Mga Aral mula sa Bagong Tipan
Isang Personal na Relasyon sa Ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Panalangin
Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho, “A Personal Relationship with Our Heavenly Father as Taught by the Lord Jesus Christ,” noong Nobyembre 28, 2017.
Kailan ang huling pagkakataon na may naramdaman ka habang ikaw ay nagdarasal?
Kapag gumagamit ako ng cellphone para tawagan ang nanay at tatay ko sa New Jersey, USA, naririnig ko nang malinaw ang kanilang mga boses. Hindi ko alam kung paano ito posible, na walang kable o makikita na koneksyon, na nakakausap ko sila kahit malayo sila. Ngunit alam kong gumagana ito!
Ngayon, mangyaring huwag ninyo ako tanungin kung paano posible na milyon ang mga taong nagdarasal nang sabay-sabay, at sa magkakaibang wika, at kasabay nito ang Ama sa Langit ay handang makinig at sumagot. Hindi ko naiintindihan kung paano ito nangyayari. Ngunit alam kong gumagana ito!
Tulad ng isang cellphone, gumagana ang pagdarasal, kahit na hindi natin lubos na maintindihan kung paano ito nangyayari. Ngunit may mga bagay tungkol sa pagdarasal na naiintindihan natin.
Panalangin mula sa Puso
Mababasa natin sa mga banal na kasulatan, “Nangyari nga, nang mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit” (Lucas 3:21). Tinuruan tayo ni Jesus na ang panalangin na mula sa puso ay makapabubukas sa langit. Sinabi Niya, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).
Ngayon, madalas nating ginagamit ang salitang humiling upang humingi ng isang bagay. Ngunit sa orihinal na Griyego, ang salita ay aiteo, na hindi lamang nangangahulugan na humingi, kundi magsumamo, naisin nang labis, o makiusap. Hindi mabubuksan ang langit kung sasabihin lang natin ang mga dalangin natin. Mabubuksan ito kung tayo ay magsusumamo, kung magnanais nang labis, kung makikiusap, kung magdarasal tayo mula sa puso.
Kapag kayo ay nananalangin, nararamdaman ba ninyo na tila nabubuksan ang langit? Kailan ang huling pagkakataon na may naramdaman ka habang ikaw ay nagdarasal?
Maghandang Manalangin
Upang maiwasan ang paulit-ulit na panalangin (tingnan sa Mateo 6:7; 3 Nephi 13:7), dapat maghanda tayong manalangin. Iminumungkahi kong magbasa ng banal na kasulatan o sandaling pag-isipan ang ating mga biyaya. Bawat isa sa atin ay makahahanap ng paraan upang maghanda sa personal na panalangin.
Magdasal Kahit na Mahirap
Paminsan-minsan, minamadali natin ang ating mga panalangin o nagdarasal tayo dahil ito na ang nakagisnan natin. Minsan hindi tayo nananalangin nang may pananampalataya kay Jesucristo, at minsan hindi talaga tayo nagdarasal. Ngunit sa mga pagkakataon na kinukulang tayo sa pananampalataya o hindi natin gustong magdasal, ito ang oras na talagang kinakailangan nating magdasal.
Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Kapag madilim na tulad nang hatinggabi, kapag ni isang katiting ng kagustuhan na magdasal ay hindi ko nararamdaman sa aking puso, noon ko ba sasabihing, ayokong magdasal? Hindi, ngunit [sasabihin ko] … tuhod, lumuhod ka sa sahig, at bibig, bumukas ka; dila, magsalita ka; at makikita natin kung ano ang mangyayari, at sasambahin ninyo ang Panginoong Diyos ng Israel, kahit na nararamdaman ninyo na wala kayong masasabi sa Kanya. Iyan ang tagumpay na kinakailangan nating matamasa. … Ito ay nasa pagitan ng espiritu at katawan; ang mga ito ay hindi mapaghihiwalay” (sa Journal of Discourses, 3:207).
Nais ni Satanas na hindi kayo magdasal dahil alam niya na sa sandaling magdasal kayo mula sa puso, makatatanggap kayo ng espirituwal na kapangyarihan at nawawalan siya ng impluwensya sa inyo. Ang isang dakilang panalangin ay tutulutan kayo na humarap sa mga pagsubok tulad ng pagkabalisa, depresyon, at pagdududa tungkol sa sarili ninyong pananampalataya.
Kung hindi ninyo natatandaan ang huling pagkakataon na may naramdaman kayo habang nagdarasal kayo, gumawa ng isang bagay upang makaramdam muli. Sa pamamagitan ng panalangin, makabubuo at makapagtatatag kayo ng personal na relasyon sa inyong Ama sa Langit.
Panandaliang Damhin ang Langit
Kapag lubos kang nangangailangan ng tulong mula sa langit, mabibigyan ka ng kapangyarihan ng panalangin na gumawa nang mga tamang desisyon. Ang panalangin mula sa puso ay isang sandali sa langit, at kahit na hindi mabilis dumating ang mga sagot, ang isang sandali sa langit ay maaaring makatulong sa inyo na malaman ang landas ninyo sa mortal na buhay.
Sa mundong ang mga tao ay “nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait” (Isaias 5:20), kailangan ninyong malaman na bukas ang langit sa inyo.
