Ang Iyong Karanasan sa MTC
Gusto mo bang magkaroon ng isang kamangha-manghang misyon? Ang missionary training center ang magtuturo sa iyo kung paano.
Kunwari ay natanggap mo na rin sa wakas ngayon ang iyong mission call. Kalakip ng iyong assignment ang isang tukoy na lugar, wika sa misyon, at petsa ng pagsisimula. At sa petsang iyon, ikaw ay malamang na magrereport sa isa sa 13 na mga missionary training center (MTC) sa buong mundo.
Ano kaya ang mararanasan mo sa MTC? Alamin natin.
Ang Unang Araw Mo
Maliban na lang kung malapit ang tinitirhan mo sa MTC para maihatid ka dito, ang Simbahan ang gagawa ng pagsasaayos ng iyong paglalakbay.
Sa MTC sa Provo, Utah, USA, papipilahin ka sa parking area ng mga missionary at mga tauhan sa MTC para makapagpaalam ka sa iyong pamilya, makilala ang iyong mga host missionary, at pagkatapos ay makapag-check in. Ang mga host missionary–mga missionary na ilang linggo na sa MTC–ang magiging mga gabay sa iyong pagdating. Sinisiguro nila na madadala ang mga bag mo sa titirhan mo habang tinatanggap mo ang iyong name tag at hinahanap ang iyong classroom.
“Napakabait ng lahat. Ka-district mo man sila o kahit sino pa man na makikilala mong missionary, lahat ay handang tumulong sa iyo,” sabi ni Sister Hanks, isa sa siyam na missionary na ininterbyu namin sa Provo MTC na nag-aaral ng Mandarin Chinese. Ang mga missionary mula sa kanyang district ay maglilingkod sa Taiwan, Canada, at California, USA.
Sinabi ni Sister Prestwich, “Ito ang pinakaastig sa lahat, ang malaman na nandito ka na sa wakas at nagagawa mo na ang napakagandang bagay na ito na alam mong hiniling sa iyo na gawin.”
Ang Unang Klase Mo
Kapag pumasok ka sa MTC, agad na nagsisimula ang pag-aaral. Sa unang araw mo, papasok ka sa silid-aralan at magsisimulang mag-aral at magsanay kung paano magturo ng ebanghelyo.
Sinabi ni Sister Singleton, “Pumasok kami ng aming silid-aralan at lahat ng mga mas naunang missionary ay nagsasalita ng Chinese at lahat ng titser namin ay nagsasalita ng Chinese.”
Sabi ni Elder Adams, “Lilipas muna ang ilang panahon, pero kapag nakuha mo na ito, kung paano ang epektibong pag-aaral, matututo ka nang sobrang bilis. Isa itong patuloy na paglago habang natututo ka.”
Ang kurikulum ng pagsasanay ay parehong-pareho sa lahat ng mga MTC. Sa mas maliliit na MTC, ikaw ay maiinterbyu, matuturuan, at madalas na makakasalamuha ng pangulo ng MTC at ng kanyang asawa. Kapag nagsalita sa isang debosyonal ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Provo MTC, ibinobroadcast ito sa iba pang mga MTC.
Ang Bagong Branch Mo
Sa mas malalaking MTC, ang mga missionary ay itinatakda sa isang branch na mayroong branch presidency (mga lokal na mayhawak ng Melchizedek Priesthood na tinawag na maglingkod sa MTC). Nagpupulong sila ng kanilang branch sa isang sacrament meeting tuwing Linggo. Sa mas maliliit na MTC, ang mga missionary ay nagpupulong sa ilalim ng pamumuno ng panguluhan ng MTC.
Sa mas malalaking MTC, ang bawat missionary ay itinatakda sa isang zone na binubuo ng ilang district. Katulad ito ng organisasyong mararanasan ng mga missionary kapag nasa mission field na sila. Sa MTC, ang mga district ay maaaring mayroon lamang dalawang companionship, o maaaring mayroong apat o anim. Ang mga zone ay maaaring mayroong dalawang district o kalahating dosena nito. Tumutulong ang organisasyong ito sa pagsasanay at pag-aaral. Nagbibigay rin ng payo at suporta ang mga panguluhan ng MTC at branch kasama ng kanilang mga asawa sa mga missionary habang nag-aadjust sila sa buhay-missionary.
