Pagtuturo sa mga Tinedyer at Batang Musmos
10 Mungkahi para sa Pagtuturo ng Pagsisisi
Ang pagsisisi kung minsan ay parang nakakatakot o nakakalito sa mga bata at tinedyer. Narito ang ilang mga mungkahi para sa pagtuturo ng pagsisisi sa mapagmahal at nagbibigay-kakayahang paraan.
-
Gawin itong simple. Maituturo ninyo sa inyong mga anak na “kapag nagkakasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos,” pero “kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.”1 Makakabaling tayong muli sa Diyos sa pag-amin sa ating mga pagkakamali, pagtatama ng mga bagay-bagay, at pagsisikap na magpakabuti.
-
Magtuon sa positibo. Anuman ang mangyari, “ang pagsisisi ay palaging positibo.”2 Hindi ito parusa sa masamang pag-uugali; pagkakataon ito upang muling sikaping mas mapalapit sa Diyos. Hikayatin ang inyong mga anak na isipin kung ano ang ginagawa nilang tama at paano sila makagagawa ng mas marami niyon.
-
Bigyang-diin ang magagawa nila araw-araw. Ang pagsisisi ay para sa maliliit na kasalanan at maging sa malalaki. Ang ibig sabihin ng araw-araw na pagsisisi ay madalas na pagtutuwid, gaya ng isang barkong may sinusundan na direksyon. Tulungan ang inyong mga anak na makilala ang maliliit na paraan na mapagbubuti nila bawat araw.
-
Unawain ang mga pagkakamali. Ipaunawa sa inyong mga anak na ang mga pagkakamali ay maaaring maging bahagi ng pagkatuto. Hayaang harapin nila ang mga bunga ng kanilang mga pagpapasiya at tulungan silang tuklasin kung paano itatamang muli ang mga bagay-bagay. Turuan silang humingi ng tulong sa Diyos.
-
Maging isang halimbawa. Umamin kapag nagkakamali kayo. Magpakumbaba nang sapat para humingi ng tawad sa at sa harap ng inyong mga anak. Ipakita sa kanila kung paano kayo nagsisikap na mas mapagbuti ang mga bagay-bagay, at ibahagi ang inyong patotoo kung paano kayo natulungan ng Tagapagligtas na magbago.
-
Iakma ito sa sarili ninyo. Habang itinuturo ninyo sa inyong mga anak ang mga alituntunin ng pagsisisi,3 dapat ninyong mabatid na ang proseso ng pagsisisi ay hindi palaging magkakapareho para sa bawat tao. Hindi ito isang listahan ng mga gagawin; ito ay isang tuluy-tuloy na proseso ng pag-unlad. Tungkol ito sa mga naisin ng ating puso at kung paano natin sinisikap na iayon ang ating sarili sa Tagapagligtas. Malalaman natin na lubos tayong nakapagsisi kapag nakadama tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kapatawaran.
-
Tingnan ito nang may walang-hanggang pananaw. Madali kayong panghihinaan ng loob kapag paulit-ulit ang inyong mga maling pagpapasiya. Ituro sa inyong mga anak na basta’t palagi silang nagsisisi, palagi silang patatawarin ng Diyos (tingnan sa Moroni 6:8). Ipaliwanag na ang talagang mahalaga ay nagsisikap sila. Sa pagsisikap nating iwaksi ang ating likas na pagkatao (tingnan sa Mosias 3:19), nagiging mas katulad tayo ng Diyos.
-
Kilalanin kung ano ang kasalanan at ano ang kahihiyan. Ang “kalumbayang mula sa Dios” ay kailangan sa pagsisisi (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:9–10). Ngunit kung nadarama ng inyong anak na hindi siya karapat-dapat o nawawalan siya ng pag-asa kahit pagkatapos magsisi, maaaring kahihiyan ang dahilan.4 Ipaalala sa kanila na mahal sila palagi ng Ama sa Langit at na “kung nagkasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga!”5 Kung kailangan, isiping kausapin ang inyong bishop o isang professional counselor.
-
Unawain ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ituro sa inyong mga anak na si Jesucristo ay nagbayad-sala hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para sa lahat ng ating pagdurusa (tingnan sa Alma 7:11–12). Tiyakin sa inyong mga anak na “hindi [sila] sisisihin sa masamang pag-uugali ng iba.”6 Ang mga biktima ng pang-aabuso ay lubos na inosente; tulungan silang bumaling sa Tagapagligtas para sa kapayapaan at paggaling.
-
Patuloy na magtuon sa Tagapagligtas. Ituro sa inyong mga anak na nauunawaan ng Tagapagligtas ang pinagdaraanan nila at matutulungan silang paglabanan ito. Patotohanan Siya nang madalas sa inyong tahanan. Hikayatin ang inyong mga anak na magdasal, maglingkod, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at gumawa ng iba pang mga bagay na tutulong sa kanila na higit Siyang makilala para likas silang humingi ng tulong sa Kanya na madaig ang kanilang mga kahinaan.