Naaalala ko pa rin ang mga kasalanang napagsisihan ko na, at nakokonsensya ako. Bakit hindi ko malimutan ang aking mga kasalanan?
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maaari tayong mapatawad kung tayo ay magsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay mayroong pagpapakumbaba, pagtatapat, pagtalikod sa kasalanan, at taimtim na pangako na sundin ang mga kautusan.
Sinabi ng Panginoon, “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42). Pero paano kung ang ating alaala ng mga kasalanan natin ay bumabagabag sa atin? Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin upang hindi na natin maulit pa ang gayunding pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong totoo at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay unti-unting malilimutan sa paglipas ng panahon. Bahagi ito ng kinakailangang proseso ng pagpapagaling at pagpapadalisay” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik” Liahona, Mayo 2007, 101).
Kapag tayo ay tunay na nagsisi at nagtuon sa pagsunod sa Tagapagligtas, makakasama natin ang Espiritu Santo at magkakaroon tayo ng inspirasyon na mahalin at paglingkuran ang iba. Ang tibo ng kahihiyan ay mapapalitan ng pasasalamat at pag-asa. At luluwalhatiin natin ang Diyos sa Kanyang kabaitan, pag-ibig, at awa.