Ang Iyong Lingguhang Gawain
Ang mga missionary ay natutulog sa mga kuwarto na kasama ang kanilang mga kompanyon at iba pang mga missionary—kadalasan ay apat sa isang kuwarto. Araw-araw, may oras sila ng pag-eehersisyo (maliban kung Linggo), pagpaplano, at pagkain. Marami silang oras na ginugugol sa silid-aralan, kung saan sila sinasanay sa doktrina ng ebanghelyo, wika (kung kinakailangan), at kung paano makahanap ng mga taong tuturuan, paano magturo sa pamamagitan ng Espiritu, at kung paano magplano ng kanilang oras. Ang pagsasanay na ito ang pangunahing layunin ng MTC—upang linangin ang iyong pagkaunawa sa ebanghelyo at matutuhan kung paano mabisang maibabahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba. Ang mga titser mo ay mga returned missionary na nalalaman kung paano ka tutulungan na magkaroon ng mga kasanayan ng isang missionary na kailangan mong taglayin. Maraming ipinapagawa sa pang-araw-araw na iskedyul ngunit kapaki-pakinabang ang mga ito.
Sinabi ni Elder Jackson, “Bago ako dumating dito, akala ko ay magiging mahirap ito, na magiging medyo miserable ako. Pero napakasayang karanasan nito. Talagang kasiya-siya ito. Nagkakasayahan kami habang nagtatrabaho nang husto.”
Ang mga missionary ay mayroon ding pagkakataong maglingkod at isang preparation day o araw para maghanda. Ito ang araw para maglaba, maglinis ng mga kuwarto, at sumulat sa pamilya. Ito rin ang panahon para bumisita ang mga missionary sa templo.
Tuwing Linggo, nagsisimba ang mga missionary kasama ng iba pang missionary. Maaaring anyayahan silang magsalita sa isang sacrament meeting o magturo sa priesthood o Relief Society meeting. Ang mga Elder ang nagbabasbas at nagpapasa ng sakramento. Bukod pa sa regular na mga miting sa Simbahan, ang mga missionary ay nakikilahok rin sa mga district meeting, iniinterbyu ng panguluhan ng branch o MTC, nanonood ng mga video ng Simbahan, nakikipag-usap sa kanilang kompanyon, at nag-aaral nang personal. Ang mga missionary na itinakda na maglingkod bilang mga zone leader, district leader, at sister training leader ay mayroon ding pagsasanay sa pamumuno tuwing Linggo.
Kahit na ang pang-araw-araw na iskedyul ng mga missionary ay nakatakda na, mayroon din naman silang oras na gawin ang ibang bagay na nais nila. Sinabi ni Sister Hanks na para sa kanya ay pananagutan niyang gugulin nang tama ang kanyang oras: “Ikaw ang mamimili kung paano mo gugugulin ang oras mo. Nasa sa iyo kung paano mo gagamitin ang oras ng Diyos.”
Ang Una Mong Kompanyon
Maaaring mahirap mag-adjust sa buhay-missionary—pangungulila sa pamilya, pagkain ng kakaibang pagkain, pagkakaroon ng mahirap na karanasan sa pag-aaral. Isang napakagandang babasahin ang inilathala ng Simbahan na Pag-adjust sa Buhay-Missionary, na makukuha bilang isang buklet, sa LDS.org, o sa Gospel Library app.
