Mga Larawan ng Pananampalataya
Shelly Ellegood
Kentucky, USA
Ang mga desisyon niya sa buhay ang naglayo kay Shelly sa Simbahan sa loob ng maraming taon. Sa tulong ng mga kaibigan sa simbahan, nagkaroon si Shelly ng lakas-ng-loob at pananampalataya na sumulong at maging mabuting halimbawa sa kanyang mga anak.
Cody Bell, retratista
Ako ay 13 taong gulang nang sumapi ako at ang aking ina sa Simbahan. Miyembro ang aking pangalawang ama, ngunit hindi na siya nagsisimba. Isang araw, nagpasiya siyang magsimba muli. Nabinyagan ako at ang aking ina. Di nagtagal, nabinyagan na rin ang kapatid ko.
Nakatira kami sa Missouri, USA, at dumalo kami sa isang maliit na branch na nagtitipon sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng isang lokal na gusali. Sa mga Sabado ng gabi, pupunta kami roon upang maglinis ng mga poster at ash tray. Tumutugtog ako noon ng maliit na keyboard para sa mga pulong namin. Ang mga miyembro ng branch na iyon ay parang pamilya sa amin.
Nang 16 na taong gulang ako, lumipat kami sa Arizona, USA. Medyo mahirap ang paglipat na iyon, ngunit matatag ang Simbahan sa Arizona. Kinalaunan, nag-aral ako sa Brigham Young University at ikinasal. Ang asawa ko at ako ay nagkaroon ng apat na anak at lubos na naging masaya ang buhay.
Ngunit may mga bagay na nangyari, at nang magdiborsyo kami, natiwalag ako sa Simbahan. Bumilang din ng mga 15 taon bago ako bumalik sa Simbahan. Medyo nagtagal, pero ayoko itong madaliin. Gusto kong bumalik sa Simbahan nang may tamang mga dahilan.
Natatandaan ko nang una kaming lumipat sa Kentucky, USA, inihahatid ko ang anak kong lalaki sa simbahan at naghihintay ako sa sasakyan habang nasa loob siya ng simbahan. Napakahirap na panahon iyon. Ang anak kong babae ang una sa mga anak ko na ikinasal sa templo, at hindi ako makapasok doon. Nasaktan talaga ako nito, ngunit siyempre, ako ang may pagkakamali.
May mga tao lang talaga na tulad ko na matagal bago mapag-isip-isip ang mga bagay-bagay. Ang mga miyembro ng ward at aking mga kaibigan ay nagtiyaga sa akin. Ipinaalam nila sa akin na naroon lang sila. Isang pamilya ang naging malapit sa akin at parang pamilya ko na sila talaga dahil wala nang iba pang sumuporta sa akin. Tinulungan nila akong bumalik sa simbahan, ngunit hindi nila ako pinilit. Ang nakakatuwa ay nang dumating na ang tamang panahon, ang anak kong lalaki ang muling nagbinyag sa akin.
Marami akong nagawang mga maling desisyon sa buhay ko. Sana’y hindi ko na ginawa ang mga pagkakamaling iyon, ngunit nagpapasalamat ako sa mga natututuhan ko sa proseso ng pagsisisi. Wala ni isa sa atin ang dumadaan sa buhay na ito nang hindi gumagawa ng mga pagkakamali—ang Tagapagligtas lamang ang nakagawa niyon. Kapag nakagagawa tayo ng mga pagkakamali, mahalaga na humingi tayo sa Kanya ng lakas at matuto mula sa mga pagkakamaling iyon.
Alam kong hindi ko na mababalikan at mababago ang nakaraan, ngunit ang layunin ko ngayon ay gawin ang lahat ng puwede kong gawin upang makapagpakita sa mga anak ko ng magandang halimbawa dahil wala sila nito sa loob ng maraming taon. Umaasa akong nakikita nila na napagtagumpayan ko ang maraming pagsubok.
Nais kong malaman nila na kung mayroon man silang mga paghihirap, kaya nilang lampasan ito kung hihingi sila ng tulong mula sa Tagapagligtas. Ito ay nakadepende sa pananampalataya at hindi pagsuko. Tinulungan ako ng Panginoon, at alam ko na kaya rin Niyang tulungan sila. Naging masakit ang karanasan na ito, ngunit muli Niya akong itinayo at ginawang mas malakas.