kaibahan sa buhay ng ibang tao. At hindi lang sa kaya kong gawin—ginagawa ko ito. Unti-unti, sa bawat araw.
Siguro balang-araw ay magiging bahagi ako ng isang malaking mapagkawanggawang proyekto na papahintulutan akong makapag-minister sa mga tao sa buong mundo. Pero sa ngayon, sa halip na makonsensya sa hindi pagpansin sa bawat isang tao, pinipili kong pansinin ang isang tao. Hindi mo alam kung ano ang magiging impluwensya mo sa pamamagitan ng pagmi-minister sa mga maliliit na paraan.