Isa sa pinakamalalaking adjustment sa buhay-missionary ay ang pagkakaroon ng kompanyon sa lahat ng oras. Siya ay maaaring galing sa ibang bansa, nagsasalita ng ibang wika, o mayroong ibang pananaw sa paggawa ninyong dalawa ng gawaing misyonero. Kailangang matutuhan ng mga missionary na maging komportable na makasama ang isang tao. At kailangan nilang matutuhan kung paano magturo nang magkasama. Naalala ni Elder Juilfs, “Nagkaroon kami ng isang lesson na hindi maayos. Magkaiba ang aming mga ideya at kinontra namin ang isa’t isa. Pero natutuhan namin kung gaano kahalaga na magturo bilang magkompanyon at hayaan lang na dumaloy ang mga ideya.”
Paano ginagawa ang ganoong klase ng pagbabago? Nang may pagmamahal, pagpapakumbaba, at komunikasyon. Paliwanag pa ni Elder Lee, “Mayroong mga companionship inventory kung saan ay naglalaan kayo ng oras para rebyuhin ang araw o linggo para maunawaan ang iyong kompanyon, kung paano niya gagawin ang mga bagay, at ihanda ang iyong sarili para matulungan siya at para pareho kayong umunlad.”
Habang sinisikap mong paglingkuran at pakitaan ng kabutihan ang iyong kompanyon, matututuhan mo rin ang kapangyarihan ng pagkakaisa. Sabi ni Elder Shaw, “Kailangan mong kalimutan nang kaunti ang iyong sarili, at pagtuunan ang pagsasamahan ninyo ng iyong kompanyon nang nagkakaisa. Kapag nakamit ninyo ang pagkakaisa na iyon, napakabisa nito, at talagang kamangha-mangha.”
Maaari Kang Mangulila sa Inyong Tahanan
Bilang bagong missionary sa MTC, maaaring maging hamon ang hirap ng gawain at ang pagiging malayo sa pamilya. Sabi ni Sister Saliva, “Normal lang na mangulila sa mga unang araw. Pero magiging mas maayos ang lahat dahil napapanatag namin ang isa’t isa, at pinapanatag kami ng aming mga lider. Nakatutulong sa akin ang pagtutuon sa pag-aaral. Nangungulila pa rin ako sa pamilya ko, pero nakatuon ako sa paggawa ng trabahong ito.”
Normal lamang na mahirapan, at normal na makadama ng mga saya at lungkot. Sabi ni Elder Juilfs, “May mga pagkakataon na magiging napakasaya mo, at kung minsan naman ay malulungkot ka. Pero kailangan mo lang alalahanin: ‘Hindi ko ito pinag-aaralan para sa sarili ko; pinag-aaralan ko ito para sa mga tuturuan ko. Basta’t ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya, darating din iyon.’”
Pero mayroong isang malaking sistema ng pagsuporta, na kinabibilangan ng mga trainer, lider, at ng iyong kompanyon. Sabi ni Sister Singleton, “Isang beses ay talagang pinanghinaan ako ng loob sa isang lesson, at nagpatung-patong na ang mga bagay-bagay. Pero kinausap ko ang kompanyon ko, at naglakad-lakad kami. Iyon ang nakatulong sa akin—ang makipag-usap tungkol dito, at ang umiyak nang kaunti. Ang pagtutuon sa gawain at pagkakaroon ng positibong pananaw—malaking tulong ang mga iyon.”
Aalis Kang Nakahanda
Ano man ang iyong personal na kalagayan, kung pupunta ka sa MTC nang may bukas na puso at handang matuto, nagtitiwalang palalakasin ka ng Panginoon, ang MTC ay magiging isang mabisang lugar ng pagsasanay para sa iyong paglilingkod bilang isang missionary. Ang iyong patotoo ay palalakasin, matututuhan mong makipag-ugnayan at mahalin ang mga taong tinuturuan mo at ang mga kasama mong naglilingkod, at matututuhan mo ang wika ng Espiritu. Lalalim din ang iyong pang-unawa sa ebanghelyo at matututuhan na ituro ito nang mas mabisa at kung paano mag-adjust sa iba’t ibang sitwasyon at hamon. Kapag dumating ang panahong aalis ka na para sa iyong misyon, magkakaroon ka ng mas malaking tiwala sa iyong sarili at sa Panginoon.