Ang mga dalanging mula sa puso, dakilang mga dalangin, ay makapagbibigay sa inyo ng espirituwal na kapangyarihan na harapin ang mga bagay na ito. Kapag bukas ang langit, nakararamdam tayo ng kapayapaan, kaginhawahan, kaligayahan, at pagmamahal, bagamat hindi pa natin lubusang maunawaan ang lahat.
Sundin ang Halimbawa ng Tagapagligtas
Marami tayong matututuhan sa pamamagitan ng pag-aaral sa paraan ng pagdarasal ng Tagapagligtas.
“Nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo’y nanalangin” (Marcos 1:35).
Ang unang ginawa noon ni Jesus sa umaga ay magdasal at naghanap ng tahimik na lugar na mapagdarasalan. Ang una ninyo bang ginagawa sa umaga ay nananalangin? Umiiwas ba kayo sa mga sagabal? Iniiwan ba ninyo ang mundo at sinusubukang kumonekta sa kalangitan?
Itinala rin ni Lucas na si Jesus ay “lumigpit sa mga ilang, at nananalangin” (Lucas 5:16). Mayroon ba kayong lugar ng panalangin kung saan pumupunta kayo kapag nais ninyong magsumamo sa Ama sa Langit?
Manatiling Mapagpakumbaba
Sinabi sa atin ni Mateo na ang Manunubos, habang nagdarasal Siya, ay nagpakita ng pagpapakumbaba. “At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).
Anong ibig sabihin na “nagpatirapa” siya? Ang salita para sa “nagpatirapa” sa orihinal na Griyego ay pipto, isang pandiwa na nangangahulugang “bumaba mula sa nakatayong posisyon patungo sa nakadapa na posisyon.” Kapag dumarating ang sandali para sa personal na panalangin, tandaan na kayo ay makikipag-usap sa pinakamatalino at makapangyarihang nilalang sa sansinukob, “ang Ama ng kaawaan at Dios ng buong kaaliwan” (II Mga Taga Corinto 1:3). Sa harapan ng gayong nilalang, hindi ako maaaring maging kaswal. Nararamdaman ko na kinakailangan kong lumuhod.
Nagpakita rin ng halimbawa si Jesus nang sinabi Niya sa Kanyang Ama: “Huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” Kapag sinasabi ninyong, “Huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo,” ito ba talaga ang ibig ninyong sabihin? Anong mga pagbabago ang kinakailangan ninyong gawin sa inyong isip, puso, at mga gawa upang maging tunay na taos-puso?
Masigasig na Humiling
Habang sinisikap ninyo na maging mapagpakumbaba, tapat, at taos-puso sa inyong mga panalangin, magiging mas madali para sa inyo na tanggapin ang ibig ng Ama sa Langit, kahit na iba ito sa nasa isip ninyo. Muli, tingnan natin ang halimbawa ni Jesucristo: “At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas” (Lucas 22:44).
Kapag nahaharap sa paghihirap, nag-uukol ba kayo ng oras sa pagtatanong sa sarili ninyo, “Bakit ako?”? O nagdarasal ba kayo nang mas maningas o masigasig? Ang pagpapahayag na “mas maningas” ay nanggaling sa mga salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “walang tigil, taimtim.” Kaya tinuturuan tayo ni Jesus na sa mga sandali ng pagsubok, kinakailangan nating masigasig na manalangin, nang walang tigil. Inaanyayahan ko ang lahat ng dumaranas ng kahirapan na bumaling sa buhay na Diyos.
Ang panahon ng kahirapan ay maaaring magbigay ng dakilang pagkakataon para sa ating Ama sa Langit na turuan tayo. Lumalambot ang mga puso natin at nag-iisip tayo ng mga sagot. Kung hahanapin natin Siya, naroon Siya.
Maniwala na Makikinig Siya
Sinabi ni Cristo sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36). Maniwala na ang Diyos Ama ay makikinig sa iyo. Maniwala na “sasabihin [Niya] sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2). Maniwala na kayo—oo, kayo—ay makararamdam ng kapayapaan at kaginhawahan. Maniwala na makatatanggap kayo ng espirituwal na kapangyarihan upang magtagumpay.
Ang dakilang mga panalangin ay talagang umaabot sa langit. Sa libro ng Mga Awit, sinabi ni Haring David, “Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako’y dadaing at hihibik” (Mga Awit 55:17). Ang isa sa mga kahulugan ng salitang manalangin sa wikang Hebreo ay “makipag-usap.” At iyon ang ginagawa natin kapag nagdarasal tayo sa Ama sa Langit: nakikipag-usap tayo sa Kanya.
Kapag nag-aalay tayo ng dakilang panalangin, napapasa atin ang atensyon ng pinakamakapangyarihan, maawain, at mapagmahal na nilalang sa buong sansinukob. Panandalian nating nadarama ang kalangitan. At lahat tayo ay nangangailangan na madama ang langit, lalo na kung dumaranas tayo ng kahirapan.
Alam ko nang walang pagdududa na may Diyos sa langit. Siya ang inyong Ama at ang aking Ama. Siya ay buhay. Ang pangalan Niya ay Pagmamahal. Ang pangalan Niya ay Awa. Bagamat wala akong maipagmamalaki sa harapan Niya, maaari akong lumuhod sa harap ng aking Lumikha, at maaari akong makipag-usap sa Kanya. At Siya, sa Kanyang walang-hanggang awa, ay sumasagot, nang paulit-ulit.